Marami akong frustrations.
*
Nitong nakaraang linggo, kinukulit ako ng ideya na magsulat ng prosa. Tulang prosa. Maikling kuwento. Nobela. Nabanggit ko kay Jack ang ideya. Tinawanan lang ako ng gago. "Di nga?" sagot ni loko. Pero alam ko, nagulat siya. Maski ako, nagulat din sa ideya. Hassle.
Gusto ko talagang magkuwento. Pramis. Marami-rami na rin akong nabasang kuwento, nobela. Naiinspira. Naiinggit. May nakikita akong kinang sa daliri ko kapag nakababasa ako ng magaganda at mahuhusay na prosa. Nag-aalab ang mga kagustuhan. Di ko nga lang maihubog sa kongkretong outlet.
Pero, aywan lang, baka sa puwit lang ng baso galing ang kinang na iyon. Aywan lang.
*
Siguro, masama nga ang mainggit.
Si Mark S., kumupit ng espasyo sa Liwayway. Hindi ako naiinggit. Natuwa nga ako e. Gusto ko ang panulat niya, at oo, mahusay nga talaga. Doon din naman ang punta niya. Katanyagan.
Pero may naramdaman akong mainit na di ko maipaliwanag sa mga kamay ko nang mabalitaan ko, nang i-text ni Mark S. ang balita. Tangina, kung anuman 'yon, di ko din maipaliwanag. Hassle.
*
Kailangan ko ng pera. Hindi ko na kailangan sabihin kung bakit, lahat naman tayo nangangailangan nito. Di ko kailangang ipaliwanag pa. Pero, mababaw ang balon ko ng dahilan para maghangad ng salapi. May mas nangangailangan, mas mahalaga kaysa sa mga bagay/plano na ibinabagay at ipinaplano ko. Reyalidad. Sampal.
Masarap maging guro. Sobra. Pero, tangina, nakakainis din.
Di ko na rin kailangang ipaliwanag ang huli kong tinuran. Aywan lang.
*
Marami akong frustrations.
Gusto kong magpinta. Magdrowing. Gusto kong maglakbay. Gusto kong magbasa lang buong araw. Gusto kong matulog nang lagpas walong oras.
Gusto kong kayakap lagi si G. Gusto kong hawak ko lang ang kamay niya. Gusto kong manatili ang lahat nang kung ano ito ngayon. Ang sa aming dalawa. Tawa. Ngiti. Init. Lamig. Perpekto.
Gusto kong pagsabay-sabayin ang lahat.
Gusto kong umakyat ng bundok. Gusto kong maglingkod. Gusto ko uling mag-rally. Gusto kong maggitara sa harap ng nagtataas kamaong madla. Gusto kong makadaupang palad ang mga magsasaka at manggagawa. Gusto kong magkulong sa City Jail. Gusto kong pumunta sa Hacienda Luisita.
Gusto kong pasayahin sina Nanay at Tatay. 'Yung pangarap nila na makita akong maunlad. Pero, badtrip kasi, iba talaga ang konsepto ng pag-unlad sa isang trad na mga magulang. Anyway, mahal na mahal ko sila.
Gusto kong pagsabay-sabayin ang lahat. Pero, ganid naman ako kapag pinairal ko ito. Wala sa hubog.
Marami pa akong frustrations na hanggang sa abstraktong pagtingin ko lang nagagawa.
Napakarami.
*
Siguro, itutula ko na lang muna. Mahaba ang bukas. Huwag lang akong mapag-tripan.
Ayos lang ako sa masaker ng mga kritiko. Saksakin nila ako. Hindi ako papalag.
Literatura ba kamo? Panitikan?
Madugo. Gusto kong magdugo.
*
Nga pala, satisfied na ako sa buhay ko. Frustrated as ever nga lang. Kongreto. Mabagsik.
"Ang Tula, tulad ng tinapay, ay para sa lahat." --Roque Dalton, salin ni Rogelio Ordoñez
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Katha. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Katha. Ipakita ang lahat ng mga post
Linggo, Enero 29, 2012
Sabado, Agosto 20, 2011
Revised Na "Eksena"
I.
