Miyerkules, Hulyo 27, 2011

Pansit Bihon

Minsan mo na rin akong inaway
dahil sa pansit.
Nakuha mo pa nga ang mangurot,
magalit, magsungit
dahil lamang sa puntong
ang gusto mo'y di ko hilig.

"Hindi ko hilig 'yan,"
minsan kong nasambit.
Naburyo ka at kunot-noong
tumitig sa akin.
Alam kong iyon talaga
ang hilig mo: manipis na hibla ng bihon,
ginisa at sinahugan ng carrot at repolyo.

Ako naman, hindi ako mahilig sa pansit.
Ispageti ang talagang hanap ng aking
panlasa,
sa tuwinang kakain tayo
sa iisang mesa. Magkasalo.
Ngunit
natutuhan kong umakma
sa iyong dila. Tinuruan ako
ng mga tampo mo.

Ngayon,
             wala ka na.
Wala na ang mahilig sa pansit,
wala na ang sa aki'y nagagalit.
Kung alam mo lamang,
hilig ko na rin
ang hilig ng iyong
dila.

Mapait Na Alak Ang Pagkilatis

mapait na alak ang pagkilatis

         humihiwa sa lalamunan
             hiningang nagsasamyo ng patalim
     ng bitukang pinanday ng pakla
                at pag-uungkat

            ukitin ang nakaraan
        bagbag na kasalukuyan ay ilahad
           dalumatin ang lamat
                         ng ulirat

mapait na alak ang pagkilatis

          baligtarin ang damit
               ihapag ang kalamanan
         hanggang anit
            kilanlanin ang kaluluwa at pasakit

                      kumakapit
        hanggang umaga ang samyo
              ng alak at sigarilyo
          walang dapat itago

           bukas na aklat ang pagkatao
                 maging kulugo
        ay marapat ikumpisal
               may guhit sa dilang dapat bagtasin

mapait na alak ang pagkilatis

            gintong likido ang alak sa bote
        tandang nagpapagunitang
               kayamanan ang harapan
          at ikit ng baso

              paka-iingat na mabusal
         ang mga gasgas ng puso
                    dadaloy ang nasa kung baog
           ang libog

mapait na alak ang pagkilatis

       lantad ang depensa
           matatag ang opensa.

Bitter

paiigtingin ko ang salaysay,
umuwi akong dala
ang mabigat na alinlangan:
saang sikmura lalangoy
ang naiwang kislap?
bagtas ang basang lansangan,
naglalaro sa isipan
ang iniwang magkatipan:
panahon ba itong
may dalawang
kaluluwang
mag-iindakan?
aywan.
pagkat patay na daga
ang umuukilkil sa gunita,
mga tambay na halakhak
ay ligaya,
bituin sa langit ang rikit
nitong mata, kalbaryo sa akin
ang lambingan ng magsinta,
parang mura ng naglahong gunita.
putangina!
anong sumpa ang aligid na pulot!

paiigtingin ko ang salaysay,
kakilalang magkatipan
ang kumakatha ng akda.
kamao sa kanilang dibdib
ang nagdidkta--
ikatlong pagtitiyak.

pakiramdaman ang mga pangungusap.

kilalanin ang mga puyo,
maging kilatis ay sintunado.

Hassle

Iniwan ko kayong
magkadikit  ang siko,
kayo nang bahalang
maglayag ng kuko--

batid ko
ang pamemerwisyo
kahit may sardinas
at alak sa baso.

Bisikleta

alangan kang magpatihulog
sa muling pagtibok
tinatantiya ang mga ngiti
inaaral ang mga haplos ng daliri
kinakabisa ang pag-iwas at paglayo
pigil ang laya ng puso at pagsuyo.
lason ang bilugang mga mata
ang mga labing manipis
sumpa ang mga aluning buhok
ang mapupulang pisngi
sumpa ang lahat ng pira-pirasong bahagi niya
na bitbit ng bilyon-bilyong tao sa daigdig
     umiiwas ka sa pag-ibig
                   ngunit huwag
hindi lamang ikaw ang pinagsasakluban


kung inaaral mo ang mga haplos ng daliri
at kinakabisa ang pag-iwas at paglayo,

ginoo, may mga kakayahang hinding-hindi
nalilimot.

marahil, hindi mo pa nakalilimutan
ang pagbibisikleta.
ang pag-ibig at pabibisekleta
ay iisa.

Metapisika

maniwala ka sa mga kutob
maniwala ka sa sakit ng salubsob
maniwala ka sa bulong ng hangin
maniwlaa ka sa gabi at dilim
maniwala ka sa mga aninong kumakaway
maniwala ka sa bisa ng gulay
maniwala ka sa pagkadapa
maniwala ka sa sarap ng tinapa
maniwala ka na gumagaling ang sugat
maniwala ka sa dugo ng iyong ugat
maniwala ka sa lula
maniwala ka sa pinsala
maniwala ka sa tulala
maniwala ka sa tula
maniwala ka sa agos ng ilog
maniwala ka sa libog
maniwala ka sa mga alitaptap at kulisap
maniwala ka na uulan kung itim ang ulap
maniwala ka sa nalagas na dahon
maniwala ka na mahusay na doktor ang panahon
maniwala ka sa kulog at kidlat
maniwala ka sa iyong mga pilat
maniwala ka sa mga hilik at pagpikit
maniwala ka sa mga batang makulit
maniwala ka sa bilog na buwan
maniwala ka sa iyong kaarawan
maniwala ka sa tapik sa balikat
maniwala ka sa aktibistang mulat
maniwala ka sa ilusyon hindi sa mahika
maniwala ka na natutulog din ang mantika
maniwala ka sa hain ng salita
maniwala ka sa galak ng muta
maniwala ka sa lahat ng humihinga
maniwala ka sa ginhawa ng pagsinga
maniwala ka sa luha
maniwala ka sa dusa
maniwala ka sa patay
maniwala ka sa buhay--sa nakaraan at nakalaan

minsan
maniwala ka sa mga ayaw mong paniwalaan
minsan
maniwala ka sa damdamin at minsan

Kapit

Hawakan mo ang aking kamay--mahigpit.
Huwag mong bibitawan,
huwag mong tatangkaing bitawan.
Kung kakayanin mo, igapos mo ako
sa iyong dibdib, ihigpit ang iyong buhok
sa aking liig, iyakap ang pananalig.
Iyakap mo ang iyong kabuuan:
kamay, braso, daliri, bisig
sa aking binti, hita, tiyan, talampakan.
Kabuuan sa kabuuan, kaluluwang
ihihigpit ng tiwala.

Ipulupot mo ang lumot ng apoy
sa iyong balat, isapot
sa aking mga ugat.

Lansiin natin silang nagtatanong ang mga mata.
Itim at puti, langit at estero, kalapati at uwak,
ang presensiyang inilalantad ng ating galak.
Atin lagi
ang gabi.
Hindi natin kailangan ang umaga,
bukod sa hamog nitong tangan.

Mahal,
hawakan mo ang aking kamay--mahigpit,
sa pagitan ng naghahalikan nating palad
naglalagi
ang langit.