Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Sa mga Lansangan na Dati Kong Kilala

Nitong mga nagdaang araw,
ginagambala ako ng takot
at pangamba. Na sa kinabukasa’y
maglalakad akong kumakain ng buhok at papel,
sa mga lansangan na dati kong kilala.
Mga lansangan na aking ginalugad
upang pagsilbihan ang pag-aasam
ng iilan,
na ang tagumpay ay isang iglap na makakamit.
Sapagkat, maraming taon kang nagsunog ng makapal na kilay
at humalik sa mga libro,
nakipagbuno, nakipagtagisan
sa mundong hindi kailanman
nahakbangan, ni nasulyapan
ng mga nalugmok sa kuko ng tadhanang
hindi nila pinili;
gusto nilang takasan;
ngunit, habang buhay nang nakapasan
ang sugat nito sa kanilang bagsak nang balikat.
Hindi ko maaatim na pagsilbihan,
silang kumakain ng dyamante,
naliligo sa salapi.
Hinding-hindi kailanman!
Silang kinalimutan ng kasaysayan at pag-unlad,
ang pag-aalayan ng pawis at oras.
Bahala na kung kumain man ng buhok o papel,
bukas o makalawa,
sa mga lansangan na dati kong kilala.

Pagtakas sa Bangungot

tuwing umaga
magsasalok siya ng tubig
sa poso
wala na siyang hilamos
wala na siyang almusal
ilalako niya ang tubig
gamit ang gawang kariton
sa buong araw niya
singkuwenta ang kita
ibibigay niya ang bente
sa nanay
pambili ng ulam
babatukan ng tatay
huhuthutan
bente ang muling lilipad
ang natirang sampu
wala sa ragbi
wala sa sugal
naroon sa nakasisilaw na kahon
sari saring larawan
ibat ibang kulay at salita
kalahating oras niyang matatakasan
ang bangungot ng buong araw
sa maangas na pilantik ng mga daliri
at patayang kanyang sinisimulan

Ipikit Man ang Matang Nanlalabo

ipikit man ang matang nanlalabo
madarama pa rin ang paghampas
ng patay na hangin
magsusumamo pa rin ang sikmura
sa maghapong walang biyaya
kundi takaw-tingin
sa naglalaway na grasyang
sakmal ng mga buwitre
sa kabila ng pumapagitnang salamin
ipikit man ang matang nanlalabo
yayakapin pa rin ang bunsong
namamayat bundat ang tiyan
taglay ang bulateng nananahan
dinig pa rin ang ungol ng asawa
na hindi makatulog
dulot ng ubong ilan taon nang
ayaw umalis sa baga
mahihiga pa rin
matutulog sa matigas na karton
kasiping ang lamig ng gabi
ipikit man ang matang nanlalabo
ilalahad pa rin ang palad
hihingi ng awa habag
sangkusing na biyaya
lalanghap pa rin ng demonyong usok
ng lunsod
itatanaw pa rin ang mga mata
sa malayong kabundukang
hindi nagisnan ng katandaan
pagkat nilamon ng pagasa
bumaliw sa tadhana
ipikit man ang matang nanlalabo
wala walang taingang
makaririnig ng daing
ng sikmurang humihiyaw ng tulong
ipikit man ang matang nanlalabo
mamatay pa rin sa kinasadlakang buhay
na di natugunan ng dapat sanang magliligtas

Ulo, Baril at Dugo

“Hindi na niya pinagmasdan ang mga
nakahandusay na bangkay…
ULO
nagsipagsabog sa kaalaman
uhaw, pitong karagatan
Panginoon, sariling mataginting
…na ngayo’y ganadong pinapapak
ng mga uod at gahamang buwitre…
BARIL
bakal sa hitsura’t tindig
lumalamon, daan-libong naghuhumindig
hardin ng utak, tigang sa dilig
…at sa pagkakataong yaon, sumagi
sa kanyang isipan ang panaginip, Ulo. Baril. Dugo…
DUGO
ilog ng buhay, kalamnang
nagsipaggalaw. Sambulat sa daan
isang kaluluwa, binaliw ng tadhana.
…Isang putok ng baril…at namayani
ang nakabibinging katahimikan”.

Unti-unti, Sa Aking Pagtingin

kakapit ako
sa mga bagay
na
unti-unti,
sa aking pagtingin,
ay buhanging kumakawala
sa mga p a l a d.
bubuuin ko
ang palasyong itinayo
–tinitibag ng panahon at pagkakataon

kung magsisikip ang dibdib,
hahayaang maputol ang hininga…

sapagkat
walang
lunas
ang
malunod
sa
dusa…

Bakit Pinipilit Kong Abutin ang Langit?

Bakit pinipilit kong abutin ang langit?
Gayong lagi’t lagi
Siyang nar’yan.
Natatanaw ko ang pagsilip ng araw
Sa dibdib ng mga ulap.
Sa gabi’y niyayapos ako
Ng kanyang walang kasinlawak
Na kadiliman.
Ang buwan
Ay waring nakikipagtitigan.
Ngumingiti sa akin,
Ang mga ‘di mabilang na bituin.
Bakit ko pa ipipilit
Na lumangoy sa kaniyang kalawakan?
Bakit pinipilit kong abutin ang langit?

Kailangan.

Sapagkat ako’y walang hanggang bukal
Ng pagnanais.
Nais kong malasahan ang ulap
At mahiga sa malambot nitong katawan.
Nais kong hawakan
ang araw,
At mapaso sa apoy nito.
Nais kong haplusin
ang pisngi ng buwan.
Nais kong halikan
Ang labi ng mga bituin
At sumakay sa mga bulalakaw
Sa dilim.

Sapagkat ako’y walang hanggang bukal
Ng pagnanais,
Kaya’t pinipilit
kong abutin ang langit.

Ideyal

naniniwala
ka ba
sa kapalaran?

naniniwala
ka ba?

sino ba’ng
dapat
magdikta?

siya o ikaw?

kung
naniniwala ka,
hahayaan mo bang
diktahan ka niya
o
babalikwas
ka’t itatakwil,
sapagkat ang lahat
na ideyal
ay ‘di nakakamit?

Sinigang

Naghihiwa ako ng sibuyas.
Magluluto ng sinigang.
Hindi inaasahan,
nahiwa ko
ang aking daliri,
(hinlalato sa kaliwa)
-- malalim na sugat!

Bigla,
umiyak ako, nagtangis,
(mga luhang naglagos sa mga pisngi)
hindi dahil sa
mahapding hiwa,
hindi dahil sa
esensiya ng sibuyas
kundi
dahil sa alaala
na paborito mo
ang lulutuin ko.

Banig

Dati-rati'y sa banig,
sa gilid, ibaba
ng iyong papag na de-kutson
nahihimbing ako
at panatag na magdidilat
ng mga matang may muta
pagsapit ng umaga,
panatag na naroon ka
at masayang nagtitiklop,
nag-aayos
ng mga hinigan.
Ngayon, malabo na
ang aking mata
at wala na 'ng mga muta.

Wala na.

Malabo, imposible
na rin na mamasdan
kita at makitang nagliligpit,
nag-aayos
ng mga unan at kumot.

Kung hindi ka na
babalik,
itatapon ko
ang banig
kung saan
minsan tayong nagniig.