Martes, Pebrero 21, 2012

Untitled 2

Naaalaala mo ba,
Ang mga dating umaga?






















Noong mga mumunting paa
Pa lamang ang itinatapak natin
Sa mabatong tabi-ng-ilog?
Magpapatihulog
Tayo sa pisngi ng tabang, kikilitiin
Ng mga hipon at maliliit na isda,
Mga binti nati’t pigi.
Mababasa ang ating mga damit:
Ang iyong kupas nang kamison
Na bigay kamo ng iyong Inang,
















Ang kamiseta ko’t salawal, na niluma
Ng mina, ng bato’t graba. Ilalatag natin
Sa batuhan, damit nating gitata,
Ipatutuyo sa lisik ng tanghaling araw,
Hubad tayo sa pagnanasa. Batid mo ba
Ang walang-malay na simoy noon ng hangin?
Matapat tayo sa isa’t isa,
Tulad ng mga damit
Nating nakahiga sa batuhan.
Sinabi mo sa akin, na paglaki mo,
Gusto mong pumunta sa malayo, gusto
Mong lumipad kasama ng mga ibon.
Gusto mong titigan ang mga bundok
Mulang papawirin.
Pinakikinggan lamang kita, gusto ko
Ang tinis ng iyong boses. Iniisip ko, noon,
Na ako ang makakasama mo sa paglipad,
Magiging mga agila tayo. Gagalugarin natin
Ang daigdig.

Naaalaala mo pa ba,
Ang mga dating umaga?

Ngayon, makalyo na ang aking mga paa.
Alam mo bang tuyo’t na ang ilog
Na ating pinaglanguyan?
Kupas na ang mga alaala,
Tulad ng mga kamison at kamiseta
Na hindi na maihihiga sa batuhan.
Inilipad ka ng iyong matayog na pangarap,
Ibinaon ako ng mga paghihirap,
Sa salimuot ng kuweba,
Sa mga lumad at graba.
















Ngayon, sa bintana ng gunita, ninanamnam ko
Ang pagsayaw ng mga damit sa sampayan.
Wala na ang kawalang-malay ng hangin.
Naging ibon ka nga, huli kong balita.

Naaalaala mo pa kaya,
ang ating mga umaga?
















*bahagi ng kolaborasyon ng KM64 at Usapang Kalye, "Poetry In Stills"

Sabado, Pebrero 18, 2012

Pag-uwi

para akong di matigil na manok
na tutuka-tuka sa iyong pisngi,
hindi ka nagagalit at ika mo,
kung papabayaran mo ang lahat kong
halik, marahil yumaman ka na.
halik lang 'uli, muli't muli, ang
isasagot ko. hindi ka na magsasalita.

minsan, tinatapik mo ang mga yakap
ko, minsang napapalo, minsang
nasusuntok. kung nasasaktan ba ako,
huwag kang mag-alaala, ang pagkawalay
mo ang palo, suntok at dagok na
papatay sa akin, nguni, mariin mo rin
namang isinasambit, na ano't anuman
mananatili tayo, sa isa't isa. hindi na ako
magsasalita.

kagabi, parang palaso ang mga titig mo
na nakatutok sa aking dibdib, tagos sa puso.
matatakot ba akong mawalan ng hininga
sa matalim mong mga mata? igaganti ko, alam
mo, ang yakap at halik, na walang palya
mo ring tinatapik-tapik at tinutukso-tukso.
hindi na ako gaganti, hindi ako magsasalita.

hindi na tayo magsasalita.

Hindi Universal Studio Ang Kamaynilaan O Kung Bakit Ka Nata-trapik Dahil Sa Lintik Na Shooting Ng Bourne Legacy

