Martes, Hulyo 26, 2011

Trapiko

i.
walang makahihigit
sa sandaling ito
pinakapayak na oras
tiyak na galak
ang sumusulak sa sintido
at dibidb

magkatipan
ang braso nati't balikat
humahampas sa pisngi ko't talukap
sa ilong at labi, ang buhok mong
pinasasayaw ng ragasang hangin

tumatakbo ang larawan ng lansangan
sa pagitan ng mata at panginorin
usok at musikang busina
ang magtatakda ng wakas
ngunit mahaba ang segundong lilipas


ii.
bumagal
mabagal, bumagal ang hugong ng mga makina
walang nang hinahabol, walang nang dahon
ang sumasayaw sa ibabaw ng mga sasakyan
tulad ng buhok mong parang kurtinang
nagmanman na lamang

ito ang sandali, ito na ang
san
da
li
na aking tinatangi


iii.
at kung ihihilig mo
ang iyong ulo
sa ngawit ko nang balikat
hahagkan ang namanhid kong bisig
at pupunan ng palad mo ang mga puwang
sa palad kong pinutakti ng pawis

       hihilingin ko ang paghinto ng lahat

at pakikinggan ko lamang
ang tibok ng iyong puso
habang himbing kang nililiyo
ng trapiko.

Pagtitiyak

Hindi tayo maililigtas ng mga umaga
ng mga bukas, ng mga guhit sa palad
at talampakan.
Walang sikreto ang nunal
kundi isang tuldok lamang
ng pagkakakilanlan.
Walang tumpak na katiyakan
ang lusaw na kandilang
ipapatak sa tubig.

Mahinahon ang gabi.

Itatabi kita
kasama
ng mga luma kong pagtatangi.

Kung sa iyo ko isusuko ang mundo,
hayaan mo akong mangaso.
Hayaan mong gabayan ako ng buwan,
o ng bituin
o ng alulong ng mga kuliglig.
Hayaan mo akong mangaso,
papatayin ko
ang lahat ng magtatangka
sa iyo.

Ito ang katiyakang magtatakda
ng lahat.

Sabi

inyo ang inyong mundo
sarilinin ang mga lupa ang tubig
ang hangin langit gabi bukas umaga
ngayon at bukas

inyo ang mundong inyo

saksi akong sasaksi
ng
inyong matutungo.

Sa Salubungan Ng Dibdib At Pananalig

Umikit ang baso, natumba, humiga; natapon, huminga.
Umukit ang puso, natumbok, humiga; nagtagpo, nag-isa.

Tipanan.

Sa gabing tumutudla ang ulan,
kaluluwa kayong nagsalo sa hihigan.

Palik

Nasa likod mo lamang ako
kung alangan kang
umuungol
ng dasal sa dilim.
Magbilang ka ng ilang minuto,
magtatagpo tayo,
dibdib sa dibdib
puson sa puson.
May tahimik na palakpak
na umuusal. Dito, sa
payapang silid,
magtatagpo
ang ating mga mata,
bukod pa sa sabik na lunsaran
ng ating hininga.
Kung muling mawala
ang ako
sa dilim,
wala sa tapat ng iyong mukha,
wala sa pulupot ng iyong kurbada,
marahil, marahil
pumikit ka.
Pumikit ka't sumasamba
sa diyos ng
dagta.

Punso

tibagin
buwagin
durugin
pulbusin
ang punso.

hindi mamamaga
bayag mo o titi
hinid mamamaga
kamay mo o binti
huwag ka nang matakot
sa duwende

basta guhuin
ang punso
ipunin ang lupang mapupulbo
gagamitin natin 'yang semento
sa sarling daan
na ating binubuo

pulbusin buwagin
durugin tibagin
ang punso

ang tuwid na daan
ay isa lamang
mito.