Miyerkules, Mayo 23, 2012

Seesaw

laging musmos ang puso nating
naghahanap ng liwasan

kung saan naroroon ang hilig
nating paglaruan:

magkabilang dulong upuang
pinagdurugtong ng pahalang

na tubong bakal, na idinikit-iginitna
sa isa pang bakal na nag-aangat

sa buhanginang nagsugat.
habang alalay kitang inakay sa kauupuan

at itiniyak ang kaligtasan
huwag mong alalahanin ang pag-iisa

pagkat sa paghahanap natin ng rosas
sa labi at ulirat

magkabilang-dulo tayong kakapa
ng bigat

parang pag-ibig nating hindi makangingiti
kung wala ang isang magtitiyak ng balanse.

Sapat


minsan pa, galugarin, kilanlanin natin ang sulok-sulok
                                           ng ating nauuhaw na balat,
itiyak natin, na sa gitna ng mga alinlangan at pagsubok
                             ay dalawang damdaming nasasapat.

Konsumo

ganito iyon, mag-iinat ang araw
at kakalabitin ng daliri nito
ang iyong talukap, maya-maya,
at magbabadya ang pangungumbinsi
na ito'y isang kabanata na naman, tulad
kahapon, tulad ng marami pang kahapon.
kayod-kalabaw sa sariling kalbaryo, segundo,
minuto, oras, araw, kinsenas
at sa pagpalakpak ng mga kalansing
at kindat ng mga sobre, nalalantad
ang iyong mga kahinaan--ipinauubaya
mo sa kanila ang kahulugan ng salitang... saya.
at malilimot mo ang esensya ng buhay,
na pinalalabo ng mga tarpolina at patalastas
at maghahangad ka nang higit sa sapat,
nang higit pa sa higit, nang lagpas sa nararapat.
manhid sa anumang bagabag at sarili,
alipin ng idinidiktang ikaw at ako, ng sila at tayo,
mga alipin, nakatanikala sa robotikong pagkonsumo.

Joesonghabnida

paumanhin, sa mga mumunting kamalian
na itinatambad ng nakaraan
--o mali yatang ituring na mumunti
ang nakaraang sumasakmal sa ating kasalukuyan.
sa mga sandaling nakatikom ang aking
bibig at walang maiusal maliban sa isang
mahinang musikang inaawit ng aking hininga.
habang magkatapat ang ating mga mukha--
ang labi mo sa labi ko, tungko ng ating mga ilong
ang mga noo, at lumalakad ang luha
sa aking pisngi, nakikita mo marahil
ang lambot ng kamao sa aking dibdib, paumanhin.
sa mga tanong na tinitugunan ng pananahimik,
ang kalam ng aking bulsa, sa kapayakan ng payak
kong tiwala sa lahat, paumanhin.
sa maraming pagkakataon ng pagkahuli,
sa mga sablay na kalabit ng aking dila,
sa pawis na nagtaktak sa aking kamiseta, paumanhin.
paumanhin--batid mo namang laging may puwang
ang kamalian kaya nga't may pambura ang lapis,
kaya nga't pinag-aaralan ang pagtitiis.
paumanhin, aking nag-iisang tinatangi,
paumanhin, naririto ako at hindi ka iiwan.

Pamilihan

Tinangka mong hipuin ang damo,
ang katawan ng puno, ang mga dahon
ang mga bulaklak
doon sa mumunting hardin sa gitna
ng kantina, sa loob ng mall.
Natuwa ka sa mga kayumanggi-luntiang
tila lamat
sa makintab na salamin, isang sining
ng pagkawasak.

Nang tangkain mong hipuin,
naging lamat din ang iyong labi
sa panghihinayang
sa dismaya,
at sa pagkakatanto
na ilusyon ang lahat sa loob
ng mall.

Hermit

Paano ka nila sinusukat,
Paano ka nila inuungkat?

Sa kapal o nipis ng pitaka,
Sa graduation pic ba o diploma?

Sa antas ba ng iyong tinapos,
Sa kintab at tatak ng sapatos?

Sa amoy ba ng iyong pabango,
Sa etiketa, butones ng polo?

Sa iniinom mo bang kape,
Sa pintura ng iyong kotse?

Ganyan ka ba nila dinadangkal,
Ganyan ka ba nila binubungkal?

Huwag kang mag-alaala, huwag.
Imulat mo, silang mga bulag.

Bahaghari

Isang binata sa tabi ng bintana
Na ang panlulumo’y dulot ng sinisintang
Sumama sa matandang makintab ang mustang,
Nakatitig, ngayon, sa kaitiman ng langit
Pinakikislap ng bituing pusikit
Ang kanyang paninimdim at galit.

Isang dalagang dalahin ang alaala
Ng sinintang noo’y nag-aalala
Sa kanyang dysmenorrhea tuwing may regla
Nang matikman siya’y iniwang bilasa.
Buwanang kalbaryo, puno ng panibugho,
Walang puknat na panlulumo.

Isang misis na balot ng lungkot,
Iniwan ng asawang nagsapalaot
Sa karagatan ng kaniyang kumareng kuripot,
Na inakala niyang katiwala-tiwala,
Ninang pa naman ng kanyang pangalawa,
Anong pasakit ang pangangaliwa.

Isang mister na lukob ng misteryo,
Bunso’y di kamukha at paanong naging tao
Gayong huling halikan nila ni misis
Isang dekada nang baldado’t iniipis
At malimit na rin ang mga pagtatalo,
Anong saklap ang maiputan sa ulo.

Sala-salabat na batas ng pag-ibig,
Masalimuot na hantunga’y pananalig
Sa relihiyon ng pag-iisa, inis at galit.
Sala sa lamig, sala rin sa init,
Wala talagang makapagsasabi
Kung pagtapos ng ula’y isa ngang bahaghari.

Isang Paglilinaw

Wala nang dapat pang liwanagin
Pagkat malinaw naman ang lahat.

Halimbawa, ang pagbabantay ng aso
Sa tarangkahan. Na handang sumagpang
Ng magnanakaw at kriminal, malinaw
Ang paglilingkod.
Ang langgam na tumutunton sa paruruonan
Sa tiwala ng kapwa-langgam na sinusundan
At bitbit ang butil ng asukal, ihahandog
Sa reyna ng kolonya, malinaw
Ang katapatan.
Tulad ng ibong nag-aalay ng sarili
Sa nag- iisa at kanyang tinatangi,
At kung sakaling mamaalam ang sinisinta,
Walang maliw at buong puso pa rin ang pagsamba,
Malinaw
Ang pag-ibig.

At wala, wala nang dapat liwanagin
Sa pagitan ng ating mga damdamin
Pagkat malinaw naman ang lahat, lahat sa atin.

Talon

Alam ko namang gusto lamang
Takpan ng ulan ang iyong pag-iyak,
Habang magkasukob tayo sa maliit
Na payong, at ang posteng-ilaw
Na naghahasik ng kahel na liwanag--
Inilalarawan ang mukha ng mga butil-ulan,
Iginuguhit ang ating mga anino sa basang daan—
Ay tila mata ng pasakit
Na ayaw kang alisan ng titig.
Hayaan mo sanang tulad ng payong,
Sukuban kita ng aking mga bisig at ang luha
Sa umbok ng iyong pisngi
Ay palisin ng aking palad.
Tulad ngayong pinagsasanib tayo ng ulan,
Na di matigil tulad ng iyong mga luha.
Hayaan mong ilayo kita sa iyong paninimdim.