Miyerkules, Agosto 8, 2012

Evacuation Center

ang sangmangkok ng lugaw
ay mananatiling lugaw
ang mainit-init na sopas
ay mananatiling sopas
ang sangdakmang bahaw
ay mananatiling bahaw
ang maputlang kape
ay mananatiling kape

ang nangangatog na bata'y mabubuhay sa lugaw
isang araw, ngunit hindi sa kinabukasan
dahil ang higit niyang kailanga'y matibay na bubong
at yakap ng kumot sa gabing kumakalampag ang ulan

ang mainit na sopas ay may talab sa dilang maikli
ng matandang pinapayat ng ubo, bagamat
pansamantala lamang dahil lumilipas ang sopas
at higit na may talab ang angkas ng gamot sa sikmura

ang daliri ng mamang kinapitan ng mga mumong malungkot
ng bahaw na nakasimangot, ay daliring pumapalahaw
ng sumamo, ng kaunting kabuhayang magsusugpong
ng buhay sa pamilyang itinirik sa bunganga ng creek

ang kulot na aso ng maputlang kape'y papanaw
tulad ng usok ng sigarilyong pinatay ng patak-ulan,
at maglalahong parang usok silang naggawad ng kalinga
sa yugtong paslangin ng media ang apoy ng dumaang trahedya

dahil ang sangmangkok ng lugaw
ay kaluluwang ligaw
ang mainit-init na sopas
ay bubong na may butas
ang sangdakmang bahaw
ay katinuang bumitaw
at ang maputlang kape
ay labing walang ngiti.

Dagat-dagatan

lumipat ang dagat
at sinakop
ang lupa;
nawalan ng puwang
ang sibilisasyon.

nagmistulang dikya
ang mga basura,
tumakas ang silbi ng bota,
tumigil sa pamumulaklak
ang araw,
nagalak ang unos
at ulap

naging lapu-lapu ang kalalakihan
at namumulang maya-maya
ang kababaihan;
ang mga bata'y dilis
na sumayaw-talilis
sa pusod
ng tatlo-lima-apat
na talampakang dagat
na lumipat
sa lungsod.
nalugod-lumuhod
ang mga banal-banalang
dagom-dagom.
nag-anyong koral
ang mga tulay,
at nagbulay-bulay
ang mga pawikan: matatanda.

nag-anyong mangingisda
ang mga nakabarong:
sa tsokolateng laot
nagsapot
ng lambat
sa nagpipitlagang

mga laman-dagat,

Nang Lumamig Ang Hangin

nang lumamig ang hangin
at sumayaw ang mga butil
ng ulan sa papawirin

nagmistulang hardin
ang abalang kalunsuran:
nagsisibol ang mga payong,

namulaklak.

Bugso

mga munti silang luhang laksang nagpahiwatig
ng pangamba sa mga bubungan--kumakatok.
pabugso-bugsong hiningang pumupunit ng yero
at nagpapayuko-lumalagas sa labay ng mga puno.

sa panahong ayaw na nating lumuha ng dugo
at lumikha ng mga larawang naghahantad ng lungkot--
mga kasawiang namamalagi sa ugat ng bayan,
patuloy ang daluyong ng kalikasang ating dinalirot

at umasta tayong hari at mga reyna, mga diyos
na walang kamatayang mag-uutos, mag-aatas,
magpapataw ng takda sa mga luntiang pupunitin
ng ating pagkabagot, at paghahanap ng ligayang

hindi ubos-masapatan: eternal na katotohanang
maghahatid sa atin sa malalamig na nitsong lumulutang
sa ibabaw ng laksang luhang nag-anyong ulan-- na
nagdeklara ng rebolusyon sa ating layaw at kapabayaan.

Sagrada Familia

Mister

Weekends lagi'y sa beerhouse,
si misis wala ni blouse.
Tiyan na mala-Santa Klaws.
Bigote ay Marcel Proust.

Misis

Bahay-bata'y nilaspag,
asawa'y walang habag;
libangang de-balibag
sa masurot na papag.

Binatilyo

Sa barkada palagi--
alak, sugal at yosi.
Nang lumaon--drugs't ragbi,
nakaabang na'ng Munti.

Dalagita

Mini skirts, ispageti,
gabi na kung umuwi.
Nabuntis nang madali,
anak n'ya'y walang daddy.

