Miyerkules, Agosto 15, 2012

Lagi Na At Malungkot Sa Aming Bayan

          May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
          may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
          ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo
          samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
          sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
          at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punlo!

                         Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan,
                         Amado V. Hernandez

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Nakayuko ang mga talahib na waring mga musmos
Na nakaluhod sa altar ng milagro;
Sumasamo ng tining sa nagburak na pangarap,
Humihiling ng habag sa libaging hininga.
Kumakaway ang mga kawayan, di naghahantad
Ng tapang sa unos.
Bagkus, nakatundos itong nakamata sa langit—
Naghihintay ng kamatayang nakaabang, ilalatay sa katawan.
Mga uhay ng palay na nilipasan ng gintong-balat,
Nakahiga sa tigang na tadyang ng nilalagnat na parang.
Nakapamaywang ang mga gusali, nitsong malalamig,
Nakatitig-hamak
Sa butas na bubong ng mga dampa’t barungbarong
Sa nagtuklap na tarpolinang tabike;
Putikang sahig na nakahalik sa kawalan,
Mga haliging singtibay ng nauupos na pag-asa
At kisameng naglundo sa rupok—
Sinigid-lunod ng luhang rumaragasa
Sa estero’t ilog ng dustang buhay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
May mga palad na nagbitak,
Naghahanap ng sariling pilapil.
Sila na tumitingkal ng lupang nakakuyom
Sa pangil ng mga halimaw.
Mga halimaw itong sumasakmal sa mga naisin
At hangaring ang mga silahis sa umaga’y haplos
Ng pag-ibig na maglalatag ng banig
Sa namutlang takipsilim.
May mga tuhod na nakalublob sa putik;
Inaararo ang sariling luhang sumapi sa patubig.
Mga pawis na kinatas ng pagod
At di mailigtas ng sambalilo sa ngitngit ng araw.
Mga tansuing bisig na naghuhumiyaw ang kalamnan,
Sa lakas na sinipsip ng umimpis na katiyakan—
Sa isang bukas na tangan ng anak ang mga aklat
At patugpa sa landas ng karunungan,
Nag-iisang pamana ng tulad niyang nagbibilang ng gatla
Sa mga panahon;
Sa isang bukas na umaawit ang mga pipit sa pawid na bubong,
At ang maybahay na maghahatid ng pananghalian
Ay inukitan ng dalisay na ngiti.
Api siyang nagbibilang ng gatlang nakabalangkas
Sa siwang ng lupang humihiyaw ng kalinga
Na iginagawad niyang nagsaluya ang mga daliri sa paa.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Umaandar, yumuyugyog ang mga makina
Sa malalangis na pabrika.
Nagbubuga ng kabuteng-usok sa abuhing langit.
At ang pumipintig na ugat—nagbibigay-hininga
Sa mga makinang lumilikha ng tubo’t puhunan
Ay dayukdok na nangingitim ang mga damit,
Tulad ng pangarap na tinakasan ng kaganapan;
Grasang singdilim ng langit na walang bituin.
Nangasuksok ang mga dumi sa pudpod nang mga kuko,
Waring dulo ng kamay-orasang naliligaw sa bulong ng segundo.
Silang nililimusan ng barya-baryang kalansing, pang-agdong
Sa buhay na binabastos ng alingasaw at alimuom,
Ng alikabok at kalawang.
Hugong ng mga turnilyo’t bakal,
Palahaw ng mga martilyong ipinupukpok sa dibdib
Na hinulma nang maging manhid sa daing
Ng bunsong umoonse ang sipon, nanlilimahid
Sa dungis at malnutrisyon;
Ng asawang binugbog ng dalitang kalagayan
Sa bituka ng malupit na kalunsuran.
Brasong binulok ng kapagalan.
Binting isinangla sa walong-oras-higit na paggawa.
Naghihintay sa katapusang
Dumadaan nang walang pangungumusta
Sa sadlak na kapalaran.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Ang mga tabing-dagat ay kinukumutan ng pangamba.
May bula ang dila ng mga alon,
Nakangangang kalderong walang laman ang laot.
Sisid-ahon ang maaalat-nangaliskis na balat,
Inihihigpit ang mga bisig sa paghampas ng daluyong.
Sa mga panahong nawawala ang estrelyang gumagabay
Sa landas ng bangka—ninakaw ng mabangis na ulap—
Malamig ang haplos ng baliw na habagat.
Bitbit ang lamparang-de-gaas,
Mga santelmong apoy silang nilalamon ng dilim,
Ng guhit-tagpuan,
Ng halik ng tubig.
At kaparis ng tahimik na paglangoy ng mga galunggong,
Ng pagsayaw ng mga halamang dagat,
Ng paglalamat ng mga koral—sinasakmal sila ng kawalan.
Silang naglalapag ng pritong matang-baka,
Silang naglalapag ng sinigang na salmon at inihaw na tuna,
Silang naglalapag ng sarsiadong labahita,
Silang naglalapag ng ginataang sapsap,
Sa mga adornadong dulang
Ay nag-uulam ng de-latang sardinas;
Humihigop ng sabaw—isang dahop na bukas.

