Linggo, Abril 8, 2012

Bataan

kapag bumagsak ang bataan
nagngingitian ang mga kalalakihan
sa kanto ng Coral at Garcia.
pare, si Nene, kagabi, pinabagsak ko
ang bataan. halakhakan.
pare iba ka! sabay aya ng tagayan.
magkukumpulan, kuwentuhan
sa maraming pang bataan.
masukal na bataan, malinis na bataan,
pinagpasa-pasahang bataan, murang-
murang bataan. bataan sa umaga,
bataan sa gabi. pabagsakin ang bataan!
sigaw ng mga kalalakihan. nagising
sa ingay si Tandang Ayong. lumabas
ng tarangkahan hawak ang baston.
nag-muwestrang may hawak na riple,
itinutok sa kumpol ng mga lalaki.
hindi namin kailanman isusuko ang Bataan!
hindi namin kailanman isusuko ang Bataan!
isinisigaw ng utak ni Tandang Ayong
at nakikita niya ang mga ulong may bayong.

Si Mabuti

noong bata s'ya
hindi n'ya tinanggalan ng pakpak ang mga tutubi
sinumpit ang mga aso't pusa
ikinulong ang mga gagamba
o inapakan ang mga bulate

nang lumaki
naranasan niya
ang pinakamararahas

nasa tabi ako ng kanyang higaan
bago siya pumanaw
basahan ko raw
siya ng tula
tungkol sa araw at dagat
matataas na gusali at eroplano

sa kadakilaan ng sangkatauhan.


(halaw sa The Optimist ni Nazim Hikmet)

Pagpipilian

makikita mo sa kawalang-katuturan ang hinihingi ng kapalaran.
mga pagpipiliang di ka kailanman makapipili pagkat tiwalag
ang ngayon at bukas. mapusyaw ang langit, umaga at gabi.
hungkag ang lahat, ang marapat mangyari. maghihinanakit
ang iyong sarili, sa kawalan babangon ang baliw na sandali.

Bwisita

ano daw ang VFA, tanong ng isang kaibigan
at bakit daw ibabasura.

"Visiting Fucking," sabi ko. kumunot-noo ang gago
sabay sabing, "Talaga? Teka, ano 'yung A?"

"Asshole," sabi ko uli. salubong-kilay, biglang
taas siya ng boses, "Tangina, ako ba'ng minumura

mo?" sabi ko, "Oo, kung magbubulag-tiwala
kang ililigtas tayo ng mga tropang Amerikano."

Sapatos

may ilang mga paa na hindi talaga makakikilala ng sapatos
may makakikilala ng sapatos ngunit iisa lamang ang paa
may hindi talaga kilala ang paa na magsusuot ng sapatos
may mga sapatos na walang makikilalang paa, kailanman.

Pahirap Si Rizal

pinatatapon na ni nanay ang tambak
ng mga yellow paper na kinakaibigan
na ng alikabok. quizzes, exams, essays
notes, dedication ng pagkabait-bait
kong mga estudyante, na hindi ko na
naisauli dahil tinatamad akong isauli.
pinatatapon niya dahil hindi daw magamit-
gamit ang baul na pinagtambakan ko
ng mga ito. okay, fine, 'nay, 'eto na po!
at wala na rin naman akong magagawa
dahil bukod sa alikabok ay tumatambay
na rin doon ang lamok. no choice, nagbukod
ako ng mapapakinabangan, na sa huli'y
wala naman pala. masarap palang balikan
ang mga naitala na. halimbawa, sabi ni
Ramon, dati kong estudyante, sa seatwork
na "Ipakilala si Jose Rizal sa isang pangungusap."
"Pinahirapan ang isang tulad ko." nagtaka ako
sa sagot niya pero di ko na sya kinompronta.
malaya sila sa kanilang sasabihin. ako na lamang
ang nag-isip, bakit siya pinahirapan ni Rizal?
at habang isinasalansan ko ang huling dahon
ng yellow paper sa tambak ng mga itatapon,
naniwala ako kay Ramon, na oo, pinahihirapan
ni Rizal, di lang si Rizal, nilang itinambak sa memorya,
silang lumalagi sa alaala, ang mga tulad niya--at ako.
namatay si Ramon sa aksidente, isang taon
matapos ang huli naming klase. sumaksak sa
kanyang dibdib ang nakausling bakal sa di
matapos-tapos na road-project ng DPWH
matapos gumewang ang motor at lumipad sa ere
dahil sa madulas na kalye, isang gabi.

