Martes, Marso 27, 2012

Pagkat Langis Ay Nagmamahal (pasintabi kay RAS)

Mapoot tayo, langis ay nagmamahal:
pagkat tayo'y mukha nang kalawang--
tulad ng lumang tambutso--ng drayber na utal
ang paghinga; sa kakautang.

said kung gatasan, siyang walang mapala
sa silinyador; sa kada umaga
mukhang buto't balat: ang pawising mukha
na nagdildil sa hangin at luha.

Kaya't sumusulak sa utak ang balak,
wag nang magdiskuwento, kita'y tumaas--
paniwalang kung sa rally walang makatas
anak ng tokwa! walang kaparis ang aklas!

Mapoot tayo, langis ay nagmamahal;
magmamahal na rin de lata't pandesal.

Kabiyak

hinihintay, hihintayin
panahong ikaw
ang una at huling
mukhang mamamasdan
sa mga umaga at gabing
magdaraan
sa laksang mga araw
at buwan
na pagsasaluhan
ng mga pusong
nagtitiyak
ng patutunguhan.

Kung Saan Umuuwi Ang Mga Salita

i
nagluluwal ay nawawalan, naghahanap
ay tinataguan, nakakikita ay nabubulag,
nagsisiwalat ay nililimot: saan lulugar
ang panday ng salita? saan lilipad
ang talim ng ideya?

ii
pinuno ng mga bato ng isang Virginia
Woolf ang kanyang panlamig saka
nilunod ang sarili sa Ilog Ouse. Setyembre
12, 2008 nang ilambitin ni David Foster
Wallace ang sarili. pinulutan ni Gustav Johannes
Wied ang potassium cyanide. isang vial din
ng cyanide ang kumitil kay George Sterling,
na lagi niyang dala-adala, 'ika niya:
nagiging tahanan ang isang kulungan kung
nasa sa'yo ang susi. kung bibigyan daw ng isa
pang pagkakataon ipapuputol ni Wally Wood
ang kaniyang kamay ngunit nagbaril na siya sa ulo
bago pa kitlin ang kaniyang malay. tulad ni Wood,
punglo sa ulo ang pumatay kay Hunter S. Thompson
na itinanim ng sarili niyang daliri. pares ng stockings
ang yumakap sa leeg ni Chen Ping. sa sariling dibdib
nagtanim ng bala si Frank Stanford. di malinaw
ang pagpapakamatay ni Felipe Trigo. nag-seppuku
si Emilio Salgari. inilatag ni Sylvia Plath ang ulo
sa loob ng oven kapiling ang teribleng lamig
ng panahon at pagkakataon. pasko nang pahintuin
ni Raul Pompeia ang sariling mundo. nawala sa
katinuan, Marso 23, 1914 nang pumikit si Harry
Thurston Peck. hindi nailigtas ng kagubatan si
Horacio Quiroga, cyanide ang huling hantungan
ng kanyang dila. 1920 nang magpakamatay si
Taqi Rafat matapos ang pagkawasak ng 
sinusuportahang si Khiabani. sariling kapangitan
ang nagtulak kay Roger-Arnould Riviere para
maglunod sa gas. hindi iniligtas ng prestihiyosong
pinagmulan si Amelia Rosselli. sinaksak ni Qiu-
Miaojin ang sarili, isang lebiana. may butil
pa nang luha nang matagpuan ang bangkay
ni Manuel Acuna. tinulungan ng asawa, 
nagbaril sa ulo si Francis Adams noong 1893.
nagbaril din sa ulo si Jose Maria Arguedas.
hindi kinaya ang bangis ng AIDS, nag-overdosed
sa gamot si Reinaldo Arenas. inunahan ni
Jesse Bernstein si Kurt Cobain. veronal ang nilagok
ni Ryunosuke Akutagawa. naglaslas ni Samuel
Blanchard. sakay ng barko, tumalon sa look
ng Mexico si Hart Crane at di na natagpuan
kailanman. matapos ang pagbaril sa asawa,
naglason si Geza Csath. naglunod sa Tamagawa
Canal si Osamu Dazai kasama ang kalaguyong
si Tomie. 1972 nang ihabilin ni Yasunari Kawabata
ang sarili sa gas. nagkasundong magpakamatay
si Henriette Vogel at Heinrich von Kleist. sleeping
pills ang pinagsanggunian ni Charles Jackson. 
.380 Colt Automatic ang humimas sa sentido
ni Robert E. Howard, di siya nailigtas ni Conan
the Barbarian. Type II diabetes ang pumunglo
kay Leicester Hemingway. sakay ng tren,
hindi na umabot sa patutunguhan si Stephen
Haggard matapos magbaril sa ulo. nagkasundo
ang Mr. and Mrs. Guy Gilpatric na sumakabilang-
buhay nang sabay, binaril ng lalaki si babae
sa likod ng ulo sunod ang sarili. nagpakamatay
ang kapwa manunulat at kapitbahay ni Pasternak
na si Alexander Fadeyev, isa sa tagapagtatag 
ng Union of Soviet Writers. sa Brick Tower Motor
Inn pinagsanib ni Michael Dorris ang suffocation,
droga at alak para matiyak ang balak. 1983
nang magpakamatay si Arthur Koestler matapos
ang pagkakatuklas ng kaniyang Parkinson's
at Leukemia. plastik bag ang sagot ni Jerzy
Kozinski sa plagiarismong inaakusa at sa sakit
na di masawata. mula 7th Floor ng FEU,
lumipad si Maningning Miclat nang walang
pakpak, sa semento lumapag hawak ang
duguang larawan ng isang lalaki. parang juice
na hinalo ni Leopoldo Lugones ang whiskey
at cyanide bago lagukin. Prusic acid naman
ang nilagok ng bunsong anak ni Karl Marx
na si Eleanor. disilusyonado sa tunguhin
ng Soviet Union, nagbaril sa ulo ang futurist
na si Vladimir Mayakovsky. patay sa sleeping
pills ang anak ni Thomas Mann na si Klaus.
matapos ang bigong kudeta, nag-seppuku
si Yukio Mishima. hindi na nakabalik ng India
si Dhan Gopal Mukerji matapos magbigti. 
morphine overdosed ang kumitil
kay Alexandru Odobescu. sinuot ang lumang
panlamig ng ina, tinanggal lahat ng kanyang
singsing, lumagok ng vodka, ikinulong 
ang sarili sa garahe, inistart ang kotse,
matagumpay si Anne Sexton sa carbon
monoxide poisoning. sumpa na yata
ng pamilya, nagbaril sa ulo gamit ang shotgun
si Ernest Hemingway bago pa mawala sa katinuan,
hindi nailigtas ng hunting at bullfight ang hininga,
di na sumikat ang araw para sa kanya.

