Martes, Pebrero 21, 2012

Untitled 2

Naaalaala mo ba,
Ang mga dating umaga?






















Noong mga mumunting paa
Pa lamang ang itinatapak natin
Sa mabatong tabi-ng-ilog?
Magpapatihulog
Tayo sa pisngi ng tabang, kikilitiin
Ng mga hipon at maliliit na isda,
Mga binti nati’t pigi.
Mababasa ang ating mga damit:
Ang iyong kupas nang kamison
Na bigay kamo ng iyong Inang,
















Ang kamiseta ko’t salawal, na niluma
Ng mina, ng bato’t graba. Ilalatag natin
Sa batuhan, damit nating gitata,
Ipatutuyo sa lisik ng tanghaling araw,
Hubad tayo sa pagnanasa. Batid mo ba
Ang walang-malay na simoy noon ng hangin?
Matapat tayo sa isa’t isa,
Tulad ng mga damit
Nating nakahiga sa batuhan.
Sinabi mo sa akin, na paglaki mo,
Gusto mong pumunta sa malayo, gusto
Mong lumipad kasama ng mga ibon.
Gusto mong titigan ang mga bundok
Mulang papawirin.
Pinakikinggan lamang kita, gusto ko
Ang tinis ng iyong boses. Iniisip ko, noon,
Na ako ang makakasama mo sa paglipad,
Magiging mga agila tayo. Gagalugarin natin
Ang daigdig.

Naaalaala mo pa ba,
Ang mga dating umaga?

Ngayon, makalyo na ang aking mga paa.
Alam mo bang tuyo’t na ang ilog
Na ating pinaglanguyan?
Kupas na ang mga alaala,
Tulad ng mga kamison at kamiseta
Na hindi na maihihiga sa batuhan.
Inilipad ka ng iyong matayog na pangarap,
Ibinaon ako ng mga paghihirap,
Sa salimuot ng kuweba,
Sa mga lumad at graba.
















Ngayon, sa bintana ng gunita, ninanamnam ko
Ang pagsayaw ng mga damit sa sampayan.
Wala na ang kawalang-malay ng hangin.
Naging ibon ka nga, huli kong balita.

Naaalaala mo pa kaya,
ang ating mga umaga?
















*bahagi ng kolaborasyon ng KM64 at Usapang Kalye, "Poetry In Stills"