Bunso

Umoonse ang sipon,
sa lansangan maghapon.
Ang tsismisan sa nayon,
siya'y 'bebenta sa Hapon.

Sa Iyong Kaarawan 080612

sa natatangi mong araw
aalayan kita ng isang rosas

huwag kang matakot, may dunong
ang iniwan mong mga taon
hindi ka matitinik sa aking handog

at huwag mong pipigilin
ang iyong pagkamangha
pagkat tumatanda nga tayo
ngunit nananatiling bata
ang ating mga puso

sa natatangi mong araw
aalayan kita ng isang rosas

mamulaklak sana tulad nito
ang mga ngiti
sa iyong labi

rosas itong puso kong sa iyo'y
tumatangi.


Telepono

nang minsang mong ilambitin, nang ukilkilin
sa aking labi, kung ano pa ang mga gusto
kong sabihin bago natin parehong ibaba
ang telepono at gawin ang mga dapat
na gawin: ipinaubaya ko sa hangin ang sagot

at narinig ko ang sayaw ng hangin sa iyong bibig
nagmamadaling sinakop ang pangambang nakatago
sa aking dibdib--

umukit ng katahimikan

sa malawak nating pagitan.

Melonkoli En Da Inpinit Sadness Ni Glori

melonkolyang pagsisisi;
kumain ng melon, kung bakit pa kasi.
'yan tuloy, naunsyami
party-party with family.

melondramang higanti;
nanggalaiting melon, siya nang bumawi.
'yan ang justice-poetry
deux ex machina, yipee!

R.A. Syndrome O Sa Makatang Dating Crimson Red Na Naging Yellow Submarine Ngayon

dating simbigat ng dakilang kabundukan,
ng Sierra Madre, ang mga salitang
umaalpas mula sa dila at isip
patungtong sa tadyang
ng papel,
ang makatang umindayog kasama
ng mga punglong nagdadaplisan
at mga matang nanlilisik
na lumulusaw sa tapang at tindig

ay nag-alsabalutan
at inabutan
ng paghinog ng metapisikang-tulang-
out-of-the-blue-na-nangangaral-na-walang-
tulang-makapagliligtas-ng-daigdig-kaya-nga't-
wala-dapat-politika-bagkus-ay-pure-philosophy-
mingling-with-Kepler22b-and-vastness-of-the-
universe
--na lumulon sa kanyang dating tikas,
as well as
ng dignidad at prinsipyo

kasalukuyan siyang naninilaw
at kumakain ng sariling muta,
very cool na mga salita.

Lutang

sinusubok mong manahimik
kung tahimik ang paligid
kasi nga'y tahimik at ang tahimik
na paligid ay matiwasay

tulad ng dagat na payapang nananalamin
sa langit--at isang sisneng malanding
nakayuko sa ibabaw tubig

pakasuriin mo, may digmaan
sa iyong harapan
ang guhit-tagpuan, ang abot-tanaw--
titigan mo ang nakahantad na kariktan

kinakain ng malalaking isda ang maliliit
sinisikap ng mga koral na buuin muli ang sarili
may pawikang nangangamba sa isisilang
at ang sisneng nagpangiti sa iyong labi'y

naghahamok ang mga paa upang lumutang


Ang Mga Bata'y Nagmimistulang Manyikang Pinuputlan Ng Ulo

sa mga yugtong ang laranga'y mistulang
gabing walang aninong maisaboy ang buwan
o umagang dahop sa dila ng araw
at nangangamoy pulbura ang paligid—nanunuot
sa tadyang ng mga talahib—at nakatikom
ang mga kuliglig

tinatangka ng mga batang maglaro
tinatangka nilang kupitin ang kamusmusang ipinagkakait
ng kalam na tiyan at maiiksing kumot
ng mga botang yumayanig sa mga pilapil
ng mga malilisik na matang gumugulantang
sa katahimikan

tinititigan nila ang langit, humahanap
ng mga bituing makapagsasabi ng kanilang
kapalaran; nagkukuwentuhan ukol sa mga tikbalang
kapre o duwendeng itinatago
ng mga bungang-kahoy at punso;
tinutugis nila ang mga palakang iniligaw ng maragasang ilog;
sinisipat ang mga tutubing tatanggalan ng pakpak;

ihihiga sa mahamog na lupa
mga munti nilang katawang nangangatas
sa pawis; isang masiglang habulan,
tumatakas ang pag-asa sa pumpon ng mga inosenteng
hagak—marahan
ang pagkalusaw
ng kanilang kamusmusan

sa mga yugtong naninigid maging sa panaginip
ang mga bota at pulbura, at makitid ang tulay
patawid sa mundo ng pagtanda,
mga mumunti
silang mananalukbong ng pangamba—mga manyika,

mga manyikang silang mapuputlan ng ulo,
ng mga kamay, mga paa
at pagkabata.

