Sa mga gabing 'di mapagkatulog, iniisip ko
kung paano kang magbalibalikwas sa iyong higaan.
Ang matimping pagbuka ng iyong kampanteng hita
na nakahalik sa maliliit na unan.
Iniiisip ko kung paano kang huminga. Ang uwang sa iyong tahimik na labi.
Ang pagtaas-baba ng iyong tiyan, na tinutuldukan ng maliit mong pusod,
parang pintig ng pulso, marahan at payapa.
Iniiisip ko ang paggalaw ng iyong mga balintataw
na nakahulma sa natiim mong mga talukap.
Sino nga kayang mapalad ang kaniig mo sa panaginip at pangarap?
Iniisip ko ang balangkas ng iyong kabuuuan. Sa puting kumot na nakalambong,
gumagapos sa iyong katawan. At kung paano sumilip patakas
ang iyong mamulang sakong at talampakan at ang malarosas mong mga kuko
sa manyikang mga paa.
Iniisip ko rin kung paano hinahaplos ng malambot mong buhok,
ang unan at banig na sumasanib sa iyong pagkakakapit sa sapot ng panaginip.
Iniisip ko,
iniisip ko na panatag kang nahihimbing kasiping ng mapagheleng hangin,
payapang iniuugoy ng mapanglaw na mukha ng langit, dinadampian ng liwanag ng buwan.
Habang ako, sa gabing ito na sumisigid ang lamig,
ang kaluluwang pinapagod ng mga minuto segundo oras at taon
ang kaluluwang inilalaan sa panatang ang tinta'y dugo ng rebolusyon
ang kaluluwang inaawitan ng hugong, bulong, tinig ng sibilisasyon
ang kaluluwang iniaalay sa puso't hininga ng masang ibinabaon.
Habang ako, ang kaluluwang 'di mapagkatulog,
hindi dalawin ng hikab at antok
ay pinapatay ng nakaukit mong mga alaala
at ng mapait na dikta ng naglalahong gunita.