Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Agosto 18, 2012

Ikit

kalakasan ng kalamnan
natutuhan kong ungkatin
ang tunggalian
sa paligid...

ninanakaw ng nasa tuktok
ang lakas ng kalakhan
at kailangan ipataw ang paraan
sa pag-angkin
sa nararapat

kahinaan ng kalamnan
nalaman kong unawain
ang t umbasan
sa paligid...

kinukupit ng namamahala
ang katiwasayan
at kailangan igitaw ang paruruonan
sa pagtatamasa
ng nararapat.

Matapat

ilaan mo ang tiwala sa aking balikat
at maasahan mong matapat

kong isusukli ang nararapat

sa iyo bumubukal ang simbuyo ng damdamin
at sa iyo naninikluhod ang bukas

libong dangkal mang sinusukat
ang ating pagitan

sa iyo pa rin naglalagak
ang lahat kong kagustuhan.

Sa Kaibigang Nasa Timog, Silangan At Hilaga Ng Kahungkagan

at nang gumiling sa ating sintido
ang talab ng pulang kabayo
iniwasan nating ungkatin ang politika

ngunit nanunuot sa ugat ang pinagmulan
politika ang nagluwal sa ating hininga

nang iusal mong kasalanan ng maralita
ang kalagayang sa kanila'y nagsadlak
hindi na ako umimik

oo, itinutulak ng mga pagbabago
at ng mga segundo, oras at pag-ibig
ang lahat nang iniigkas ng ating kamao
paurong mong nilango
ang sarili

inililikas ng pagkakatanto
ang sarili
inilulublob sa isinaing na kalagayan
ng sariling pang-unawa at sipat

kailangan nating bumatay sa tatsulok
ng tunggalian
batid mong umiiral ang bawat organo
sa tibok ng ulo
bago damdamin

diyalektika

ngunit nilamon mo
ang sariling
karimlan

at kinain ka ng kawalan

wala nang makapagliligtas
sa iyong panambitan

babagsak tayo sa ating
mga sarili
ngunit bumagsak ka sa kahungkagan

at lilinlangin ang pitlag ng loob

huwag na tayong magtalo

tumaob na ang bangkang dati mong kaulayaw

manalig ka na lamng sa iyong balintataw

sa diyus-diyosang mong kariktan

huwag mo lamang sumbatan
ang idinikdik ng kawalang-

pagpipilian

ang umiiral na reyalidad
ng tunggalian.


*kay J.D.P.

Ang Mga Tula

     ...Ang tula
     Ay ikaw
     At akong
     Lumaya na sa berso,

     Nagpakatao.

     Ang Tula, Pia Montalban


ang mga tula ay libong hibla ng buhok
itim at puti at dilaw at pula
na nalagas mulang anit at sumakay
sa mabigat na balikat nang mahampas
ng batuta ng maangas na pulis
ang mga tula ay noong ginuhitan
ng mga gatlang sumasalo ng pawis
bago maglandas sa talukap ng mata
at tungko ng ilong
habang nakatitig ang katanghaliang-araw
ang mga tula ay pisnging walang rosas
ang mga tula ay labing matatabil
at dilang matalas
ang mga tula ay taingang
sumasagap ng balita sa ilalim ng lupa
o sa kalamnan ng langit
ang mga tula ay brasong handang bumangga
sa truncheon
ang mga tula ay bisig na walang pangingilag
na kumakawit sa iba pang bisig
ang mga tula ay sikong handang masugatan
ang mga tula ay kamay na handang kumuyom
at magtuldok ng kamao sa nilalagnat na langit
ang mga tula ay daliring nangangating
humawak ng bandilang iwawagayway
ang mga tula ay dibdib na may pusong matibay
at hiningang matatag
ang mga tula ay tadyang na handang mabalian
ang mga tula ay sikmurang handang magutom
kung kinakailangan
ang mga tula ay baywang na gumigiling
sa awiting mapagpalaya
ang mga tula piraso ng lamang magbibinhi,
magpapabunga ng laksa pang mga tula
ang mga tula ay hitang handang malatayan
ng pasistang katunggali at handang bumawi
ang mga tula ay tuhod na handang magasgasan
ang mga tula ay binting hindi mapapagod sa lakbayan
ang mga tula ay alak-alakang sanay mapawisan
ang mga tula ay sakong na walang gumamela
ang mga tula ay daliri sa paang walang paki sa paltos
ang mga tula ay talampakang nangangating
maglagalag at handang bagtasin ang tagumpay
ang mga tula ay laman, at buto at isipang
inihulma sa tunggalian.

