Linggo, Enero 30, 2011

Manhid Ang Bato Nguni't Hindi Ganid

minsan, pinakaiisip mo:
para saan nga ba
ang ilang naghambalang na bato?
sa lansangan, sa eskinita, sa kanto
ano ba ang pakinabang
ng batong binaog ng lamig?
napapatid ka nito
sagabal minsan sa pagtakbo
kung titipunin, hindi naman nagiging ginto
hindi rin kaaya-ayang pang-ornamento

ano nga ba ang silbi ng bato?
mas mainam ang lupa kaysa semento
hindi naman nagkakaanak ng gulay o puno
minsan ka pang madudulas dahil sa lumot na namuo
at kung minalas ay mababasag pa ang bungo
ano nga ba ang silbi ng bato?

alam kong alam mo
na wala nang titigas, titibay sa bato
kahit tinatanong mo ang silbi nito
walang gusali kung walang semento
maalikabok ang daan na hindi aspaltado
totoong matibay, bagama't manhid, ang bato...

at alam kong alam mo
sintigas ng bato ang iyong galit
'pagka't ang iyong barungbarong
ay mawawala sa isang saglit
wawasakin ng mga demonyong ganid-manhid...
a! hawakan mong mabuti't mahigpit
ang batong manhid ma'y hindi ganid
batong nilalamig ma'y iyo ring magagamit:

ipunin ang iyong galit at lakas
sa kamaong pinatapang ng hirap at dahas
ipahalik ang palad sa magaspang na bato
unti-unti mong iangat ang nagsugat na kamao
lumikha ng distansya, kaunting buwelo
at saka buong tapang't layang paigpawin
ang tagumpay sa tulong ng umaapoy na bato.

Mula ang larawan ka y Kathy Yamzon

Teargas

matagal na kaming hinubog ng hirap
itinubog kami sa dusa at sadlak
pinanday kami ng lipunang marahas
handang lumaban, humawak ng tabak

at kung aakalain n'yong kami'y mapipigil
ng isnayper, transiyon at tirgas
a! isinangla na namin aming puso at lakas
sa barikadang 'di pagagapi't magwawakas...


Mula ang larawan kay Kathy Yamzon




Ayon Sa Kasaysayan

ayon sa kasaysayan
kumpol ng maliit na isla
ang dating sakop ng Mendiola
libingan ng mga lakan
at bayani
ang dating maputik na sakop
na nang lumao'y
tinirikan ng lupalop ng kaharian
ng mga sugapa sa kapangyarihan

ayon sa kasaysayan
dito sumiklab ang maraming labanan
dito naitanim ang maraming kamatayan
ng mga magsasaka
dito naukit ang maraming karahasan
sa mga estudyante't aktibista
dito kung saan patuloy na umaawit
ang musika ng protesta

ayon sa kasaysayan
kumpol ng maliit na isla
ang dating sakop ng Mendiola
naging libingan ng mararangal
at sang-ayon sa kuwentong ito
ng kasaysayan
dito uusbong ang ganap
na kalayaan
dito kung saan iniuukit
ang makauring digmaan