una: ulo
sa ulo, sa utak mo
pumasok ang alimpuyo
ang ngitngit ng damdamin
na kinikimkim
isang laurelyadong
pulis, na tinugis at malaon
sa bisa ng dikta ng hustiya
na doble-kara ang tunay na mukha
magaganap ang ayaw mong maganap
na sa iyong pagtanda
"he was discharged in 2008 for his alleged involvement in drug-related crimes and extortion"
malalagas ang tinipong lakas
at pagsisikap sa pagpapalaganap
ng tiwasay na lipunan...
ngunit may tunggalian sa pagkilala
kung ano nga ba ang katotohanan
may tunggalian: pulis na kriminal
o biktima ng bulok na sistema?
"he is awarded, in the year 1986, as one of the ten most outstanding policeman"
at sa apoy na biglang lumagom
sa kumukulo mong isipan
rolando, armalayt ang tinuring mong
huling sandigan
ng iyong mga panawagan...
sa isang Hong Thai Travel bus
nakita mo ang liwanag ng bukas:
"big mistake to correct a big wrong decision"
"big deal will start after 3:00 p.m today"
agosto dalawampu't tatlo
dalawanglibo at sampu
araw ng pagpitik ng kamalayan mo
araw ng mga ipuipo
araw ng isang gabing may pistahan
ng mainit-init na balita, muli,
sa tahanan ng madlang
binobobo ng mga telenobela
rolando, binuhay mo ang kinatatakutang bangungot
ng tiwalii nating gobyerno
rolando, rolando, rolando
may panandaliang kasaysayan kang ini-uukit
sa maiitim na ulap ng langit
ikalawa: punglo
kilala mo ang bangis ng punglo
na kung hahalik sa himaymay ng kalamnan
ay kayang magpahiwalay ng kaluluwa sa katawan
kayang magpayuko ng sinumang mangahas na lumaban
samahan mo pa ng mga dilaw na bihag...
kilala mo ang sangkapulisan
na alam mo, alam mong kulang ang kakayahan
sapagka't batid mong ang magpabundat
ng tiyan, ang pangunahing libangan
ng dapat sana nating pinagkakatiwalaan
rolando, alam mo,
at alam mo na kamatayan
ang hantungan ng lahat, unang-una na
ang iyong sarili
alam mo na sa bawat tikatik ng segundo
umiikli ang pag-asa ng iyong panawagan
umiikli ang pisi ng sangkapulisan
umiikli ang pagitan ng buhay at kamatayan
kamatayan ang hantungan ng lahat...
rolando, isa ka lamang daw hiwalay na kaso
"it is an isolated case. please, do not incriminate other filipinos"
isang halimbawa ng kabaliwan...
nguni't sino nga ba ang nagtutulak sa tao upang mabaliw?
ano ang kabaliwan?
sino ang baliw?
ilagay mo sa kamay ang batas at hustisya
baliw kang tuturingan ng mga pinagpala
ikatlo: anino
at sino ang may kasalanan?
si rolando mendoza, isang pulis
isang pulis na maysala't biktima
sino ang may pananagutan?
silang mga pulis, ang media,
silang mga usyusero't usyusera
sino ang dapat patawan ng kaparusahan?
ang pamahalaan, ang bulok na sistema
ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan
ang mga tiwali sa gobyerno at senado
ang mga manhid na mamamayan
ang paghubog ng agnas nating lipunan...
at kayhirap nga'ng gagapin ng mga bagay-bagay
itong madramang tagpo sa grandstand ng quirino
aysampal, dagok, suntok sa bawat pilipino...
nguni't pansamantala lamang
sapagka't pakatandaan mo,
sa kamalayan ng sambayanan
walang ipinag-iba sa pelikula at telenobela
ang buhay at kasawian mo,
rolando mendoza