Ikuwento ko lang, ha.
May matalik na kaibigan ang lumapit sa akin. Isang kaibigang naghahanap ng makakausap sa kaniyang pinagdadaanan sa kasalukuyan. At ano pa bang aasahan nating problema n'ya?
Pera? Hindi, stable ang tao at hindi rin maluho, hindi gipit at sa usaping tropa, maayos magluwal sa alak: saktuhan lang, kaya hindi nasisimutan.
Family problem? Hindi rin. Tanggap na niya ang itinakbo ng mahusay nilang pamilya. Isa na lang ang nag-aaral sa kanilang apat na magkakapatid. Pangatlo siya, bunso nila ang kasalukuyang nagsusunog ng kilay. Lahat silang magkakapatid, may matitinong trabaho. Bagama't sa lahat ng kaayusang ito, hiwalay na ang Nanay nila't Tatay. Pero okay na rin, malalaki na sila nang mangyari ang hiwalayan.
God? Hindi. Dating naglilingkod sa simbahan ang kaibigan kong ito. Palasimba rin, hindi tulad kong once a year lang yata kung makakita ng hostiya, sapilitan pa.
So, hindi pera, hindi pamilya, hindi relihiyon. E ano? Pag-ibig? Babae? Pag-ibig at babae?
Tama!
Pag-ibig. No more, no less.
At babae, siyempre kasama 'yon. Hindi naman kasi kabilang sa pederasyon ang "nang-iipit" kong tropa.
II.
Ang eksena, ganito:
Galing siya, ang aking kaibigan, sa isang relasyong pinalabo ng pagkakataon. Sa mabilisang pagtataya, ilang buwan na rin siyang hiwalay sa kanyang Sintang Marilag na nahumaling sa ibang lalaki, na katrabaho nito. Iyak-tawa ang aking tropa. Magtatatlong taon silang nagsumpaan ng pagmamahal. Na walang sasabit sa puso ng ibang tao. Nagplano ng pamilya. Nangarap nang mataas. Pero, katulad ng lahat ng maliligayang sandali, Pak!, naglaho sa hangin ang tamis at kislap ng pagsuyo.
Babae ang may kasalanan, sabi ng tropa ko sa akin. Babae ang nakipaghiwalay. Searching for greener pastures. It's not you, it's me, 'ika nga. Destiny prevails. “Putanginang destiny 'yan!”, komentaryo ng isa pa naming kaibigan na marahil naka-relate sa sitwasyon.
So, the usual process, in denial muna sa umpisa. Hanggang maging anger. Hatred. Suicidal? Hindi naman. At sa lahat ng prosesong 'yan, alak, kuwentuhan at iyak ang naging panlaban niya.
Flashforward.
Naging okay siya eventually. Pero siyempre, dala pa rin niya ang gunita at kirot sa nagdaang delubyo, kaya naging biruan na namin na abangan ang kaniyang madramang paglalahad ng kanilang masasayang sandali sa tuwinang magkaharap-harap kami't sinasapian ng alak. Ilalabas niya ang kaniyang pinakatatagong paraphernalias-nang-naglahong-pangarap: ang mga love letters ni Sintang Marilag sa kanya, ilang regalo nito sa kanya at kung anu-ano pa.
Sa bawat ganitong eksena, makikinig kami. Kaming tatlo niyang tropa: si Loyalfaithful, si Robin at ako. May isa pa kaming tropa, na bihira naming nakakasama dahil abala ito sa kaniyang negosyong pagtitiktik-kalawang at pagsasaydlayn bilang barker.
Makikinig lamang kami. Seryosong pakikinig. At kapag tapos na siya, saka kami babanat nang matindi. Iyong tipong uuwi kang pinatay ng kabag kakatawa. At malilimutan ng kaibigan kong ito, pansamantala, na wala na pala siyang Sintang Marilag. Isa sa naging kabag-making event namin ang pagpi-fliptop ng freeverse, with participation ng kalapati at hamsters.
Flashforward.
