Miyerkules, Hunyo 20, 2012

Dagli 4

Dalagang kumain ng saging.
Balat ng saging sa gitna ng daan.
Daang patungo sa kasukalan.
Kasukalang kumakain ng ng dalaga.

Kasukdulan


nakabukang          pakpak
      ng         ibon               ang aklat
                                                     sa kanyang kamay;

tinuka siya't           dinagit;
                  iniligaw            sa daigdig
                                                         ng tunggalia't banghay;

butil-butil na pawis
sa kanyang noo
ang gabay niya

pauwi.

Sa Isang Batang Karga Ang Kapatid Sa Kaliwang Kamay At Buklat Ang Libretong Abakada Sa Kanan

i.

alikabukin ang kanto ng Juan Luna at Recto
dahil sa di matapos na road project ng DPWH;
alikabukin at nakakabadtrip bagtasin--lumitaw
ka sa likod ng ulap ng makulot na usok ng dyip.
ikinalulungkot kong sabihin, pero, mukhang
tiyanak ang kapatid mo at ikaw, buto't balat
ng pasakit at dusa. batang inaagawan ng
karapatan, ano't sa kalunos-lunos mong kalagayan
ay para kang diyamanteng kumikinang sa pagtama
ng galit na titig ng araw? ang kapatid mong ,hindi
sa pangungutya, ay hirap kong hanapan ng rikit
dahil nga't nagluwa ang mata, malaking ulo,
at tuyong labi--mantakin mong sanggol at sanggol
pa lamang siya. ay! alam kong nasa loob ng kaniyang
mumunting dibdib ang hinahanap kong bulaklak.
at ikaw bata, nasa kamay mo ang di mananakaw
na yaman--cliche--pero yang hawak mong libreto,
diyan sa hawak mong libreto magsisimula ang wakas
ng iyong pagkakalusak. at magsisimula sa iyo,
ang rebolusyon ng mga uwak, na liligid-ligid
sa mga mansyon ng pinagpalang mga demonyo.


ii.




anhin ko ang dunong kung sumusulak 
ang dinayukdok mong larawan sa aking alaala?


Ba

ka kitlin ako ng aking konsiyensya na 
ang tula ko'y di man lang humikab para sa iyo.


Ka

hit alam kong ni hindi mo nga makikilala 
ang aking pangalan at laman nitong aking tula


Da 


hil ang agwat ng ating kalagayan 
ay sinala ng kapalarang hawak ng mga demonyo.


E

ntablabo ang lansangan na ating pinagsasaluhan 
sa mga umaga at gabi, hapon o tanghali;


Ga

sgas ang mga eksena tulad ng gasgas 
na anas ng ating mga daing at panambitan,


Ha

bang hawak ng iilan, damdaming atin sanang 
ilalantad, oo, dito sa lansangang makasarili.


I

mpit man ang tinig ng iyong pangarap 
at ikinukulong ang iyong naisin ng bulok na kalunsuran


La

laging nakalaan ang bukas para sa iyo, 
kahit lamunin pa ng usok at semento itong talinghaga.


Ma

nanatiling nakapanig sa iyong lungkot at pagkahapis 
ang tinunton ng kasaysayan at himagsik.


Na

katatak sa bandila ang iyong patutunguhan, 
sa kabundukan dumadagundong ang iyong hininga


Ng

nagpapasibol sa mga haraya, nagpapasayaw sa 
mga uhay ng palay, nagpapangalit sa mga lintik.


O

bligado kaming sa iyo ialay ang himaymay ng pluma 
at ang tula'y tinapay na ibabahagi sa iyo.


Pa

patagin ang tambak ng kahungkagan at kawalang 
katuturang titik at salitang nagbabartolina.


Ra

gasa mang sumusugod ang mga palaso 
at punglong bumibiktima sa ating pagnanasa't siphayo,


Sa

mpung libo't isang babalik at kikitil sa kanilang 
mga ugat ang kanilang balak at pagtatangka.