Pinipigil Natin Ang Nagbabagang Alipato

Pinipigil natin ang nagbabagang alipato
Sa loob ng ating mga puson
Habang nakalusong tayo sa katahimikan
Ng katanghaliang tumatawid pa-dapithapon,
Inuusig natin ang bulong ng mundo
Pagkat hindi marapat magliyab ang mga alipato

Kaya nga’t ipagkakait ko muna ang aking halik

Batid mo bang nagmamanman ang mga diyos?
Batid nilang may titis ng apoy na maaring
Magpingkian, sa silid na itong kanilang itinindig

Kaya nga’t ipagkakait ko muna ang aking pag-ibig

At ipagkait mo rin, panandali, ang iyo
May tagpo ang mga alipato, ngunit hindi rito—

Itong silid na walang pinto.

Antipas

Sapagkat pakay nati’y kaligayahan,
Kaya’t hinahanapan natin ng halakhak
Ang mga bagay.

Kung may namumukadkad na rosas
Sa likod ng luha, maari nating ikubli
Ang mga bubog

Na nakabaon sa dibdib. Kung may samyo
Ng tagsibol ang hagupit ng mga tagtuyot,
Natututo tayong manalangin.

Sapagkat pakay nati’y kaligayahan
Kaya’t hinahanapan natin ng mga ngiti
Kahit ang kalungkutan.

Kabalyero

Laging namumutawi sa kaniyang mga salita
Ang salitang—
Magandang bukas.

Nang dumating ang kabalyerong may tangan nito,
Walang anu-ano niyang iniwan
Ang kasalukuyan.

Ang kasalukuyan niya’y isang lalaking walang
Garantiya ng—
Magandang bukas.

Isang lalaking matapat lamang na naghahapag
Ng pag-ibig kahit kapos
Sa inaasam at gustuhin.

Isang payak na pagmamahal na ang adorno’y
Di pilak kundi pagsusumikap
At di magmaliw na pananalig.

Inako nila, siya at ng kabalyerong may tangan ng
Magandang bukas
Ang bukas—mga bahaw na ngiting walang kahulugan

Ang naukit sa kanilang mga labi.
At ang lalaking iniwa’y naging isang punong
Kabalyero—malabay at pipis

Hamog

malabo ang mga sasakyang lumilipad
sa lansangan
pinalalabo ng ulan at ng salaming ginugulungan
ng butil-ulan
kumakatas ang lamig, nanunuot sa mata

tumatakas ang mga nararapat

kung paanong hinihiwa ng mga gulong
ang isang talampakang baha,
nagmimistulang awit ng alon

at ninanakaw ako ng awitin

kasama ng iyong kamay na nakalingkis
sa aking katawan

gustong maligo sa ulan
kasama ka.

Tag


alam mo po,             gusto la'ng
                  naman po kasi     kitang              i-
              tag

gusto ko po kasing mabasa      mo
    ang bago kong gawa/likha/lalang/hinarayang

                tula       

gusto kong malaman mo po               ang laman ng isip ko at kung
paano kong gustong iparating          sa iyo/sa inyo/at sa kanila
ang gusto kong iparating                  wala po akong workshop

                      wala po ako sa creative writing program
                  gusto ko la'ng po talagang
                      tumula

mahilig po kasi akong tumula
                        at mahirap kasing maglathala ng aklat
kapag wala kang pera di ba? di ba? di ba po? kung hindi bahaw na kuwela  
o nanggigitata sa pag-ibig o tungkol sa white lady/tikbalang/tiyanak/duwende atbp.
o 1001 Ways to be This-and-that atbp.

             wala ka
            o kung wala kang spark o kung anumang tinatawag nilang dahilan

               hindi ka papansinin
ng Anvil/Visprint/Girraffe/Milflores/UP.ADMU.DLSU.UST Press atbp.

