Sabado, Setyembre 3, 2011

Madaling-araw

inawitan natin ang gabi
oo, maging ang umaga
ay nagalak sa ating pananatili
binantayan natin ang pagsibol
ng mga hamog
malamig, ngunit hindi tayo
nanlamig

mapalad tayo pagkat kilala
natin ang gabi at umaga
mapalad tayo at kinalinga tayo
ng kanilang buwan
at araw

silang dalawa ay hindi dalawa
iisa sa pananatili
na walang umaga kung walang gabi
na walang gabi kung walang umaga

alam kong ganito tayo, naniniwala ako
na wala ang isa kung wala ang isa
na wala ako kung wala ka
wala na ako
kung mawala ka.

Disapir*

huwag kang mawawala
kung ang kahulugan nito
ay ang paglayo
kung ito'y hudyat
na maglalaho
ang iyong mga titig
ang iyong mga ngiti
ang iyong mga daliring
nakakuyom sa aking mga kamay
ang iyong bisig na kumakapit
sa aking kaluluwa

kung ang kahulugan
ng iyong paglayo
ay kawalan
na hudyat ng katapusan:
huwag ka sanang mawawala

hindi ko maititindig ang ako
kawalan ng hangin ang bawat
pagmugto ng aking
mga matang hinalina
ng iyong puso

kung ang iyong paglayo
ay katapusan ng lahat
pananatilihin kita
hindi bilang akin lamang
ng aking sarili
pananatilihin kita
bilang bahagi ng mundo
na ginagalawan natin

ikaw at ako

huwag kang mawawala
hindi ka mawawala.


*kay Tantong

Kung Wala Na Ako

kung wala na ako,

sa anumang paraan,
halimbawa,
kumakain sa isang karinderya
at dalawang lalaki ang sa akin
ay gumapos at pilit
akong ipinasok sa van
halimbawa,
naghahanap ako ng libro
sa booksale
at umakbay ang isang matangkad,
matipunong lalaking
may banta ng deliryo
kung ako'y maghuhulagpos
halimbawa,
nasa kampo ako ng dilim
tinatanggal ang aking mga kuko
pinaiinom ng di maubos-ubos na tubig
kahit punung-puno na ang aking
sikmura
kinukuryente ang aking ari
o kaya'y kinakalkal ang aking sarili
halimbawa,
isinilid ako sa dram
isinemento, itinapon sa ilog
o basura akong iniwan
sa malayong lugar
inilibing nang walang pangalan
walang pagkakakilanlan
halimbawa,
baliw na akong rumuronda
sa banyagang lungsod
na di ko kilala
halimbawa

kung wala na ako
huwag ka nang maghihintay:
babalik ako

may mga taong masigasig
na maghahanap sa akin
libong taon man ang bilangin

nasa alaala mo ako
at nasa ngiti
ng matandang pulubi
sa gilid ng bangketa

magpatuloy ka,magpatuloy
kasama ang aking
alaala at adhika.

Ang Ilang Piraso Ng Iyong Mundo*

inilalahad mo ang ilang piraso
ng iyong makulay na mundo:
ang iyong buhay na singtingkad
ng iyong ngiti

at inililipad mo ako, patungo
sa malawak na hardin ng saya

itatakwil ko ang lahat
maliban sa taimtim kong pakikinig
sa pira-pirasong bahagi ng iyong
daigdig

kung inililipad mo ako
mahuhulog at mahuhulog
ako sa pira-pirasong bahagi
ng iyong mundo

hindi ako natatakot
matatakot
bumulusok
alam kong sa iyong ngiti
ako babagsak

ang ngiting idinudulot ng iyong labi
na tinititigan ko
habang
inilalahad mo ang ilang piraso
ng iyong mundo.


*kay Tantong

Salamat

nakikinig sa atin ang gabi
nagmamatyag, tila nag-aabang
ng hantungang
tutunguhin ng ating pag-uusap

nakikinig ang gabi, mataman
taimtim na sinisilip ang mga larawan
na nag-uudyok ng landasin
natin

maririnig niya kaya
ang pintig sa aking dibdib
habang
taimtim din akong lumilikha
ng tulang
nagbabalangkas
ng pasasalamat?

salamat.

