Martes, Oktubre 30, 2012

Karma

Anong biyaya ng paghihiganti
ang ikinukubli ng pagkakataon?

Kung sino man ang nagpangalang 'Sandy'
sa bagyong sumasalanta, ngayon,
sa silangang bahagi ng lupain
ng gatas at pulot, anong ningning mayroon
ang humihimlay sa kaniyang bungo;

sino ang makapagsasabi, na ang buhangin
ay nagsasatubig, nag-aalimpuyo
upang iparanas ang lagim at hagupit
ng mga balang tumagos sa mga walang-
muwang na katahimikan ng mga sibilyan,

sa Gitnang Silangan, pulo-pulutong na hanay
ng mga isla sa Pasipiko, sa paanan ng Asya?

Ganap na batid ng kung anuman, o ng sinumang
may tangan ng nararapat: ibinabalik sa mapaniil
ang halakhak nito't paghihindik,

ito ang batas ng daigdig.

Sa Isa't Isa

inaya kita, titigan natin ang pagbukadkad
ng bulaklak tulad ng sisiw na kumatok
sa naglalamat na balat ng kaniyang suklob:

humindi ka, hindi mo hilig at wala kang hilig
sa pagtunghay sa himala ng buhay:
pagkalagas ng dahon, paghupa ng alon

paghabi ng gagamba sa kaniyang sapot,
pagtuklap ng pintura sa lumang pader,
paglamon ng guhit-tagpuan sa balintataw

ng araw. buong buhay, itong pintig ng daigdig
ang naging tuon ng aking titig at pag-ibig,
kaya't hindi katapusan ang pagsandig

ko sa iyong paligid. at natuto akong manalig
sa espayong ibinibigay ng rason kaysa emosyon,
ng bukas sa kahapon, ng ngayon sa panahon:

mahiwaga ang pagkakabigkis ng ating mga naisin,
hindi na kita aakagin sa kunsaan humihinga
ang mga alitaptap, at sa kunsaan nakatuldok

ang mga bituin sa katanghalian. sabay na lamang
tayong tumimbang sa hain ng mga sandali,
sabay tayong tumawid sa kabilang pampang.

Mayroon

may pagnanasang namukadkad
sa aking mga palad: ginaygay
ang iyong balat, nabusog ako
sa sugat.

Sa Aking Kamatayan

Sa araw ng aking kamatayan,
huwag kang pipitas ng bulaklak
upang ipabaon sa aking himlayan.
Walang luhang dapat ipatak
sa aking namaalam na katuturan.
Bagkus, pahintulutan ang galak
sa sarili nitong pitak, isaboy
ang alak sa malulumong panaghoy.
Hayaang lagumin ng halakhak
ang melodramatikong pagtahak
ng aking paglalakbay.

Tikatik

ganitong lumuluha
ang langit: isang
di mapigil na pangungulila
sa kinatititigan,

sugo nitong mabagsik
ang matimping sayaw
ng mga butil
sa papawirin,

pinahihintulutang makiraan
sa bawat nitong hantungan,

walang kapaguran.

Punumpuno

mag-isang naggigitara
sa lilim ng punong walang bunga
kundi ang diwa kong nakalambitin
sa pagbabadya

saan ko hahanapin ang himig ng sarili?

sa ugat bang sumasalo ng aking bigat,
sa dahon bang kumakaskas ang aking balat,
o sa lupang magtatahi ng aking mga sugat?

Said

hinahanap ko
ang mga bakas
na iniwan
ng mga talinhagang
umuwi
sa sinapupunan
ng kawalan;

ang natagpuan ko'y sarili
sa bingit
ng mga daliri
--kinakapa'y pakiwari.

Islogan Sa Nagpapanggap Na Makata

akbayan man, wala akong mahihita
baka magusot ang mamahalin mong barong
na handog ng naninilaw na tronong-gunggong

akbayan man, wala akong mapapala
walang pagkakaibigang namamagitan
sa ating dalawa:

ika'y balatkayo!
nagdadamit ng kupas na kamiso
gayong hilig mo'y imported na polo!

akbayan man, wala akong tiwala
sa tikas ng ipinamamarali mong nagawa
anak ng tinapa! nasaan ka nang sakalin ang laya?

akbayan! akbayan! huwag mo akong akbayan!
hindi mo kami kilala, wala kang kinikilala
kundi kumapit sa trono ng mga punyeta!

