Labindalawang taong gulang ka
lamang, nguni't bihasa na sa pagbukaka
ang iyong mga hita.
Magluluwal ka ng sanggol
na 'di alam kung paano palalakihin, bubuhayin.
Gayong maging ikaw ay 'di pa
makayang ipagtanggol
ang sarili sa mga nanunukso sa 'yo.
"Neneng bukaka, me uhog pa buntis na."
Naiiyak ka, miminsang nagpapantig
ang mga tainga.
Ayaw mo sa buhay ina, putangina!
Bakit ka nga ba napadpad diyan?
Dapat ay naglalaro ka,
sinusuklay ang mga buhok
ng mga manikang nagbubukbok
sa kalumaan.
Dapat ay nag-aaral ka sa
elementerya. Nagbibilang.
Nagbabasa. Masaya
Dapat ay natutulog ka
sa tanghali 'gang hapon
at magmemeryanda ng turon.
Dapat ay namamasyal ka
kasama ang mga kapwa mo bata
sa mga labasan at nagtitinda
ng sampagita plaza.
Pero nas'an ka ngayon?
Malungkot na nakatanaw,
mula sa maliit na bintana
ng inyong barung-barong,
sa mga kababatang nagpapatintero
at kalaro mo sana, kalaro mo sana.
Himas mo ang malaki na ring tiyan.
May pumipintig na laman.
Natatakot ka: kailan nga ba ang laban?
Puputok ang panubigan?
Wala kang muwang sa mga ganyang bagay.
Ni napkin nga'y 'di mo pa kabisadong
itapal sa iyong puerta
maglagay pa kaya ng lampin
sa umiiyak na anak?
Bakit ka nga ba napadpad diyan?
Si maria ka bang biglang lumobo ang tiyan
o talagang malandi ka lang at mahilig sa halikan?
Hindi. Hindi? Hindi!
Wala kang dapat pagsabihan.
Walang dapat makaalam,
kayo lamang ng iyong nanay.
At nasaan nga ba ang iyong tatay?
Lasing na naman?