Sabado, Agosto 18, 2012

Ikit

kalakasan ng kalamnan
natutuhan kong ungkatin
ang tunggalian
sa paligid...

ninanakaw ng nasa tuktok
ang lakas ng kalakhan
at kailangan ipataw ang paraan
sa pag-angkin
sa nararapat

kahinaan ng kalamnan
nalaman kong unawain
ang t umbasan
sa paligid...

kinukupit ng namamahala
ang katiwasayan
at kailangan igitaw ang paruruonan
sa pagtatamasa
ng nararapat.

Matapat

ilaan mo ang tiwala sa aking balikat
at maasahan mong matapat

kong isusukli ang nararapat

sa iyo bumubukal ang simbuyo ng damdamin
at sa iyo naninikluhod ang bukas

libong dangkal mang sinusukat
ang ating pagitan

sa iyo pa rin naglalagak
ang lahat kong kagustuhan.

Sa Kaibigang Nasa Timog, Silangan At Hilaga Ng Kahungkagan

at nang gumiling sa ating sintido
ang talab ng pulang kabayo
iniwasan nating ungkatin ang politika

ngunit nanunuot sa ugat ang pinagmulan
politika ang nagluwal sa ating hininga

nang iusal mong kasalanan ng maralita
ang kalagayang sa kanila'y nagsadlak
hindi na ako umimik

oo, itinutulak ng mga pagbabago
at ng mga segundo, oras at pag-ibig
ang lahat nang iniigkas ng ating kamao
paurong mong nilango
ang sarili

inililikas ng pagkakatanto
ang sarili
inilulublob sa isinaing na kalagayan
ng sariling pang-unawa at sipat

kailangan nating bumatay sa tatsulok
ng tunggalian
batid mong umiiral ang bawat organo
sa tibok ng ulo
bago damdamin

diyalektika

ngunit nilamon mo
ang sariling
karimlan

at kinain ka ng kawalan

wala nang makapagliligtas
sa iyong panambitan

babagsak tayo sa ating
mga sarili
ngunit bumagsak ka sa kahungkagan

at lilinlangin ang pitlag ng loob

huwag na tayong magtalo

tumaob na ang bangkang dati mong kaulayaw

manalig ka na lamng sa iyong balintataw

sa diyus-diyosang mong kariktan

huwag mo lamang sumbatan
ang idinikdik ng kawalang-

pagpipilian

ang umiiral na reyalidad
ng tunggalian.


*kay J.D.P.

Ang Mga Tula

     ...Ang tula
     Ay ikaw
     At akong
     Lumaya na sa berso,

     Nagpakatao.

     Ang Tula, Pia Montalban


ang mga tula ay libong hibla ng buhok
itim at puti at dilaw at pula
na nalagas mulang anit at sumakay
sa mabigat na balikat nang mahampas
ng batuta ng maangas na pulis
ang mga tula ay noong ginuhitan
ng mga gatlang sumasalo ng pawis
bago maglandas sa talukap ng mata
at tungko ng ilong
habang nakatitig ang katanghaliang-araw
ang mga tula ay pisnging walang rosas
ang mga tula ay labing matatabil
at dilang matalas
ang mga tula ay taingang
sumasagap ng balita sa ilalim ng lupa
o sa kalamnan ng langit
ang mga tula ay brasong handang bumangga
sa truncheon
ang mga tula ay bisig na walang pangingilag
na kumakawit sa iba pang bisig
ang mga tula ay sikong handang masugatan
ang mga tula ay kamay na handang kumuyom
at magtuldok ng kamao sa nilalagnat na langit
ang mga tula ay daliring nangangating
humawak ng bandilang iwawagayway
ang mga tula ay dibdib na may pusong matibay
at hiningang matatag
ang mga tula ay tadyang na handang mabalian
ang mga tula ay sikmurang handang magutom
kung kinakailangan
ang mga tula ay baywang na gumigiling
sa awiting mapagpalaya
ang mga tula piraso ng lamang magbibinhi,
magpapabunga ng laksa pang mga tula
ang mga tula ay hitang handang malatayan
ng pasistang katunggali at handang bumawi
ang mga tula ay tuhod na handang magasgasan
ang mga tula ay binting hindi mapapagod sa lakbayan
ang mga tula ay alak-alakang sanay mapawisan
ang mga tula ay sakong na walang gumamela
ang mga tula ay daliri sa paang walang paki sa paltos
ang mga tula ay talampakang nangangating
maglagalag at handang bagtasin ang tagumpay
ang mga tula ay laman, at buto at isipang
inihulma sa tunggalian.