Ekis

sampung mga daliri, kamay at paa
dalawampung walang mapala

hindi makatula.

Paraan

namimintas ang gabi,
kasama sana kita ngayon
at magkapulupot
ang ating hangarin
at damdamin

pero anong mapapala ng pag-aasam?
ang mga pagkukusa'y nagkukusang
sumalungat

kailangang gumawa ng hakbang:

hahablutin kita
sa gitna ng panaginip
at iguguhit ko
sa nilalagnat mong balat,
sa lumuluha mong ugat

ang salitang,
pag-ibig.

Tula Nang Tula

tutulaan ko
sana ang tula,

Ars Poetica:
ang paraan
ng paglikha,
talinhaga
musika

paano nga ba?

anak ng tinapa!
kumukulo ang tiyan
ng bulalakaw
pabulusok
sa ituktok
ng aking puyo.

Ars Poetica,
tula nang tula

nganga, nakatanga
ang tuod na salita.

ayaw
ko ng/nang gani tu/ong
la.

Oan

'An,

Huwag mong ipagtataka
na itong nakatatanda mong kuya
na naliligaw yata ng karera
ay inalayan ka ng tula
imbes na keyk at pang-handa.
Kapatid, butas ang aking bulsa
at purong akala
ang kalansing ng barya
sa aking pitaka.

Wala akong kung anuman maliban sa talinhaga,
na minsan nariyan, minsan wala.
Kaya't ito muna:
isang tulang paalaala.

Sabi-sabi, maldita ka.
Suplada atbp.
Ay! hindi sa nilalaglag kita,
oo, totoo ang kanilang hinala.
Ngunit huwag, huwag kang magagalit,
suplada ma'y di ka naman pangit.
Maldita man ay di ka mapanlait.
Likas sa babae ang ganyang ugali;
ang payo ko lamang, huwag kang maglalandi.
Lumalapit ang mga lalaki,
nang kusa at di mapapakali.
At ikaw pa rin ang pipili:
sukatin mo ang iyong sarili.

Unica hija ka man, hindi ka namin ipipiit
sa kumbento ng paghihigpit.
Ano pa't inilaban ng kasaysayan
ang saysay ng kababaihan
kung patuloy ang pagsakal
sa leeg ninyo't katwiran?

Ay! Maria Joan,
alamin mo ang iyong kakayahan,
ang lahat mong karapatan
at gusto mong patunguhan.
Ang mundong ito'y batbat ng kahungkagan
at 'ika nga ni E.R. Mabanglo,
ang maging babae sa kasalukuya'y
pamumuhay sa digmaan.

Naniniktik ang oras, imortal ang panahon.
Ang noon at ngayon ay magkataling-puson.
Halikan mo ang lupa, ingatan ang kapwa,
hindi karuwagan ang manindigan sa tama.

At huwag palaging sa mga tala nakamata,
alam mong usung-uso ngayon ang pagkakadapa.

Wala na akong gusto pang ipaalaala
kung edukasyon ang sunod na eksena.
Nasabi na ang lahat, marami nang pruweba
pero tandaan mo ring higit ang karanasan sa teorya.

Wala tayong pamana maliban sa kaalaman at pamilya.
Tayo at tayong magkakapatid lamang
din ang magpapatuloy ng ating pelikula.

Kaarawang maligaya!
Ilang taon ka na nga?
A, basta alam kong dalaga ka na:
may sarliling lakad na ang mga paa,
may sariling sipat ang mga mata,
may sariling gutom, nais at unawa.

Basta, basta, basta,
makinig ka kay Nanay at Tatay,
kahit minsan nakakasawa na.
Maniwala ka,
tama at tama rin sila.

Nangungulit,
Kuya Mong Nagmamakata

Umaga

kurtinang kinumpol at inipit sa kikikili ng pinto
pinatuloy ang sumasabog na liwanag ng umaga

humalik sa makintab na baldosang rosas
nasilaw ang matang pinasingkit ng pangingilag

sa liwanag na naglalatag ng pangamba: anong
anino ang sumilip sa tiwasay na sandali?

iniisip kong tumakas ang aking kaluluwa
at ako ang aninong lumiligid sa paligid

nahihimbing kang payapang nakatitiyak
na ako'y nasa tabi mo at nangungusap,

tumakas man--hindi ako nawala,
hindi ako mawawala.