Wala daw siyang pakialam sa rating.
Mahalagang maiparating
na lamang daw ang hangarin:
tapat daw silang haharap sa mamamayan,
na malinis at maayos ang panunungkulan.
Talaga lang , ha?
Isang beses nga, magtalumpati siya
sa Isla Puting Bato o kaya’y Baseco.
Subukin niyang lumangoy,
katulad ng mga bata ng Isla Mababoy
sa Masbate, na susugurin ang alon
makapasok lamang sa klase.
Siya kaya ang magtanggal
ng mga water hyacinth
sa Rio Grande De Mindanao?
Kilalanin kaya niya ang mga minero ng Diwalwal?
Dalawin kaya niya ang mga kulungan,
matulog sa brigada ng mga pinagkamalang kriminal
at mga detenidong politikal.
Siya kaya ang magpatrolya sa mga isla ng Spratly,
ang lumamon ng pagpag sa Jollibee?
Kunsabagay, mahusay siyang President,
tumaas na ang rating na magpapaangat ng investment.
Kaya nga’t walang panahon para sa maliliit na bagay
o maging sa mga SWS at Pulse Asia survey.
Kunsabagay,
wala pa siyang panahon para sa maliliit na bagay,
busy pa kasi siyang tumatapos
Ng RPG sa high-end niyang PS3.