Ta 


nda ng ating pag-iisa, itong tula'y sanduguang 
magsusugpong sa ating bukas at pananalig.





mpisahan nating lusawin ang iyong kamuwangan 
sa pag-intindi sa inilalatag ng kasaysayan,


Wa 


wakasan natin ang sumpa ng kamangmangan 
sa bisa ng mga salita; itong Abakadang daigdig,


Ya 


ring simula ng bawat katapusan nilang sakmal 
ang ating laya at talinghaga, ang iyong kamusmusan.

Malalim Daw At Nakatago Kaya Kinalkal Ng Hiringgilya Ang Aking Braso Para Makita Ang Ugat

kayanangmataposangprosesongpagkuhangdugo,
parangnalumpoangkaliwakongkamay,
nagsagulay,nanlupaypaytuladngbulsakonggustongmahimatay.
OA,pero,paraakongmamamataysapagtataka.
paano naging malalim ang aking ugat?
nakikitakongaangpagsala-salabatnitosaakingbalat.
luntiangugatnghimala,kinakapitanngakinghininga.
ugatnadaluyannglibog,ngnasa.
paano naging malalim ang aking ugat?
kauntinggasgas,kauntingsugat
sumisiritangdugo,sumasambulat.
malalimdawatnakatago,perodiosporsanto!
bakitkinalkalpangnursenadikongaalamkunglisensyado.
walamanlangkadensa,walamanangdispensa
mahabaginglangit,diganitosaCuba.
haaay!mundongmedisinangmalakiangtubo,
negosyongmadugo,tubogsaginto.
kungikamamataykoangmagbayadnglibu-libo,
mabutipangsumuboksakamayngermitanyo.

Pakilabas


ang mga biglang nawala
at huwag na kaming paghanapin pa
pagkat--hindi naman sa nagsasawa
o tinatamad maghalukay ng lupa
o hawiin ang kasukalan, at di lalong
pinanghihinaan ng loob--ito'y utos
naming matuwid, at babala na rin
marahil; pagkat bibilang kami
ng isa, dalawa, tatlo at magtatago
kayo, oo, kukubkubin namin maging
ang inyong panaginip; hindi-hindi
kayo makatutulog, ni makaiidlip.

PagBasa

iniinom ng aso'y kapeng umaaso
sawang sawa na sa sumamo

baka di gusto ng baka ang damo
lobong nahihilig sa lobo

tuyong nabasa, natuyo
pasong napaso sa paso

batang binasa ang binabasa
binatang binata ang trahedya

sa bali, nabalewala ang bali
nagkasipaan sa sipa, kaytindi

pinong-pino, tinadtad ang pino
kitang di nakita ng Filipino

magulo ang sulat sa sulat ni mahal
mahal na mahal, pagkamahal-mahal

dahon sa puno'y puno na
nagbabaga ang sunog na baga

upong pinaupo saka giniling
galing sa galing ang paggaling

tayo na at magsitayo
tubo ng tubo'y malago!

Dagli 3

ibong kumampay
sa kahel na langit,

nagmamadaling
sumilong; basa

ang hanging
humagod sa pakpak;

mahabang gabi
ng lamig at pag-iyak.

Camouflage

The colonel dwelt in a vortex of specialists who were still specializing in trying to determine what was troubling him. They hurled lights in his eyes to see if he could see, rammed needles into nerves to hear if he could feel. There was a urologist for his urine, a lymphologist for his lymph, an endocrinologist for his endocrines, a psychologist for his psyche, a dermatologist for his derma; there was a pathologist for his pathos, and cystologist for his cysts. … The colonel had really been investigated. There was not an organ of his body that had not been drugged and derogated, dusted and dredged, fingered and photographed, removed, plundered, and replaced. -- Catch-22

astig sila sa pelikula, yung aksyon na, madrama pa;
lahat gagawin para sa Inang Bayang at madla
namatay ang ka-buddy, naputulan ng paa
inuwing nakakahon, bayani nang ibinaon
dalawampu't isang putok sa malungkot na hapon
kalahati sa hukay, kalahating bangkay
hindi kailangan ng damdamin sa oras ng pagsalakay
mabaliw-baliw sa kimkim na takot
na hininga'y sa malaon, magkalagot-lagot
namimiss ang pamilyang iniwan sa Maynila
sa pinilakang tabing sila'y bayani't dakila

bagama't sa katunayan, sukat di mapagkaila,
kalahating totoo, kalahating himala
iyong itinatambad ng maaksyong pelikula
bagama't sa katunayan, sukat di mapagkaila,
sila'y papet na, kasangkapan pa
ng bulok, ganid, baluktot na sistema.