Sa Tondo, Bawal Ang Tahimik At Kapag Tahimik Ay Bawal Ang Maingay

minsan, namamanhid na lamang din ang kakayahan mong tumugon.
halimbawa, ngayong gabi.
ngayong gabi, maingay ang paligid.
at wala ka namang magagawa kundi namnamin ang ingay.

may programang nagaganap sa covered court, tatlong bubong
at isang kanto ang layo mula sa amin. full blast ang gigantic speaker.
teach me how to doggie tournament daw, sabi ng kapatid ko.
ilang libong ulit-paulit-ulit ng malanding ungol ng yeah! yeah! yeah!
teach
me how to doggie.

nagbaril ako sa ulo ng sarili kong musika: digital love ng daft punk.
pero walang talab.

sumuko ako. at alam ko, susuko naman talaga ako.

nang itaas ko nang kamay ko, nang iwawagayway ko na ang puting
bandilang tanda ng pagsuko, gumuhit sa sala-salabat na ingay
ang PUTANGINA! PUTANGINA MO! UMUWI KA!

binubugbog ng lalaki ang babae, sa tapat lang ng bahay namin.
sampal, sipa, batok. PUTANGINA MO! PUTANGINA! UMUWI KA!
hibik at hikbi, luha at muta. di ko na inalam ang dahilan ng eksena.

humina ang full blast speaker, namatay na ang asong-kantahin.

at gusto kong gumawa ng tula, pero di ko magawa.
mamaya, sasaklubin ng lamig at katahimikan ang paligid, mas hindi
ako makakatulog at susuko ako.

at walang tula

why don't you play the game? paulit-ulit ang daft punk sa aking utak.

Ang Henyo Sa Umpukan

may sapat na pagtataksil, galit karahasan kabalintunaan sa karaniwang
tao na makapagtutustos sa anumang takdang hukbo sa anumang takdang araw

at ang pinakamahusay sa pagpatay ay yaong nangangaral laban dito
at ang pinakamahusay sa galit ay yaong nangangaral ng pagmamahal
at ang pinakamahusay sa digmaan sa huli’y yaong nangangaral ng kapayapaan

yaong mga nangangaral ng diyos, kailangan ng diyos
yaong mga nangangaral ng kapayapaan ay walang kapayapaan
yaong mga nangangaral ng kapayapaan ay walang pagmamahal

mag-ingat sa mga mangangaral
mag-ingat sa mga umaalam
mag-ingat sa mga lagi nang nagbabasa ng aklat
mag-ingat sa sinumang nasusuklam sa kahirapan
o sinumang ipinagmamalaki ito
mag-ingat sa mabibilis magpapuri
pagkat humihingi rin sila ng kapalit na papuri
mag-ingat sa mabibilis magbawal
takot sila sa mga di nila nalalaman
mag-ingat sa lagi nang naghahanap ng kasama
wala silang silbi kung mag-isa
mag-ingat sa karaniwang lalaki sa karaniwang babae
mag-ingat sa kanilang pagmamahal, ang pagmamahal nila’y karaniwan
naghahanap ng karaniwan

ngunit may kadalubhasaan sa kanilang galit
may sapat na kadalubhasaan sa kanilang galit para patayin ka
upang patayin ang kahit sino
ang ayaw ng kapanglawan
ay di makauunawa ng kapanglawan
susubukan nilang sirain ang anumang
di sasang-ayon sa kanila
ang hindi makalikha ng sining
ay di makauunawa ng sining
kikilalanin nilang manlilikha ang kanilang kabiguan
bilang kabiguan ng daigdig
hindi makapagmahal nang lubos
maniniwala silang ang pagmamahal mo’y kulang
at magagalit sila sa iyo
at ang kanilang galit ay magiging pagkamuhi

tulad ng makinang na diyamante
tulad ng kutsilyo
tulad ng bundok
tulad ng tigre
tulad ng lason

ang dakila nilang sining


* halaw sa The Genius of the Crowd ni Charles Bukowski

Blas Dows Hawses

     MANILA, Philippines - The government will forcibly relocate some 195,000 families - "blast" their homes if needed - from waterways in Metro Manila and around Laguna de Bay, for their own protection as well as to help mitigate against floods in and around the metropolis.
     "They have to be removed," Public Works Secretary Rogelio Singson said on Monday after presenting a P352-billion flood control and mitigation masterplan to President Benigno Aquino III.
     Later, he said: "I just received instructions from the President that if push comes to shove, we will have to blast these houses."
     Singson said there are some 125,000 families currently living along Metro Manila waterways, and at least 70,000 more living in flood-prone areas around Laguna de Bay.
     "Obviously, (relocation) needs very strong political will," Singson said. "Local government units should not allow families from taking residence in (or along) waterways within their jurisdiction."