     pwede kang ilathala ng Psicom/PHR         pero     hindi ka babasahin
hindi ka seseryosohin ng mga      nabanggit   di ba po?
                                    ng akademya      

hay naku! ang akademya po,                naku po, ang akademya!

          pero        po

       di naman lingid sa iyo di ba? di ba? di ba po?

na naninilaw na ang mga filipiniana sa NBS 
                       maalikabok pa nga
    maliban sa salansan nina Bob Ong at Eros Atalia

            nakita mo po?               wala pa ring bumibili ng aklat
                              ni Ildefonso Santos (Sa Tabi ng Dagat at iba pang tula)

pati iyong Ibong Mandaragit ni Ka Amado po
              iyon ding Ginto ang Kayumangging Lupa ni Doming Mirasol
at isama mo na po iyong kay Rogelio Sikat,          Dugo sa Bukang Liwayway
           at ang maramingmaramingmaramingmaramingmaramingmaraming
marami pang filipiniana
                na kahit sale na,         wala pa ring gustong bumili?    bakit?

kaya nga ita-tag na la'ng                       po    kita
            at dito na la'ng                            po  ako                       sa Facebook
                                               (dito may pisoNet sa'min)
                                      tutula

pakibasa naman po,              o kahit hapyawan mo na       la'ng        (please?)

kunwari ila-
                            like mo like mo like mo like mo like mo like mo     po
                                         pampataas ng kompidens ko  
      (baka po may comments ka, meron po ba?)

basta, ang like po ha?

iyong madami ha?

                            share mo na rin                                   gusto ko kasing mabasa

idol kasi kita. :)

Bahala Na Si Batman O Hindi Na Misteryo Ang Pamamaril Ni James Holmes Sa Isang Sinehan Sa Colorado

hindi na bago/kataka-taka/misteryo
kung bakit nagawang kumitil/pumaslang/pumatay
nang/ng higit sa sampu ng isang James Holmes

balikan ang kasaysayan, maaaring mahukay
mo ang isang Baruch Goldstein na kumitil
ng dalawampu't siyam na Palestinong Muslim
gamit ang isang Galil Asault Rifle;
sa tulak ng paghihiganti
para sa isang kaibigang Rabbi na pinaslang
ng mga Arab extremist.

o ang isang Toi Mutsuo na pumatay ng tatlumpung
kanayon gamit ang isang shotgun at palakol--
nang may sulo sa ulo; ginutay na parang karne
ang sariling lola at mga kababaryo,
nagbaril sa sarili sa pag-asang mapapalis
ang tuberculosis
at pagtatakwil ng mga kakilala

maari mo ring mahukay ang isang Campo Elias Delgado,
isang guro at beterano ng Vietnam War
na pumaslang tatlumpung hininga;
lango sa lagim ng digmaan at kalungkutang
pinasidhi ng galit sa sariling ina,
walang patumanggang nagpalamon ng saksak
at bala sa bawat taong makita

o ang isang Ahmed Ibragimov na kumitil
ng tatlumpu't apat na Ruso; sa hindi malamang
kadahilanan, nakalista ang lahat niyang papatayin--
kakatok sa pinto at sasalubungin
ng rifle sa ulo; napatay siya ng taumbayan
matapos ang dalawang araw ng pagtatago

maari ring mahukay ang isang Martin Bryant
na pinanawan ng reyalidad; maaksyong barilan
at habulan, nakatala sa kasaysayan ang kaniyang apelyido
bilang pinakamatinding pamamaslang ng isang Australyano;
nanunog, nang-hostage, nakipagbuno
isanlibong taong pagkakakulong para sa tatlumpu't
limang kaluluwa ng mga inosenteng biktima

o ang isang Woo Bum-Kon na nagtala sa kasaysayan
ng Timog Korea ng "Deadliest Shooting Spree";
isang pulis sa probinsya ng Gyeongsangnam-do,
pag-aamok ang nasuring puno't dulo
nang maalimpungatan dahil ginising ng kasintahan
kasama na rin ang matinding depresyon at pagsasariling-mundo;
walong oras ng barilang umaatikabo, pumatay ng limampu at pito,
natapos sa granadang nagpasabog sa sariling bungo

mahuhukay, mahuhukay at mahuhukay mo rin
ang isang Anders Behring Brievik ng Norway, nagtala
nang pinakamatinding pamamaslang, pinakamaraming bilang
ng mga inosenteng biktima; sa pamamaril sa isla ng Utoya
at pambobomba sa lungsod ng Oslo; hindi nakitaan
ng saltik sa ulo, matagal na niyang naplano ang delubyo;
karamihan ay mga kabataan edad labingapat at labingsiyam
pitumpu't pito ang kinuha ng kaniyang malagim na punglo