Awit

hinahanap ko ang pinagmumulan ng mahina-
garalgal na tinig,
                  naglakbay ang aking pandinig sa
pagitan ng nakatuping mga damit, sa salansan
         ng mga aklat, sa patong ng mga diyaryo
                at basahan--wala

naglakbay pa sa ibayo;
    sa nakasampay na sando at bra, sa mga kableng
nagsasalimbayan ng puwang, sa guhit ng mga dahon,
              sa bitak ng mga pader, sa toldang may
natutuyong plema,
                 sa puwitan ng baliw na natutulog sa kanto
sa ilalim ng sirang poste--may bakas

naglakbay pa sa ibayo ng ibayo;
         sa tila dinigmang kalye ng Juan Luna, sa
laway ng inaantok na tindera, sa tumpok ng bagsak
presyong kahel, sa malungkot na dilawang bombilya,
sa bagsak na balikat ng pagod nang kargador
                      sa nagngangalit na mata
ng mabibilasang isda, sa namamahong karne ng baboy
       at baka--lumalakas

naglakbay pa sa ibayo, tinunton ang mga bundok;
sa kasukalan, sa punong sinugatan ng tabak,
               sa nilalamig na talahib, sa dila ng hinahamog
na talulot ng Raflesia, sa pagitan ng sungay ng kalabaw,
sa lambot ng pilapil, sa uhay ng palay, sa singkaw,
          sa sambalilo ng sakada, sa nangungutim na kamiso-
            tsino ng magsasaka--matining, mas malakas

nanatili, nanahan;
         tinitigan ang buwan at lambong ng itim na langit
mas malapit ang bubog na mga bituin--ganap ko
nang nakilala ang tinig--musika pala itong itinatanghal
                      sa gabi
kung himbing na ang lahat--
               umaawit ang mga punglo, sumisipol
ang mga bota, at may ganid
na ulong gugulong sa damo.

52 No.2

tinititigan ko ang buwan habang kumakaway
ang mga dahon ng gumamelang humaharang
sa aking balintataw,
                          mapait ang lasa ng hangin
sa aking dila, hindi ko matiis na di hanapin
sa mukha ng buwan ang iyong labi.

malamig tila bangkay ang sahig ng terasa, 
           kinakagat ako ng mga lamok tulad
ng pagkakagat ng iyong alaala, ang natatangi
mong alaala,
       dalawang linggo na ang nagdaan:

sumasayaw ang iyong mga kurbada sa lukot
ng kumot, sinasagi natin ang pananahimik
ng paligid
           sa pautal-utal, garalgal, impit
na mga tinig na ayaw nating iparinig sa dilaw
na bombilya't duguang dingding

may nag-iisang bituin na pumupunit 
sa itim na itim na telon ng langit
                          nakikipagtitigan sa akin
ngunit hinding-hindi ko kailanman
kinahiligan ang bituin; mapanlinlang ang bituin
tulad ng kaunlaran
      sa dila ng barong

alam ko
minsan mo ring tinitigan ang buwan
hindi man ngayon o kahapon
alam kong nagsasagi ang ating 
                           mga hangarin
nasa buwan ang balangkas ng iyong labi

dalawang linggo na ang nakararaan
nang maitiyak natin sa ating sarili
                 na iisa ang ritmo ng ngayon at bukas
tayong dalawa,
          habang sumasayaw, umaawit
kapiling ang mga rosas.

Okupasyon

Habang sumisibol ang madaling-araw
sa sungay ng aking kalabaw,
inaararo ko ang lupa nang may tiyaga at dangal.
Basa at mainit-init ang lupa sa hubad kong mga paa.

Buong umaga kong pinapanday ang bakal--
mapula tulad ng rosas ang kadiliman.

Kung hapon ay pumipitas ako ng mga oliba,
maririkit ang luntian nitong mga dahon:
magaan ang aking kabuuan.

Walang tigil ang pagdating ng mga panauhin
tuwing gabi, bukas ang aking pinto
                                           sa lahat ng awitin.

Lumulusong ako, tuhod-lalim, sa tubig kung gabi
at hinihila ang lambat sa dagat:
humahalo-nagniniig ang mga isda't bituin.