PNoy to DPWH: Relocate 195,000 families from waterways - 'blast' their homes if necessary
Interaksyon.com


madaling ituro, na kasalanan ng maralita
kung bakit umaalingasaw ang lungsod
at masakit sa mata ang diyan at dito nilang
mga sampaying tila mga banderitas
kahit walang pista at holiday.

kapag dumarating ang sakuna, madaling
isisi na matigas ang kanilang ulo at wala
silang modo at bastos at walang galang
sa pamahalaang gusto lamang ay tulungan
silang ilagak sa one-of-a-kind na pabahay.

kaya't nang magtae ang langit--malakas at
mahinang ulan, taas-babang baha-- naghugas
lamang ng kamay ang gobyerno (political will)
hindi nila sisisihin ang kanilang uri, malinis
ang kanilang dakilang budhi.

kahit pinayagan nilang kamkamin ng mga
kapitalista ang malalawak na lupa sa kanayunan
kaya't sa kalunsuran bumabagsak ang mga paa;
kahit pinahintulutan nilang ipakalbo sa mga ito
ang kagubatan at kabundukan;

kahit bukas-palad nilang ibinigay ang mga kuweba
at ilog sa mga kumpanya ng pagmimina; kahit
pabaya nilang pinahintulutang magtindig
ng mga gusali, nang basta-basta, kahit walang
matinong plano, ang DMCI at SMDC;

kahit huli sa kanilang listahan ang disater prepared-
ness; kahit paulit-ulit ang sakuna at paulit-ulit
din ang relief operation at rescue operation;
kahit na ganito, kahit na ganyan, hinding-hindi
nila sisisihin ang kanilang sarili

at malakas pa ang loob nilang kumaway sa ibabaw
ng trak at mamigay ng mumong bigas at isang takal
ng limos sa mga maralitang bastos at walang modo
at pasaway kaya't naghihirap ang bayan, kaya't
kailangang pasabugin ang kanilang bahay

silang maralitang inagawan ng pagpipilian, silang
lagi nang may kasalanan.

Huwag Mong Ipamamaraling Makata Ka

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang hinahabi mong mga salita’y panay Putangina!
Kung ang konsepto mo ng pagtutulad ay panlalait
At ang ideya ng metapora’y walang saysay na galit.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang nabuong mga linya’y yabang lang na talinghaga
Kung naniniwala kang tula na ang tugma’t sukat
At kapag nabasa namin ay—Aba! Syet!—golpe-de-gulat.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang layon mo ay kasikatan at kumita ng pera
Kung makilala lang at makapagpablis ng aklat
Na mamahalin ang papel at may poetic na pabalat.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung nakilala mo lang si Balagtas sa Florante’t Laura
Kung di pa nababasa si Amado V. Hernandez
At kay Andrew E. ka lang naaakit, Ayayay! Putrages!

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka.
Kung hanggang papel lang ang de-kalibre mong mga salita
Kung tingin mo sa makata’y endorser ng brief’t panty
At ang tula ang siyang key; Lintik! mas bagay ka sa PBB.

Tungkulin

Nakatatawa. Sinabi mo: Pag-ibig ay pag-ibig.
Wala akong tutol, ano pang masasabi ko?
Umiibig din ako katulad ng alikabok na ayaw
Lumisan sa bentilador. Katulad mong umiibig
Sa Pag-ibig. Katulad ng apoy sa tubig,
Ng mata sa mundo.

Ngunit ano ang pag-ibig? Itinanong ko sa iyo.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.
Ano ang pag ibig? Itinanong kong muli.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.

Nakatatawa. Wala akong maitutol.
Gusto mong tanggapin ko; paumanhin.
Hindi ako tumutol; hindi rin ako umayon.
Mailap ang kahulugan
Ng Pag-ibig mong pag-ibig.

Pag ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig,
Dahil sumasapi ako sa hangin, nagiging isang ibon.
Lumilipad, nababalian ng pakpak. Umaawit, tinitirador.
Namatay samantalang hinaplos ang langit.

Pag-ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig.
Nawawalan ng kahulugan ang ngiti. Pag ibig ng pag-ibig
Ang pag-ibig. May kumukumpol na ulap sa lalamunan,
May ulan sa pilik-ng-mata.

Pag-ibig? Pakisampal ako, pag ibig.

Marahil, pinalalalim ko lamang ang mababaw, ang Pag-ibig.
O mali ako, baka mali ako. Siguro, mababaw ma’y malalim.
Tinig ng tining. Labusaw sa lusak.
Puso sa bungo. Pag-ibig ay pag-ibig, Aywan.
Kailangan kong tumutol. Tungkulin kong umibig, tumutol.

Dapithapon

Tahimik ang anino mo.
Sa malayo, ikinukumot ng kahel na araw
Ang takipsilim.
Takipsilim ang anino mong nakarugtong
Sa iyong
Talampakan:
Mahaba, tatlong ulit ng iyong taas—singtaas
Ng isang palapag na kawalan,
Nakahiga sa malamig na semento
Sa eskinitang nakagawian mong lambungan
Ng kalungkutan.

Tatlong ulit ng iyong taas—
At di mo pa rin maabot ang iyong hinihiling.

