Linggo, Hulyo 24, 2011

Balita

Kagabi
lumagom
ang katotohanang
sumasabog,
namamatay
ang lahat ng bituin.
Gaano man katatag
ang iyong pananalig
tumitikwas
ang hikbi
sa di maasahang
kabig
ng
kapalaran.

Patlang na
ang lahat ng ngayon
at kinabukasan.

Patricide O Sa Ibabaw Ng Bangkay Inilalatag Ang Tula (Pasintabi Kay German Gervacio)

Gilitan ng liig ang mga nuno't idolo.
hangga't maaari, ataduhin maging buto.
Huwag hayaang makagulapay pa,
tarakan ng kandila, kanilang sintido at baga.
Paputlain ang kanilang labi, katasin ang dugo
parang kalamansi. Ang utak at puso
tadtarin at ipulutan. Magbarik, iikit ang baso,
sa harap ng kanilang dakilang bangkay
ating ihahantad ang ating tagumpay.
Sa ibabaw ng bangkay inilalatag ang tula.
Ang pagkitil ng Ama ay 'sang dakilang pasya.

Disrespeto

garantiya ng pagtutol
ang pakikihamok
sa nagtatayugang noo

diktado ang dunong
ng lipunan, walang
palag ang laya ng katawan
at isipan

iginagapos ng di nasusulat
nguni't nasasalat
na kalatas
ng karapat-dapat
ang pakpak ng paglipad
sa lawak ng mundo

kung kaya't sumisigaw
nagrerebelde
ang maraming puso

disrespeto raw
ang maghayag
ng saloobin, opinyon
at kuro-kuro.

Sona'f a Shit*

Slogan mo, "Tayo na sa Daang Matuwid." Mabigat!
Okay, naiintindihan kita. Gusto natin 'yan.
Noynoy Aquino, aming kapita-pitagang pangulo,
Ang pagbabago ay isang salitang madugo.

Sabi mo, "Wala nang Wangwang." Ayos!
Okay, luluwag na ang karsada.
Noynoy Aquino, aming mahal na pangulo,
Andami pa ring Buwang sa Kongreso.

Sabi mo, "Kayo ang Boss ko!" Matindi!
Okay, kaya naman obligado kaming tasahin ka.
Noynoy Aquino, aming dakilang pangulo,
Ang hatol nami'y ibagsak ang iyong grado.


*Hulyo 25, 2011. Unang SONA ni Pnoy. Huwag pauuto.

Ugat*

inugat ko ang linya ng iyong dugo
Araneta, mula ka pala sa Gipuzkoa, Basque
sa dakila, kadaki-dakilang lupain ng Espanya
inanod ng Kalakalang Galyon, napadpad
sa dalampasigan ng Las Islas Filipinas
ay! kaypalad mo't dito ka dinala ng kapalaran
dito sa lupain ng mga Indio, ng mga tinurang
unggoy ng iyong mga kabanggaang-balikat
ay! kaypalad mo't dito sa lupain ng mga magsasakang
walang lupa, ng mga dinuduhaging manggagawa
ng mga maralitang walang bubong, walang-wala
dito ka magbibinhi ng saganang bukal ng pag-asa
pag-asa ng pagnanasang inaasahang ihahasa
sa liig at palad ng mga walang-wala
ay, Araneta! dakilang lahi ng mga mariringal
     lahing pinayabong ng balat-kayong kadakilaan:
sa ugat mo dumadaloy ang dugo
ng mga Jose Miguel Arroyo
ng mga dakilang pulitiko nitong binubusabos na bayan
sa ugat mo naglalandas ang dugo
ng mga J Amado at Greggy Araneta
ng mga dakilang negosyante nitong ginagatasang bayan
ay! dakila ka, Araneta

sa kamay mo nalagas ang hininga
ng Mel Fortadez at Sol Gomez
walang dakilang dugo ng bughaw na langit
walang lahing kayringal at kaytingkad
payak na katauhan sila ng pakikitalad
linyado ng pulang dugo ng pakikihamok

kung magtatakda ng kasaysaan ang lahi
ng mga Mel Fortadez at Sol Gomez
ay, Araneta! bayoneta sa mata
ang tuldok ng iyong presensiya
huhugutin ang lahat mong ugat
at hindi ka maisasalba ng bulto-bulto mong kuwalta.


*kay Mel Fortadez at Sol Gomez, mga lider-simbahan na inagawan ng hininga habang nagtatanggol sa mga maralita ng Pangarap Village Caloocan