Lagi na at malungkot sa aming bayan
Basa ang mga aklat sa tag-ulan
At punit sa katag-arawan.
Sumisigaw ang napunit na bubong
At pumapalatak ang bitak ng mga pader.
Umaalog na mga haliging nakatindig
Sa duwag na lupang walang katiyakan ang pundasyon.
Nagbabalseng mga upuang isa sa tatlo,
Silid-aralang mainit,
Silid-aralang pinasikip ng naglalampungang balikat.
Maramot ang aral at karunungan sa butas na bulsa,
Bukas-tarangkahan sa mga paang nakadadampi sa alpombra.
Sa pag-usad ng mga panahong dapat ihimpil sa silid-aralan,
Mabibilang sa mga daliring nagkalyo,
Sa mga nalagas-sunog na kilay
Ang makatatangan ng isang pirasong papel
Na magtatakda ng uri sa lipunang marahas:
Ang magiging nars ay magiging kerteyker na magpupunas
Ng mapuputing puwit ng mga ulyaning matatanda sa Europa.
Ang magiging doktor ay magiging nars na mag-aabot ng hiringggilya
Sa banyagang superyor na bughaw ang balintataw.
Ang magiging inhenyero’y magsusukat ng lupa at maghahalo ng semento
Sa umaasong buhangin ng Gitnang Silangan.
Ang magiging arkitekto’y guguhit-balangkas ng mansiyon
Ng mga diyus-diyosang pinagpala ng pagsasamantala.
Ang mga guro’y puputulan ng ulo o dili kaya’y magtuturo
Sa mga banyagang pilipit ang dila sa ingles.
Silang magiging alipin ng visa at dolyar, ng disyerto at niyebe
Sa kabilang pampang ng kabihasnan.
Mapipilitang sumakay sa eroplanong-papel nilang pangarap:
Magsubo ng buhay sa naghihingalong pamilya.
At ang mga sinawing-palad
Na di makatatawid sa ilog ng pagkatuto’y ibabartolina
Sa maruming kuko ng kapagalan, dito man o sa mga lupaing nagpapalastas
Ng pulu’t pukyutang pag-unlad—karpintero, latero,
Paspudkru, kargador at iba pang ibibilang sa hanay
Ng mga utus-utusang pagdadamutan ng kanin at tinapay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Ipinapako sa krus ng kahirapan, pinagdadamutan
Ng dangal at ligaya.
Kaya’t humihiyaw ang mga hibik,
Naninindak ang mga tangis.
Sa mga kalyehon at eskinita.
Sa mga estero at tulay.
Sa mga parang at talampas.
Sa mga pampang at laot.
Waring isang awiting sumusuot
Sa himaymay ng utak,
Nagbabanyuhay bilang isang babala.
Mag-aanyong kamao ang mga luha
Talampakan ang mga dusa,
Bibig ang mga pangamba.
Itutuldok sa hangin,
Imamartsa sa abenida’t kaparangan.
Isisigaw ang dapat nang mabatid,
Itatakda ang kaligtasan at katubusan
Dahil lagi na at malungkot itong aming bayan.