bangkay ang kaagapay ko sa buhay.
siya ang tibok at lakas ko, ng aking asawa
at apat na musmos ko pang anak.
sa putol na niyang hininga,
nakahahanap ako ng matibay na sandalan.
‘pagkat sa malalamig niyang hita,
binti’t braso; sumisibol ang mga almusal,
tanghalian at hapunan.
sa kanyang mga bituka, malansang dugo,
apdo at atay; masaya kong mamamasdan
ang mga bulilit ko na pumapasok sa paaralan.
sa kanyang ‘di-na-umaalog-na-utak,
sa kanyang pusong huminto sa pagsipsip-buga
ng dugo; nasisilayan ko, sa kinabukasan,
ang magandang umaga at bahagharing maaya.
sa kanyang mga matang pinanawan ng malay
at sigla,
sa kanyang labi na tuyot na’t namumutla;
natatakasan ko, at ng aking asawa’t mga anak,
ang nag-aapoy na kuko ng kahirapan
at sumpang hatid ng kamangmangan.
huhubaran ko muna siya ng damit,
na siyang huli niyang suot bago sumalangit.
(maaari ring impyerno!)
papaliguan, pupunasan.
mamasahihin ang kanyang mga braso’t paa,
kamay at daliri, nang sa gayo’y lumambot-lambot
ang katawan niyang naninigas.
tatarakan ko siya ng tubo, at ipasisipsip
sa makinang-sumisipsip ang lahat ng kanyang dugo.
hihiwain ko ang kanyang tiyan at babarenahin ang bungo.
tatanggalin ko ang mga laman-loob upang ‘di mamaho.
tatanggalin ko ang utak niya na puwedeng maibenta
sa mga estudyanteng nagmemedisina.
bubudburan at tuturukan ko siya ng formalin,
upang tumagal sa matagalang lamayan at iyakan.
bibihisan ko siya ng barong o saya
na siya na dapat na pinakamaganda.
tatambakan ko ng bulak ang kanyang bunganga at ilong
upang ‘di agad pasukin ng langaw at uod.
pangingitiin ko ang kanyang naninigas na labi
matapos pasadahan ng kolorete ang kanyang mukha.
isisilid na siya sa ataul. isasara.
at ihahatid na siya sa plaza o sala,
na pagdadausan ng lamay at reunion ng kanyang pamilya.
bangkay ang kaagapay ko sa buhay.
kung wala siya’y para na rin akong patay.
‘wag mo akong pangingilagan,
dahil ‘di malayong humantong ka rin sa’king mga kamay.