Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kalikasan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kalikasan. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Setyembre 13, 2013

Pagkasadsad Ng U.S. Guardian Sa Tadyang Ng Tubbataha, Humawak Ng Granada Ang Mga Isda At Naghapag Ng Labanan Ang Bahura

magiging puntod ang iyong lapag
at sitsirya ng mga isda
ang mga katawan nilang gugutayin
ng mga alon at bahura

wala tayong pakinabang sa kanila
maliban sa wala naman talaga,
sila sa atin ay higit pa sa dangal
at soberanyang ginagahasa

kaya't huwag mangangamba,
Tubbataha, tahan na
sa pagtutuos ng mali sa tama
at maliit sa dambuhala

magiging puntod ang iyong lapag
at sitsirya ng mga isda
ang mga katawan nilang gugutayin
ng mga alon at bahura

Martes, Oktubre 30, 2012

Karma

Anong biyaya ng paghihiganti
ang ikinukubli ng pagkakataon?

Kung sino man ang nagpangalang 'Sandy'
sa bagyong sumasalanta, ngayon,
sa silangang bahagi ng lupain
ng gatas at pulot, anong ningning mayroon
ang humihimlay sa kaniyang bungo;

sino ang makapagsasabi, na ang buhangin
ay nagsasatubig, nag-aalimpuyo
upang iparanas ang lagim at hagupit
ng mga balang tumagos sa mga walang-
muwang na katahimikan ng mga sibilyan,

sa Gitnang Silangan, pulo-pulutong na hanay
ng mga isla sa Pasipiko, sa paanan ng Asya?

Ganap na batid ng kung anuman, o ng sinumang
may tangan ng nararapat: ibinabalik sa mapaniil
ang halakhak nito't paghihindik,

ito ang batas ng daigdig.

Tikatik

ganitong lumuluha
ang langit: isang
di mapigil na pangungulila
sa kinatititigan,

sugo nitong mabagsik
ang matimping sayaw
ng mga butil
sa papawirin,

pinahihintulutang makiraan
sa bawat nitong hantungan,

walang kapaguran.

Sabado, Setyembre 22, 2012

Silip

sa ulan ko hinahanap
ang nagbigkis nating hininga.

sumilip ka sa labas ng iyong bintana,
may hangin na sa iyo'y babati.

ako iyon,
aking tinatangi.

Miyerkules, Agosto 15, 2012

Lagi Na At Malungkot Sa Aming Bayan

          May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
          may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
          ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo
          samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
          sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
          at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punlo!

                         Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan,
                         Amado V. Hernandez

