Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Prosang Tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Prosang Tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Hulyo 14, 2012

Dagli 5

Nakaupo siya sa bench
sa ilalim ng mabulas na puno.
Indian sit--
katabi ang aklat na Toward A New Poetry
ni Diane Wakowski
na tinamad na niyang basahin,
matapos ang chapter na pinamagatang
Form is the Extension of the Content.

Umaambon.

Kinunulit ng pipit ang puwit ng puting aso.
Nagtatawanan ang mga estudyanteng pauwi.

Sa langit, mas nangingitim ang mga ulap.

Madali siyang tumayo, masakit na ang puwit niya,
tulad marahil ng sa asong puti.

Papalayo sa bench,
nalulusaw ang mga kahapon.

Magalak siyang pupunta sa hinaharap.

Sabado, Enero 28, 2012

Tala

Sising-sisi sa nangyari, umakyat siya sa kanilang bubong. Alas-nuebe ng gabi, dumadantay ang nananaksak na amihan sa kanyang kabuuan.

Inilatag niya ang likod sa kurba-kurbada, kalawanging bubungan. Kinakalmot siya ng nakausling mga pako. Wala siyang pakialam.

Gusto niyang hawakan ang mga bituin, mabait ang langit nang gabing iyon. Gusto niyang kumapit sa buwan. Patay na si Ligaya, kanyang kasintahan. Silang dalawa ang huling magkasama bago ito dambahin ng trak at tumilapon sa isa pang trak na inuuslian ng mga bakal at alambreng pang-konstruksyon. Pinag-uusapan nila, nang mga sandaling iyon, ang pangalan ng bata na kanila rin sanang lalalangin nang gabing iyon. Tala.

Tumawid si Ligaya. Naiwan siya sa bangketa, nagsisindi ng biniling sigarilyo sa mamang may basag ang pangharap na ngipin. Nadulas nang bahagya si Ligaya habang tumatawid. Naiwan ang kanang bakya, mabilis-yuko itong binalikan ni Ligaya sa gitna ng haywey. Tatawid na rin si Jojo nang mabilis na dambahin ng trak si Ligaya. Mabilis tulad ng naglalarong mga ilaw sa haywey ang mga panginorin. Nagitla si Jojo.

Gustong mamatay ni Jojo habang nakatitig sa isang bituin. Bituing ayaw magningning pero mayabang na naghahasik ng kislap. Tala.

Gusto niyang mamatay. Inihampas niya ang ulo sa nakausling pako. Makaulit.

Lumang Bagong Kuwentong Hindi Nababasa Sa Diyaryo

Nasiraan ng gulong sa utak si Jojo
nang, unti-unti, parang labahang
kumurot-humalik sa kanyang gunita
ang mga pangyayari.
Gabi. Himbing ang lahat. Humuhuni
ang mga kuliglig, sabay sa kumpas
ng di matigil na tikatik ng ulan.
May bagyo noon, ngunit walang
makababatid na may kakambal itong
delubyo. Nagising si Jojo, naalimpungatan.
Parang may kumakatok na dambuhalang
kamao sa dingding ng kanilang kubo-
kubohan. Rumiritmo ang toktoktok.
Rumagasa ang malapot na putik.
Pikit-matang dumaan ang mga panginorin
kay Jojo: humampas ang troso sa isang
ulo, kumapit sa puno ang isang binatilyo,
dahon na naglalalangoy sa putik
ang mga kapitbahay, binubura ng ragasa
ang kanilang bayan.
Nasiraan ng gulong sa utak, si Jojo
ay humahalakhak. Lima sila sa pamilya,
siya ang sawimpalad na binuhay. Hindi
niya maikuwento ang mga pangyayari.
Sa gunita, nakangiti ang langit, maaliwalas
ang lahat. Wala sa mundo, nasa labi ni Jojo
ang ating tinutungo.

Lunes, Marso 21, 2011

Salubong

Ilang araw na ring malungkot
ang langit. Abuhin.

Dinampot ni Jojo ang isang maliit na bato,
Ipinukol. Malayo. Layon niyang hawiin ang lungkot sa langit at ulap.

Mabigat ang loob ni Jojo.
Ilang araw nang tulala ang kaniyang nanay. Ang tatay niya'y paroo't parito
sa pag-aasikaso ng bisita. May mga sundalong nakaligid sa bahay nila.
Malinis na ang kanilang sala.
Itinabi na'ng kabinet at sopa.

Darating mamaya
ang ate niyang nabura ang mukha.

Miyerkules, Marso 9, 2011

Sulat Sa Sarili

Ikaw,

     Kung kailan ka naging bahagi ng isang palihan, bakit duon ka didikdikin ng alinlangan? Na ang sariling mong paglikha ay nilalagom ng "baka" at "paano". Baka mali? Paano kung ganito? Kung ganyan? Naipit ka sa paglikha at pagtantiya sa mga matang magbabasa.
    
     Napakahirap.
    
     Ito ba ay proseso ng paglago, pag-unlad? O ito ang punto na kailangan mo nang magdesisyon at alamin ang bisa ng iyong musa, nang sa gayon ay makalipad sa ibang larangan ng pagkamalikhain?

     Marami kang katanungan na humihingi ng kagyat na pagtugon. Kailangan mo ng tapik-sa-balikat, ng isang taong alam mong magtutuwid sa alinlangan. Kung sino? A, hindi mo rin alam. Pero, kilala mo ang iyong sarili. Magpapatuloy ka. Ang kasalukuyan mo'y magiging bahagi ng nakaraan at nakalaan din sa bukas na walang kasiguruhan.

