Linggo, Enero 29, 2012

Kongkreto

Marami akong frustrations.

*

Nitong nakaraang linggo, kinukulit ako ng ideya na magsulat ng prosa. Tulang prosa. Maikling kuwento. Nobela. Nabanggit ko kay Jack ang ideya. Tinawanan lang ako ng gago. "Di nga?" sagot ni loko. Pero alam ko, nagulat siya. Maski ako, nagulat din sa ideya. Hassle.

Gusto ko talagang magkuwento. Pramis. Marami-rami na rin akong nabasang kuwento, nobela. Naiinspira. Naiinggit. May nakikita akong kinang sa daliri ko kapag nakababasa ako ng magaganda at mahuhusay na prosa. Nag-aalab ang mga kagustuhan. Di ko nga lang maihubog sa kongkretong outlet.

Pero, aywan lang, baka sa puwit lang ng baso galing ang kinang na iyon. Aywan lang.

*

Siguro, masama nga ang mainggit.

Si Mark S., kumupit ng espasyo sa Liwayway. Hindi ako naiinggit. Natuwa nga ako e. Gusto ko ang panulat niya, at oo, mahusay nga talaga. Doon din naman ang punta niya. Katanyagan.

Pero may naramdaman akong mainit na di ko maipaliwanag sa mga kamay ko nang mabalitaan ko, nang i-text ni Mark S. ang balita. Tangina, kung anuman 'yon, di ko din maipaliwanag. Hassle.

*

Kailangan ko ng pera. Hindi ko na kailangan sabihin kung bakit, lahat naman tayo nangangailangan nito. Di ko kailangang ipaliwanag pa. Pero, mababaw ang balon ko ng dahilan para maghangad ng salapi. May mas nangangailangan, mas mahalaga kaysa sa mga bagay/plano na ibinabagay at ipinaplano ko. Reyalidad. Sampal.

Masarap maging guro. Sobra. Pero, tangina, nakakainis din.

Di ko na rin kailangang ipaliwanag ang huli kong tinuran. Aywan lang.

*

Marami akong frustrations.

Gusto kong magpinta. Magdrowing. Gusto kong maglakbay. Gusto kong magbasa lang buong araw. Gusto kong matulog nang lagpas walong oras.

Gusto kong kayakap lagi si G. Gusto kong hawak ko lang ang kamay niya. Gusto kong manatili ang lahat nang kung ano ito ngayon. Ang sa aming dalawa. Tawa. Ngiti. Init. Lamig. Perpekto.

Gusto kong pagsabay-sabayin ang lahat.

Gusto kong umakyat ng bundok. Gusto kong maglingkod. Gusto ko uling mag-rally. Gusto kong maggitara sa harap ng nagtataas kamaong madla. Gusto kong makadaupang palad ang mga magsasaka at manggagawa. Gusto kong magkulong sa City Jail. Gusto kong pumunta sa Hacienda Luisita.

Gusto kong pasayahin sina Nanay at Tatay. 'Yung pangarap nila na makita akong maunlad. Pero, badtrip kasi, iba talaga ang konsepto ng pag-unlad sa isang trad na mga magulang. Anyway, mahal na mahal ko sila.

Gusto kong pagsabay-sabayin ang lahat. Pero, ganid naman ako kapag pinairal ko ito. Wala sa hubog.

Marami pa akong frustrations na hanggang sa abstraktong pagtingin ko lang nagagawa.

Napakarami.

*

Siguro, itutula ko na lang muna. Mahaba ang bukas. Huwag lang akong mapag-tripan.

Ayos lang ako sa masaker ng mga kritiko. Saksakin nila ako. Hindi ako papalag.

Literatura ba kamo? Panitikan?

Madugo. Gusto kong magdugo.

*

Nga pala, satisfied na ako sa buhay ko. Frustrated as ever nga lang. Kongreto. Mabagsik.