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Nakayuko ang mga talahib na waring mga musmos
Na nakaluhod sa altar ng milagro;
Sumasamo ng tining sa nagburak na pangarap,
Humihiling ng habag sa libaging hininga.
Kumakaway ang mga kawayan, di naghahantad
Ng tapang sa unos.
Bagkus, nakatundos itong nakamata sa langit—
Naghihintay ng kamatayang nakaabang, ilalatay sa katawan.
Mga uhay ng palay na nilipasan ng gintong-balat,
Nakahiga sa tigang na tadyang ng nilalagnat na parang.
Nakapamaywang ang mga gusali, nitsong malalamig,
Nakatitig-hamak
Sa butas na bubong ng mga dampa’t barungbarong
Sa nagtuklap na tarpolinang tabike;
Putikang sahig na nakahalik sa kawalan,
Mga haliging singtibay ng nauupos na pag-asa
At kisameng naglundo sa rupok—
Sinigid-lunod ng luhang rumaragasa
Sa estero’t ilog ng dustang buhay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
May mga palad na nagbitak,
Naghahanap ng sariling pilapil.
Sila na tumitingkal ng lupang nakakuyom
Sa pangil ng mga halimaw.
Mga halimaw itong sumasakmal sa mga naisin
At hangaring ang mga silahis sa umaga’y haplos
Ng pag-ibig na maglalatag ng banig
Sa namutlang takipsilim.
May mga tuhod na nakalublob sa putik;
Inaararo ang sariling luhang sumapi sa patubig.
Mga pawis na kinatas ng pagod
At di mailigtas ng sambalilo sa ngitngit ng araw.
Mga tansuing bisig na naghuhumiyaw ang kalamnan,
Sa lakas na sinipsip ng umimpis na katiyakan—
Sa isang bukas na tangan ng anak ang mga aklat
At patugpa sa landas ng karunungan,
Nag-iisang pamana ng tulad niyang nagbibilang ng gatla
Sa mga panahon;
Sa isang bukas na umaawit ang mga pipit sa pawid na bubong,
At ang maybahay na maghahatid ng pananghalian
Ay inukitan ng dalisay na ngiti.
Api siyang nagbibilang ng gatlang nakabalangkas
Sa siwang ng lupang humihiyaw ng kalinga
Na iginagawad niyang nagsaluya ang mga daliri sa paa.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Umaandar, yumuyugyog ang mga makina
Sa malalangis na pabrika.
Nagbubuga ng kabuteng-usok sa abuhing langit.
At ang pumipintig na ugat—nagbibigay-hininga
Sa mga makinang lumilikha ng tubo’t puhunan
Ay dayukdok na nangingitim ang mga damit,
Tulad ng pangarap na tinakasan ng kaganapan;
Grasang singdilim ng langit na walang bituin.
Nangasuksok ang mga dumi sa pudpod nang mga kuko,
Waring dulo ng kamay-orasang naliligaw sa bulong ng segundo.
Silang nililimusan ng barya-baryang kalansing, pang-agdong
Sa buhay na binabastos ng alingasaw at alimuom,
Ng alikabok at kalawang.
Hugong ng mga turnilyo’t bakal,
Palahaw ng mga martilyong ipinupukpok sa dibdib
Na hinulma nang maging manhid sa daing
Ng bunsong umoonse ang sipon, nanlilimahid
Sa dungis at malnutrisyon;
Ng asawang binugbog ng dalitang kalagayan
Sa bituka ng malupit na kalunsuran.
Brasong binulok ng kapagalan.
Binting isinangla sa walong-oras-higit na paggawa.
Naghihintay sa katapusang
Dumadaan nang walang pangungumusta
Sa sadlak na kapalaran.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Ang mga tabing-dagat ay kinukumutan ng pangamba.
May bula ang dila ng mga alon,
Nakangangang kalderong walang laman ang laot.
Sisid-ahon ang maaalat-nangaliskis na balat,
Inihihigpit ang mga bisig sa paghampas ng daluyong.
Sa mga panahong nawawala ang estrelyang gumagabay
Sa landas ng bangka—ninakaw ng mabangis na ulap—
Malamig ang haplos ng baliw na habagat.
Bitbit ang lamparang-de-gaas,
Mga santelmong apoy silang nilalamon ng dilim,
Ng guhit-tagpuan,
Ng halik ng tubig.
At kaparis ng tahimik na paglangoy ng mga galunggong,
Ng pagsayaw ng mga halamang dagat,
Ng paglalamat ng mga koral—sinasakmal sila ng kawalan.
Silang naglalapag ng pritong matang-baka,
Silang naglalapag ng sinigang na salmon at inihaw na tuna,
Silang naglalapag ng sarsiadong labahita,
Silang naglalapag ng ginataang sapsap,
Sa mga adornadong dulang
Ay nag-uulam ng de-latang sardinas;
Humihigop ng sabaw—isang dahop na bukas.

Lagi na at malungkot sa aming bayan
Basa ang mga aklat sa tag-ulan
At punit sa katag-arawan.
Sumisigaw ang napunit na bubong
At pumapalatak ang bitak ng mga pader.
Umaalog na mga haliging nakatindig
Sa duwag na lupang walang katiyakan ang pundasyon.
Nagbabalseng mga upuang isa sa tatlo,
Silid-aralang mainit,
Silid-aralang pinasikip ng naglalampungang balikat.
Maramot ang aral at karunungan sa butas na bulsa,
Bukas-tarangkahan sa mga paang nakadadampi sa alpombra.
Sa pag-usad ng mga panahong dapat ihimpil sa silid-aralan,
Mabibilang sa mga daliring nagkalyo,
Sa mga nalagas-sunog na kilay
Ang makatatangan ng isang pirasong papel
Na magtatakda ng uri sa lipunang marahas:
Ang magiging nars ay magiging kerteyker na magpupunas
Ng mapuputing puwit ng mga ulyaning matatanda sa Europa.
Ang magiging doktor ay magiging nars na mag-aabot ng hiringggilya
Sa banyagang superyor na bughaw ang balintataw.
Ang magiging inhenyero’y magsusukat ng lupa at maghahalo ng semento
Sa umaasong buhangin ng Gitnang Silangan.
Ang magiging arkitekto’y guguhit-balangkas ng mansiyon
Ng mga diyus-diyosang pinagpala ng pagsasamantala.
Ang mga guro’y puputulan ng ulo o dili kaya’y magtuturo
Sa mga banyagang pilipit ang dila sa ingles.
Silang magiging alipin ng visa at dolyar, ng disyerto at niyebe
Sa kabilang pampang ng kabihasnan.
Mapipilitang sumakay sa eroplanong-papel nilang pangarap:
Magsubo ng buhay sa naghihingalong pamilya.
At ang mga sinawing-palad
Na di makatatawid sa ilog ng pagkatuto’y ibabartolina
Sa maruming kuko ng kapagalan, dito man o sa mga lupaing nagpapalastas
Ng pulu’t pukyutang pag-unlad—karpintero, latero,
Paspudkru, kargador at iba pang ibibilang sa hanay
Ng mga utus-utusang pagdadamutan ng kanin at tinapay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Ipinapako sa krus ng kahirapan, pinagdadamutan
Ng dangal at ligaya.
Kaya’t humihiyaw ang mga hibik,
Naninindak ang mga tangis.
Sa mga kalyehon at eskinita.
Sa mga estero at tulay.
Sa mga parang at talampas.
Sa mga pampang at laot.
Waring isang awiting sumusuot
Sa himaymay ng utak,
Nagbabanyuhay bilang isang babala.
Mag-aanyong kamao ang mga luha
Talampakan ang mga dusa,
Bibig ang mga pangamba.
Itutuldok sa hangin,
Imamartsa sa abenida’t kaparangan.
Isisigaw ang dapat nang mabatid,
Itatakda ang kaligtasan at katubusan
Dahil lagi na at malungkot itong aming bayan.