iii
    naglalakbay sa
                   kawalan       mga            katanungang
               di makahanap
         ng tugon
               sa mga letrang            
                                   iniukit 
           sa         tangang
 papel

  na        dinatnang            singbirhen         ng bagong
                 silang           na umaga
                                   at iiwang
             natuldukan
      ng laspag 
              na             pluma.

Narcissus (pasintabi kay AGA)

ako
ang earth

ako
ang what?
tula?
no way!

ako
na lang
ang sky

ako
ang moon

ako
ang earth
ang sky
ang moon

ako
ang magandang ako
ako ang forever
ako ang sun sa earth

ii

ako
ang earth ng tula?
no way!
ang tula ng earth?
no way!

ako
yes!
ang freedom ako
so honest sa aking sarili
sa aking earth
ng everything

ako
ang tula?
no way!
ako
na lang
ang earth

ako
ang earth
ng earth

ako
ang earth

iii

ako

ang emotions
so free

ako
ang pictures
sa FB

ako
ang life
i love me

ako
ang emotions

ang pictures
i love me

emotions
pictures
life
tula?
no way!
i love me

iv

ang earth
me
sa tula?
no way!

ako
ang earth
ng tula?
no way!

ako
na lang
ang earth
kesa tula

ako
ang tula?
no way!

earth
wind
and fire

party!

yehey!

Makata

“A poet’s work is to name the unnameable, to point at frauds, to take sides, start arguments, shape the world, and stop it going to sleep.” -- Salman Rushdie

inaantok ang kasalukuyan, kaya't ikaw
na may hawak ng estropa at tugmaan
pangalanan mo ang mga kaaway, isigaw
mga kaululan at hungkag na katwiran
ng mga diyus-diyosan, buwitre't halimaw
panigan mo sampu ng iyong mga pantigan
pintig ng mga sikmurang pumapalahaw
sa hapdi, ituro mo ang sukat ng kalayaan
at tuldukan kasakimang nangingibabaw
sa kalupaan nitong ninanakawang bayan
umpisahan mo argumentong gugunaw
sa pinilakang tore ng baluktot nilang lipunan
ituro mo, tamang paghawak ng balaraw
na itatarak natin sa dibdib ng mga kalaban.