Ang anino mo;
Natutulog na ang araw nang sumanib sa iyo.


kay Yaye

Biyernes, Agosto 17, 2012

Ang Lalaking Janitor Na Nanguha Ng Package Galing Japan Sa Tanggapan Ng Philpost

ay ang lalaking hindi na natagpuan matapos ang mahabang orkestra ng ulan.
siya ang lalaking nasagasaan ng 10 wheeler truck habang tumatawid sa kahabaan
ng road 10 at tumalsik-lumapag-lagapak sa gilid ng bangketang katabi ng Escano Liner.
siya rin ang lalaking nag-uunahan ang mga paa at tangan-tangan ang sako ng paninda
habang tinatakasan ang panghuhuli ng mga basalyos ng MMDA empire. siya ang lalaking
nangangalkal ng basura sa gilid ng McDonalds, sa kanto ng Juan Luna at Recto,
sa ilalim ng KP Tower, at hinampas ng security guard sa batok dahil nakareserba na
ang basura sa iba. siya rin ang lalaking pawisan na naghuhukay-hanap ng mga bangkay
na tinabunan ng landslide sa Commonwealth, Quezon City. siya ang lalaking namatayan
ng siyam na kapamilyang nilamon ng lupa: asawa, mga anak at mga apo. siya ang lalaking
nagbebenta ng Goodmorning towel sa mga motorista sa kahabaan ng Aurora Blvd.
sa Cubao at siya rin ang lalaking nagtitinda ng nagyeyelong bottled mineral water sa tapat
ng Arellano University pagkababa ng tulay ng Nagtahan patugpa sa University Belt. siya rin
ang lalaking drayber ng R & E taxi na dilaw at green ang mode ng pintura na nagpapatong
ng bente sa pasahe ng mga isinasakay. siya ang lalaking nakanganga sa tapat ng nagla-live
show na babaing-makinis, sa isang tagong beerhouse sa pusod ng Avenida, Rizal. siya rin
ang lalaking nanghuli ng sawa sa Pateros. at siya rin ang lalaking naliligaw at hindi naibaliktad
ang damit. siya ang lalaking nalaslasan ng bulsa dahil sa kalasingan at walang pamasahe pauwi.
siya rin ang lalaking nakaluhod at nagdarasal sa pinakaunang hilera ng upuan sa simbahan
ng Quiapo. siya si Julio Madiaga, siya rin si Islaw Palitaw, si Popoy Dakuykoy, si Damian Rosa,
Tata Selo, si Simoun, si Basilio, si Elias. at siya rin ang lalaking hindi matagpuan ang sarili
dahil sa pataw ng lipunang nagputong sa kanyang ulo ng laksang-tonelada ng responsibilidad

Nang Sumilip Ang Araw

pansinin: nakasilip ang araw, nakangiti
nangungutya, nanunudyo
sa mga puyong nangagyuko

habang nililimas ang putik
sa mga pader at haligi,
hinahaplos ng mga martilyo

ang naulilang bubong.
malansa ang samyo ng hangin,
sumanib ang luha at dugo.

isang matigas na bangkay, nakangiwing
labi, balot ng putik ang katawan--
tumigil na ang ulan at

sumilay ang kawalang-katiyakan.

Miyerkules, Agosto 15, 2012

Lagi Na At Malungkot Sa Aming Bayan

          May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
          may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
          ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo
          samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
          sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
          at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punlo!

                         Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan,
                         Amado V. Hernandez