Miyerkules, Agosto 8, 2012

Evacuation Center

ang sangmangkok ng lugaw
ay mananatiling lugaw
ang mainit-init na sopas
ay mananatiling sopas
ang sangdakmang bahaw
ay mananatiling bahaw
ang maputlang kape
ay mananatiling kape

ang nangangatog na bata'y mabubuhay sa lugaw
isang araw, ngunit hindi sa kinabukasan
dahil ang higit niyang kailanga'y matibay na bubong
at yakap ng kumot sa gabing kumakalampag ang ulan

ang mainit na sopas ay may talab sa dilang maikli
ng matandang pinapayat ng ubo, bagamat
pansamantala lamang dahil lumilipas ang sopas
at higit na may talab ang angkas ng gamot sa sikmura

ang daliri ng mamang kinapitan ng mga mumong malungkot
ng bahaw na nakasimangot, ay daliring pumapalahaw
ng sumamo, ng kaunting kabuhayang magsusugpong
ng buhay sa pamilyang itinirik sa bunganga ng creek

ang kulot na aso ng maputlang kape'y papanaw
tulad ng usok ng sigarilyong pinatay ng patak-ulan,
at maglalahong parang usok silang naggawad ng kalinga
sa yugtong paslangin ng media ang apoy ng dumaang trahedya

dahil ang sangmangkok ng lugaw
ay kaluluwang ligaw
ang mainit-init na sopas
ay bubong na may butas
ang sangdakmang bahaw
ay katinuang bumitaw
at ang maputlang kape
ay labing walang ngiti.

Dagat-dagatan

lumipat ang dagat
at sinakop
ang lupa;
nawalan ng puwang
ang sibilisasyon.

nagmistulang dikya
ang mga basura,
tumakas ang silbi ng bota,
tumigil sa pamumulaklak
ang araw,
nagalak ang unos
at ulap

naging lapu-lapu ang kalalakihan
at namumulang maya-maya
ang kababaihan;
ang mga bata'y dilis
na sumayaw-talilis
sa pusod
ng tatlo-lima-apat
na talampakang dagat
na lumipat
sa lungsod.
nalugod-lumuhod
ang mga banal-banalang
dagom-dagom.
nag-anyong koral
ang mga tulay,
at nagbulay-bulay
ang mga pawikan: matatanda.

nag-anyong mangingisda
ang mga nakabarong:
sa tsokolateng laot
nagsapot
ng lambat
sa nagpipitlagang

mga laman-dagat,

Nang Lumamig Ang Hangin

nang lumamig ang hangin
at sumayaw ang mga butil
ng ulan sa papawirin

nagmistulang hardin
ang abalang kalunsuran:
nagsisibol ang mga payong,

namulaklak.

