Sabado, Hulyo 16, 2011

Ang Iyong Noo

ang lapidang dati-rating dinadampian
                                              ng halik.

Diyan ko inukit
              ang palayaw ng bukas.
Ipininta ang kahapon
at mga taon
          ng pagsuyong
                          nakitalad
sa panahon.

                    Ang iyong noo,
ang dati-rating lapidang hinahaplos
                                        ng palad.

Diyan ko inusal
ang pangako at dasal
                ng tatag
             sa lahat ng daluyong
                                         sa hinagap.

              Ang iyong noo,
ang lapidang aking sinusuyo
sa bawat dalaw
                 sa sementeryo
ng pag-iisa.
                    
                     Diyan nakatakda
ang kamatayan
nating
                       dalawa.

Lipistik

at dahil
hindi na kita
kailanman
matatagpuan
hahanapin ko
na lamang
sa mga dekoloreteng mukha--
na inilalantad ng dilim
ang di ko maabot
na langit.

Dalampasigan

hawak-kamay silang naglalakad
sa dalampasigan
nang biglang mag-aya ng takbuhan
ang lalaking maningning ang mata
sa tama ng tudla ng papalubog na araw
sumang-ayon ang babaing namumula
ang pisnging pinarisan ng hugis pusong labi

tumakbo sila
malalanding tikwas ng buhok
na nilalaro ng hanging-dagat
ang milagro ng hapong iyon
taas-kamay silang nagagalak
sa sandaling iyon ng kawalang-alinlangan
pag-aari nila ang buong hapon,
ang buong magdamag na darating

nang

biglang huminto sa pagtakbo
ang lalaking nagkunot ang noo
at ngangang may pagkabahala
ang tugon ng babaing tatlong
dipa ang kalayuan
ang kanilang pagitan ay salimuot
ng mga bakas ng paang bumakat
sa buhanginan

naupo ang lalaki sa latag ng buhangin
lumapit ang babaing nagtatanong ang mata

at sabay silang nagbato ng tingin
sa paa ng lalaki

isang malaking bubog ang nakabaon
sa talampakan, sa talampakan nito
bubog na singhaba ng isang piso

huminto ang mundo
nawala ang araw, namatay ang hangin
ang dagat
ay nagmistulang isang malawak na bangin

hinagod nila ng tingin
ang paligid
mga bubog na ang buhangin

duguan silang di alam ang gagawin.

Sa Mga Obispo At Duwende

i.
hindi malulusaw ng patawad
kalam sa tiyan ng mga kapuspalad

ito'y lasong nagsusumibol sa dila
ng mga halang ang bituka

tulad ng mga santo-santuhang naghohosana
sa altar ng mga hostiyang pamanhid sa madla

ii.
hindi malulusaw ng patawad
kalam sa tiyan ng mga kapuspalad

ito'y lasong nagsusumibol sa dila
ng mga halang ang bituka

tulad ng duwendeng nagdrama sa ere
aataduhin sila ng mga dakilang erehe.

Lunoy

siya ang bituin

bituin
ang araw
na humahalik
sa aking batok, puyo,
balat, at pisngi
siya ang magtatakda
ng mga bubog
sa aking noo, dibdib, likod
bituin ang mga bubog
na sumibol
sa pighati pintuang talukap

siya ang aking
bituing
lumilikha ng bawat kong anino.