Huwebes, Hunyo 23, 2011

Eyeball Sa Ulan: Goodnews Ni Panganay

natatakot siyang lumusong sa baha
naririnig niya kasi ang mga galis at leptospirosis
nakakadiri, gross, nakakasuklam
mas keri niya ang lumusong sa beaches
ng bora kasama si Sis BFF niya (ang kaniyang dream)
at anong mangyayari sa fashionista shoes niya?
mas atim niyang magbayad ng limampiso
sa batang-kargador, bubuhatin siya
papunta sa kabila
pero no way! hihipuan daw siya, at worst
madukutan pa...

kaninang umaga, maaliwalas ang langit
iniwan pa nga niya ang nanay niyang nagsasampay
at ang kapatid niyang hinahakbanghakbangan lamang niya
habang nanood ng Ghost Fighter
lakad-kaunti, kusina, lingon sa kaliwa, pinto ng kubeta
naiwan niya ang kaniyang coin purse,
huling retouch, pulbo sa liig
gora na siya
may eyeball siya ngayong umaga
ingat ka, sabi ng nanay niya

...wala na siyang mapagpilian
kundi lumusong sa bahang sing-itim ng ka-eyeball niya kanina
black-american na nakilala niya sa FB
wala na siyang mapagpipilian
kailangan niyang umuwi,
may sasabihin siya sa nanay niya
good news, ang bulong niya sa sarili
mag-aasawa na siya at pupunta ng amerika.

Sinelas Ni Pepe

kaunting paliwanag:
kaya ko nga pala itinapon
ang kaparis ng nawala
kong sinelas
sa ilog
ay dahil sa marami pa ako
sa bahay naming hindi pawid
kundi bato.


*kay Rizal

Jose

alam kong may hihiranging natatangi
sa lahat ng nag-alay ng pawis at dugo
mapalad ako, marahil, kasi nga't ako
ang natatanging aalayan ng kumpol
ng mga bulaklak, mga awit, pagdakila
ng mga aklat, patalastas, panunuri
sa buhay kong pinagpipiyestahan
sa loob ng isandaanlimampung taon
ako nga ang natatangi
ang napiling ehemplo ng kabataan
ang dapat sundan, sundin at gayahin
ako ang malamig na piso sa iyong bulsa
ang suot mong tisert-presyo-ginto
ako ang tumigas na pader, ang parke
ang abenida, ang makata, ang manunulat,
ang repormista-manlalakbay, eskultor,
imbentor, sugalero, propeta
ang doktor, ang iwas daw sa rebolusyon
ang siyentista, ang polyglot, ang mahilig
sa babae, ang walang anak
ang pinatay ng mga mamatay tao
noong nakaraang siglo
ako ang hinirang

ako ang natatanging bayani
ng bayang umiinom ng apdo
at lalaging binabaril, pinapatay
pinaiinom ng burak, kumakain ng panis
walang sinelas, walang bubong
ako ang malamig na lapida sa luneta

matagal nang dinadakila
ngunit wala pa ring mukha.


*kay Rizal

Distansya

malilimot ko, marahil, ang balangkas ng iyong labi,
ang bilugan at nangungusap mong mga mata,
ang noo mong hilig kong dampian ng halik--
at oo, ang pisngi mong ilang taon ring humilig-
nahimbing sa aking balikat.

malilimot kita--lalo pa't distansya ang nagtatakda.

ganoon nga marahil,
tulad ng umigpaw na lobo,
panahon at distansya ang maglulusaw
ng iyong anyo, gaano man kaaliwalas
ang mga umaga.

malilimot ko, oo, ang iyong kabuuan,
ngunit tiyak ang pananatili
ng mga alaala.

Piskil

naglutangan sa pisngi ng lawa
ang dilat-luwang mata ng mga isda
siksikang lumantad at nagpa-araw
patay na silang hininga'y inagaw

ganyan marahil ang hantungan natin
bulto-bultong papatayin
sa uhaw at kasakiman ng mga diyus-diyosan
magnanakaw ng kabuhayan nati't karapatan

at lamang kung mala-isda tayong magpipitlagan
tuod sa tuod na lawa, sabay-sa-agos ng karagatan
hindi malalayong laksa-laksa tayong mangangamatay
pagkat nabaklang manindigan upang mabuhay.

Pangarap

maglalandas ang pawis sa aking pisngi
tinatahak ang direksiyon ng mga gatlang
iginuhit ng panahon
nakatutok ang tirik na araw
tinuntudlaan ang aking kabuuuan
parang ibon na ikinulong sa lawak
ng liwanang at kumpol ng ulap
yuyuko ako, katulad ng mga gintong palay
na sumasayaw sa paghaplos ng hangin
malawak ang dagat ng luntian
may mga sumusungaw na puno
sa di kalayuan, nakatindig
ang mahiyaing mga kubo
salasalabat ang mga pilapil, umaawit
ang mga palakang hinugasan ng ulan
ng kalilipas lamang na ambon
humpak na ang aking pisngi
naglalagas na rin ang mga ngipin
salit-salit na rin ang mga abuhing buhok
at makikita ko ang aking mahal
tinatahak ang pilapil, tangan ang buslong
ang kalamnan ay pananghalian
palilipasin ang minuto, mga oras
masaya akong mamamahinga
ang lupa'y ako at siya'y akin

ito ang imahen ng ako paglipas ng mga taon
ngunit hindi ito ang aking pangarap
marahil sa langit, kung mayroon man,
na lamang ito magiging ganap
pagkat alam kong ito'y isang suntok-
sa-buwan, pagpapanggap sa
katotohanan
na ako'y abang magbubukid
ililibing sa mumurahing ataol
sa lupang buhay ko, ngunit ipinagkakait
ng mga buwitreng ngasab ang aking
mga buto.

Hindi Paumanhin Ang Pinakamasakit Na Salita

magpapaalam ka sana
kung lalayo, mawawala ka.
mano bang ang simpleng pagsambit ng paalam?
hangin lamang itong huhugutin mo sa tiyan.
idadaan sa sanga-sanga ng baga.
patatahakin sa lalamunan, sa dila, sa labi.

maiintindihan ko kung sa liham ka man magpaalam.
alam kong iniluwa iyon ng sarili mong daliri
at matitiyak kong hindi ka nakapikit kung sakaling
sa papel mo pasasayawin ang mga salita.

at sa posibilidad ng panahon, segundong pagitan
ang maghatid ng mensahe sa cellphone
o telepono. saglit na pasintabi sa kung anumang pagka-abala.
hinlalaki lamang ay kaya nang magpaunawa.

maraming paraan upang magpaalam.

huwag lamang ang pag-iiwan ng alinlangan--
kung bula kang mawawala, saksak ng sundang,
anumang imahe sa isipan:

isang malawak na patlang.
malawak na espasyo ng takot at kaba.
malalim na banga ng luha't pangungulila.

kaya kung kakayanin mo, magpaalam ka
sa anumang paraan na iyong magagawa.