Bugso

mga munti silang luhang laksang nagpahiwatig
ng pangamba sa mga bubungan--kumakatok.
pabugso-bugsong hiningang pumupunit ng yero
at nagpapayuko-lumalagas sa labay ng mga puno.

sa panahong ayaw na nating lumuha ng dugo
at lumikha ng mga larawang naghahantad ng lungkot--
mga kasawiang namamalagi sa ugat ng bayan,
patuloy ang daluyong ng kalikasang ating dinalirot

at umasta tayong hari at mga reyna, mga diyos
na walang kamatayang mag-uutos, mag-aatas,
magpapataw ng takda sa mga luntiang pupunitin
ng ating pagkabagot, at paghahanap ng ligayang

hindi ubos-masapatan: eternal na katotohanang
maghahatid sa atin sa malalamig na nitsong lumulutang
sa ibabaw ng laksang luhang nag-anyong ulan-- na
nagdeklara ng rebolusyon sa ating layaw at kapabayaan.

Lutang

sinusubok mong manahimik
kung tahimik ang paligid
kasi nga'y tahimik at ang tahimik
na paligid ay matiwasay

tulad ng dagat na payapang nananalamin
sa langit--at isang sisneng malanding
nakayuko sa ibabaw tubig

pakasuriin mo, may digmaan
sa iyong harapan
ang guhit-tagpuan, ang abot-tanaw--
titigan mo ang nakahantad na kariktan

kinakain ng malalaking isda ang maliliit
sinisikap ng mga koral na buuin muli ang sarili
may pawikang nangangamba sa isisilang
at ang sisneng nagpangiti sa iyong labi'y

naghahamok ang mga paa upang lumutang


Hindi Nagtatayugang Gusali

tinatangka nilang dungisan ang iyong dangal, Rizal
silang mga hunyango sa katwiran at pagdakila sa iyo
mga sakim silang gustong agawin maging ang larawan
mo kapiling ang malawak na latag ng kalangitan
mga alipin ng tubo na dudungisan ang mga damo
at bulaklak, mga puno't halaman sa iyong liwasan

Rizal, alam mong kasaysayan kang dapat galangin
at bayani kang dapat patawan ng respeto at ringal

sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan
sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan

alam mo iyan, Rizal




Sabado, Pebrero 11, 2012

Naturalesa

i.

             (29 na bahay ang nilagom ng lupa:
                             Sitio Moog, Brgy. Planas, Guihulngan
                   Negros
                            Oriental
Manolo Mangalso, inagawan ng 
Lorna, 32, asawa
         mga  anak:      John Mark, 8
                                 Jira Mae, 6
                                 Charity Joy, walong buwan
Primitivo Mangalso, 47,
         nakatatandang kapatid
                      ni Manolo, inagawan ng
         mga  anak:       Sheila May, 16
                                  Kristel Jane0, 15)

ii.

hindi marapat sisihin
ang kalikasan ng kalikasan
walang paghihiganti;
natural ang lahat sa kanilang
mga kamay, umuulan,
bumabagyo, lumilindol
at natural lamang
ang kamatayan,
tulad ng paghinga,
tulad ng mga nilalanggam
na ipis o iniipis na tambak
ng basura.
natural, kung lagumin ka ng lupa,
ilang minuto lamang
ang kakayanin ng baga
at sesenyal na ito ng paalam.

iii.

                      (Cindy Lisondra, 21
      "...the woman had
                           sent
                     a text message        to
            her
                                boyfriend from under the rubble
                at around
                                  9:00 p.m.
                      on Monday...")

iv.

likas sa tao, katawan ng tao,
ang magdalamhati sa dapat
ipagdalamhati. alisin ang daliri
kung mapaso sa kawali, umiyak
kung iwan ng kabiyak. 
natural ang natural sa mundo,
masama at mabuti.
natural ang natural sa mundo,
tulad ng malamig na hangin
tuwing Pebrero at pagpikit
ng mata kung may tangkang
puwing.
magkagayunman, may mga likas,
natural, na hinabi sa kawalan
ng kalikasan at natural. hindi
basta-basta gumuguho ang bundok.
hindi basta-basta nabibiyak ang lupa.
hindi mamamalagi sa delikadong
sitwasyon/pundasyon ang tao kung
may kakayahan
siyang mamalagi sa ligtas na sitwasyon
at pundasyon. 

v.

hindi basta-basta namamatay
ang hayop, may batas ang kalikasan.
kinakain ng leon ang gazelle.
mabagal ang pagong. mabilis ang
cheetah. matalino ang matsing.
may mata ang bagyo, naglalaway
ang alimango. sumasayaw ang puno,
kumakanta ang ibon.
sa tao, kailangan kang magkasakit,
kailangan kang tumanda
at maaari kang mamatay sanhi
ang mga iyan.
ngunit may mga pagkakataong,
sanhi ng likas at natural
na bumubunga sa likas at natural
ang mga tangis at dasal.
pinatay matapos gahasain,
pero natural ang libog.
pinatay dahil sa eleksyon,
natural ang inggit.
pinatay dahil sa selos,
natural ang tumikim.
pinatay dahil rebelde,
natural ang kawalang-puso.
pinatay dahil sa prinsipyo,
natural ang demonyo.