    Tandaan mo na lamang. Mapalad ka. Ang pagtanaw mo sa mundo ang sikdo ng iyong dugo. Magpapatuloy ka. Walang alinlangan.

     May naghihintay, kung ano, hayaan mo ang kasalukuyan.

     Huwag kang titigil.


Patuloy na sumusuporta,

Linggo, Agosto 8, 2010

Sa Kalaliman ng Gabi (o Kung Paano Ko Paniniwalaan ang mga Ayaw Kong Paniwalaan) Isang Tuluyang Tula


Hindi kailan man tayo nagsabay. Kumain man lamang o tumambay. Ngunit, itong mga huling semestre, magkasabay tayo sa tulungan ng klase. Naalaala ko pa ang iyong disposisyon. Iyon ang huling pagkikita natin. Walang pinagkaiba, tulad ka pa rin ng mga nagdaang araw, masayahin. Tila walang nagbabadyang trahedya.

“Pare, salamat do’n sa tsokolate”. ‘Di ko batid na iyon na pala ang huling palitan natin ng mga salita. Natatandaan mo? Nagkabiruan pa nga ang tropa. “Bertdey mo na. Painom ka naman! Pakambing ka naman!” Nangiti ka lamang, dahil ika’y hindi nainom.

Dumating ang kaarawan mo. Tulad ng iba pang mga araw, walang pinag-iba sa karaniwan. Ngunit, isang mainit na text ang bumungad. “Wala na si Kuya Jeff!” sabi ni Tin. Kalokohan! Bertdey, may ganyan? Inisip naming nasa Lab high na isang malaking biro. Nagitla ako doon, Pare.
“Totoo ba? Ano ba talaga?” Nagkayayaan. Alamin ang katotohanan. May mga nauna sa inyo. Inaalam din. Ngunit wala ka. Umaasa kaming biro nga. Hapon na nang dumating ka. Totoo. Nagsimulang ayusin ang sala ninyo. Doon kasi ilalagay ang kahon mo. Puti. Malapad. Mahaba-haba. Totoo nga. Walang duda. Walang biro.
Matagal tumimo sa akin na totoo ang lahat. “Hindi na siya nagising.” Kitang-kita ang makapal na kolorete sa iyong panatag na mukha. Salamin ang pumapagitan sa atin. Tulog ka lang sabi namin. Yari ka! Iyon ang hinihintay ng lahat. Pero wala. Kahit kaluskos o bakas-hininga.

Nagpabalik-balik kami sa pakain mo. Iyon na ba ang pabertdey mo? Nag-inuman din kami. Natikman din namin ang kambing na tinda n’yo Ang sarap magluto ng Nanay mo. Nag-iisip pa rin ako. Wala pa rin. Hindi totoo. Ayokong maniwala.

Dumating ang araw na hinihintay. Kailangan ka nang isama sa kapalaran ng iba. Maangas ang Tatay mo, Pare. Hindi ko man lamang nakitang umiyak . Ang mga Ama nga naman. Naalaala ko rin pala, iyong nagdugtong sa ating maliit na pagkakaibigan. Led Zeppelin. Pinag-isa tayo ng Stairway to Heaven, Kashmir , Goodtimes Badtimes o Communication Breakdown kaya. At sa huling hantungan mo. Sa karo mo, Pare. HardRock ang sumasalubong sa tainga ng mga tao. Napangiti ako. Tulay patungong langit?

Sa misang gawad sa iyo, binanggit ng Pari na isa kang mabuting tao base na rin sa nakita niyang nakikidalamhati sa iyo. “Pinuno niya ang kapilyang ito, na bihirang napupuno sa ordinaryong araw”. Napangiti muli ako.

Sa Norte, nahanay ka roon malapit sa mga kilalang nauna. Thomasites. Pancho Villa atbp. May palipad-lobo pa’t hagis-bulaklak. Panatag pa rin ang iyong mukha. Isinilid ka sa isa pang kahon. Parang posporo. Iyon ang huling kita ko sa iyo.

Pare, ngayon lang ako tumula ukol sa mga nangyari. Ewan lang kung hindi kaya o wala talaga. Pero, ngayong gabing ito, naisip kita. Hindi tayo dikit sa mga bagay-bagay. Kailan lang din nagkalapit ang mga pananaw natin. Ngunit, naitanim sa isip ko ang maliliit na kabutihang ginagawa mo at ilan pang kabutihang ikinuwento ni Nanay at Tatay mo. Nagagalak ako, Pare. Na sa huling mga sandali mo’y natulungan mo kami sa thesis kahit may sarili kayong thesis na sinasaliksik. Malaking bagay na iyon. At ang tsokolate. Natatandaan mo?

Nagtataka lang ako sa mga pangyayari. Bakit ganoon? Bakit sa kaarawan mo pa nangyari? Bakit “Friday the 13th” pa, Pare? Bakit may pa chain letter pa? Bakit ngayong gagradweyt na tayo? Totoo bang malapit sa sakuna ang may kaarawan? Malas ba talaga ang Trece Viernes? Kailangan ko na bang matakot sa chain letter? Kailangan ba talagang mag-ingat ang mga gagradweyt?
Coincidence?
Maniniwala ba ako? Kailangan ko na ba’ng maniwala?
O panaginip lamang ang lahat?
Pero, Pare, mag-iingat ka na lang kung nasaan ka ngayon. Salamat sa sandaling pagkakaibigan, na ating napagsamahan. Salamat!



--alay kay Jeff, isang kaibigan