Marahil nagtataka ka kung bakit
ang palad mo, sa lahat ng bahagi ng iyong katawan,
ang paborito ko.
Hindi ang iyong mga hita, hindi ang pagod na mga binti.
Hindi ang iyong makurbang baywang na nirarayuma gabi-gabi.
At hindi rin ang natutuyo mong labi na nagsasaboy ng ngiti.
Hindi ang iyong bilugang mga mata,
at ang mga titig nitong mapagkalinga.
O ang iyong manyikang mga paa
na 'di na naipapahawak sa manikurista.
Marahil nagtataka ka kung bakit,
at madalas nga akong tinatanong nang pilit.
Kung bakit nasa iyong palad ang aking pananalig.
Kung bakit hindi sa iyong noo o pisngi ako humahalik
tuwing lilisan upang maghapong tumalik
sa araw na tirik.
Kung bakit hindi sa iyong noo o pisngi ako humahaplos
tuwing darating na hapo ang katawang iginapos
ng ating paghihikahos.
Kung bakit sa tuwinang magkasarilinan tayo
ay pilit kong binabagtas, gamit ang mga kuko,
ang bawat gatla sa iyong palad.
Huwag kang magtataka, mahal, iyon sana'y iyong nauunawa.
Mahal, sa iyong palad ako nananalig.
Diyan tayo unang nagniig.
Ikinulong ng palad mo at ng akin ang hangin ng pag-ibig.
Ang ilang mga peklat at bakas ng naglaho nang kulugo,
ang pasma, pawis at kumakapal na kalyo
ay hindi pumipigil sa patuloy kong pagsuyo.
Ang palad mo ang sumasalo sa tagaktak kong pawis.
Gamay ng mga palad mo ang kalbaryo't pagtitiis.
Iyan ang humahaplos at sumusuri kung nilalagnat ang iyong mga mahal.
Walang sawang kumakalinga kahit napapagal.
Ni hindi ko natikman diyan ang lumilipad na sampal.
Mahal, huwag kang magtataka.
Ang palad mo ang aking buhay at musa.
Diyan ko hinuhugot ang aking hininga.
Hindi ko ipagpapalit sa mga katawang hubad
ang iyong walang-kaparis na mga palad.
Ang iyong mga palad ang pangarap kong natupad.