Huwebes, Pebrero 17, 2011

Wala Pa Ring Makapagturo Kay Mario Condes

wala pa ring makapagturo kay Mario Condes.
nakulong na't inabuso, ginipit, ninakawan
ng laya at karapatan ang apatnapu't tatlo
at may naiwan pang walo
hanggang ngayo'y ni anino
ng likhang-malignong si Mario
ay 'di masipat ng mga demonyo.

wala pa ring nakakikilala kay Mario Condes.
paano mo nga ba makikita, makikilala
ang isang malignong nilikha sa pulbura?
walang Mario Condes sa Morong, Rizal
walang Mario Condes sa Barangay Maybangkal
nguni't nakulong, dinahas at abuso-sikolohikal
ang sumaklot, dumatal 
sa nag-aabot kalinga't pagmamahal
sa mamamayang nilimot lunasan ng estadong tuod
anong lohika mayroon sa isang batalyong sundalo
at ilang pulis-de-susi
na huhuli sa isang taong walang konkretong hininga
ni bakas, ni pagkakakilala
kundi isang Mario Condes lamang na kahina-hinala?

wala pa ring makagsabi kung sino si Mario Condes.
kung ito ba'y humihinga o naglalagalag lang sa tabi-tabi
kung ito ba'y gigiya na nama't magtuturo
ng walang ngalang mga bayani
bayaning nag-aalok tulong, naglalapat ng lunas
sa mga walang banig ni bubong o gasa sa sugat
walang tableta sa sipon o bakuna sa tigdas
walang ospital ni klinika o kapsula sa lagnat.

wala pa ring nakakakita kay Mario Condes.
at walang makakakita kay Mario Condes.
ito'y anonimong nilalang lamang na hinulma
sa malikhaing bao ng mga pinatapang
ng patig at gatilyo.

Walo Sa Apatnapu't Tatlo

ang patuloy na ikinandado

iniluwa na ng karsel
tatlumpu't limang siniil
walo ang naiwang nakahimpil
ginipit, giniitan
ng mga imbentong kuwento
na tuluyang magpipiit
sa walo pang manggagamot
ng bayang nilulumpo
sa lagim at takot

walang makalilimot

hindi sa tatlumpu't lima
tayo titigil
walo pa ang sinusupil
ng mga inutil.


*Walo pa ang naiwang nakapiit. Palayain ang mga detenidong-pulitikal! Palayain ang natitirang Walo sa Morong 43!

Pinapatay Ko Sila Sa Aking Isipan*

hindi ko na maigalaw ang mga paa ko.
manhid na ito.
pero pakiramdam ko'y
lumilipad ako
pati ang diwa kong naninirahan
sa ngitngit at galit.
pinipilit nila akong lumakad
gayong dinurog ng puluhan
ng kanilang mga armalayt
ang aking tuhod.
kung makasusuntok lamang ako
alam kong walang sala,
mababasag ko ang mukha 
ng mga halimaw na ito.
ang mga halimaw na itong
pulbura ang laman ng ulo
abuso't gatilyo ang puso.

pinapatay ko sila sa aking isipan.
habang nagngingisian
nagtatawanan sila,
sa diwa ko'y hinahatulan sila
ng hukumang bayan.
gagawing kalis ng punyagi
kanilang mga bungo.
gagamiting pang-aliw aso
kanilang mga buto.
at ang bola ng kanilang mga mata
pagugulungin mulang tuktok
pababa
sa sukal ng kabundukan.
mapapatay ko sila sa aking diwa.

pinapatay ko sila sa aking isipan.
alam kong mapapatay ko sila.
bago nila kami katayin.
alam kong patay na sila.

pinapatay ko sila sa aking isipan.
papatayin sila ng alab ng kilusan.
magwawagi ang digmang-bayan.

Binyag At Binyag

pebrero.

bininyagan ako
sa simbahan
kung saan ako
noon
bininyagan
upang
maging isang
kristiyano
isang sanggol
na walang
tutol
sa hatol
ng matatanda.

naging isa akong ganap
na tao
may isip at puso
nang bininyagan ako
muli
sa simbahan
kung saan ako
noon
bininyagan
upang
maging isang
kristiyano.

iyon ang binyag
ng sakit sa puso
ng ngayon sa kahapon
at hinala sa bukas
natuklasan ko
ang pait ng galit
at haraya ng saya
hiwa ng luha
at tapik ng gunita
nang binyagan ako
sa simbahan
kung saan ako
noon
bininyagan
upang
maging isang
kristiyano
may sarili nang huwisyo
hindi tumutol
sa hatol
ng puso.

bininyagan ako
sa simbahan
kung saan
walang tutol
akong sanggol
na naging kristiyano.

naging ganap
na tao ako
dalawampu at isang taon
nang binyagan ako...

tao.