Let's Paint The Town Red Because Roses Are Red

nakapinta pa rin sa bubungan
ng aking gunita ang mga sandaling
pinahinto natin ang daigdig.
alam kong ganap mo ring naaalaala
na umaambon noon, at hawak-kamay,
iginupo natin ang tulay sa ating likuran
at walang alinlangan, pasulong
ang lahat ng ating hakbang
at ihahakbang.

nakapinta pa rin ang lahat.
singlinaw ng awiting sabay nating inawit,
singlinis ng mga hangarin na ating hinabi.
marami pang sandali
ang ipipinta natin sa mga kanto,
sulok, sa lansangan, sa bangketa
ng masalimuot nating daigdig. hawak-
kamay tayong magsasaboy
ng bahaghari ng ating pananalig.

Sa Bahaw Nilang Kaunlaran

maari ngang inilalayo nila tayo
sa isa't isa, na mistulang mga alikabok
tayo sa malinis nilang salamin:
sagabal sa kagandahang sila't
sila lamang ang nakaaalam.
pinaglalayo nila tayo, tutol
sa walang gatol nating pulot
at gatang pagsinta. natatakot
sila, marahil, sa kinang na
nililikha ng ating mga damdamin.
dahil sistematikong-makinang-
kontrolado-ng-barkadahan-
kapatiran-at-hungkag-na-alta-
sosyedad-na-pamantayan
ang lahat ng sa kanila'y umiiral,
kalawang tayo sa matimyas na
hugong ng dispalinghado nilang
mundo. mainit sa kanilang mata
at punyal tayong tumatarak
sa kanilang patakaran. bagamat
tiyak ang lahat sa atin; walang
ilog na mamamagitan, walang dagat
na makapaghihiwalay. hindi
natin sila masisisi, humahantong
sa inggit ang lahat ng
kagustuhan.

marahil, sa kanilang mga mata,
puwing tayong sagwil
sa bahaw nilang kaunlaran.

Ang Akala Nila

     may pata sa karapatan
kaya't ganoon na lamang
kung pagpiyestahan
     may alay sa kalayaan
kaya't ganoon na lamang
kung paniwalaan
     may hostess sa hustisya
kaya't ganoon na lamang
kung i-molestiya

      may ari ang sarili
kaya't ganun na lamang
kung maglandi
      may friendship sa prinsipyo
kaya't ganun na lamang
kung manggoyo
     may panini sa paninindigan
kaya't ganun na lamang
kung ipag-ipitan

     ang makata ay takam,
mali, sila ay katam:
kinakaskas ang salubsob
parang karpinterong paham.

Rosas

Sabihin mo sa aking ang ambon
na dumarampi sa ating mga pisngi

ay ang matimpi nating luha
na nagpapaunawa ng galak

sa sandaling ito na binabaybay
natin ang tapat na bukas

matapos ang pamumukadkad
ng                                  rosas

sa ating mga balat.
Sabihin mo sa akin at atin

ang lahat. Sasabihin ko sa iyo
na atin ang lahat.

Malungkot Na Larawan Ang Tutong Sa Kaldero

parang bangkay ng mga hudyong
ninakawan ng hininga sa Mittelbau-Dora
ang pagkakahilera ng mga pulubing
mahimbing na nangatutulog sa bangketa
ng Juan Luna at Padre Rada. mataman
kong sinisipat ang pagtaas-baba
ng kanilang mga tiyan; salamat at may
hangin pa sa kanilang mga baga. kumikislap
ang lumalawlaw na laway ng lalabimpituhing
binatang masarap na nananaginip;
napatadyak ang lilimahing paslit na punit
ang damit, sa katabing tumanday sa
kanyang pigi. plakda sa pagkakahiga
ang dalagang nakatirintas ang nanlalagkit
na buhok; yakap siya ng binatang
may bangas ang kilay. tinutudla sila
ng bagong gising na araw, maya-maya,
marahil ay isa-isa silang magbabangon.
maya-maya, marahil, habang naghihintay
ng magdaramot ng limos, marahil, masaya
akong kumakain sa isang Chinese Restaurant
sa Cubao na may matandang galit sa PDA;
nilusaw ng sweet and sour na ulam
ang empatyang ihahantad ko sana sa kanila.
marahil, maya-maya, masagasaan ang paslit
na sabit-baba sa ragasang mga dyip;
habang ako, lumalasap ng ever-thick
ice cream ng DQ sa Gateway. marahil,
maya-maya, nagbabasa ako ng Chicken Soup
for the Soul habang nagkakape sa Figaro at
di ko malalamang nagtatalik na sa sementeryo
ang binatang may bangas ang kilay at dalagang
malagkit ang buhok. marahil, marahil, marahil
ay, oo, ligaw ako sa sarili kong mundo.
hindi alam ang kaibhan ng empatya sa simpatya--
dahop at sunog tulad ng tutong sa kaldero.