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Nakayuko ang mga talahib na waring mga musmos
Na nakaluhod sa altar ng milagro;
Sumasamo ng tining sa nagburak na pangarap,
Humihiling ng habag sa libaging hininga.
Kumakaway ang mga kawayan, di naghahantad
Ng tapang sa unos.
Bagkus, nakatundos itong nakamata sa langit—
Naghihintay ng kamatayang nakaabang, ilalatay sa katawan.
Mga uhay ng palay na nilipasan ng gintong-balat,
Nakahiga sa tigang na tadyang ng nilalagnat na parang.
Nakapamaywang ang mga gusali, nitsong malalamig,
Nakatitig-hamak
Sa butas na bubong ng mga dampa’t barungbarong
Sa nagtuklap na tarpolinang tabike;
Putikang sahig na nakahalik sa kawalan,
Mga haliging singtibay ng nauupos na pag-asa
At kisameng naglundo sa rupok—
Sinigid-lunod ng luhang rumaragasa
Sa estero’t ilog ng dustang buhay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
May mga palad na nagbitak,
Naghahanap ng sariling pilapil.
Sila na tumitingkal ng lupang nakakuyom
Sa pangil ng mga halimaw.
Mga halimaw itong sumasakmal sa mga naisin
At hangaring ang mga silahis sa umaga’y haplos
Ng pag-ibig na maglalatag ng banig
Sa namutlang takipsilim.
May mga tuhod na nakalublob sa putik;
Inaararo ang sariling luhang sumapi sa patubig.
Mga pawis na kinatas ng pagod
At di mailigtas ng sambalilo sa ngitngit ng araw.
Mga tansuing bisig na naghuhumiyaw ang kalamnan,
Sa lakas na sinipsip ng umimpis na katiyakan—
Sa isang bukas na tangan ng anak ang mga aklat
At patugpa sa landas ng karunungan,
Nag-iisang pamana ng tulad niyang nagbibilang ng gatla
Sa mga panahon;
Sa isang bukas na umaawit ang mga pipit sa pawid na bubong,
At ang maybahay na maghahatid ng pananghalian
Ay inukitan ng dalisay na ngiti.
Api siyang nagbibilang ng gatlang nakabalangkas
Sa siwang ng lupang humihiyaw ng kalinga
Na iginagawad niyang nagsaluya ang mga daliri sa paa.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Umaandar, yumuyugyog ang mga makina
Sa malalangis na pabrika.
Nagbubuga ng kabuteng-usok sa abuhing langit.
At ang pumipintig na ugat—nagbibigay-hininga
Sa mga makinang lumilikha ng tubo’t puhunan
Ay dayukdok na nangingitim ang mga damit,
Tulad ng pangarap na tinakasan ng kaganapan;
Grasang singdilim ng langit na walang bituin.
Nangasuksok ang mga dumi sa pudpod nang mga kuko,
Waring dulo ng kamay-orasang naliligaw sa bulong ng segundo.
Silang nililimusan ng barya-baryang kalansing, pang-agdong
Sa buhay na binabastos ng alingasaw at alimuom,
Ng alikabok at kalawang.
Hugong ng mga turnilyo’t bakal,
Palahaw ng mga martilyong ipinupukpok sa dibdib
Na hinulma nang maging manhid sa daing
Ng bunsong umoonse ang sipon, nanlilimahid
Sa dungis at malnutrisyon;
Ng asawang binugbog ng dalitang kalagayan
Sa bituka ng malupit na kalunsuran.
Brasong binulok ng kapagalan.
Binting isinangla sa walong-oras-higit na paggawa.
Naghihintay sa katapusang
Dumadaan nang walang pangungumusta
Sa sadlak na kapalaran.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Ang mga tabing-dagat ay kinukumutan ng pangamba.
May bula ang dila ng mga alon,
Nakangangang kalderong walang laman ang laot.
Sisid-ahon ang maaalat-nangaliskis na balat,
Inihihigpit ang mga bisig sa paghampas ng daluyong.
Sa mga panahong nawawala ang estrelyang gumagabay
Sa landas ng bangka—ninakaw ng mabangis na ulap—
Malamig ang haplos ng baliw na habagat.
Bitbit ang lamparang-de-gaas,
Mga santelmong apoy silang nilalamon ng dilim,
Ng guhit-tagpuan,
Ng halik ng tubig.
At kaparis ng tahimik na paglangoy ng mga galunggong,
Ng pagsayaw ng mga halamang dagat,
Ng paglalamat ng mga koral—sinasakmal sila ng kawalan.
Silang naglalapag ng pritong matang-baka,
Silang naglalapag ng sinigang na salmon at inihaw na tuna,
Silang naglalapag ng sarsiadong labahita,
Silang naglalapag ng ginataang sapsap,
Sa mga adornadong dulang
Ay nag-uulam ng de-latang sardinas;
Humihigop ng sabaw—isang dahop na bukas.

