Linggo, Abril 29, 2012

Final Trick

Ayaw na talaga niya ng ganitong trabaho. Unang-una, lahat nakatingin sa kanya. Naiilang siya sa ganitong mga pagkakataon na tumatama ang mata niya sa isang dalagang labas ang cleavage at parang may kung anong init sa kanyang puson; nahihiya siya sa mga batang nakatingin sa kanya, nahihiya siya sa sarili niya. Pangalawa, makati sa mukha ang makapal na pulbo sa kanyang pisngi at ang lagpas na pustura ng lipistik sa kanyang labi. At ang huli, mababa ang tingin niya sa sarili kapag pinagtatawanan siya ng matatandang nanonood. Wala nang epek ang mga luma niyang magic tricks, pinupulaan siya kapag sumasablay.

Natatandaan pa niya ang nangyari noong isang buwan nang murahin siya ng binatang di yata natuwa sa biro niya.

"Bawal mag-sigarilyo ang mga bata, okay ba?" tanong niya sa mga batang imbitado sa birthday party habang naghahanda sa bago niyang trick.

"Opo," sigaw ng mga batang nakatingin sa hawak niyang sigarilyong isinawsaw niya sa isang tabong tubig.

"Paano ang matatanda, bawal din?" singit na sigaw ng isang binata sa dulong kumpol ng mga manunuod.

"Bawal ho," sagot niya. "Kasi yosi kadiri, di ba mga bata?"

"Opo." sigaw uli ng mga bata.

"Putang'na mo! E niloloko mo lang 'yang mga bata e. Luma na 'yang madyik-madyik mo!" angil ng binata.

Di na siya sumagot at dali-dali na lamang na pinalitan ang sigarilyo ng bente pesos habang nagkakawkaw sa tabo. Inihagis niya ito sa nasasabik na mga bata. May kung anong inis na kumukulumpol sa kanyang lalamunan.

Mabilis na niyang tinapos ang palabas at nagpaalam na sa mga magulang ng celebrant. Binigyan siya nito ng limandaan at isang styro ng ispageti. Ngumiti na lang siya. Ayaw na nga niya ng ganitong trabaho.

-----

Umorder siya ng isang bagong magic trick sa suki niyang magic shop. Medyo mahal pero okay lang sa kaniya. Ito na rin kasi ang last show niya at suwerteng sa kapitbahay lang din ng huli niyang show. Saktong- sakto ang trick para sa final show niya. Do or die, kailangan niyang makita ang binatang nagpahiya sa kanya.

-----

Isang kahon iyon na ipapasok mo ang kalahating katawan (mula balikat hanggang hita). Isasara at saka pagtutusuk-tusukin ng mga espada. Iyon ang huling trick niya. Ayaw niyang mapahiya.

-----

Dati na siyang napapahiya.

Noong third year highschool, naging fast food crew siya at may isang matandang babaing pinagmumura siya dahil may natirang sauce ng ispageti sa mesa na hindi niya napunasan nang maayos dahil sa pagmamadali. Kinain lang niya ang mura at suspension ng manager.

Noong bago siya magtapos ng hayskul, naging cashier siya sa isang coffee-donut shop. Hindi niya nalagyan ng asukal ang kapeng inorder ng isang lalaking may kasamang kasintahan. Pinagmumura rin siya. At nagtangkang ipatatanggal kung hindi ililibre ang mga inorder nito. Kinausap siya ng manager at ikinaltas sa kanyang sahod ang order ng kostumer. Kinain lang niya ang kaltas at pagasasabon ng manager.

At noong second year college (ang huling tuntong niya ng paaralan) --ang pinakamatindi--sinampal siya ng babaing nasa edad kuwarenta na panay borloloy sa katawan. Waiter siya noon sa isang bar at lasing ang babae, na hindi nagustuhan marahil ang pagkakaabot niya ng ladies drink na inorder nito; na hindi naman niya sadya. Minura siya, ulo hanggang paa. Nang magtangka siyang magsalita, sinampal siya nito't nagbantang ipakukulong. Tinaggal siya ng manager, improper ang kanyang behavior sa mga kostumer. The customer is always right, no matter what, 'ika nito. Kinain niya ang hiya at ang pagkakatanggal. Wala siyang nakuhang back pay.

