Biyernes, Mayo 20, 2011

Ulat Sa Tula

Irap ng Pari ang asim sa misa.
May tama ng rikit ang tirik na mata.

Lampas ang sampal ng baril noong Abril.
Lugod ang dulog ng mga liblib na bilbil.

Parang bigwas ng bagwis ang lagay ng layag.
Kung ugod na ang dugo wala nang yabag ang bayag.

Kupit lamang ang tipak ng kapit na putik.
Wala nang tikas ang salag kung lagas na ang sakit.

Mugto sa gutom ang tabain na binata.
Bugso sa busog ang alagad ng dalaga.

Tingi sa ngiti kung lima ang mali
Sa tipo na pito na kayliit ng tili.

Sipat at pitas, pisil sabay silip sa pula na lupa.
Ngunit sala pa rin sa lasa ang payapa na papaya.

Ubos sa subo kung lungkot ay tungkol
sa patay na payat na hatol ay tahol.

Hindi ba angat ang tanga kung salat ang talas?
Pangil ang lingap sa sapakat na kapatas.

Hindi kinaya ng iyakan ang ipis sa sipi.
Usap-pusa ang asal-sala na siping ng pisngi.

Tigil na ang gilit kung ligtas nang saglit.
Sa sukal ng luksa pilat ang palit.

Sagip daw sa pigsa ang langis ng lasing.
Dusa daw ang usad kung may sigla ang galis.

Laksa ang sakla sa lamay na walang malay.
May ilap ang pila sa yakap na pakay.

Awatin ang awitan! Pahiram daw ang mahirap
Ng ligtas na saglit sa pakpak ng kapkap.

Wagi ang agiw sa sagwa ng wagas.
Aliw ang ilaw sa salamin na minalas.

Awat-tawa, agaw-gawa! paskil ng piskal.
Labag nga ba ang bagal sa lawak ng kawal?

Tigib ang bigti kung may alat ang tala.
Sulit ang tulis kung tama ang mata.

Kulob at bulok ang kahoy na hayok.
Ang angas ng sanga ay kupkop ng pukpok.

Sandal lamang sa landas kung tagos ang sagot.
Paksa dapat ay sapak kung gusto ng gusot.

Mula habag ang luma nang bahag.
Lapat ang tapal sa pagal na lapag.

Sapat ba ang patas kung may bawas ang sabaw?
Italas ang salita, ang wika ay ikaw.

Mahalan ang halaman, isumpa ang umpisa.
Dilig-tubig sa gilid ay hindi ubra sa bura.

May pahid ng hapdi kung hula ang luha.
Walang sutla ang lutas kung daya ay adya.

Sikat sa tikas ang tuhog at hugot.
Tabig sa bitag, tukod sabay dukot.

Sa kalat ng takal, banat ang banta.
Sobra ang braso kung said na ang isda.

Walang talab sa balat kung bakli ang libak.
Pula ang ulap sa batak na tabak.

Sa kuta ng utak, may bagsik ang bigkas.
Patis sa pista ang pilas nang lipas.

Suntok sa kutson ang patak ng tapak.
May silbi ang bilis sa kati ng itak.

Tangi ang ingat kung kutkot ang tuktok.
Pisi ng isip ay kulog ng gulok.

May asam ang masa. May alab ang bala.
Banal ang laban na ang alay ay laya.

Doon, Doon Sinta (Sa Himig Ng Leron, Leron Sinta)

Doon, doon sinta.
Bundok na malaya.
Dala-dala'y idyo,
tapang at pagbaka.
Pagdating sa dulo,
tagumpay ang paglaya.
Ang ating hantungan
payapang umaga!

Barungbarong (Sa Himig Ng Bahay Kubo)

Barungbarong
sa estero.
Mga tao dito
ay sari-sari:
maton na kotong
sisiga-siga sa tabi,
batang kay-agang nagragbi.
Lolong hukluban,
Lolang puro uban
at saka may'ron pang
ibinibentang laman.
Nanay matsismis.
Mga musmos umuuha.

At sa kanilang paligid
ay puno ng manhid!

Sinasamba Ko Ang Noon

natutunan ko nang sambahin ang noon
tulad ng kung paanong walang alinlangang
itinakda ng mga Mayas ang tuldok ng mundo
tulad ng kung paanong ang pilospiya
ng paglimot ay katuwang--dalawa lamang
ang panig ng uniberso--ng pagbabalik-titig
sa lipas nang glorya ng daigdig
natutunan ko nang sambahin ang noon
manalig na ang mga tala ay hindi ilusyon
araw ang may tangan ng bendisyon
na maghuhubog sa buwan sa kanyang pagbilog
naniniwala akong may pangako
ang rebolusyon
sinasamba ko ang noon
hindi punso, hindi poon
hindi ang kanina at ngayon
hindi ang Makiling o Mayon
hinding hindi rin ang mga dito't doon
sinasamba ko ang noon
nakaluhod ako sa altar ng noon
simboryong umaalingawngaw
ang bulong ng kahapon
sasambahin ko ang noon
nakaluhod akong mananalunton
sa pilapil ng lipas nang bakas ng panahon

sinasamba ko ang noon
pagkat ang ngayo'y inanak ng kahapon
na magluluwal ng
                          b
                          u
                          k
                          a
                          s.