Sa Tondo, Bawal Ang Tahimik At Kapag Tahimik Ay Bawal Ang Maingay

minsan, namamanhid na lamang din ang kakayahan mong tumugon.
halimbawa, ngayong gabi.
ngayong gabi, maingay ang paligid.
at wala ka namang magagawa kundi namnamin ang ingay.

may programang nagaganap sa covered court, tatlong bubong
at isang kanto ang layo mula sa amin. full blast ang gigantic speaker.
teach me how to doggie tournament daw, sabi ng kapatid ko.
ilang libong ulit-paulit-ulit ng malanding ungol ng yeah! yeah! yeah!
teach
me how to doggie.

nagbaril ako sa ulo ng sarili kong musika: digital love ng daft punk.
pero walang talab.

sumuko ako. at alam ko, susuko naman talaga ako.

nang itaas ko nang kamay ko, nang iwawagayway ko na ang puting
bandilang tanda ng pagsuko, gumuhit sa sala-salabat na ingay
ang PUTANGINA! PUTANGINA MO! UMUWI KA!

binubugbog ng lalaki ang babae, sa tapat lang ng bahay namin.
sampal, sipa, batok. PUTANGINA MO! PUTANGINA! UMUWI KA!
hibik at hikbi, luha at muta. di ko na inalam ang dahilan ng eksena.

humina ang full blast speaker, namatay na ang asong-kantahin.

at gusto kong gumawa ng tula, pero di ko magawa.
mamaya, sasaklubin ng lamig at katahimikan ang paligid, mas hindi
ako makakatulog at susuko ako.

at walang tula

why don't you play the game? paulit-ulit ang daft punk sa aking utak.

Ang Henyo Sa Umpukan

may sapat na pagtataksil, galit karahasan kabalintunaan sa karaniwang
tao na makapagtutustos sa anumang takdang hukbo sa anumang takdang araw

at ang pinakamahusay sa pagpatay ay yaong nangangaral laban dito
at ang pinakamahusay sa galit ay yaong nangangaral ng pagmamahal
at ang pinakamahusay sa digmaan sa huli’y yaong nangangaral ng kapayapaan

yaong mga nangangaral ng diyos, kailangan ng diyos
yaong mga nangangaral ng kapayapaan ay walang kapayapaan
yaong mga nangangaral ng kapayapaan ay walang pagmamahal

mag-ingat sa mga mangangaral
mag-ingat sa mga umaalam
mag-ingat sa mga lagi nang nagbabasa ng aklat
mag-ingat sa sinumang nasusuklam sa kahirapan
o sinumang ipinagmamalaki ito
mag-ingat sa mabibilis magpapuri
pagkat humihingi rin sila ng kapalit na papuri
mag-ingat sa mabibilis magbawal
takot sila sa mga di nila nalalaman
mag-ingat sa lagi nang naghahanap ng kasama
wala silang silbi kung mag-isa
mag-ingat sa karaniwang lalaki sa karaniwang babae
mag-ingat sa kanilang pagmamahal, ang pagmamahal nila’y karaniwan
naghahanap ng karaniwan

ngunit may kadalubhasaan sa kanilang galit
may sapat na kadalubhasaan sa kanilang galit para patayin ka
upang patayin ang kahit sino
ang ayaw ng kapanglawan
ay di makauunawa ng kapanglawan
susubukan nilang sirain ang anumang
di sasang-ayon sa kanila
ang hindi makalikha ng sining
ay di makauunawa ng sining
kikilalanin nilang manlilikha ang kanilang kabiguan
bilang kabiguan ng daigdig
hindi makapagmahal nang lubos
maniniwala silang ang pagmamahal mo’y kulang
at magagalit sila sa iyo
at ang kanilang galit ay magiging pagkamuhi

tulad ng makinang na diyamante
tulad ng kutsilyo
tulad ng bundok
tulad ng tigre
tulad ng lason

ang dakila nilang sining


* halaw sa The Genius of the Crowd ni Charles Bukowski

Blas Dows Hawses

     MANILA, Philippines - The government will forcibly relocate some 195,000 families - "blast" their homes if needed - from waterways in Metro Manila and around Laguna de Bay, for their own protection as well as to help mitigate against floods in and around the metropolis.
     "They have to be removed," Public Works Secretary Rogelio Singson said on Monday after presenting a P352-billion flood control and mitigation masterplan to President Benigno Aquino III.
     Later, he said: "I just received instructions from the President that if push comes to shove, we will have to blast these houses."
     Singson said there are some 125,000 families currently living along Metro Manila waterways, and at least 70,000 more living in flood-prone areas around Laguna de Bay.
     "Obviously, (relocation) needs very strong political will," Singson said. "Local government units should not allow families from taking residence in (or along) waterways within their jurisdiction."