Lagi na at malungkot sa aming bayan
Basa ang mga aklat sa tag-ulan
At punit sa katag-arawan.
Sumisigaw ang napunit na bubong
At pumapalatak ang bitak ng mga pader.
Umaalog na mga haliging nakatindig
Sa duwag na lupang walang katiyakan ang pundasyon.
Nagbabalseng mga upuang isa sa tatlo,
Silid-aralang mainit,
Silid-aralang pinasikip ng naglalampungang balikat.
Maramot ang aral at karunungan sa butas na bulsa,
Bukas-tarangkahan sa mga paang nakadadampi sa alpombra.
Sa pag-usad ng mga panahong dapat ihimpil sa silid-aralan,
Mabibilang sa mga daliring nagkalyo,
Sa mga nalagas-sunog na kilay
Ang makatatangan ng isang pirasong papel
Na magtatakda ng uri sa lipunang marahas:
Ang magiging nars ay magiging kerteyker na magpupunas
Ng mapuputing puwit ng mga ulyaning matatanda sa Europa.
Ang magiging doktor ay magiging nars na mag-aabot ng hiringggilya
Sa banyagang superyor na bughaw ang balintataw.
Ang magiging inhenyero’y magsusukat ng lupa at maghahalo ng semento
Sa umaasong buhangin ng Gitnang Silangan.
Ang magiging arkitekto’y guguhit-balangkas ng mansiyon
Ng mga diyus-diyosang pinagpala ng pagsasamantala.
Ang mga guro’y puputulan ng ulo o dili kaya’y magtuturo
Sa mga banyagang pilipit ang dila sa ingles.
Silang magiging alipin ng visa at dolyar, ng disyerto at niyebe
Sa kabilang pampang ng kabihasnan.
Mapipilitang sumakay sa eroplanong-papel nilang pangarap:
Magsubo ng buhay sa naghihingalong pamilya.
At ang mga sinawing-palad
Na di makatatawid sa ilog ng pagkatuto’y ibabartolina
Sa maruming kuko ng kapagalan, dito man o sa mga lupaing nagpapalastas
Ng pulu’t pukyutang pag-unlad—karpintero, latero,
Paspudkru, kargador at iba pang ibibilang sa hanay
Ng mga utus-utusang pagdadamutan ng kanin at tinapay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Ipinapako sa krus ng kahirapan, pinagdadamutan
Ng dangal at ligaya.
Kaya’t humihiyaw ang mga hibik,
Naninindak ang mga tangis.
Sa mga kalyehon at eskinita.
Sa mga estero at tulay.
Sa mga parang at talampas.
Sa mga pampang at laot.
Waring isang awiting sumusuot
Sa himaymay ng utak,
Nagbabanyuhay bilang isang babala.
Mag-aanyong kamao ang mga luha
Talampakan ang mga dusa,
Bibig ang mga pangamba.
Itutuldok sa hangin,
Imamartsa sa abenida’t kaparangan.
Isisigaw ang dapat nang mabatid,
Itatakda ang kaligtasan at katubusan
Dahil lagi na at malungkot itong aming bayan.

Huwebes, Hulyo 5, 2012

Ang Makata Sa Panahon Ng Barbel, Gel At Abs


Ano’t ipinagtataka mo ang lambot sa aking buto?
Lanta ang kalamnan ko sa away at basag-ulo.

Wala sa aking bisig ang lakas ng matipuno.
Hindi ako ang tipong layon ng kung sino.

Malakas lang ako, minsan, sa toma at huntahan,
Ng kung anu-anong may kinalaman sa lipunan, panitikan.

Na ika nila’y lumang tugtugin, wala nang kapararakan,
“Susmaryosep, kauubusan lang ng laway! Kahabagan!”

Hindi ako mahilig sa polo, sa slacks, sa gel.
Hindi rin sa gym, sa treadmill, sa sit-up o dambel.

Madalas gutom, pinakamadalas puyat kaya minsan payat.
Aba, ikaw ba naman na ang salita’y dinidildil, ginagayat!

Hindi ako kukuyugin ng mga babaing humahanga
Sa pandesal na nagsulputan sa tiyan ng artista.

Wala sa akin ang biyaya ng Adonis na, rockstar pa.
At wala ring ngiti ng makisig na prinsepe ng prinsesa.

Ano’ng pinagkakaabalahan ko? Magbasa, sumulat ng tula.
Ano kamong nakukuha ko? Maglaboy, mag-isip, tumulala.

Kung hihingin ng panahon, makasasayaw ako sa bubog
Mga salita kong mahahabi sa digmaan ihuhubog

Huwag, huwag mong susubukin ang aking pisi,
Kaya kong hawakan ang emosyon mo’t kiliti.

Matapat ang mga metapora, mga tayutay kong to be.
Kaya kong pamukadkadrin ang bulaklak na iyong tinatangi.

Bigyan mo ako ng isa, dalawa, tatlo—A! laksang mga gabi,
At makikilala mo ang lantay na pag-ibig sa mga tula ko’t labi.

Sabado, Agosto 21, 2010

Kaarawan

ang buwan ng agosto,
tulad ng iba pang mga buwan;
mula nang mangyari
ang hindi inaasahang daluyong
sa pintig ng dibdib,
nagdadala ng patalim
na bumabagsak mula sa langit
bumubulusok patungo
sa sugat na hindi maghilom
walang iba pang buwan
ang babasag sa payapa
na sanang isipan
at kung ang hatid ng agosto'y
pagluluoy ng mga bulaklak
marahil, sa yugtong ito
pipigilan ang bawat sandali
at hahayaang matapos
ang hapding hatid ng paglimot
mo