vi.

likas daw sa tao ang lumaban
at likas din ang pagkaganid.
may masama
at mabuti.

vii.

walang sala
ang kalikasan.
may sala
ang di makuntentong tiyan
at isipan.

viii.

kung ito'y sa usapan na rin 
lamang ng likas ng kalikasan
ng kalikasan at tao, maanong
umpisahan ang pagbagyo
ng mga punglo at pairalin
ang likas ng mundo: ang 
pamamayani ng anghel
laban sa demonyo.

ix.

lumilindol
ng alinlangan
sa mga tent
ng Kabisayaan.

Sabado, Enero 28, 2012

Sa Kawang-gawang Sinungkit Sa Labi

ginagahasa nila ang lahat ng mayroon   tayo
ginagahasa nila ang umbok ng bundok
ginagahasa nila ang kaparangan
ginagahasa nila ang taimtim na tulog ng ilog
ginagahasa nila ang kasapatan ng karagatan
ginagahasa nila ang yaman ng kagubatan
ginagahasa nila ang lahat nating karapatan
     na     mabuhay

ginagahasa nila ang lahat-lahat sa atin     tayo
ang biktima    at    ipamumukhang tayo  at     tayo
pa rin     ang salarin

tayo at tayo ang ginagahasa at wala pa rin    tayo
sa kamuwangan ng            pagtindig

namatay ang isang ina, laksang mga anak
namatay, namatay ang kuya at isang ate ang nalamog
ang dibdib, namatay ang sanggol sa lunod at namatay
ang lola sa piling ni lolo sa tagpo ng creek, naipit ang mga ulo

nakanganga ang mga sinalanta at ginahasa
naninigas na kamay at paa, malamig,       nakahihindik

hinahanap ng ama ang dalawang anak, ang asawa
ang mga magulang ang biyenan, hinahanap ng kaluluwa
ang unawang bakit sa sako humahantong ang bangungot
hinahanap ng biktima ang sarili sa putik, hinahanap
ng sarili ang pasko sa tumuwad na kotse at mayabang
na troso

ginahasa, ginagahasa at gagahasain nila tayo
lahat-lahat, mulang bumbunan hanggang kasukasuan

   sila ang magmumukhang mabuti, sa huli
sila ang magmamabuti
sa kawang-gawang         sinungkit sa labi
ng nagdadalamhati        
                       nakangiti
sila
sa TV
        silang gumagahasa sa      atin.

Puyo

sa cagayan de oro
nagsimbang-gabi si sendong
at nagsasasayaw ang mga putik
magalak na nagbububulwak
ang maangas na baha

sa iligan
isa-isang nagising ang mga biktima
may saklob ng troso ang bubong
may mga kisameng nilantakan
ng luha at hinagpis

sa negros oriental
humahalo sa tsokolateng putik
ang mapait na luha ng tangis
at mabangis na nakatusok
ang tulos ng kapalaran
sa kanilang dibdib

sa misamis oriental
walang patid ang pagkaganid
at said na'ng likas para bukas
matutuyo ang mga putik
ngunit wala nang inosenteng
hiningang maibabalik

sa cebu
hahalakhak ang pagsasamantala
maliligalig ng bigas at de lata
ang mga kalsada, sa interes
ng balat-kayong kawang-gawa

at sa maynila, sa tarangkahan
ng pinagpala, umaalulong
ang hugong ng mamahaling sasakyan
nagsasayawan ang mga paa
siksik-liglig ang mahabang hapag

sa bumbunan ng pangulo
manhid,
tila bagyo ang ikit ng puyo

Huwebes, Hunyo 23, 2011

Piskil

naglutangan sa pisngi ng lawa
ang dilat-luwang mata ng mga isda
siksikang lumantad at nagpa-araw
patay na silang hininga'y inagaw

ganyan marahil ang hantungan natin
bulto-bultong papatayin
sa uhaw at kasakiman ng mga diyus-diyosan
magnanakaw ng kabuhayan nati't karapatan

at lamang kung mala-isda tayong magpipitlagan
tuod sa tuod na lawa, sabay-sa-agos ng karagatan
hindi malalayong laksa-laksa tayong mangangamatay
pagkat nabaklang manindigan upang mabuhay.