Ngayon ay nakasalalay sa akin
                                ang kalagayan ng daigdig:
ang mga tao at lupa, dilim at liwanag.

Nakikita mo ang mataman kong pakikinig
sa aking mga gawain.
Tahimik, aking rosas, tahimik--
abala akong umiibig sa iyo.


(halaw sa Occupation ni Nazim Hikmet)

Semana Sun-tan

ipako ang palaspas sa harap ng bintana at pintuan
hayaang pamahayan ng mga lamok at gagamba
tiyak ang kaligtasan sa mandarahas at manghuhudas.

sunugin, abuhin yaring nilumang mga palaspas, haluan
ng langis, ipahid sa bumbunan, pananggal ng galis.

umakyat sa kabanal-banalang mga bundok ng Arayat
at Makiling, nakakalat ang mga anting-anting
at halamang nakapagpapagaling sa sira ng ulo, sakit
ng balakang at kuko.

pinakamabisa tuwing Biernes Santo ang bisa ng albularyo.

naitataboy ng krus ang masasamang espiritu,
iguhit sa dingding, mahihiya'ng mga engkanto.

huwag padidila sa malamig na tubig, bawal maligo
kung patay na si Kristo.

umiwas sa talim ng labaha at talas ng bolo; kung
magkasugat ngayong Semana Santa, matagal maghilom
ang sugat, labas pari at dugo.

huwag kalilimutan ang pag-awit ng pasyon, panatilihin
ang sagrado nitong tono, magagalit ang Vatican
kung lalapatan ng mala-Minaj na rendisyon

bawal mag-ingay o tumawa nang malakas,
sisibakin ka ni Satanas.

bawal maglagari ng kahoy, gumamit ng kutsilyo, magwalis,
magpukpok ng martilyo; namamahinga pansamantala
ang magsasalba ng mundo.

paluin ng baging ng makabuhay ang mga bata
nang di magsutil at maging pasaway pag tumanda.

huwag paruroonin sa kakahuyan at sukal ang mga bata;
pag nahuli ng engkanto, papalitan ang kanilang kaluluwa.

kung Linggo ng Pagkabuhay, pabasbasan sa simbahan
ang mga binhi at punla, tiyak ang masaganang ani,
magagalak ang nagpapawis na panginoong may lupa.

kung bubuhos ang ulan sa Linggo ng Pagkabuhay, ipunin,
maligo kung kinakailangan; biyaya ng Diyos sa katag-arawan,
agua-benditang pang-alis daw ng karamdaman.

bumisita sa pito o labing-apat na simbahan, isang
mahabang lakaran ng tropa habang naghuhuntahan,
kasama ang ka-DOTA at the best na pormahan.

magnilay-nilay tuwing Kuwaresma, mga minamahal
kong kababayan; tara sa Bora, ipangalandakan
ang abs, the latest two-piece at mag-Sun Tan.

Amiccide

pinakiusapan mo akong
ako na ang tumapos
ng iyong paghihirap
isaksak ang kutsilyo
sa iyong dibdib
makailang-ulit
bagaman di
ko na maigalaw
nang mas maayos
kaysa noong nagdaang
mga araw
itong aking
mga kamay
buong lakas
kong tutupdin
ang iyong hiling.

hindi tayo maililigtas
ng ihi at cactus,
ng mga bato at
mainit na hangin.

kailangan na nating
mamahinga
pero dahil ikaw
ang gustong mauna
heto, tanggapin mo
ang unday
ng aking pag-ibig.

Kalbaryo

nagbabanggaan ang mga anino sa luntiang
overpass sa tapat ng MCU. nagbabanggaang
tila magkataling-pusod

ngunit ang nagmamadaling mga balikat, iwas
tila magkakagalit na kulumpon ng ulap. nakita
kita, nakayuko sa barandilya

ng alikabuking overpass. sapo mo ang tiyan,
di alintana ang tirik na araw na nakatitig
sa iyong batok; nanunupok

tila dila ng apoy. gusto kong basahin sa iyong
mukha ang mga dahilan ng paghinto, pagyuko
at pagsapo; di ko mahanap

sa malalalim mong gatla sa pisngi at noo
ang mga sagot. ano't binitiwan mo ang pulang
supot na binutas ng alinlangan?