Teta

mainitin ang iyong ulo at di ko maarok
ang lagay ng iyong rollercoaster
na disposisyon. mahilig ka sa eya
at mahilig mangurot. bigla-bigla kang
nananampal at nagsasabi ng mga bagay
na tumutusok sa aking dibdib. mahilig
kang umiyak. hindi mo rin tiyak

ang iyong ugali. napakaraming bagay
na maaaring nagbigay sa atin
ng malawak na espasyo ng paglayo
pero may iisang dahilan lamang ako
para tanggapin ang lahat at ngumiti
sa upside-down mong sarili: ikaw
ang byuti in this ever complex nating
society.

Bimby Noy

maupo ka bimby
at ituturo ko
sa iyo
ang tuwid na daan,

teka? what's that?
a PS3... WHOA!!!
and the latest Diablo?
what the?!!
did mommy buy this?
very nice!

oh sorry, pamangkin.
saan na nga ba tayo?
ah...
okay, so ang tuwid na
daan ay... teka...

what the... it's Grace
Lee on TV!!!
look bimby, that's
Grace Lee, she's a
Korean... very beautiful
di ba?

ah.. wait, nawawala na tayo
sa lesson...

oh sige cancel muna!

inaantok ako...
teka, where's your
mommy,
bimby?

Tito... what's
with Luisita?

zzzzzzzzzzzzzzzzzzz.

Grasya

pakay
ko
ay
yakap
at
ang
halik
mo'y
lilikha
ng
sigla
at
gilas
sa
aking
kaluluwa.

Lorena, 28


labintatlong araw mula ngayon, Lorena
ay ang ikatatlumpu't anim na taon
ng iyong kamatayang di dapat ipagluksa.
kahit alam naming kasama mong nawala
ang isang bumubukal na pintig
sa iyong sinapupunan, di dapat magluksa.
ayaw ko nang handugan ka ng anumang
tayutay o mga estropang ihahambing
ka sa isang mabukadkad na bulaklak
sa masukal na gubat. payak
lamang ang ninanais kong pagdakila sa iyo;
gusto kong yakapin ang iyong pagkatao.

Makibaka

dahil ang babai'y
di lamang sa kusutan
ng kumot at pantalon ini-inin
di lamang sa kawali
at sandok inihahandog ang awitin
di lamang sa daster
naikukulong ang mga hangarin
di lamang sa banig at kalabit
inilalaan ang panalangin

dahil ang babai'y
di lamang taong malambot
ang puso't magaan
ang luha
di lamang mahabang buhok,
makurbang baywang
at hita

dahil ang babai'y
di laman lamang
na dapat ngasabin
at di lamang laman
niya ang dapat
gustuhin

dahil ang babai'y
di lamang bahay-bata
kundi kapatid at ina
dahil ang babai'y
ang bayang
dapat mong ipagdakila.

Kung Paanong Nagiging Orasan Ang Kumakalam Na Tiyan

tanungin ang bituka,
kung nagrerebelde't

sumisilakbo
'ka ko'y kailangan

nang may maisubo.
paano kung wala

ni anino ng mumo?
baka kailangan

nang magpaliyab
ng sulo, humawak

ng tabak
at ihawan

ang masasamang
damo.

Bali-balita Sa Marso

isang babaing biktima ng human trafficking
ang gumuhit ng pekeng nunal sa kanyang pisngi,
tinangkang magoyo ang mga immigration officer;
iligal niyang babagtasin ang mga kalye
ng Singapura. matalas, tulad ng balaraw,
ang mata't sentido ng mga opisyal. nalusaw
ang pekeng nunal ng babae; ngunit ang kay Glori,
bakit tuloy sa pananatili?