Naging okay na siya sa lost love niya kahit papaano. Nasa proseso na siya ng moving-on. Unti-unti, nakasusulong siya. Taas-noo at nang may ngiti sa labi. Nahahawi na niya ang mga multo ng alaalang hirap niyang hawiin, bagama't minsan, parang regla ng babae, dinadalaw siya ng multo na 'yon. Natatakot siya. Iiiyak. O kung minsan, gagawa ng kung anu-ano na makapagpapa-alis sa multo. Halimbawa ang pagha-hire ng Shaman: ako o ang tropa. O minsan, tatambay sa mall at tatambay sa mall o sa mall tatambay.
Nasa ganitong yugto na siya nang humirit ang pagkakataon. Isang dating kaklase ang muling nagbalik. Isang pagkakataong once in a crescent blue moon kung mangyari. Nag-metamorphosis itong dati naming kaklase, naghibernate rin. From a usual girl to very sensual-unsual-nakabubuwal na girl. Nagkakonekta silang muli gamit ang isang Social Networking site na papangalanan nating Fatebook.
At muling nag-spark ang mata ng kaibigan kong ito.
Sa pagtakbo ng kuwento, nauwi sa isang get-together ng mga dating magkaka-klasmeyt at nagkalayong magkakaibigan ang eksena. Naroon si Unusual Girl, ang aming tropa at iba pang supporting casts. Dito mag-uumpisa ang Unusual na problema ng kaibigan kong heart-broken.
Sa get-together na iyon, siyempre may kuwentuhan, inuman, kainan at kung anu-ano pang tipikal na ginagawa sa isang tawagin na nating maliit na reunion. Dito na dumiskarte ang tropa ko. Asikaso ang Unusual Girl na, kalaunan, naging prospect niya. Na kalaunan ay nakapalagayan niya ng loob. Na kalaunan ay kahuhulugan niya ng loob. Na kalaunan ay "babasagan niya ng pangnguya".
Si Unusual Girl nga pala ay isang mabait at magandang babae. Matimyas ang boses na parang anghel. Nangungusap ang mga mata. Matamis ang ngiti. Kaklase namin siya noong hayskul, at marami rin ang talagang nanligaw sa kanya. Pero ngayon, iba ang dating niya at talagang di ka mangingiming magdilat ng mata at mapatitig kapag nakikita mo siya. Kaya nga't nahulog ang kaibigan ko sa bangin ng babaing ito. Na hindi niya alam ay magbibigay sa kaniya ng sakit ng ulo at damdamin.
Lumabas silang dalawa kinabukasan matapos ang maliit na gathering. Nanood ng sine. Kumain. Sa pagkakataong ito, nakalimutan na ng kaibigan ko ang kaniyang Sintang Marilag, at nahulog na nga kay UG. At sa mapaglarong sandali ng kanilang iglap na pagsasama, akalain mong may naging malinaw silang usapan na magtulungan sa proseso ng pagbabalik-puso o ang Oplan-Return.
Ganito ang magiging takbo: Si UG ay tutulungan ang kaibigan ko na pabalikin ang kaniyang Sintang Marilag. Magiging magkarelasyon sila. Hindi alam ng ibang tao. Silang dalawa lamang. Magpapanggap na magkasintahan. Hihintayin ang response ni Sintang Marilag. Sa ganitong paraan daw, sang-ayon kay Unusual Girl, babalik ang Sintang Marilag ng aking kaibigan.
Nguni't sa naging takbo ng kuwento, nakakalimutan na ng kaibigan ko si SM at kay UG na siya nahuhulog. Ito na ang kaniyang delubyo.
Magulo palang kausap itong si UG. Biglang back-out sa Oplan-Return na pinagplanuhan nila. Na kesyo gagamitin lang daw niya ang kaibigan ko. Na baka masaktan lang ang kaibigan ko sa huli. Na huwag mahuhulog ang kaibigan ko sa kaniya. Na hindi siya ang nararapat sa kaibigan ko at maghanap na lang siya ng iba. Na magiging panakip butas lamang daw siya. Na they are made to be BFF. Na...
Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude!