paano ko hahanapin ang tulong na nais
kong iabot, kung nakatahi ang iyong labi
at kinukumot ng takot

ang iyong pangangatal sa gitna ng katanghalian?
manong, inaabutan kita ng unawa at pag-ibig
tulad ng bughaw na langit

na tinititigan ang aking puyo. manong, batid kong
kalam at butas ang iyong sikmura at walang hain
ang kalunsuran sa iyong

kalbaryo. maging ako man ay pudpod na ang sapatos
at nililigid ang suluk-sulok ng kamaynilaan, naghahanap
ng panlaman sa tiyang

walang almusal at pananghalian. tulad mo'y inilalako
ko ang sarili sa mga slacks at kurbata; hinahanap ko
ang sarili sa magkakawangis na mukha

naglalantad ng kaluluwang gigisain sa init ng ulo
at titimbangin sa kapal ng inabot at titulo. manong,
pagsaluhan natin ang mumunting

biyaya ng daigdig: ang pagkakabatid natin sa dahas
at rehas na ikinakarsel ang ating mga panambitan.
mapula ang langit kinahapunan.

Huwag Mo Akong Alukin Ng Kung Anuman

huwag mo akong aalukin ng kung anumang
laro na kinahihiligan mong tikladuhin at
dilat-mata, tangina at shit at tsktsk mong
kinakausap. huwag na huwag, kaibigan
kong birtuwal; hindi ko hilig damitan ang
nilalang na di ko mahahawakan, o bumuo
ng mga blokeng di ko mababasag, o ng
mga digmaang kay kyut kung pagmasdan,
o pagtataguyod ng siyudad na walang
barungbarong at DPWH projects. hindi ko
dinedekorasyunan ang pagkaing di ako
mabubusog, di ako nakikipagbarilan nang
putok lang at walang basyong lalapag
sa aking paanan. kaibigan, wala akong
panahon para diyan. alukin mo ako
ng iyong tula o ng paglalaro mo sa pagitan
ng barbed wire at truncheon. alukin mo
ako, ng iyong kuwento o ng larawang
nagtatambad ng tinatamad na pinuno.
huwag lamang ng mga larong hinding-hindi
maipapantay sa luksong-baka at patintero.

Dalangin Ng PML

banal na hapag ng hasyenda
pagdulutan mo sana kaming
mga panginoon ng matiwasay
na bakasyon: sa vigan, sa bora,
sa palawan, sa anilao, sa galera
o saanmang lupalop dalhin
nitong mga salaping pinagpawisan
nila hindi namin. kami ang utak
sa likod ng pagpapakasakit nila
at tulutan mo silang magmeryenda
sa mga tanghaling-tapat, nitong
tag-init na tag-ulan, ng hangin
at kalam. inihihingi ko po ng tawad
ang matatabil nilang dilang pinutol
ko ng punglo. pagdamutan mo nawa
sila ng iyong awa pagkat sila'y habag
na dukhang inalisan ko ng mukha.
kabanal-banalang hapag
ng pait at dusa, ibigay mo po
sa amin ang pagpapala, igawad mo
sa tulad naming panginoong aba
ang malamig na kuwarto sa loob
ng palasyo. silang sayo'y humahaplos
hayaang pawis sa noo'y umagos.

Gawing Palaspas Ang Mga Tubo

gapasin, dikdikin at katasin
hayaang magsawalis
mga hibla ng binugbog
na tubo, inumin ang katas
hayaang ang sapal
ang palaspas na iwawasiwas
ang sasalubong
sa hukbong magsasalba
sa sanlibutan
ng Luisita.

Ang Mga Pagitan

itinatanong ko sa hangin kung bakit
kailangang may pagitan sa ating
katawan.
may pagitan ang mga siyudad,
ang ating panaginip, ang mga tiklado,
ang ating mga pangalan, ang paniniwala,
ang mga salita.
hindi ako sinasagot ng hangin bagkus
ipinauunawa; hahagurin ang pangangalummata:
malawak na pagitan ang panahon,
at ang bawat hakbang ay badya
ng mas malawak na pagitan.
huwag mong sisihin ang mga dahilan
kung bakit may piye, dangkal,
kilometro, milya, kalangitan,
karagatan.
ang mga pagitan ang taling
naglilingkis sa katotohanan
na inyong mga bisig
ang hantungan.