Gyet*

nang minsang magsalubong
mga mata nating may pilik
na kinurba ng pungay
naisip kong may matutungo
tayo

napansin kong tila mabilis
ang panahon sa pagungumbinsi
kaybilis na parang palasong
tumutudla sa dibdib
mahirap iwasan, walang kawala
direkta sa mga ugat
hanggang sa mga salimuot
ng aking pag-iisip
parang kang bugso ng ulan
na maya't mayang sumusuot
sa bubong ng aking alaala
ang iyong ngiti
at ang usal mong pangalang
sumusuyo
ay nagdudulot ng di matawaran
di matatawirang katotohanan
na may matutungo
tayo

minsan pa,
salubungin mo ang aking
pagtitig
mauunawaan mo
ang aking pananalig

sa iyo.


*kay Tantong

Tuluyan*

                                     hayaan mo
hindi ko isinasantabi
                          ang iyong mga ngiti
   kung pakikinggan mo ang mga pintig
sa aking pulso,
           sa aking puso
nagsisimula na itong
                  sumayaw sa iyong ritmo

huwag mong ihihinto
   ang pagkumpas
                    unti-unti,
               natututo nang sumayaw
ang mga kaliwang paa ng lumipas
     kasaliw
          ang bihasang indayog ng bukas
                            baka sakaling magtagpo sila
        sa kasalukuyan

                     hayaan mo
hindi ko isasantabi ang iyong
          mga ngiti.


                                                      *kay G

Pastilan*

baliktarin kaya natin ang sitwasyon?
na ikaw ang ulanin ng alinlangan
at siya ang mamumukadkad na halaman
ng kataksilan?
ikaw ang lalamon ng naghuhumindig niyang
pride
pag
ma
ma
la
ki ?
isampal sa iyo ang lahat
maging ang pinamamabubuting sandali
na pagmimistulaing pinakamasasama?

walang pantay sa pag-ibig
kung see-saw ito,
ang isang panig ay nakahalik
sa semento.
mapagkumbaba.
minamahal ang
lu
pa,



*kay Loyalfaithful

Anggulo

mangilan-ngilan na ang patak ng ulan
nang mapagkasunduan nating umanggulo
at ipihit ang tadhana

nang bumuhos ang ulan, hindi ito
nakapigil sa dakilang larangan ng pagtatakda,
hindi kalungkutan ang ipinamumukha
ng ulan
nang sandaling iyon

ngumingiti ang dahon
sumasaway sa himig
ng hangin
tulad ko
na ngumingiti nang lihim

laksa-laksa pa ang igaganti kong ngiti
walang hangganan
at hindi ako mapipigilan
ng ulan.

May Mahihinang Yabag

may mahihinang yabag
na kumukulog sa aking tuktok
binabagabag ako
na baka kung ano nang saltik
ang pumipihit, nagbabanta
sa dalisay kong pag-iisip
mahinang yabag iyong mahina-
papalakas, hihina-lalakas
dumadagundong sa bawat sandaling
ipipikit ko
ang talukap
ng mapungay kong mata
nakatatakot wariing babagsak ako
sa karsel ng mga bahaw na halakhak
at mga mugtong hinagpis na
walang pinaghuhugutan kundi
ang mahihinang yabag
na naglalagi sa tuktok
sa loob ng aking noo
sa gitna ng aking mga sintido
sa likod ng aking mapupungay na mata
sa ibabaw ng aking hininga
sa gitna ng aking tainga

may mahihinang yabag na kumukulog
sa aking tuktok
nakakikilabot
ayaw lumisan
parang plemang kumapit sa dingding ng baga

may mahinang
yabag
na kumukulog
sa aking tuktok
kung kaya't kinatok ko
ang bao, ang aking bungo
ang aking noo
ang aking batok
naramdaman kong may laman
parang lata ng gatas
na alam mong may maikakatas
parang buko na nagtataglay
ng mala-uhog na laman na kay-inam
iaalmusal sa umaga

at hindi ako natakot
nang malaman kong ang laman
sa aking bungo, sa aking bao
ay nakadugtong
sa munting kamao
sa aking dibdib
hindi ako natakot
ang yabag ay kailangang paagusan
ng luha
buhusan ng maalat na agua
yabag pala
iyon
ng pangungulila
kumukulog na yabag
ng paglaya.

