ITO ang pinakahihintay ni Linda. Maya-maya’y darating na ang asawa niya. At alam niya na ito’y lasing na naman, at siya, siya’y makararanas na naman ng mga sapak, tadyak at sampal. Ngunit handa na siya. Matagal na niyang napagdesisyunan ang lahat.
“Tangina! Ano ba’ng pinaggagawa mo?” sigaw ni Berto. “Umiiyak y’ong anak mo, ikaw e nar’yan sa kubeta’t naglalaba! Asikasuhin mo nga ‘yang tarantadong anak mo, ang ingay.”
Anak ko? Hindi mo ba anak ‘yan? Anak natin Berto, anak natin! Iyon ang gusto niyang isigaw, ngunit pinangungunahan siya ng takot, ng kaba sa asawa. Ayaw na niya ng mga suntok, ng mga tadyak at mga sampal at mga sigaw. Gusto niya ang dati. Ang dating si Berto na nakilala niya. Mabait. Maaruga. Mapagmahal.
“‘Intay lang Noy, and’yan na si Nanay.”
Iyon ang mga salitang nabanggit niya. Hindi niya nais pa ang makipagtalo sa asawa. Alam niya ang dahilan sa pagbabago nito.
“Linda, umayos ka ha. Istorbo ‘yang anak mo. Nakakahiya sa kapitbahay,” wika ni Berto habang inaayos ang unan na hihigan.
“Oo, Berto. Sige, magpahinga ka na.”
Hinele-hele niya si Noy. Ilang sandali lamang ay nakatulog na ito.
Tulog na rin ang kaniyang asawa.
SI Noy. Siya ang kaisa-isang anak ni Linda. Ang anak na bunga ng pagmamahalan nila Berto. Ang anak na matagal nilang hiniling. Kunsaan-saan sila namanata, sumayaw, para sa pinakamimithing anak. Napadpad sila sa mahihiwagang bundok, sa mga nagmimilagrong puno, sa mga sugo umano ng Maykapal. Naghintay sila. Nagtiyaga. Naghintay at nagtiyaga.
“Berto, sana naman e dinggin na tayo sa taas. Andami na nating pinuntahan. Natatakot ako na baka wala talaga,” minsang sambit ni Linda habang magkatabi silang nagkukuwentuhan sa kanilang papag.
“‘Wag kang matakot Linda. Magtiyaga lang tayo,” sagot ni Berto.
“Pa’no kung hindi na nga talaga? Paano–”
“Anung pa’no? Basta manalig lang tayo. Di ba nga e maraming nagsabi na kapag sumayaw sa Obando e walang palya ‘yon? O’ tayo ‘di lang sa Obando, sa Manaog pa, sa marami pang iba. Sa Quiapo. Mabait daw ang Nazareno. Kaya ‘wag ka’ng matatakot, magkakaanak tayo.”
Hindi na nakasagot si Linda. Tama ang kaniyang asawa. Darating din ang tamang panahon. Ang tamang pagkakataon.
At iyon nga. Lumipas ang dalawang taon ng paghihintay, pagtitiyaga at pananalig, sa wakas ay dininig din sila ng Maykapal. Nagpasalamat sila, binalikan ang lahat ng lugar at tao na, ayon sa kanila, ay nakatulong sa kanilang pagsisikap at pananalig na magkaroon ng pinakamimithing anak.
“Magkakaanak na tayo Linda,” masayang wika ni Berto.
“Oo, Berto, sa wakas,” sagot ni Linda, kasabay ang pagguhit ng ngiti sa labi nito.
Matapos ang ilang buwan–siyam na buwan–handa na si Linda sa pagsusupling. Pinaghandaan niya ito. Ito ang pinaka-mahalagang araw para sa kanilang mag-asawa. Ang araw na iluluwal ang kanilang si Emmanuel.
“Ano’ng ipapangalan natin sa kanya, Berto?” sambit niya habang hinihimas-himas ang bilugan nang tiyan. “Sabi nung duktor no’ng nakaraang ultrasound e lalaki raw. Ano kayang magandang pangalan, ha, Berto?”