unang-una, pagmumukhaing lulong ka
sa mapuputing mukha ng mga banyaga
at wala kang palag kundi humanga
sa six-pack abs ni Jeremy Renner
at sa malalanding kurbada ni Rachel Weisz
matutuwa ka, at mangangarap maka-ekstra
sa great production ng latest installment
ng Bourne series na sinulat ni Robert Ludlum
babayaran ka ng limandaan, magalak kang
maiinterbyu ng GMA at ABS-CBN, ipamamalita
mo na swerte ka at napili at masaya ka
dahil narito ang mga artistang kumikislap
ang ngipin at maaliwalas ang ngiti, masaya ka
dahil ibabandera sa mundo ang dakila mong
bayan, ipagmamalaki mo, iba talaga ang Pinas
sasabihin mong mababait ang mga banyaga,
at masarap daw, sabi nila, ang klima ng Maynila
mababaliw ka sa kahihiyaw kapag nginitian ka ni Renner
maglalaway ka at mababalian ng leeg kakasipat
sa dibdib at hita ni Weisz, hindi mo hahanapin si
Matt Damon, wala kang tanong kung bakit
wala na siya at ang mahalaga, kasama ka sa
pelikula, hindi mo papansinin na inip at inis na
ang magdedeliver ng gulay sa Balintawak at Divisoria
dahil bwakana ang trapik sa Pasay, hindi ka mag-aalala
sa mga estudyanteng na-late sa klase dahil
isinara ang halos lahat ng kalye sa Marikina,
hindi ka matatakot na gumuho ang Jones Bridge sa Maynila,
okay lang ang crowded mood sa Ermita, kahit mabilasa,
walang problema kung malunod ang mga isda sa mga banyera
ng Navotas Fishport. at matutuwa ka sa MMDA dahil,
for the first time, talagang asikasong-asikaso ang daloy
ng tapiko, with coordination kay direct Tony Gilroy.
panatag ka lamang na hahanga
sa mga state-of-the-art nilang gamit pampelikula,
sa mga naglalakihang van, sa mga death-defying stunts
sa lahat-lahat, sa ngalan ng Bourne Legacy, wala kang
angal. kung bakit trapik sa Kamaynilaan, sisihin mo
ang mga saydgar boys at walang-disiplinang jeepney
drivers, huwag sisisihin ang shooting, minsan lang maganito
ang Pinas. at talaga namang trapik sa Pilipinas, ika mo nga,
trapik din ang buhay mo at sanay ka nang ma-istak
sa buhol-buhol mong hininga. wala kang amor sa Impitsment
sa senado. wala kamong pagbabago,
maupo na lamang at sumabay sa uso. tinanong kita, kung
balak mo bang panuorin ang pelikula sa sine
sumagot kang "Putang'na, wala na nga akong makain
inunuod ko pa ng sine? Teka, anong ibig sabihin ng
Bourne Legacy?"

Banal Na Aso

sa kanto ng Juan Luna at Chacon
umaambon
isang aso
ginintuang balahibo
ang nakahandusay
patay.
kailangan ko bang malungkot?
nakabalatay
sa kaniyang pangil ang dugo.
sa dila
nawalay na ang bangis at angas.
maputik ang huli niyang hantungan
maalingasaw ang katabing kanal.
kailangan ko nga bang malungkot?
noong isang gabi
isang aso ang muntik nang ngasabin
ang aking binti
gayong naglalakad lamang ako
nang buong pitagan.
kahol laban sa takot
nakipagtitigan ako.
marahil nalaman niyang nagnakaw
ako ng libro.
kung itong asong ito
sa kanto ng Juan Luna at Chacon
ang asong pumalis ng aliwalas
sa mapitagan kong gabi
kailangan ko bang magalak?
may kaluluwa nga ba ang asong ito?
kung mamaya
mamatay ako
isa ba siya sa mga sasalubong sa akin?
sa pintuan ng langit
sa tarangkahan ng impiyerno
sa shangrila
sa nirvana
sa moksha
sa tulay ng chinvat
sa hades
sa samsara
sa bardo.
marahil oo
o baka hindi.
aywan.
pero kailangan ko bang malungkot?
aalayan ko ba siya ng awa?
maramdaman kaya niya
ang damdamin ko?
nasaan ang kaniyang kaluluwa?
mauunawa
kaya niya
na dati
pitong taon ako
habang sinusunog ang kaniyang kalahi
tustado
binalatan
ginayat
inadobo
ngiting aso akong
nagalak
at bumusal
ng "Masarap pa'lang aso, Manong!"
kailangan ko bang malungkot?
sabihin mo
kailangan ba?

Sabado, Pebrero 11, 2012

Isang Sandali Ng Madaling-araw Ng Pebrero

nagliliparan ang mga ipis
at sumasamyo ang kanilang
bango sa malamig na hangin
ng Pebrero. madaling-araw, hindi
nagmamadali ang araw na bumangon.
iniisip kita. oo, himbing ka na't nanana-
ginip. ikukuwento mo sa akin, sa Lunes,
ang mga nangyari sa iyong Sabado
at Linggo at ikukuwento ko rin sa iyo
ang akin. ikukuwento mong nanaginip ka
o iyong balitang nasagap mo:
lagi raw akong late sa umagang klase ko.
ikukuwento ko naman sa iyo, na humabi ako
ng tula
isang sandali ng madaling-araw ng
Pebrero. sasabihin kong nagliliparan
ang mga ipis nang sandaling iyon,
at baka magtanong ka kung bakit
isinama ko ang ipis sa tula.
sandali, baka magtaka ka at ang malala,
ikagalit mo pa; huwag kang mag-alaala,
huwag kang mababahala.
iisa ang ipis at aking pagsinta,
aabutin ng milyong taon ang eksistensya.