-----

Dati na siyang napapahiya at ayaw na niyang mapahiya pa. Kaya nga't pinagbutihan niya ang maging boyoyong. Maging clown sa mga party. Pasama-sama lang dati sa mga kaibigan niyang ganoon ang trabaho, hanggang sa siya na ang tinatawagan ng mga magulang ng magpa-party.

Ilang taon din niyang nagustuhan ang trabaho hanggang nitong mga huli, lagi't lagi na siyang sumasablay at paulit-ulit na rin ang trick niyang mga luma.

Muntikan na siyang masunugan ng mukha nang huli niyang tangkain ang pagbuga ng apoy. Hindi na niya ito inulit.

-----

Pero ngayon, habang nakatingin sa kanya ang lahat at natapos na rin ang pagpapalabas niya ng kalapati sa maliit na kahon, handa na siyang gawin ang kanyang final trick.

Nagtawag siya ng isasali, at iyon nga ang binatang pinahiya siya noong isang buwan.

Hindi niya alam kung namumukhaan pa siya nito. Marahil hindi. Nagbago siya ng costume at wig pati na rin ng make-up. Iniba rin niya ng pangalan niya.

Lumapit ang binata at agad na rin niyang pinapasok sa kahon. Labas ang ulo at binti, mayabang ang ngiti ng binata.

"Anong pangalan niyo, ser?" tanong niya.

"Bert," sagot nito.

"Okay, mga bata, palakpakan natin si Kuya Bert!"

Palakpakan ang mga bata. Palakpakan din ang mga magulang.

"Mga bata, 'wag niyong gagayahin ang trick na ito a. Okay ba?"

"Opo!" sigawan ang mga bata.

Kinuha niya sa gilid na lamesita ang anim na espadang may anim na dangkal ang haba. Inimuwestra niya sa hangin na parang kabalyero. Pinahawak sa mga batang nasa harapan ng platform.

At inumpisahan na niya ang pagtutusok ng mga espada. Bago ito ay tinakpan niya muna ng itim na tela ang ulo ng binata.

"Handa ka na ba, Kuya Bert?"

"Handang-handa na!"

"Okay, palakpakan naman diyan mga bata!"

-----

Itinusok niya ang unang espada.

"Ah!" sigaw ng binata sa loob ng kahon. Nagpupumiglas ito. "Tulong-tulong!" sigaw pa nito.

"Magaling umarte si Kuya Bert, mga bata! Palakpakan! Sinong gustong maging artista?"

Taasan ng kamay ang mga bata.

Itinusok niya ng pangalawa. At ang pangatlo.

Tinanggal niya ang itim na tela sa ulo ng binata, nakapikit na ito.

Nagtawanan ang mga bata. Halakhakan.

At itinusok niya ang ika-apat, at ikalima. Palakpakan pa rin ang mga bata. Mas lumakas ang palakpakan nang may dugong dumadaloy sa binti ng binata. Nakangiti lang siya habang nakatingin sa mukha ng mga taong hindi niya kilala. Magagalak. Nagpapalakpakan Mga walang problema, mga hindi napapahiya, isip-isip niya. Mga sagana, mga pinagpala.

Bago niya itusok ang ika-anim na espada, may isang batang lumapit at hinawakan ang dugo na nagkalat na sa platform.

"Mommy!" tawag ng bata. "Is this real?"

Habang papalapit ang magulang, itinusok na niya ang huling espada. Nagpalakpakan ang ilang mga bata pero hindi na ang lahat. May mga magulang na rin na pinagkakarga ang kanilang mga anak.

Naupo siya sa gilid na bangkito sa tabi ng magic trick niyang kahon. Pinagmamasdan niya ang nagkakagulong mga bata at magulang. Yumuko siya habang tinatanggal ang pulang wig.

At habang nagsisigawan ang mga tao, tumayo siya at binuksan ang kahon.

Anim na espadang nakatusok sa dibdib ng binata ang lumantad sa mga manunuod.

Hindi siya napahiya, naisaloob niya. Hinding-hindi.