Ang Mga Pulang Langgam

ang mga pulang langgam, matamang ginagaygay
ang puwit ng kapwa langgam; dala nila ang piraso
ng kanin, nagtutulong sa pagbuhat sa paa ng ipis,
o sa naluoy na talulot ng matinik na rosas.

ang mga langgam, kaysipag na lalang--silang maliliit,
silang bulag na nga'y iniistorbo, binubulahaw pa
ng mga higanteng mistulang halimaw kung manira.
higanteng di patutulugin ng kati, ng kagat ng pulang
           langgam na manggagalaiti.

Pormal


sa mga damit kong ito, kuntodo porma
mulang balakubak hanggang alipunga
slacks na maitim pa sa burak, polong
plantsado't mabango, iskwaladong
tiklop ng mamahaling panyo at
makintab na pares ng sapatos de balat, ay!
para akong sinisinat! santisima, giatay!

hindi ako ang ako sa likod ng mga 'to,
ano't parang sinaniban ng de-tak-in na multo
pumasok sa iskul, maghanap ng trabaho
tumanggap ng medalya, mag-abay kay bunso
hanggang interbyu sa harap ni San Pedro
anak ng pitong kabayo! diyoskopo, walanjo!
--ibang espiritung tumugon sa hangad
                                         ng madla,
parang karsel, parang pipit na kinuyom
sa palad, parang tulang ibinenta
ang talinghaga, parang kahong tinatakan
                                         ng akala.

Dagli 2

makata
papel at lapis

tula
salita at hinagpis.

Dagli 1

mumunting sapatos
sinipingan ng alikabok

inang tulala, amang balisa

isang tahanang
dinurog ng akala.

Doon

mga desisyong
di alam ang

destinasyon;
parang dahong
napigtal

sa takda ng
panahon,
sumayaw

sa hangin;
walang

ngayon o kahapon.

Oda Sa Patak Ng Ulan

awitin ang tambalang nalilikha mo
at ng hanging kakambal na marahil
ng iyong panibugho. kalungkutan,
salitang itinabi sa iyong tadyang,
sa kristal mong kalamnan. luha
ang isinasalamin sa iyong sarili,
ngunit batid mong hindi siphayo,
lungkot o panibugho ang isinisigaw,
ang awit na iyong nalilikha sa tuwinang
dinadalaw mo ang mga bubong,
ang mga balat ng lagalag sa lansangan
ang mga puno at dahon, at halamang
hinihintay ang iyong ritmo at kumpas.

sumasayaw ka sa pagitan ng lupa
at langit, at bago halikan ang sansinukob,
ay nagliliwaliw sa mga ulap.

ngayong magalak ang pagbisita mo,
hayaan mong batiin kita ng ngiti,
pagkat nagdiriwang ang aking damdamin
at hindi kita ihahambing
sa luhang nagbababala, nangangambala.

Edgar

oo, namamatay ang ligaya
at ang tao, oo, ang pinakateribleng lalang
dito sa daigdig ng ligalig, at trahedya.

oo, namamatay ang ligaya.
ngunit sumasampay ito, oo
sa tayog ng kawalang-hanggan/limot,

parang ikaw, na nasa pakpak
na ng di inaakalang/inaasahang pedestal.
ikaw na umaagos, banayad kung minsan
at padaskol sa kadalasan.
parang buhay mong busog sa karanasan.

ikaw na pinabili lamang ng suka
at umuwing tangan ay pluma.

Politik


nasasaan ang pulitik a?          dito

sa tula. tulad ba ng na(muli)kat
na pagnanasa; nananamlay na ugat
at ang tugma,               ang sukat
ang pagkakasiw(
alat), at pag(sisi
)walat
sa linya
            sa estropa
                             sa taludtod
                                               sa talinghaga, ay
nasasaan? nasagasaan
                            ng panahon,     kinombulsiyon
ng sitwasyon?
    pilit-pilipit-namimilipit,
ginto at bulak,   namumulaklak

              na mga salita
salat/talas/ sa protesta. ay! (n a g l a h o n g  g u n i t a !)

nasasaan ang tula?
pagkat              wala
         na bang himagsik,
                          sa birtuwal na panginorin?
di ba't               wala.ng patid ang digmaan, at
         gumugulantang
ang pananahimik?

ayaw kong malunod,               sa burak--sa lalim.
manikluhod,                             sa kawalan--sa artipisyal  
                    na kundiman,
walang diwa ng

bayan.