E itong kaibigan ko'y kinubabawan yata ng Deux Ex Machina, na mahulog ka'y Unusual Girl. Na si Sintang Marilag ay hahayaan na niya. Na handa na siya sa panibagong hamon. Na bukas na ang kanyang puso sa muling pagtibok. Na si UG ay kanya nang kinahuhulugan at kababagsakan. Na handa na siyang magluwal ng panahon upang mahalin nito. Na kesyo umpisa na ito ng bagong buhay, 'ika niya. Na wala nang urungan. Na si Sintang Marilag ay di na babalik. Na...
Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude!
“Ang gulo!” sabi nga ni Robin. At sabi naman ni Loyalfaithful, sulutero daw ang kaibigan kong ito na namumoroblema dahil nga raw e "crush" ko rin si Unusual Girl, na dapat ay ako nga raw ang marapat dumiskarte sa kaniya kasi nga’t parehas kami ng tinungong propesyon: ang propesyon ng pagiging guro. Iba rin talaga mag-isip ang mga kaibigan. “Imba!” ‘ika nga si Loyalfaithful. Si Robin naman, forecaster. Isang pambihirang forecaster. Na-forecast niya ang mga eksenang ito, isang Nostradamus ng ating henerasyon! Na...
Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude!
III.
Oo, sige "crush" ko nga si UG, pero 'yun lang 'yon. At sa naging takbo ng kuwento, ayaw ko nang gumalaw mula doon. Ayaw ko na silang guluhin. Bahala na si kaibigan kong problemado. Basta kami: si Loyalfaithful, ako at si Robin ay suportado siya. Tutulungan. Aalalayan. Hindi iiwanan. Dahil makikinabang din kami: halimbawang magkatuluyan sa isang wagas na relasyon si Unusual Girl at ang kaibigan kong problemado, aba, engrandeng inuman ‘yan at kung tumimbuwang ang kanilang on-going process at bumagsak sa kawalan, aba, engrandeng inuman din 'yan. O di ba?
Pero, wagas talaga kaming magkakasundo na suportahan ang laban ng aming kaibigang problemado. Promise. (Promises are made to be broken.)
IV.
Napakagulo ng pag-ibig. Hindi siya basta-basta. Nakamamatay. Nakababaliw. Kaya nga't di totoo ang komersyal ng Nestle sa pagdiriwang nila ng kanilang ika-sandaang anibersaryo bilang taga-bandera ng Good Food, Good Life slogan. Walang ganoon. Isang perfect love? Buwisit na Nestle 'yan, pinaglololoko ang mamamayan.
Anyway, ang kaibigan ko palang problemado ay hindi mapagkatulog. Naguguluhan. Naguguluhan nang napakagulo. Pag-ibig? Sweet and bitter put them together and that's what you call, Pag-ibig.
V.
At isa pa pala, sinabi ni Unusual Girl na ang kaibigan kong problemado ang kaniyang "ideal guy".
Ideyal. Parang Utopia. Parang Nirvana. Parang Fountain of Youth.
Napakaraming eksena ang dumaan, gumulong at umusad. Pero sa huli, walang tinungo ang mga eksena. “Cut!” sabi ng direktor, ng Supreme Being beyond there. Madugong naglunsad ng digmaan ang aking problemadong kaibigan matapos makapaglimi.
Flirt si Unusual Girl. Kumakarengkeng kung ilalapat sa balbal na usapan. Hindi ako makapaniwala na sa maamo niyang mukha ay nagtatago ang malupit na katotohanang naglalaro tayo sa salimuot ng mundo. Gusto kong batukan ang tropa ko. Gusto kong sabihing, “Gago ka, makikipagiyera ka e sugatan ka pa nga sa katatapos mong digma. Asshole ka, Brad!”
VI.
“Only time will tell, if wishing wells can bring us anything.” sabi ng Gin Blossoms.
Naniniwala ako. May hilom sa oras, sa panahon. Ura-urada kasi itong hinayupak kong tropa. Malandi din kasi.
Matutong maghintay. Masalimuot talaga ang Pag-ibig.
Alam mo ba ang huling eksena? Naglalandi na rin sa iba ang tropa kong magulo at problemado at si UG ay ganoon din sa kabilang dako.