at huwag na nating uriratin ang kabi-kabilang mga digmaan
sa buong planeta--mulang umpisang mag-isip ang tao
hanggang magka-utak ang mga makina--
sa pangalan man ng tubo o kita hanggang sa sariling paniniwala

marami nang naitala at nasabi, mga napaslang at nagdalamhati
marami nang naburyo, nainip, natakot at nanggalaiti
marahil nga'y nakadantay na sa ugat ng sibilisasyon
ang lagim at uhaw ng tao sa dugo

kaya't hindi na bago/kataka-taka
kung bakit nagawang kumitil/pumaslang/pumatay
nang/ng higit sa sampu ng isang James Holmes

dahil nagtatago ang mga halimaw, ang mga tigre at tikbalang
sa himaymay ng ating isip at bulalo ng buto,

hindi na ito misteryo.

Tula Ka Ng Aking Daigdig

hindi lamang tulang naisasatitik
ang tulang aking nalilik-
ha para sa iyo.
tula ang pag-aayos ko ng iyong
buhok na sinagasaan ng walang modong
hangin tula ang mga titig ko sa iyong
nagpapaunawa ng aking mga naisin
at hangarin
tula ang paglalakad natin
sa ilalim
ng marahang patak ng ulan
tula ang kamay
kong maririin
ang dantay
sa iyong balakang
tula ang palad kong nakaniig
sa iyong palad
tula ang mga paghihintay at mumunting
handog
tula ang namimintog
na ngiti sa aking labi
tula ang mga pagbabakasakali
na sarilinin natin ang daigdig
tula ang bawat kong pananalig
tula ang lahat kong pag-ibig

tula ka ng aking daigdig.

Hindi Mo Na Ako Tinutulaan

"Hindi mo na ako tinutulaan."

sinabi mo iyan nang walang pagkautal,
na tila katulad lamang ng Hi!, ng Hello!,
isang awtomatikong tugon, isang natural
na pag-iral. maaring ito'y isang sampal
o tapik sa balikat o siguro'y isang kalabit
sa kaluluwa kong inaakala mong nahihimbing
sa pag-alaala sa ating mga yugto o
pagdakila sa iyo bilang aking pinipintuho
huwag mo sanang ipagkamali na wala
nang tulang mailalang, na wala nang tulang
maisibol ang aking mga daliri. huwag na huwag,
aking tinatangi. pagkat kung mayroon mang tula,
sa aking mga kamay na aking iniaalay
sa malawak na bilang ng mga walang makain
silang walang kumot at masaing, silang
napagkakaitan ng pagkakataon at pag-ibig,
pakatandaan mo sanang kabilang ka
sa aking pinag-aalayan, pagkat ang tagumpay
na mayroon sa dulo ng mga pakikitalad
at kontradiksyon sa paligid
ay hindi lamang para sa kanila, o para sa masa,
ito'y para rin sa ating dalawa, oo,
isang maayang bukas para sa ating dalawa.

Panawagan

minsan pa, sabay-sabay tayong makinig
sa isang rosas na humihingi ng puwang
sa kuweba ng ating mga tainga--nais niyang
limiin natin ang pamumukadkad ng kaniyang
petalya.

minsan pa, tulutan natin ng ngiti ang pulubing
ninanakawan natin ng habag at awa
inaalayan ng duda at dismaya--nais niya'y
unawa o isang piraso ng paraiso sa malungkutin
niyang lata.

minsan pa, tulutan natin ng kalinga ang batang
nakakuyom sa kuwintas ng mga sampagita na
naluluoy sa usok at ingay ng lungsod--nais niya'y
isang balot ng pansit o kahit isang pinaglumaang
damit.

minsan pa, sabay-sabay tayong makinig
sa mga tinig na iginigitaw ng marahas na paligid,
bigyang puwang ang mga nililimot--nais nila'y
mga katawan na maglalaan-buhay sa kanilang
panawagan.