Romantisismo

i.
gagawin kitang tula
kung maniniwala ka
alam mong nasa dulo ka
ng aking mga daliri
ilalandas kita sa mga tiklado
sa mundo ng lapis at hinagpis
sa mundo ng papel at pagtugis
sinta, gagawin kitang tula...

ii.
mula tula, huhubog ako ng hininga
ihuhulma ko ang iyong hita
sasanayin ko ang mga daliri
na pasayawin sa hangin
itutuldok ko ang iyong mata
ang labi, ang ilong, sa espasyong
nakaharap sa kawalan
mula tula, huhubog ako ng sinta
ang aking bulong at sambitla
ang umpisa ng kaniyang paghinga...

iii.
ikinumpas mo ang lahat
maging ang aking paghinga
ngayon, papigtal-pigtal akong
bumubuga ng hangin
kumukumpas ka ng awitin
naririnig ko, kahit malayo...
iyon ay isang plegarya,
patawad, hindi ako lilisan...

Atom*

hindi ko alam
sa lahat ng footage, retrato
ng iyong pagkakapaslang
wala akong napansing dugo
sa puti mong kasuotan
nang araw na iyong
kinalkal ng punglo
ang iyong bungo
maliban sa nagsambulat
na dugo mula
sa iyong ulo
wala na akong napansin
marahil
senyales iyon
na baka
malinis
ang iyong naisin
ayaw kong maniwala
na orkestrado
ang lahat
na parang isang musikal
na pagtatanghal
sa entablado
ang pagpapasabog ng iyong bungo
na tila baga
kaya mo ngang
lumamon ng bala
ayaw ko
ayaw kong maniwala
pero, ngunit, marahil nga
kailangan kong maniwala
pagkat
ang edsa
hanggang ngayon
ay pangalan
lamang
ng kalsada
hanggang ngayon
nakapangalumbaba
pa rin
ang karapatan
at demokrasya.


*28 taon, Ninoy Aquino assasination

Gimmepayb

“It is the farmers, without any meaningful support from the government, who principally worked for a bountiful harvest. Even the so-called budget for irrigation cannot be claimed as government support because we’re the ones paying the exorbitant irrigation fees. Now, because the the government is giving measly funds for the national rice and corn program, we seriously doubt that high harvest yields can continue.” – KMP
--mula sa Bulatlat.com, KMP insulted by government’s measly budget for farmers: P5 support per hectare of corn

kung bibigyan sila ng pagkakataon,
tutal at nakahasa naman
nang pagkatalim-talim
ang kanilang mga karit-panggapas,
nahihinuha kong hindi kawayan
ang kanilang titiyagaing imbakan
ng mga barya-baryang tila mumong
kanin na sa kanila'y pinasusubo
nahihinuha kong sa bungo
ng mga asyendero't hunyango
hahalik ang mga karit
isang malaking hiwa
na tatambakan nila
ng limampisong barya.

Utang Na Loob

isang kabobohan ang paglalaan
689,207,000,000
para lamang sa pagbabayad
ng mga utang-panlabas,