Dispalinghado

parang nilaspag na bulak
parang di matuluy-tuloy na balak
parang bundating tiyan ng parak
parang alibughang anak
parang sablay na sapak
parang kahon na di matulak
parang naglokong sumpak
parang kurtadong utak
parang daang lubak-lubak
parang labahing nagtambak
parang duguang plema sa dahak
parang sagot na di tumpak
parang sugat na nagnaknak
parang gripong wala nang patak
parang damit na nagwasak
parang esterong nagburak
parang kapitbahay na wala nang maputak
parang ipinagdadamot na palakpak
parang pisnging naghumpak
parang walang kislap na pilak
parang matang wala nang maiyak
parang damdaming di tiyak
parang paang wala nang tahak
parang ako kung mawala ka,
kabiyak.

Maulan

Madalas, ganitong maulan, magkasama tayo. Hindi natin alam kung saan tayo paroroon basta, ang mahalaga, magkasama tayo. Natatandaan mo, iyong unang pasyal natin? Alam kong tanda mo iyon. Alam ko. Kahit masakit na ang paa ko sa kalalakad, na ayaw kong sabihin sa iyo dahil alam mo namang matiisin ako, tuloy lang; basta may payong tayo at nagdidikit ang balikat natin, kahit basa ang daan, basta magkasama tayo. Isinisiksik kita sa balikat ko, sa kili-kili, sa ilalim ng payong, huwag ka lang mahalikan ng ulan. Kung kakayanin nga, piggy back. Gusto kong maramdaman ang init mo.

Kung kakayanin, maulan sana palagi. Hindi bagyo, ha? Maulan lang. Alam ko kasing makakasama kita, sa ganitong mga panahon. Ganitong parang nagluluksa ang langit, at parang luha ang latag ng butil-ulan sa mga payong, dalawa tayong may bahaghari sa dibdib.

Ganitong maulan, alam kong makasasama kita. Alam kong sasama ka.

Garalgaling Boses Sa Dulo Ng Telepono

makulimlim ang pagkakalatag ng kanyang noo
nang sabihin niyang hindi nagtutugma ang ritmo
ng awiting kanilang pinagsasaluhan. madalas,
ganito ang nangyayari, parang araw na tinatabingan
ng ulap, at mga ulap na mababasag, at kakalat
sa langit, at magtutuldok ng patse-patseng lilim.

nakikita niya ang unti-unting pagpusyaw ng kaniyang
balintataw, sa tuwinang nagsasalubong ang alinlangan.
minsan , parang kulog ang hinahon sa lalamunan
ng kaniyang kasuyo, at kidlat ang takot sa kaniyang
dibdib--pumupunit sa pagitan ng kaniyang baga nang
walang pahiwatig, parang ugat ng puno sa salimuot.

at sa gilid ng labi, ang uwang, ang hanging lumilikha
ng hamog sa pisngi ng kaniyang sinta, namumuo
ang pangamba. na ang alinlangan at taliwas na tugmaan,
ang awitan, ang pagsasalo, ay yugto ng isang kasaysayan.
bahagi ng kaniyang kamuwangan, lumilipas ang kasalukuyan
at lulunukin niya ang sarili, at kakalingain ang pangamba.

In Dependence

oo, independence tayo
malaya sa maraming bagay
freedom! free dam! free damn!
may libreng diyaryo sa LRT
malayang tumawid sa everywhere
may libreng biskwit sa supermarket
malayang bumoto ng kahit sino
libreng magpadulas kung matikitan
malayang magmura kahit saan
libreng check-up ng mata, atay, balun-balunan
malayang ibo'y lumipad
libreng alapaap ng eheads
malayang tuligsain si gaga
libreng bibliya galing sa kung anong sekta
malayang i-etsa puwera ang bayang magiliw
libreng pagupit sa luneta
malayang pumili ng relihiyon at kasarian
libreng sumayaw kahit saan sa sariling bayan
malayang magtapon kahit saan
libreng job fair
malayang mangibang-bansa
libreng entertainment
malayang malaya
libreng libre

in dependence, tayong lahat!
as in, tanong mo po kay obama.