Sapilitang Pagkawala

ganito namin ipinagdiriwang ang iyong kaarawan:

nauupo kami nang walang kibo sa paligid ng mesa
at mag-uusap ang aming mga mata, walang mga salita
ang mamumukadkad sa aming mga labi, wala kahit
isang ngiti, kundi, mga garalgal na hikbi lamang at
tagong pangungulila. sa hapag, makulay ang sinangag,
nagsalit-salit ang ginisang bawang at sibuyas, humihimlay
sa hangin ang samyo ng itlog-maalat at patis, kamatis
at aso ng kapeng walang krema. isang bakanteng silya
ang nakalaan para iyo.

ganito namin ipinagdiriwang ang iyong kaarawan, oo,
almusal ang pinili naming yugto ng pagsasalo.
dahil gusto naming alalahanin ang mga kuwento
na ninakaw ka ng maiitim na anino, isang umagang
tila nitsong malamig ang simoy ng hangin.

Panganib

Ilang patak ng butil ulan
Sa landas ng pisnging nag-asin
Sa pagdaluyong ng luha
Pumupunit ang mga pahiwatig ng pamamaalam
Ilang milyang kutob ng pangamba’t paninimdim
Ang sakop ng bulkang dibdib
Lagablab ng damdaming kinukurot
Ng kung anong di mabatid na pangungulila
Sa di mabatid na dahilan ng hidwa

Mapanganib ang takda ng pag-ibig
Sugat na nagnanaknak
Gayong wala ni galos na gumuhit
Nag-aabang ang isang igkas ng kamao
O ng titig o ng takwil at pananahimik

Walang kibo ang daigdig sa yugtong
Yaon ng kawalan
Walang bisa ang tapik sa balikat
Tanging sariling bulong
Dalawang piraso
Ng lamang naglalagi
Sa baga at bungo

Ang kaligtasan
Sa panganib.

Payak

Patawad kung hindi ako ang tipong hanap mo
Walang luhong mabakas sa aking mga buto
Wala ring paghahangad nang higit sa sapat
Ang tulad ko’y payak lamang ang hinahanap.

Di kilalang etikata ang nasa polo ko’t pantalon
Magaspang ang kinang ng Marikina kong katad
Sa kadalasan, sa liwasan ko naipapadpad
Ang mga paa nating may magkaibang indak.

Patawad sa di maipaliwanag kong pagkagitla
Sa tuwinang maghaharap tayo sa pilaking hapag
Maniwala kang lahat ng aking saloobi’y magalak
Magkagayong di nasanay ang dila ko sa ginto.

Binibining laman ng puso ko’t mga panaginip
Batid kong nauunawa mo ang aking sentimiyento
Bagama’t alam kong higit ang iyong mga gustuhin
Huwag ka sanang mananawa sa payak kong mga hangarin.

Masoch

Alam na alam mo kung paano itarak
Ang punyal sa aking dibdib
Nang walang alinlangan
Parang isang nakagawiang ritwal
Tiyak ang lahat ng mga hakbangin
Mulang simula at wakas
Alam na alam mo kung paano lumikha
Ng apoy sa iyong palad
Na mala-bola mong ipapasa
Sa inosente kong mga kamay
Naglalagablab! Nagngangalit!
Ay! Laman ng aking mga salita
Ikaw na katiyakan ng aking kawalan
Kawalan kong walang katiyakan
Na nilalaro ng iyong panagimpan
Kung alam mo na ang dulo
Ng mga landas
Maari bang sabay tayong magtungo
Maligaw may sabay tayong maghanap
Ng mga landas
Pauwi sa ating mga sarili
Ulit –ulitin mong itarak ang punyal
Pagkat manhid akong sumasampalataya
Sa mapanganib mong kariktan

Matapos Ang Gabing Nagdududa Ang Bukas

Ngayon, makatutulog na ako
Nang may himbing
Kapiling ang tiwalang
Naririyan ka
Nag-aabang sa aking panaginip

Tawid

isandaan at dalawampung mga palakpakan
nagsasalitan
sa walanglibong mga salitang namumutawi
sa amarilyong labi
ng pinunong nagbubuladas
ng mga hungkag na numerong
ibinubudbod
sa malaking bulwagang
pinagsiksikan ng mga barong at sayang
hinabi sa pawis at dugo
ng nakangangang madla

sa labas ng bulwagan
nagkalat ang mga palamuning batalyon
mga batuta at truncheon
bughaw na unipormeng hindi tinugunan
ng kulay-abo
nakikibakang langit
hinihiwa ng higanteng tutubi
ang mga ulap
paligid-ligid
nagmamanman sa bulto
ng mga kamaong nagtutuldukan
sa hangin

kasabay ng mga palakpakan
ay mga palo at hampas
ng mga batutang pangahas
mga talipandas na haharangin
ang hanay ng mga mariringal
silang marubdob ang hangarin
makatawid
sa huwad na daan.