Hindi sila nagtagpo.
Magulo di ba?
Ikuwento ko na lang, ha.
Sabado, Hulyo 23, 2011
Bulong Sa Kawalan
ITO ang pinakahihintay ni Linda. Maya-maya’y darating na ang asawa niya. At alam niya na ito’y lasing na naman, at siya, siya’y makararanas na naman ng mga sapak, tadyak at sampal. Ngunit handa na siya. Matagal na niyang napagdesisyunan ang lahat.
“Tangina! Ano ba’ng pinaggagawa mo?” sigaw ni Berto. “Umiiyak y’ong anak mo, ikaw e nar’yan sa kubeta’t naglalaba! Asikasuhin mo nga ‘yang tarantadong anak mo, ang ingay.”
Anak ko? Hindi mo ba anak ‘yan? Anak natin Berto, anak natin! Iyon ang gusto niyang isigaw, ngunit pinangungunahan siya ng takot, ng kaba sa asawa. Ayaw na niya ng mga suntok, ng mga tadyak at mga sampal at mga sigaw. Gusto niya ang dati. Ang dating si Berto na nakilala niya. Mabait. Maaruga. Mapagmahal.
“‘Intay lang Noy, and’yan na si Nanay.”
Iyon ang mga salitang nabanggit niya. Hindi niya nais pa ang makipagtalo sa asawa. Alam niya ang dahilan sa pagbabago nito.
“Linda, umayos ka ha. Istorbo ‘yang anak mo. Nakakahiya sa kapitbahay,” wika ni Berto habang inaayos ang unan na hihigan.
“Oo, Berto. Sige, magpahinga ka na.”
Hinele-hele niya si Noy. Ilang sandali lamang ay nakatulog na ito.
Tulog na rin ang kaniyang asawa.
SI Noy. Siya ang kaisa-isang anak ni Linda. Ang anak na bunga ng pagmamahalan nila Berto. Ang anak na matagal nilang hiniling. Kunsaan-saan sila namanata, sumayaw, para sa pinakamimithing anak. Napadpad sila sa mahihiwagang bundok, sa mga nagmimilagrong puno, sa mga sugo umano ng Maykapal. Naghintay sila. Nagtiyaga. Naghintay at nagtiyaga.
“Berto, sana naman e dinggin na tayo sa taas. Andami na nating pinuntahan. Natatakot ako na baka wala talaga,” minsang sambit ni Linda habang magkatabi silang nagkukuwentuhan sa kanilang papag.
“‘Wag kang matakot Linda. Magtiyaga lang tayo,” sagot ni Berto.
“Pa’no kung hindi na nga talaga? Paano–”
“Anung pa’no? Basta manalig lang tayo. Di ba nga e maraming nagsabi na kapag sumayaw sa Obando e walang palya ‘yon? O’ tayo ‘di lang sa Obando, sa Manaog pa, sa marami pang iba. Sa Quiapo. Mabait daw ang Nazareno. Kaya ‘wag ka’ng matatakot, magkakaanak tayo.”
Hindi na nakasagot si Linda. Tama ang kaniyang asawa. Darating din ang tamang panahon. Ang tamang pagkakataon.
At iyon nga. Lumipas ang dalawang taon ng paghihintay, pagtitiyaga at pananalig, sa wakas ay dininig din sila ng Maykapal. Nagpasalamat sila, binalikan ang lahat ng lugar at tao na, ayon sa kanila, ay nakatulong sa kanilang pagsisikap at pananalig na magkaroon ng pinakamimithing anak.
“Magkakaanak na tayo Linda,” masayang wika ni Berto.
“Oo, Berto, sa wakas,” sagot ni Linda, kasabay ang pagguhit ng ngiti sa labi nito.
Matapos ang ilang buwan–siyam na buwan–handa na si Linda sa pagsusupling. Pinaghandaan niya ito. Ito ang pinaka-mahalagang araw para sa kanilang mag-asawa. Ang araw na iluluwal ang kanilang si Emmanuel.