Opyo

kilala mo siya,
siya iyong nakakabanggaan
mo ng balikat
sa makipot na pasilyong
namumulang tila santan
ng bitak-bitak na paaralan,
siya iyong matalim--
nakapupunit ng ulirat--
kung tumingin,
ang buong-buong boses
pero hindi nakaaakit
ng tainga,

siya iyong bigla-bigla, makikita
mong sasalampak sa sahig, at
magbabasa ng isang
klasikong nobela, halimbawa,
The Red and the Black ni Stendhal
o Germinal ni Zola,
siya iyong tipong di mo magugustuhan
ang pananamit:
punit na maong, kupas
pudpod na tsinelas
puting kamisong nagbabandera
ng paniniwala o larawan
ng isang grunge na banda,
siya iyong karaniwan
pero hindi payak,
siya iyon,
ang hindi takot sa bagsik ng ulan
hindi takot sa alimuom
siyang malalim kung sumipat ng kalangitan.

ipamamalita ko sanang
patay na siya, oo
wala sa loob ng nitso, hindi
pinaglamayan, humihinga
patay na siya;
hiningang walang sariling mukha.

Untitled

hindi ka binigyan ng layang pumili
ng sarili mong pangalan, ng sarili
mong relihiyon, ng sarili mong sarili
kaya't nang makita mong may mundo,
daigdig ng madidilaw na halakhak o
pulang dulang ng saganang balak,
pinlii mong tikman ang sinabi'y ikapapahamak
at magalak kang naganyak ng iba't
ibang hinagap labas sa kahon ng nakakahon
mong reyalidad, kontra-agos, pagbabalikwas.

bumalikwas ka't naghanap ng langit
sa pusali ng iyong sarili, inisip na wala
kang kalayaan, walang kalayaan mula
sa unang iyak hanggang sa huling dahak
maging ang pagpipilian ng iyong paghahanap
ng ano ang ano, sino ang sino at alin ang alin
ay nakahain na tinik sa pusang gagawing
manikin.

wala ka ngang kalayaan, mula't mula,
oo, dito sa absurdong mundong lahat ay nawawala.

Manilyn

naipit na ako sa maraming pagkakataon, Manilyn

sa pagitan ng nagmamadaling mga balikat
sa mga siksikan at pulikat, pusaliang MRT,LRT at bus

init ng ulo ng pawisang tsuper at matalim
na dila ng highway officer, tiket kontra lisensya

sa pagitan ng araw at ulan, sa usok ng sigarilyo
sa mga restawran at bar, karsel ng lungkot at ligalig

pen gun at ice pick, balisong at paltik, angas
ng mga kabataang gabi-gabing naniniktik, riot! gang war!

ikit ng nahihilong shot glass, makunat na kropek
alimuom ng eskinita, alak na bubutas ng atay at memorya

sa pagitan ng takot at pangamba, sa hinala at akala
sa mga gabi at madaling araw, dilim kontra anino

naipit ako sa maraming pagkakataon, Manilyn
ngunit di tulad mo, hindi ako napiit at sumapit

sa lunos at gapos ng kawalang-katiyakan
Manilyn, biktima tayong lahat bagamat iilan lamang

ang biktimang nilalagom ang tagumpay sa ibabaw
ng kaniyang bangkay, isang dalisay na trahedya

Manilyn, alam mong hindi punglo ng tagapagpatag
ng bundok at mamumunla ng kasaysayang matuwid

ang gumahasa sa iyo, silang mga berdugong nagtatago
sa telon ng pagmamalinis, ang dapat nating mapalis

silang nang-iipit ng ating mga karapatan at nais.


(In Catanuan, Quezon, military men disrupted the funeral wake of 17-year-old Manilyn Caribot. Caribot was a resident who was killed during a crossfire between the 85th Infantry Battalion of the Philippine Army (IBPA) and the NPA last April 29, 2012--Bulatlat.com)