mga balasubas na utak-ubas
lamang ang makaiisip nang ganito

hahayaan ng mga demonyong ito
na mamatay sa gutom ang mga walang maisubo
sa kanilang putlaing labi't nangangasim
ang hininga pagka't bakanteng lote
ang kanilang sikmura
hahayaan ng mga demonyong ito
na magkasugat-sugat ang paa
ng mga mag-aaral sa sulok-sulok ng bansa
na walang baon kundi tiyaga
at dadatnan ang kanilang silid-aralang
nagmistulang pusalian ng mga daga
hahayaan ng mga demonyong ito
na mamilipit sa hirap at pasakit
ang mga pasyenteng pinagkakaitan
ng serbisyo, ng gamot at pribilehiyo
silang sardinas na nagsisiksikan sa pasilyo
ng pagamutang animo'y purgatoryo
hahayaan ng mga demonyong ito
na magkandakuba, sampalin ng pang-aalipusta
ang mga magulang na nagbebenta ng kaluluwa
sa mga banyagang bansa lungkot ang kasama
mala-kabayong uubusan ng lakas
ng mga among walang pakialam sa kanilang bukas

hahayaan tayong mamatay ng mga demonyong ito
wala silang utang na loob
wala silang pakialam
sa pasan ng ating mga balikat
689,207,000,000?
ay! hindot na budget cut!

Cow Medya

si Mideo ba kamo?
ang gumawa ng Politeismo?
ang naglagay ng uten
sa mukha ni Hesukristo?
ang yumurak sa panananampalataya ng
mga sarado Katoliko?

si Mideo ba kamo?
ang may kasalanan, ang nagpagulo?
sa taimtim na panalangin sa mga kumbento?
ang nagpasabog ng butsi ng mga obispo?

si Mideo ba kamo?
ang may likha nitong mainit-init pang pagtatalo?
ang Filibustero?
ang dapat sunugin maging abo't pati apo?
ang dapat ipako?

si Mideo ba kamo?
aba!
matagal nang nagaganap ang ganitong mga yugto.
at mamatay man ang aking mga kuko,
monolitikong buhay ang Sistema ng Vaticano.
segurado.

si Mideo ba kamo?
teka!
bago husgahang kasalanan nga ni Mideo
o bago bansagang satanista at demonyo
baka puwede muna nating suriin ang Media
ang walang kinikilingan, ang mga patrol ng bayan
ang dakilang Media
na masayang nagpiyesta
sa dulang ng aydolitaryong
pananampalataya.

Poli

maraming kinikilalang diyos
ang maraming kilala ng Diyos
kilala ng maraming ito ang Diyos
ngunit wala yatang nakakikilala
na maraming diyos
ang dumi-Diyos sa Diyos
na hindi makilala ng maraming
kinikilala ang mga diyos
ngunit hindi
ang Diyos
na lumikha
ng mga
diyos.

Ang Lalaking Sumuong Sa Baha

We make mistakes all the time. Unfortunately for Lao, when he made his, a GMA News crew was on the other side ready to ambush him about his embarrassing miscalculation.
--Carlos H. Conde

Sinuong niya at ng kaniyang kotse
ang di makalkulang baha.
Cum Laude. Iskolar ng Bayan. UP Diliman.
Christopher Lao.

Sinuong niya
at wala siyang napala
kundi tubig sa kaniyang silinyador,
sa makinang pinatay ng tubig-
baha. Nabasa
ang suwelas ng kaniyang sapatos.
Malaking gastos
ang muling pagpapaayos
ng kaniyang kotse.
Ay! Letseng diskarte!

At hindi siya pinalampas
ng matatayog na utak.
Bobo. Tanga. Nasaan ang sintido-kumon?
Utak-pulboron!
Cum laude? Baka nabibili sa palengke?
UP Diliman? Oo, may malawak diyang damuhan?

It's a hype. Isang biro.

Christopher Lao, ang lalaking
sumuong sa baha.
Hindi kalkuladong baha.
Asahan ang dagsangtawanan.

Isinusumpa ang pagkakamali
sa lipunang batbat nito.
Hindi mali ang MMDA.
Hindi mali ang GMA.
Hindi mali ang mga enforcer.
Hindi mali si Jun Veneracion,
ang reporter.
Walang puwang
ang mga Christopher Lao.

Isang dagok sa katalinuhan
ng mga Pinoy.
Insulto.

Ipako sa pader ng kahihiyan
ang mga tulad ni Lao!

Huwag ang mahuhusay
nating lingkod-bayan.
Huwag.