“Ano’ng ipapangalan natin sa kanya, Berto?” sambit niya habang hinihimas-himas ang bilugan nang tiyan. “Sabi nung duktor no’ng nakaraang ultrasound e lalaki raw. Ano kayang magandang pangalan, ha, Berto?”
“Emmanuel. Emmanuel, Linda. Emmanuel!” masayang tugon ni Berto.
“Emmanuel? Emmanuel? tama, iyon na lang Berto. Magandang pangalan.”
“Oo, iyon ang nais ko Linda. Nabasa ko kasi minsan na’ng ibig sab’hin niyon e… tagapagligtas. Ang Tagapagligtas. S’ya ang magliligtas sa’tin Linda. Magliligtas sa’tin sa kalungkutan, sa pagnanais sa isang anak. Si Emmanuel.”
Pebrero 26. Ikatlo ng madaling araw. Martes. Ang araw na magigisnan ng isang Emmanuel ang liwanag. Ang araw na pinakahihintay ni Linda. Ang araw na magpapabago kay Berto.
MAGULO ang isip niya. Ayaw niya ang gagawin. Natatakot siya. Matagal nang may bumubulong sa kaniyang mga tainga. Isang bulong na hindi niya alam kung saan nanggagaling, o saan nagmumula. Isang bulong ng pang-uudyok.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Hindi ko kaya,” sagot ni Linda sa bulong.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Sino ka ba?”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Iwan mo ‘ko. Mahal ko si Berto. Alam ko’ng ‘di niya gusto’ng mga ginagawa niya sa’kin. Alam ko’ng magbabago siya. Tumigil ka na!”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Umiiyak na siya. Nagsusumamo na sana’y layuan na siya ng bulong na iyon.
Narinig niya ang pagbangon ni Noy. Nagising ito sa malalakas na salitang ibinabato niya sa hangin. Nilapitan niya ang anak, inalo.
“Pasensiya ka na anak, ha. May problema lang ang Nanay. Si Tatay? Parating na ‘yon. May pasalubong sa iyo.”
Nagsisinungaling siya. Alam niyang ni minsan ay hindi nag-uwi ng pasalubong si Berto para sa anak na si Noy.
Nakatanga lang si Noy. Nakatingin sa kaniya ang bilugan nitong mga mata.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa. Naririnig na naman niya ang bulong na iyon.
“Tumigil ka na!” sigaw niya.
Nagulat si Noy. Kumunot ang mukha, nagbabadyang ito’y iiyak.
“Hindi, anak. Hindi ikaw ‘yon. Tahan na, tahan na.”
Tok, tok, tok… tok, tok…
Napabaling si Linda sa pintuan.
“Li–Linda, aahhandito na ‘ko.”
Sandali siyang nag-isip. Hindi niya alam ang gagawin. Bubuksan pa ba niya ang pinto? Ayaw niyang gawin iyon. Natatakot siya. Nababahala.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Lalayas na lamang silang dalawa ni Noy. Ngunit saan sila pupunta? Wala siyang alam na mapipisanan. Wala siyang kamag-anak dito sa lungsod.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Linda! Aaano ba? ‘Di mo ba ako pagbubuksan ng piiiinto? Lindaaa!”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Sigaw pa lamang ng asawa’y nanginginig na ang laman niya.
Nararamdaman na niya ang mga suntok, ang mga tadyak, ang mga sampal. At iyo’y lumilikha ng galit sa kaniyang damdamin. Limang taon nang ganoon. Sipa, tadyak, suntok. Sampal, sipa, suntok. Napupoot siya sa bawat sandaling maalaala ang mga iyon. Limang taon nang ganoon. Mula nang matuklasan nila ang kalagayan ni Noy. Si Noy na kanilang pinakamimithi noon. Ang anak na matagal nilang hinintay. Hiniling.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Linda! Tangina, ang t-tagal mo’ng buksan ‘tong pinto a?”
Bag, blag, blag…blag, blag, bag…
“Li-lindaaahhh!”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Iniisip niya ang anak. Si Noy ang mas mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy. Nais niyang lumaki ito ng maayos at mabuti, sa kabila ng kalagayan nito.