“Emmanuel. Emmanuel, Linda. Emmanuel!” masayang tugon ni Berto.
“Emmanuel? Emmanuel? tama, iyon na lang Berto. Magandang pangalan.”
“Oo, iyon ang nais ko Linda. Nabasa ko kasi minsan na’ng ibig sab’hin niyon e… tagapagligtas. Ang Tagapagligtas. S’ya ang magliligtas sa’tin Linda. Magliligtas sa’tin sa kalungkutan, sa pagnanais sa isang anak. Si Emmanuel.”
Pebrero 26. Ikatlo ng madaling araw. Martes. Ang araw na magigisnan ng isang Emmanuel ang liwanag. Ang araw na pinakahihintay ni Linda. Ang araw na magpapabago kay Berto.
MAGULO ang isip niya. Ayaw niya ang gagawin. Natatakot siya. Matagal nang may bumubulong sa kaniyang mga tainga. Isang bulong na hindi niya alam kung saan nanggagaling, o saan nagmumula. Isang bulong ng pang-uudyok.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Hindi ko kaya,” sagot ni Linda sa bulong.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Sino ka ba?”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Iwan mo ‘ko. Mahal ko si Berto. Alam ko’ng ‘di niya gusto’ng mga ginagawa niya sa’kin. Alam ko’ng magbabago siya. Tumigil ka na!”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Umiiyak na siya. Nagsusumamo na sana’y layuan na siya ng bulong na iyon.
Narinig niya ang pagbangon ni Noy. Nagising ito sa malalakas na salitang ibinabato niya sa hangin. Nilapitan niya ang anak, inalo.
“Pasensiya ka na anak, ha. May problema lang ang Nanay. Si Tatay? Parating na ‘yon. May pasalubong sa iyo.”
Nagsisinungaling siya. Alam niyang ni minsan ay hindi nag-uwi ng pasalubong si Berto para sa anak na si Noy.
Nakatanga lang si Noy. Nakatingin sa kaniya ang bilugan nitong mga mata.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa. Naririnig na naman niya ang bulong na iyon.
“Tumigil ka na!” sigaw niya.
Nagulat si Noy. Kumunot ang mukha, nagbabadyang ito’y iiyak.
“Hindi, anak. Hindi ikaw ‘yon. Tahan na, tahan na.”
Tok, tok, tok… tok, tok…
Napabaling si Linda sa pintuan.
“Li–Linda, aahhandito na ‘ko.”
Sandali siyang nag-isip. Hindi niya alam ang gagawin. Bubuksan pa ba niya ang pinto? Ayaw niyang gawin iyon. Natatakot siya. Nababahala.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Lalayas na lamang silang dalawa ni Noy. Ngunit saan sila pupunta? Wala siyang alam na mapipisanan. Wala siyang kamag-anak dito sa lungsod.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Linda! Aaano ba? ‘Di mo ba ako pagbubuksan ng piiiinto? Lindaaa!”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Sigaw pa lamang ng asawa’y nanginginig na ang laman niya.
Nararamdaman na niya ang mga suntok, ang mga tadyak, ang mga sampal. At iyo’y lumilikha ng galit sa kaniyang damdamin. Limang taon nang ganoon. Sipa, tadyak, suntok. Sampal, sipa, suntok. Napupoot siya sa bawat sandaling maalaala ang mga iyon. Limang taon nang ganoon. Mula nang matuklasan nila ang kalagayan ni Noy. Si Noy na kanilang pinakamimithi noon. Ang anak na matagal nilang hinintay. Hiniling.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
“Linda! Tangina, ang t-tagal mo’ng buksan ‘tong pinto a?”
Bag, blag, blag…blag, blag, bag…
“Li-lindaaahhh!”
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
Iniisip niya ang anak. Si Noy ang mas mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy. Nais niyang lumaki ito ng maayos at mabuti, sa kabila ng kalagayan nito.