Sining Din Ang Pagbubunot

Ikaskas nang may tamang diin ang bunot
sa nakasimangot na sahig: pulang semento
man o tablang kahoy. Kailangan ng kadensa
ng nangagalikabok, tadtad-yapak na sahig;
parang mga daliring nakadiin-sulat sa papel,
kailangan mong panatilihin ang aliw-iw.

Kaliwa man o kanan, ang paang wala sa bunot
ay kailangang sapinan ng basahan
nang di mamakat-sugat sa sahig ang dibuho
ng talampakang namamawis; tulad ng tulang
malalim pa sa Mariana o mas abstrakto pa
sa kanbas ni Picasso, alisin sa tula ang kunot
sa noo ng mambabasa, sapagkat ang tula'y
marapat magpakintab ng sandaigdigan.

At sa huling hakbang, kung makintab na't
maari nang manalamin, huwag ipagkait
sa mga paa ang isang malinis na sahig.
Hayaang muli itong dampian ng nakangiting
talampakan; tulad ng tinapay, huwag ipagkakait
ang tula sa madla.

Hindi Nagtatayugang Gusali

tinatangka nilang dungisan ang iyong dangal, Rizal
silang mga hunyango sa katwiran at pagdakila sa iyo
mga sakim silang gustong agawin maging ang larawan
mo kapiling ang malawak na latag ng kalangitan
mga alipin ng tubo na dudungisan ang mga damo
at bulaklak, mga puno't halaman sa iyong liwasan

Rizal, alam mong kasaysayan kang dapat galangin
at bayani kang dapat patawan ng respeto at ringal

sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan
sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan

alam mo iyan, Rizal




Isang Panaginip

tambak ang mga imahe ng bahaghari sa panaginip ni Nena
kulapol ng mga kaharian mga reyna't hari't kabalyero't prinsesa
mga larawan ng alitaptap na kanyang nakakausap umaawit
na tipaklong at mga paru parong nagiging engkantada
nagkalat ang mga mirasol rosas at sampagita kumukudlit
na mga gintong nagsasalit salit sa mga mukha ng bato
mga ulap na umiihip-marahan ng hanging bumubulong
ng dasal araw na nakangiti sa likod ng luntiang bundok
mga punong naghuhuntahan-siklab ng tayog at bunga
ilog na makinang sa tama ng katanghaliang silahis
kayganda ng paligid isang pangarap isang panaginip

nang magising siya'y nawala ang lahat ng rikit at masisiglang ngiti
nagising si Nena sa bulyaw ng inang nagpapasuso ng kapatid
"Tanghali na, punyeta ka, Nena! Marami nang lalaki sa Avenida!"

Kailangan Nating Ipabatid Ang Kailangan Nilang Mabatid

Sinasabi nilang tayo ang problema
at wala raw tayong naitutulong
sa bansang itong unti-unti raw
pumapaimbulog--ang pambansang
kalagayan; heto pa nga't nagmimistulang
Red Cross na mamimigay ng libreng
pakete ng dugo sa naghihingalong
mga estado ng Europa.

Kailangan nating magsalita,
kahit marami na tayong nasabi at marami
pang sasabihin, kailangan nating magsalita.
Kailangan nating isiwalat ang kalawang
ng estadong ito na nagpapanggap na
aluminyong bakal.

Kailangan natin ngayong magpabatid
ng kailangan nilang mabatid,
na ang ngayon ay yugto ng pagbabangon
at kagyat ang marapat na mga tugon
sa mga mahika at ilusyon
nilang mga payasong nagdamit ng barong
at amerkana.

Pagkat di tayo palalong nagpapataasan
ng ihi, kailangan nating lunukin
ang kanilang paratang
na tayo'y problema,

problema nila, silang ibinabayubay
ang hungkag na kaunlaran at binabaluktot
ang katotohanan.

Problema nila tayong hinding-hindi
masosolusyunan.

Hindi problema ang karugtong ng kasaysayan.

Demokrasya

Hindi ngayong araw kakatok
ang demokrasya,
o ngayong taon
o kahit makipagkasundo't
matakot.