Ngunit ang ama nito, si Berto, na dati’y mahal na mahal si Noy, ngayo’y ayaw na siyang makita. Isinusumpa si Noy. Ikinahihiya. Hindi ko ‘yan anak, Linda! Hindi! Nasaksaktan siya sa ganoong asta ng asawa. Bakit hindi niya matanggap? Bakit hindi niya maunawaan na iyo’y kanilang hiniling? Si Emmanuel, ang kanilang tagapagligtas! Bakit ikinakaila ni Berto?
Pilit niyang inuunawa ang asawa. Maiintindihan din niya, ang lagi niyang naibibigkas sa sarili. Ngunit hindi na lamang pagkakaila ang nagagawa ni Berto. Humahantong na sa muhi sa anak. Sinasaktan niya ito. Sinasaktan ni Berto ang kanilang tagapagligtas. Si Emmanuel, ang tagapagligtas, ay naging sumpa sa katauhan ni Berto. Ayaw ni Linda na nasasaktan ang anak. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy, ang kanyang tagapagligtas.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
…siya…ikaw…gawa…ikaw…ikaw…una…ikaw…
Bag, blag, blag…blag, blag, bag…
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
“Kapag hindi ako ang gumawa, siya ang gagawa,” naisaloob ni Linda.
Tama ang bulong, kailangan niyang kumilos. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
Tumayo siya upang pagbuksan ng pintuan ang asawa. Pinunasan niya ang luha sa pisngi at iniwan si Noy sa kanilang kuwarto.
“Dito ka lang anak, ha. May gagawin lang ang Nanay.”
Binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang namumungay na mata ng asawa, masamang nakatingin sa kaniya. Sinuntok siya nito. Tinamaan siya sa nguso. Napaatras siya.
“Ikaw Linda, ha. Ayaw kong g-ginagago mo ‘ko!”
Muli siyang sinuntok nito. Tinamaan siya sa dibdib. Tinadyakan. Hinawakan sa buhok at sinampal-sampal. Naamoy niya ang mabahong hininga ng asawa, pinaghalong suka at laway at alak.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
“‘Wag mo ‘kong g-ginagago ha!”
Sampal uli.
“Asan ‘yang anak mo ha? Ang tuod mong a-anak!”
Hindi siya sumagot. Itinulak niya ang asawa. Tumayo siya at tumakbo sa bandang kusina.
“Tatakbo ka pa, ha. Si-sige, dito muna ko sa a–”
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
Kinuha niya ang kutsilyo — malinis, matalim — at agad na bumalik sa asawa. Nakita niyang hawak nito si Noy, nakaambang sasakalin. Si Noy, nakatanga lang sa sariling ama, hindi alintana ang nangyayari. Hawak niya ang kutsilyo–malinis, matalim. Hawak niya nang mahigpit.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…
At sinaksak niya sa likod ang asawa. Madiin.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay
Napaigtad ito at bumagsak sa sahig, nabitawan si Noy na bumagsak naman sa papag.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay
Sinaksak pa niya itong muli. Nakapikit siya. Isinasama sa bawat saksak ang poot, ang pagkamuhi. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy, ang kanyang tagapagligtas.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay
Isa. Dalawa. Tatlo. Saksak. Isa. Dalawa. Saksak. Tila mga patak ng ulan na bumubuhos sa tigang na lupain ang mga saksak na iyon. Mabilis at nagsasayaw sa hangin.
“Lin–”
Napatigil siya sa salitang iyon. At binuksan niya ang kaniyang mga mata. Nasa harapan niya ang asawang nilalamon ng sariling dugo. Wakwak ang tiyan at nakanganga. Ang mga mata nito’y pinaglahuan ng diwa’t kaluluwa. Bumaling siya sa anak, kay Emmanuel. Nakatingin ito sa kaniya. Nakatanga. Walang kamuwang-muwang sa pangyayari.
At siya’y humagulgol. Humagulgol nang humagulgol hanggang sa ang kutsilyo — tigmak na ng dugo — ay muling nagsasayaw sa hangin.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)