Lunes, Agosto 16, 2010

Dalaginding

Labindalawang taong gulang ka
lamang, nguni't bihasa na sa pagbukaka
ang iyong mga hita.
Magluluwal ka ng sanggol
na 'di alam kung paano palalakihin, bubuhayin.
Gayong maging ikaw ay 'di pa
makayang ipagtanggol
ang sarili sa mga nanunukso sa 'yo.
"Neneng bukaka, me uhog pa buntis na."
Naiiyak ka, miminsang nagpapantig
ang mga tainga.
Ayaw mo sa buhay ina, putangina!
Bakit ka nga ba napadpad diyan?
Dapat ay naglalaro ka,
sinusuklay ang mga buhok
ng mga manikang nagbubukbok
sa kalumaan.
Dapat ay nag-aaral ka sa
elementerya. Nagbibilang.
Nagbabasa. Masaya
Dapat ay natutulog ka
sa tanghali 'gang hapon
at magmemeryanda ng turon.
Dapat ay namamasyal ka
kasama ang mga kapwa mo bata
sa mga labasan at nagtitinda
ng sampagita plaza.
Pero nas'an ka ngayon?
Malungkot na nakatanaw,
mula sa maliit na bintana
ng inyong barung-barong,
sa mga kababatang nagpapatintero
at kalaro mo sana, kalaro mo sana.
Himas mo ang malaki na ring tiyan.
May pumipintig na laman.
Natatakot ka: kailan nga ba ang laban?
Puputok ang panubigan?
Wala kang muwang sa mga ganyang bagay.
Ni napkin nga'y 'di mo pa kabisadong
itapal sa iyong puerta
maglagay pa kaya ng lampin
sa umiiyak na anak?
Bakit ka nga ba napadpad diyan?
Si maria ka bang biglang lumobo ang tiyan
o talagang malandi ka lang at mahilig sa halikan?
Hindi. Hindi? Hindi!
Wala kang dapat pagsabihan.
Walang dapat makaalam,
kayo lamang ng iyong nanay.

At nasaan nga ba ang iyong tatay?
Lasing na naman?

Martes, Agosto 10, 2010

Kung Bakit Pula at Hindi Bughaw Ang Dugo

dati
akala ko
ang kulay ng dugo
ay bughaw
napapanuod ko
kasi noon sila cedie
at sarah
mga dugo nila
bughaw
dugong-bughaw
ang gagara ng mga damit
mapuputi, maririkit ang mga mata
alun-alon ang nagdidilawang buhok
sa palasyo sila nakatira
luntian ang mga hardin
singlawak ng luneta
laging maaraw
wala akong maalalang umulan
napakaganda
napakaaya
kaya't akala ko
bughaw talaga ang dugo

napapanuod ko na rin
naman noon
'yung itim na magkakapatid
sila nikita
at si romeo
mga manggagawang bata
maitim yung mga mukha nila
marurumi
at laging maulan
at lagi silang umiiyak
naalala ko pa nga
nang magkasakit si nikita
sumuka siya ng dugo
akala ko asul
pula pala
pero nagtatrabaho pa rin siya
kahit may sakit siya at bata
at iyon nga
nakita ko
pula pala ang dugo ng mga marumi
pula pala
kaya pala maraming marumi tsaka mahirap
kasi pula ang dugo nila
at pula rin 'yung araw sa hapon

pero nung medyo nag-kaisip ako
at 'di na gaanong nanunuod ng t.v
at wala na rin sila cedie at sarah
nawala na rin ang paniniwala ko
na bughaw ang dugo
kasi si nanay
marumi ang kamay at makalyo kakalaba
si tatay marumi rin ang kamay at paa
at sapatos at damit at mukha
kasi manggagawa sa pier
'yung mga kapatid ko marungis
kakalaro sa labas
at maulan at laging basa
sa looban
at matulo
ang bubong namin
at ako sa maruming paaralan nag-aral
mula elementarya hanggang kolehiyo
marumi lahat at basa at maulan at mabaho pa
kahit saan ka tumingin may marumi

at oo
hindi nga bughaw ang dugo
pula ang dugong lumabas
sa ilong ni tatay
nang masampal siya ng kapatas nila
dahil nagtanong siya tungkol sa sahod
at si nanay nang madulas
habang naglalaba sa kapitbahay
nagdugo ang ulo niya, pula
at nang madengge si omeng
'yung kapatid ko
sinalinan siya ng pulang dugo
dahil kung hindi
baka patay na siya

at totoo
pula nga talaga ang dugo
hindi bughaw, hindi langit
hindi dagat
pula, singpula ng araw sa hapon
tulad ng mga dugong isinuka
ni nikita
at kailan kaya magiging pula
ang dugo nila cedie at sarah?
kailangan pa kayang mabahiran
ng dugo nila nikita, ni romeo
ni omeng, ni tatay, ni nanay
ng mga marurumi
ang luntian nilang hardin
na singlawak ng luneta
o kailangan pang sunugin
ang palasyo nila't abuhin?