Naturalesa

i.

             (29 na bahay ang nilagom ng lupa:
                             Sitio Moog, Brgy. Planas, Guihulngan
                   Negros
                            Oriental
Manolo Mangalso, inagawan ng 
Lorna, 32, asawa
         mga  anak:      John Mark, 8
                                 Jira Mae, 6
                                 Charity Joy, walong buwan
Primitivo Mangalso, 47,
         nakatatandang kapatid
                      ni Manolo, inagawan ng
         mga  anak:       Sheila May, 16
                                  Kristel Jane0, 15)

ii.

hindi marapat sisihin
ang kalikasan ng kalikasan
walang paghihiganti;
natural ang lahat sa kanilang
mga kamay, umuulan,
bumabagyo, lumilindol
at natural lamang
ang kamatayan,
tulad ng paghinga,
tulad ng mga nilalanggam
na ipis o iniipis na tambak
ng basura.
natural, kung lagumin ka ng lupa,
ilang minuto lamang
ang kakayanin ng baga
at sesenyal na ito ng paalam.

iii.

                      (Cindy Lisondra, 21
      "...the woman had
                           sent
                     a text message        to
            her
                                boyfriend from under the rubble
                at around
                                  9:00 p.m.
                      on Monday...")

iv.

likas sa tao, katawan ng tao,
ang magdalamhati sa dapat
ipagdalamhati. alisin ang daliri
kung mapaso sa kawali, umiyak
kung iwan ng kabiyak. 
natural ang natural sa mundo,
masama at mabuti.
natural ang natural sa mundo,
tulad ng malamig na hangin
tuwing Pebrero at pagpikit
ng mata kung may tangkang
puwing.
magkagayunman, may mga likas,
natural, na hinabi sa kawalan
ng kalikasan at natural. hindi
basta-basta gumuguho ang bundok.
hindi basta-basta nabibiyak ang lupa.
hindi mamamalagi sa delikadong
sitwasyon/pundasyon ang tao kung
may kakayahan
siyang mamalagi sa ligtas na sitwasyon
at pundasyon. 

v.

hindi basta-basta namamatay
ang hayop, may batas ang kalikasan.
kinakain ng leon ang gazelle.
mabagal ang pagong. mabilis ang
cheetah. matalino ang matsing.
may mata ang bagyo, naglalaway
ang alimango. sumasayaw ang puno,
kumakanta ang ibon.
sa tao, kailangan kang magkasakit,
kailangan kang tumanda
at maaari kang mamatay sanhi
ang mga iyan.
ngunit may mga pagkakataong,
sanhi ng likas at natural
na bumubunga sa likas at natural
ang mga tangis at dasal.
pinatay matapos gahasain,
pero natural ang libog.
pinatay dahil sa eleksyon,
natural ang inggit.
pinatay dahil sa selos,
natural ang tumikim.
pinatay dahil rebelde,
natural ang kawalang-puso.
pinatay dahil sa prinsipyo,
natural ang demonyo.

vi.

likas daw sa tao ang lumaban
at likas din ang pagkaganid.
may masama
at mabuti.

vii.

walang sala
ang kalikasan.
may sala
ang di makuntentong tiyan
at isipan.

viii.

kung ito'y sa usapan na rin 
lamang ng likas ng kalikasan
ng kalikasan at tao, maanong
umpisahan ang pagbagyo
ng mga punglo at pairalin
ang likas ng mundo: ang 
pamamayani ng anghel
laban sa demonyo.

ix.

lumilindol
ng alinlangan
sa mga tent
ng Kabisayaan.

Tining

pagkaminsan,
gusto nating maglaho na
lamang;
iyong waring mga bulang
bibilog sa hangin
at isang kisap na mawawala.
gusto nating maglaho
'pagkat gusto nating mawala
sa realidad,
gusto nating umusad.
nilalagom tayo ng mga di inaasahan
at sukat na bigtiin natin
ang pag-asa at ipatak
ang karagatan ng luhang
bumubukal sa nilansag, nilamukos
na puso.
pagkaminsan, gusto nating magwala,
at kitlan ng tiwala
ang mundo.
pagkaminsan lamang,
pagkaminsan.
dahil ano't anuman,
oo, tanaw-mata ang dumi
ngunit pakatandaan
tumitining din
ang lusak.