Andami Pang Pangarap Ng Anak Ko, Bakit Nila Ginanon?*

ikinabubuhay mo
usling bakal sa mga guho
                         at
bakal ang punglong
tumagos sa likod mo
                         at
bakal sa tigas
nagpupuyos galit ng nanay mo
                         at
bakal na rehas ba
siyang mahahaplos ng kumitil sa iyo?

*MANILA, Philippines 
    A 13-year-old boy was shot and killed in Makati Monday night by an unidentified police officer. Reports said the victim Christian Serrano and 2 others were collecting scrap metal at an abandoned building in Kamagong St. when a police mobile from Makati arrived on the scene.
Witnesses said the cops initially fired a warning shot to scare the teens away, but then a second shot was fired, hitting the victim in the back.
   The victim was rushed to Ospital ng Makati but was declared dead on arrival. Several other witnesses spotted the plate number of the police mobile and are willing to testify. Christian’s mother, Salvacion expressed her disappointment towards the police officer who shot her son.
   “Andami pang pangarap ng anak ko. Bakit nila ginanon,” she said.
   Christian reportedly had aspirations of being a police officer. Investigations are ongoing to identify the gunman.
                            --Report from Dominic Almelor, ABS-CBN News

Sa Labas Na Mundo*

marahil kinaiinggitan mo sila
ang ipis, gagamba, langgam, langaw
na malayang lumipad-gumapang
o maging ang mga ibong
sumisilip sa maliit na uwang ng maliit
na bintanang miminsang ding nagkakait
sa iyo ng liwanag sa tuwing ang araw
at buwan ay di makasilip sa kapirasong
espasyong nagpapagunita na
ang iyong kalayaan ay ikinulong kasama
ng iyong karapatan
marahil nga'y kinainggitan mo sila
mga insektong malayang labas-masok
sa makitid at mainit mong puwang
kinainggitan mo ngunit di pinandirihan
pagkat batid mong mas masahol pa
sa kanila--absurdong mukha ng karum'han:
antena, maitim, lagpas limang mga paa,
mabalahibo, mabalasik tumitig na mga mata--
ang mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
marahil nga'y kinaiinggitan mo sila
na nasisikatan ng araw,
nakalalanghap ng hamog,
sinusuyo ng ulan,
tinititigan ng buwan,
hinahaplos ng hangin
marahil kinaiinggitan mo sila
sa kanilang laya
naisaisip mo marahil
na mapalad sila, mas mapalad
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas mapalad sa mga naka-amerkana't
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado
mas mapalad pagkat pinakikinabangan
ng kalikasan anumang kaanyuan
mayroon ang pinandidirihan nilang kabuuan
naniniwala kang mas mariringal
ang mga insekto,
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas marangal sa mga naka-amerkana't
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado

at mapalad ka rin, alam mo
pagkat higit pa sa pisikal ang pakikiniig mo
sa labas na mundo
pagkat tulad nila, laksa-laksang
taon kang mananatili
sa labas na mundo
tula mo't sining ang insektong
gumagapang patakas, malaya
sa labas na mundo.


































*kay Ericson Acosta. Sa kaniyang ikatlong buwang pagkakakulong, itatakas natin siya.

Sasabihin Ko Sa Iyo

sasabihin ko sa iyo
magpapatuloy itong paglalakbay
kahit iwanan pa ako ng sariling anino
o mamuti ang balintataw

magpapatuloy ang paghinga
kahit nakawin ang hangin sa paligid
mananatili ang tibok
maglunsad man ng digmaan
patuloy ang agos ng haraya

ang hindi ko lamang sasabihin sa iyo--
...

Hindi Maiwawaksi Ang Kinagisnan

Sa abuhing kalawaka'y lubog-
sa-grasang-bulak ang mga ulap,
at yaong mga bitui'y mga diyamanteng bubog,
na nang tangkain niyang hawaka't haplusi'y
hindi sugat ang naiguhit
sa kaniyang balat.
Na nang dumampi sa kaniyang palad--
pumatak ang itim na mga luha
na tila mga tintang idinilig sa lupa.

Umusbong, bumukadkad
ang mga bulaklak.
Naggayak ang mga puno't halaman.
Sumayaw, mga ilog at dagat.

Hindi kailanman makasusugat
yaong mga bubog.
Mga likhang gunita
ng kaniyang organikong kaalaman.
Mga bubog yaong nakakintal sa kaniyang isipan.

Mga binhi ang bubog
na nakakatitig sa lupa.

Hindi mawawaksi ang kinagisnan.

Boni*

ulit-ulitin mang gunitain
kamatayang itinakda ng tabak
ng kalahing ang dugo'y
patuloy na dumadaloy
sa nakapagkit na mukha
ng pang-aalipin, pagsasamantala
sa lupa at hangin ng sariling bayan

ulit-ulitin mang gunitain
ito'y trahedya, muli't muli,
ng kasaysayan
na magmumulto, nagmumulto
noon hanggang sa hinaharap.






















*sa ika-114 taong kamatayan ni Andres Bonifacio.