Ngunit ang ama nito, si Berto, na dati’y mahal na mahal si Noy, ngayo’y ayaw na siyang makita. Isinusumpa si Noy. Ikinahihiya. Hindi ko ‘yan anak, Linda! Hindi! Nasaksaktan siya sa ganoong asta ng asawa. Bakit hindi niya matanggap? Bakit hindi niya maunawaan na iyo’y kanilang hiniling? Si Emmanuel, ang kanilang tagapagligtas! Bakit ikinakaila ni Berto?
Pilit niyang inuunawa ang asawa. Maiintindihan din niya, ang lagi niyang naibibigkas sa sarili. Ngunit hindi na lamang pagkakaila ang nagagawa ni Berto. Humahantong na sa muhi sa anak. Sinasaktan niya ito. Sinasaktan ni Berto ang kanilang tagapagligtas. Si Emmanuel, ang tagapagligtas, ay naging sumpa sa katauhan ni Berto. Ayaw ni Linda na nasasaktan ang anak. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy, ang kanyang tagapagligtas.
Kapag hindi ikaw ang unang gumawa, siya ang gagawa.
…siya…ikaw…gawa…ikaw…ikaw…una…ikaw…
Bag, blag, blag…blag, blag, bag…
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
“Kapag hindi ako ang gumawa, siya ang gagawa,” naisaloob ni Linda.
Tama ang bulong, kailangan niyang kumilos. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
Tumayo siya upang pagbuksan ng pintuan ang asawa. Pinunasan niya ang luha sa pisngi at iniwan si Noy sa kanilang kuwarto.
“Dito ka lang anak, ha. May gagawin lang ang Nanay.”
Binuksan niya ang pinto. Nakita niya ang namumungay na mata ng asawa, masamang nakatingin sa kaniya. Sinuntok siya nito. Tinamaan siya sa nguso. Napaatras siya.
“Ikaw Linda, ha. Ayaw kong g-ginagago mo ‘ko!”
Muli siyang sinuntok nito. Tinamaan siya sa dibdib. Tinadyakan. Hinawakan sa buhok at sinampal-sampal. Naamoy niya ang mabahong hininga ng asawa, pinaghalong suka at laway at alak.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
“‘Wag mo ‘kong g-ginagago ha!”
Sampal uli.
“Asan ‘yang anak mo ha? Ang tuod mong a-anak!”
Hindi siya sumagot. Itinulak niya ang asawa. Tumayo siya at tumakbo sa bandang kusina.
“Tatakbo ka pa, ha. Si-sige, dito muna ko sa a–”
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…
Kinuha niya ang kutsilyo — malinis, matalim — at agad na bumalik sa asawa. Nakita niyang hawak nito si Noy, nakaambang sasakalin. Si Noy, nakatanga lang sa sariling ama, hindi alintana ang nangyayari. Hawak niya ang kutsilyo–malinis, matalim. Hawak niya nang mahigpit.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…
At sinaksak niya sa likod ang asawa. Madiin.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay
Napaigtad ito at bumagsak sa sahig, nabitawan si Noy na bumagsak naman sa papag.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay
Sinaksak pa niya itong muli. Nakapikit siya. Isinasama sa bawat saksak ang poot, ang pagkamuhi. Si Noy ang mahalaga kaysa anupaman. Hindi niya pababayaang masaktan si Noy, ang kanyang tagapagligtas.
…ikaw…ikaw ang unang gagawa…siya…siya’y…mamamatay
Isa. Dalawa. Tatlo. Saksak. Isa. Dalawa. Saksak. Tila mga patak ng ulan na bumubuhos sa tigang na lupain ang mga saksak na iyon. Mabilis at nagsasayaw sa hangin.
“Lin–”
Napatigil siya sa salitang iyon. At binuksan niya ang kaniyang mga mata. Nasa harapan niya ang asawang nilalamon ng sariling dugo. Wakwak ang tiyan at nakanganga. Ang mga mata nito’y pinaglahuan ng diwa’t kaluluwa. Bumaling siya sa anak, kay Emmanuel. Nakatingin ito sa kaniya. Nakatanga. Walang kamuwang-muwang sa pangyayari.
At siya’y humagulgol. Humagulgol nang humagulgol hanggang sa ang kutsilyo — tigmak na ng dugo — ay muling nagsasayaw sa hangin.