*kay abbott

Pagwawaksi

isang siglo, higit isang siglong pagpapasasa
tone-toneladang bangkay, laksang kaluluwa
isinakay sa hangin ng kawalan, ginahasa/ginagahasa
gulugod, kalamnan, utak nitong binansot na bansa
itinatatak ang markang bungo sa noo ng lupa
lunsad-digma sa patriyotikong mga pag-aalsa
ang balabal ng huwad na kawang-gawa
nagpapawis ang palad ng busabos, puspos-
galit ang nakababatid ng bandehadong pakana
militar! militar! sa baybayin, sa parang, sa kagubatan
isiwalat ang kahungkagan ng kasunduan!
laspagin, gutayin ang bulok na relasyon!
itambad ang utak ng mga naghahari-harian at basalyos--
tigib ng planong manipsip ng dugo at pawis, ilantad
ang balangkas ng imperyal na pananakop;
riple ang isasagot nitong bayang dinarahop
isang bungkos ng kangkong ang laman ng tiyan
susugod sa kaliwanagan ng bukas na makatwiran
atin ang bukas, atin ang ngayon, atin ang lupa, atin ang nasyon
sukat na magutay itong katawang lipol ng paghihirap
yaong maalwan na hinaharap ang pakay at hinagap
oo, isang siglo, sansiglo ng panlalansi at panggagahasa ang kakamkamin
ng kasalukuyan, ibibigti sa laya at hustisya.

Mag-ingat Ka

"Therefore armed struggle is considered profitable,
and armed struggle is considered dangerous."
--Sun Tzu, Art of War

ngayong suwail, mala-ahas kung manila
ang mga kaaway
mag-ingat ka, nagtatago sila sa kurtina
ng dilim, hawak ang patalim ng galit, suklam
sa tulad mong nagnanais maghain ng ulam
sa salat na hapag ng taumbayan
mag-ingat ka, may kung anong misteryo
sa kanilang proseso, nagbabalat-kayo--
magnanakaw, hitenraner, mananagasa
manggagahasa, mangkukulam
mag-ingat ka, ganitong-ganito ang dekada
sitenta, ganitong-ganito ang muntikang
dekada ng gloria, ganitong-ganito noon
at ngayon, huwag pasisilaw sa kislap ng noo
mag-ingat ka, isa na ang nabasagan ng bungo
may nasaksak na rin ng ayspik sa mukha
may sinagasaan ng kung anong harabas
mag-ingat ka, kaiingat ka, patalikod sila
kung manila, kung kakayanin, pilitin mong
kilanlanin ang kanilang mukha, subukan
mong sipatin ang markang nunal, kung
maputi ba o katamtaman, kung malaki ba
ang katawan, ikuwento mo ang pangyayari
at ipamamalita natin sa sanlibutan,
ihahayag natin ang kanilang katauhan
sa digmaang ito, sa kagubatan ng aspalto
at tambutso, tagumpay
at kalasag ang pag-alam,
sa mukha ng kaaway.

mag-iingat ka.

Sabado, Pebrero 4, 2012

Almusal

madalas, sa dalas ng kadalasan
nagigising ako, sa lamig ng madaling-araw
o sa mga umaga na kinakalabit
ng sinag ng araw ang aking mga talukap
hinahanap kita, hahanapin
gagalugarin ng aking mga kamay
ang gusot ng mga kumot at latag ng banig--
wala ang iyong mainit na kabuuan
at iisipin ko na lamang, na marahil
bumangon ka na't nasa piling
ng mga kawali't takure, nagsasangag
nag-iinit ng tubig at babangon ako, patakas
na yayakap sa iyong likod, magsasambit
ng "Magandang umaga!"
ngunit
muli't muli, sa isipan lamang kongkreto
ang mga abstraktong hangarin
matagal-tagal pa, daan-daan pang mga umaga
daan-daang mga araw
ang lilipas, palilipasin, bago maging ganap
ang mga hangarin
mahaba pa ang mga lakbayin at landasin
ngunit tiyak ako, tiyak tayo sa tunguhin
na isang araw, sa gitna ng daan-daang sandali
sabay tayong mag-aalmusal
magkasalo sa isang tasang kape at pandesal.