"Utang natin kay Madam Cory Aquino ang kalayaan
na tinatamasa ng bawat Pilipino ngayon." komentaryo
ng isang Bong sa artikulong World's 10 Most Aspiring
Woman sa yahoo.ph. at kung bakit kahilera
niya sa listahan sina Mother Teresa at Joan of Arc,
alam kaya ng naglista ang mga masaker sa Mendiola
at Luisita?

may carcinogens daw ang Coke at Pepsi. at kung bakit
kailangan nating maalarma, staple na sa mesa
ng mga mamamayan ang soda. carbonated na ang utak
ng masa, tinadtad ng brainwasher na patalastas
ng mga nangungunang kapitalista.

sabi ni Crispian Lao, tagapagsalita at presidente
ng Philippine Plastics Industry Association, "Contrary
to popular belief, paper is no friendlier
to the environment than plastic." at kung bakit
ayaw niyang magpatalo na negatibo talaga, sa kabuuan,
ang plastik, intindihin na natin; hindi niya alam
ang konsepto ng "life cycle analysis."

sa Davao, may month-long gun ban in accordance
sa selebrasyon 75th Founding Anniversary
ng nasabing bayan. shoot-to-kill sa mga magdadala't
iligal na magtatangka. at kung bakit mga sundalo't pulis
lamang ang may karapatang kumasa, itanong natin
sa kanila ang mga kasamang nilagot ng kanilang bala.

nakipag-date ang kontrobersiyal na si Bella Padilla
sa isang Kian Kazemi. okay naman daw
ang mga pangyayari, kalimutan muna ang kontrobersiyal
magazine cover. at kung bakit pinull-out ang nasabing photo,
kasi nga't di pa rin natin alam kung ano nga ba ang rasismo.

sa China, salang-sala ang mga salita na ihahayag
sa Internet. 295 na mga salita't parirala ang sinesura.
at kung mainam ba ito sa sleeping dragon community,
huwag tayong magagambala; nakaugat sa kanila,
noon pa, ang ethnocentricity.

nakamata pa rin sa Pilipinas ang United States Trade
Representatives; dahil nga't ang piracy ay di magapi- gapi.
readily available kasi ang mga Blueray Discs at fake Gucci.
at kung bakit di maiwasan ang pagtangkilik sa mga peke,
pag-isipang mabuti: 700 pesos o 30 pesos DVD?

sinabi ni Terry Hall, lead vocal ng 70's ska band
na The Specials: nilalamon na ng Internet
ang esensiya ng musika, nilagom ng iTunes at pagbebenta
ang ritmo at letra, naglalaho na ang koneksiyon ng musika
sa tagahanga, wala na ang direktang pagtatanghal
sa entablabo at eskinita; laos na raw
ang mga socio-politically driven na musika,
hindi na katangki-tangkilik sa makabagong panahon.
at kung bakit punong-puno ng takada
ang Black-African musician, sang-ayon pa sa kanya,
"ang problema noon ay problema pa rin ngayon."

at oo, hindi natatapos ang rebolusyon.

Tiwalag

isang mahabang paghihintay:
buhay. paghihintay
sa di-masukat
na kapalaran,
ng oo sa hindi,
sa tama at mali.
sumisibol
sa ngawit at inip
ang silakbo ng apuhap,
umiigtad ang mga naisin,
naghahanap ng kausap
at pakiusap.
isang mahabang paghihintay:
buhay. paghihintay,
halimbawa, ng bukang-
liwayway habang maulan
ang pisngi ng ulap.
at paano mapag-iiba
ang hamog sa butil
ng ambon na humalik
sa dahon?
sa pagdating ng inaasahan,
dumadatal ang ngatal.
nasaan ang katuturan
ng buhay at paghihintay?

*kay Jack

Lumang Awitin

isang pusang
napaslang
sa gitna ng kalye

dinurog-ng-gulong

wala na itong
katuturan

tulad din
natin

habang
tumitingin
palayo.


*halaw sa "unclassical symphony" ni Charles Bukowski

Pebrero

inaakala kong magiging karaniwan
ang araw ngayon.
tulad ng araw-araw. may maaliwalas,
may maulap, may maambon
may tirik na araw, may bahagyang
ligamgam ang tubig-panligo,
may bagsik ang lamig ng ala-seis.
inakala kong tipikal
ang ika-26 ng pebrero...
hindi pala.
buong araw akong plastado sa banig,
ilang oras akong nilagom
ng yelo at pait,
walang espesyal sa dalawampu't apat
na oras na pagkakatiwalag
sa tatlongdaananimnapu't limang araw
ng kalendaryo...
maliban sa babatiin ka ng mga taong
kilala ang hininga mo, at ilang piraso
ng iyong anino.
sapat na ang nariyan ka,
sobra na ang mahalikan mo ang aking
pagkatao,
pag-uumapaw na ang mahawakan mo ang aking
kamay.
ika-26 ng pebrero,
ginugol natin sa karaniwan
ang hamog ng umaga...
kasapi tayo ng bukas,
malaya,
tayong dalawa.