Huwebes, Nobyembre 4, 2010

Pamatid

Hayaang lumangoy sa lusak
ang mga kangkong
pahintulutang umusbong sa tabi-tabi
ang mga talbos
pakapitin sa buhaghag na lupa
ang mga kamote
pasulputin sa naghambalang na tae
ang  mga kabute

silang araw-araw naming nginunguya
ninanamnam, nilalasap
bigyan sila ng pagkakataon
ang umano'y karaniwang latak
ng kalikasan at panahon
bigyan sana sila ng pagkakataon
sumilay sa kanilang kaganapan
pagka't sila ang sa ami'y nag-aahon
kaligtasan sa gutom
at kamatayan.

Sa Mga Pagkakataon Na Ang Taludtod Ay Parang Baling Gulugod

Sa mga pagkakataon
na ang taludtod
ay parang baling gulugod:
lantang parang gulay
na sinugod ng mga uod;
naluoy na bulaklak sa ibabaw ng puntod;
nabaklang tulad ng malambot na tuhod;
manggagawang ginupo ng matinding pagod
o gerilyerong hindi makasugod, napaluhod,
ay nadarama kong tila ako
tuod.

Na ang ubod ng kaluluwang pagod
ay hindi maibuod,
sa mga talinghagang ayaw magpatianod
at waring nalunod, napudpod.

Kailangan,
kailangan kong magsalsal ng isipan
hindi ang magdasal sa mga ulap at kalangitan.
Pigain, katasin ang pagal na katawan.
Tuklasin, namnamin ang pait ng lipunan
nang magluwal ng taludtod
ang kaluluwang pagod,
na tulad ng inunan ay marapat nang put'lan
upang sumibol ang sariling pusod
sa mga naghilahod, natuod na taludtod.

Laglag

Sa pusod ng kawalan
duon kung saan liblib
ang  mga talahib  amorseko
gumamela't bogambilya
nakatingin sa kalangitan
ang isang malungkot  payat na krus
na gawa sa bulok nang sanga
ng punong mangga
hinihintay ang pagdalaw
ng mga kakilala--nakaalaala:
ang pag-aalay ng kandila
ang paghahandog ng mga rosas
nguni't lumipas
ang mga siglo: wala
walang nakaalaala
sa payat na yaong krus
at sa mumunting garapon
na kinahimlaya't pinagsidlan
ng tinuldukang pintig at hininga.