PNoy to DPWH: Relocate 195,000 families from waterways - 'blast' their homes if necessary
Interaksyon.com


madaling ituro, na kasalanan ng maralita
kung bakit umaalingasaw ang lungsod
at masakit sa mata ang diyan at dito nilang
mga sampaying tila mga banderitas
kahit walang pista at holiday.

kapag dumarating ang sakuna, madaling
isisi na matigas ang kanilang ulo at wala
silang modo at bastos at walang galang
sa pamahalaang gusto lamang ay tulungan
silang ilagak sa one-of-a-kind na pabahay.

kaya't nang magtae ang langit--malakas at
mahinang ulan, taas-babang baha-- naghugas
lamang ng kamay ang gobyerno (political will)
hindi nila sisisihin ang kanilang uri, malinis
ang kanilang dakilang budhi.

kahit pinayagan nilang kamkamin ng mga
kapitalista ang malalawak na lupa sa kanayunan
kaya't sa kalunsuran bumabagsak ang mga paa;
kahit pinahintulutan nilang ipakalbo sa mga ito
ang kagubatan at kabundukan;

kahit bukas-palad nilang ibinigay ang mga kuweba
at ilog sa mga kumpanya ng pagmimina; kahit
pabaya nilang pinahintulutang magtindig
ng mga gusali, nang basta-basta, kahit walang
matinong plano, ang DMCI at SMDC;

kahit huli sa kanilang listahan ang disater prepared-
ness; kahit paulit-ulit ang sakuna at paulit-ulit
din ang relief operation at rescue operation;
kahit na ganito, kahit na ganyan, hinding-hindi
nila sisisihin ang kanilang sarili

at malakas pa ang loob nilang kumaway sa ibabaw
ng trak at mamigay ng mumong bigas at isang takal
ng limos sa mga maralitang bastos at walang modo
at pasaway kaya't naghihirap ang bayan, kaya't
kailangang pasabugin ang kanilang bahay

silang maralitang inagawan ng pagpipilian, silang
lagi nang may kasalanan.

Huwag Mong Ipamamaraling Makata Ka

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang hinahabi mong mga salita’y panay Putangina!
Kung ang konsepto mo ng pagtutulad ay panlalait
At ang ideya ng metapora’y walang saysay na galit.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang nabuong mga linya’y yabang lang na talinghaga
Kung naniniwala kang tula na ang tugma’t sukat
At kapag nabasa namin ay—Aba! Syet!—golpe-de-gulat.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang layon mo ay kasikatan at kumita ng pera
Kung makilala lang at makapagpablis ng aklat
Na mamahalin ang papel at may poetic na pabalat.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung nakilala mo lang si Balagtas sa Florante’t Laura
Kung di pa nababasa si Amado V. Hernandez
At kay Andrew E. ka lang naaakit, Ayayay! Putrages!

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka.
Kung hanggang papel lang ang de-kalibre mong mga salita
Kung tingin mo sa makata’y endorser ng brief’t panty
At ang tula ang siyang key; Lintik! mas bagay ka sa PBB.

Tungkulin

Nakatatawa. Sinabi mo: Pag-ibig ay pag-ibig.
Wala akong tutol, ano pang masasabi ko?
Umiibig din ako katulad ng alikabok na ayaw
Lumisan sa bentilador. Katulad mong umiibig
Sa Pag-ibig. Katulad ng apoy sa tubig,
Ng mata sa mundo.

Ngunit ano ang pag-ibig? Itinanong ko sa iyo.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.
Ano ang pag ibig? Itinanong kong muli.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.

Nakatatawa. Wala akong maitutol.
Gusto mong tanggapin ko; paumanhin.
Hindi ako tumutol; hindi rin ako umayon.
Mailap ang kahulugan
Ng Pag-ibig mong pag-ibig.

Pag ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig,
Dahil sumasapi ako sa hangin, nagiging isang ibon.
Lumilipad, nababalian ng pakpak. Umaawit, tinitirador.
Namatay samantalang hinaplos ang langit.

Pag-ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig.
Nawawalan ng kahulugan ang ngiti. Pag ibig ng pag-ibig
Ang pag-ibig. May kumukumpol na ulap sa lalamunan,
May ulan sa pilik-ng-mata.

Pag-ibig? Pakisampal ako, pag ibig.

Marahil, pinalalalim ko lamang ang mababaw, ang Pag-ibig.
O mali ako, baka mali ako. Siguro, mababaw ma’y malalim.
Tinig ng tining. Labusaw sa lusak.
Puso sa bungo. Pag-ibig ay pag-ibig, Aywan.
Kailangan kong tumutol. Tungkulin kong umibig, tumutol.

Dapithapon

Tahimik ang anino mo.
Sa malayo, ikinukumot ng kahel na araw
Ang takipsilim.
Takipsilim ang anino mong nakarugtong
Sa iyong
Talampakan:
Mahaba, tatlong ulit ng iyong taas—singtaas
Ng isang palapag na kawalan,
Nakahiga sa malamig na semento
Sa eskinitang nakagawian mong lambungan
Ng kalungkutan.

Tatlong ulit ng iyong taas—
At di mo pa rin maabot ang iyong hinihiling.

Ang anino mo;
Natutulog na ang araw nang sumanib sa iyo.


kay Yaye