bago matapos
pagpailanlang ng hamog
bago tudlain ng araw
itong aking mga talukap
hayaan mong aking balikan
mga araw na nakahalik sa palad mo
itong aking palad at daliri na humihimok, ngayon
naghahalungkat ng gunita
sa baul ng ligalig at tuwa
kung di mo mamasamain
mamanmanan kita mula sa pagmumuni-muni
at paghuni ang pag-ugong
ng katahimikan
ngayong sumala-salabat
tibok at pagsubok
sa aking kabuuan
kung di mo rin mamasamain
naririnig ko
garalgal ng iyong hininga
kahit namamagitan ang milya at kawalan
alam kong minsan, pinapatay mo ang iyong sarili
sa ganitong tuldok ng araw
bago muling isilang kinaumagahan
at kung di mo pa mamasamain
nakapikit ka, alam ko
nakikita mo
iyong ikinalulungkot, ipinanlulumo
nakikita mo ang kaniyang ngiti
kaniyang di inaasahang pamamaalam
at tutulo ang luha
lalandas sa rosas mong pisngi
na papahirin ko
likod ng aking palad siyang sasalo sa mga luha
marahan,
nang di ka magising at maantala
'pagka't alam kong diyan lamang kayo
nagsasama't nagkikita
ganito kita inaalaala
bago matapos
pagpailanlang ng hamog
bago tudlain ng araw
itong aking mga talukap
hayaan mong aking balikan
mga araw na nakahalik sa palad mo
itong aking palad at daliri
at magkatabi tayong nakatitiyak
na iyon ang sandaling
walang makahihigit
kahit inilayo sa iyo
ang buhay at kaniyang bisig