Mayroon akong kaban
ng karapatan tulad ng iba,
tumayo sa sariling mga paa
at umari ng sariling lupa.

Naririndi na ako sa mga taong
nagsasabing
Hamo't ganyan talaga ang buhay.
o Bahala na bukas! Bahala na si Batman!
Hindi ko na kailangan ng kalayaan kung ako'y patay.
Hindi ako mabubuhay kung bukas pa aalsa ang pandesal.

Kung kagipitan
ang kalayaan
ay binhing
maitatanim.

Nabubuhay ako rito,
sa Pilipinas,
kailangan ko ng kalayaan.


halaw sa Democracy ni Langston Hughes

Lubak

dumadaan naman talaga tayo sa lubak
wala naman kasing landasing wala
kahit ang hi-way, mayroon
at siyempre, marami sa mga lugar
na napagkaitan ng progreso

oo, progreso

minsan, ganyan ang puso
ko, kinukulang kadalasan
napupuno, kung minsan
progresong pataas at
progresong pababa

pero hindi na mahalaga
hindi ba?
marami naman talagang lubak
sa mga landasin
kung gayong habol natin
ay bilis ng biyahe
baka malimutan natin ang rikit
ng mga bundok at parang
sa hilaga, sa timog, silangan
kanluran

at kailangan talaga nating magdahan-dahan
kailangan nating malagpasan
ang lubak na daraanan

Willem Geertman

naniniwala akong pagnanakaw
oo, pagnanakaw ang motibo
ang dahilan ang rason ang katotohanan
sa mga punglong naitanim
sa iyong katawan, Willem Geertman.

at huwag nang ipagpilitang
kagagawan ito ng mabuting estado
ang kasalukuyang mga pinagpala,
hindi naman natin mahihingi sa kanilang
mantikaing mga labi
ang katotohanan sa kasinungalingang
alam nilang kasinungalingan.
ang mapapasaati'y mga tainga
ng nawalan, laksang mga bibig
laksang mga palad laksang mga sikmurang
inagawan, ninakawan
nilang naliligo sa kasakiman

pagnanakaw ang rason motibo dahilan
kung bakit ka pinatay, Willem Geertman,
pagnanakaw sa taumbayan
ng kanilang tinig, ng kanilang puwang,
ng kanilang karapatan
na alam at alam rin nilang pagnanakaw lamang
ng isang pirasong binhi
sa laksang tipon ng mga binhing
naitanim na't naglalaguan.

Maita Gomez

Mabuti ang kaliwa, Ka Dolor.
Dahil kaya nilang magpasilab
ng libong mga sulo;
na di kakayanin ng mga balatkayo
mga nagmamabuting kanan,
silang ang tama'y minomonopolyo.

Mabuti ang kaliwa, Maita,
pagkat nakapagsusubo sila
ng kanin ng hustisya at
pinapawi ang uhaw sa
kaluluwa ng naghumpak-impis
na tiyan ng sambayanan.

Mabuti ang kaliwa, Maita.
Tulad mo, ang ganda'y
itinatangi nilang panlabas
lamang at nakatuturol na
sa kamao naglalagi ang esensya
ng kariktan; mabuti ang kaliwa.

Mabuti ang kaliwa, Ka Dolor,
pagkat sabihin na nating silang
kanan ay kanan, ngunit hindi
sila naging right, kailanman.

Gayong Minsa'y Kailangang Humalakhak

Hari ka ngang walang trono o putong ng koronang
itinakda ng linya ng ugat o ng matandang ama
na namemeligro sa sakit, sa ma-adornong kutson
sa isang grandiyosong silid ng engrandeng kaharian.
Hindi ka hari sa palalo o bohemyo nitong kahulugan.
Pagkat itinakda ka ng mga nasasalat at nasisilat
sa ulam at kumot, yaong mga sinisinat
ng kawalan.

Hari ka ngang walang dapat ipangalandakan
at hindi mo na kakailanganin sa iyong paglisan
ang pagkilala ng mga naghahari-harian sa lipunang
dinayukdok nilang sinasakop-lamunin
mga laman, utak at buto ng mga nasasalat
at nasisilat; maging ang lupa, karagatan at bulaklak
nitong paraisong hindi kanila.

Hari kang itatakda ng kababaang-loob at halakhak.


kay Dolphy