Karit

I.

hinahasa kita
karit
nang sa gayo'y mahusay
mong magampanan
ang pagtabas ng palay
na habambuhay mo
nang dinidilaan
hinahalikan ang kabuuan
at siya namang aking hininga
pag-asa ng anak ko't asawa

hinahasa kita
umaga at gabi
hanggang sa makita ko
sa makinang mong katawan
karit
ang pagbangon ng nakasisilaw
na araw
at pagtitig ng buwan
sa hindi matapos na karimlan
hinahasa kita
upang ang hugis-ngiti mong katawan
ay magalang
na babati kaninuman
magpapaalaalang ika'y ginawa
karit
upang maging katuwang
ng katulad kong sabi nila'y mangmang

hinahasa kita
nang hindi ka pumurol
pupunasan ng langis
pupunasan ng bangis
pupunasan ng tangis
pupunasan ng tiis
nang layuan ka ng kalawang
kalawang na tila buwitreng gutom
na nag-aabang
sa iyo
karit
at babalutan kita
ng katsa
at itatabi, itatago
sa kasuluksulukan ng aking kubo
inilalayo kita sa kalawang

hinahasa kita
karit
umaga at gabi
lagi't lagi
sapagka't ikaw
ay kaluluwa ko
ikaw, ang mga palay
at ako, tayo'y buklod
ng sikap at pawis
ng tibay at kinang
ng pagmamahal


II.

(ang lupain, ang palayan
kinamkam, inagaw, ninakaw
kamakailan
ng asenderong walang pakialam
at hindi talaga magkakaroon
kailanman
ng pakialam
sa atin
sa mga tulad natin
huwag kang mababahala
kung iniisip mong mawawala
ang saysay mo
hindi kita hahayaang lamunin
ng mga kalawang)

hinahasa kita
karit
hahasain pa rin kita
sapagka't mula ngayo'y hindi na damo
hindi na ang palay na nawalay
ang didilaan at hahalikan mo
maghanda ka, alam kong handa ka
sapagka't mula ngayo'y
mga leeg na nasasabitan
ng mga gintong kuwintas
mga braso at pulsong naboborloloyan
ng mamahaling relo't pulseras
mga balikat na nalalapatan ng mamahaling polo
mga hita at binting yakap ng mamahaling pantalon
mga taingang kinakapitan ng kumikinang na hikaw
mga daliring nakabilanggo sa pilaking mga singsing
mga ulong kinalalagyan ng utak na ganid at mukhang
nakasusuklam
ng mga asendero't panginoon
ang didilaan, hahalikan mo
silang kinakalawang ang bukas natin
ang bago nating simulain

gahasain mo sila

Martilyo

ipinupukpok ang martilyo
sa pakong nakausli
pinagdurugtong
ang nagkakagalit na tabla
ng kamagong man o narra
palotsina o lawanit
mainam ding pangpitpit ng lata
o aserong wala sa hugis at porma
kapares ng sinsil at paet
na kaibigang matalik ng isang iskultor

minsan
(o madalas nga marahil)
ipinampupukpok
sa mga galit na daliri
ng isang aktibista
ipinandudurog
sa matitigas na bungo
ng mga mulat na magsasaka
ipinanghahalik
sa nanggigitatang tuhod
ng isang poldet
ipinasisiping
sa maprinsipyong bibig
ng mga lider-manggagawa
malupit ang martilyo
marahas
kung pasista at ganid at utak-pulbura
ang magtatangan

ngunit mapagpalaya
mapagmahal
mapagkalinga
mapagkumbaba
kung mga kamaong sanay
sa init ng katanghaliang araw
o manhid sa lamig ng magdamag
o sa hambalos ng alon
o sa kapagalan ng katawan
ang tatangan
at mabagsik din kung kinakailangan
pinakamalupit ang asahan
higanti
mapula ang ulo ng martilyo
ng isang kamaong
pinagsasamantalahan

Piko

ang piko
'di lamang pambungkal
ng nanigas nang lupa
o pangtibag
sa mga sementado, aspaltado
kungkretong daan o pader
'di inihugis arko
upang ihampas palagian
sa walang muwang na semento
'di tinulis ang mga dulo
nang sa gayo'y halikan
maya't maya
ang mapuputlang pader
na naghambalang
hindi lamang iyan
ang gamit ng piko

kung ikaw, obrero
ay nagngangalit
at ang dugo mo'y maalab
na nag-aapoy
sa dahilang obrero kang ninanakawan
ng dangal
at turing-baboy, alipin, makina
at himala para sa iyo
ang magsubo ng kanin
sa mga anak mong bundatin
at tibo sa puso mo
ang asawang madalas ubuhin
isipin mo, isipin mo
ang iyong piko
kabisaduhin ang tamang pagbayo
ang tamang paghawak
ang tamang pag-asinta
sa malambot na bumbunan
o matang nandudumilat
at isipin mo, isipin mo
ang iyong amo
ang malaki't bumibilog nitong tiyan
ang luwa nitong mga mata
ang mga ngiping ginto
ang mamahaling polo't sapatos
ang almusal, tanghalian, hapunan
nitong kaysasarap
at chedeng nitong makinang

isipin mo, isipin mo
na ang piko'y pangtibag
ng manhid na semento
pambungkal ng naninigas na lupa
at manhid nga, oo
manhid nga ang iyong amo
at matigas ang puso sa tulad mo


umpisahan ang pagbayo