Sana'y hindi iyo
ang dugo
na nagsambulat
sa kanto ng Recto
at Abad.
Sana'y hindi iyo
ang malapot na laway,
na may bubula-bula pa,
sana'y hindi iyo
ang laway na iyon
na humahalo
sa namumuo nang dugo
na nagsambulat sa kanto ng Recto
at Abad.
Sana'y hindi iyo
ang kapirasong tela
ng damit,
na aywan kung bahagi ba
ng salawal o tisert
na sa wari ko'y pinunit
ng pagkakagasgas
sa magaspang na aspalto
sa kantong iyon ng Recto
at Abad.
Sana'y hindi iyo
ang isang bahagi
ng pudpod nang tsinelas
na tinalian ng lastiko
na sa wari ko'y para
'di na muling mapigtal.
Sana'y hindi iyo ang mga 'yan.
Hindi sana sa iyo, bata,
ang dugong nanalaytay na sa aspalto
ang laway na tinutuyo ng mga tambutso
ang kapirasong telang marahas na nawakwak
ang tsinelas na nagungulila sa kabiyak
hindi sana sa iyo ang mga iyan.
Sapagka't
kung iyo man, bata,
ang mga iyan
ay mawawalan ako ng gana
na tahakin, landasin
ang kantong iyon ng Recto at Abad.
Sapagka't
'di ko na makikita
ang maamo mong mukha
na tinatakpan ng libag at alikabok
at ang munti mong tinig
na inaawitan ang bahaw na sandali
ng bawat paglalakbay.
Sana'y hindi ikaw, bata,
ang nasagasaan
ng kaskaserong tsuper.
Dahil kung ikaw man iyon,
tiyak,
tiyak na mangungulila ako
sa munti mong tinig
na umaawit ng hele sa umaga
at sa iyong maamong mukha
na nilamon, pinababayaan
ng lipunang pinahihirapan ka.
Pipikit akong kasama ang panalanging
hindi sana ikaw ang biktima.
At kinabukasan, gigising ako,
iaahon ka sa kumunoy ng nabubulok nating sistema.
"Ang Tula, tulad ng tinapay, ay para sa lahat." --Roque Dalton, salin ni Rogelio Ordoñez
Martes, Oktubre 12, 2010
Aba Ginoong Karyo
Ang tula sa ibaba ay isang tula ng isang kaibigang kuwentista, na sumubok tumula, at sa pakiwari ko'y bakit ba siya mahihiya? Gayong ang tula niya'y isa ngang ganap na tula. At sa punto ng kapulahan, mahihinuhang naging maalab, hindi naman sa sobra, ang kinalabasan ng huling mga linya. Ayokong i-criticize ang gawa niya, sapagka't ako rin naman ay naliligaw lamang sa agos at sigwa ng panitikan.
Hanggang ngayon ay nanatili siya sa pagko-conceptualize ng mga kuwentong isusulat, susulatin at masusulat niya. May mga nalikha na siyang akda, at sa totoo lang, naiinggit ako sa mga kuwentong itinae ng panulat niya.
At ngayon, heto siya at sumubok nga ng tula. Naroon ang kislap, nakikita ko. May aabangan tayong bagong makata. Mang Karyo ang ngalan. Pakibasa.
(Tulagalag. Yung pictures ay ang edited version ng tula ni Mang Karyo. Edited by Pia Montalban. At ang nasa ibaba ang old version.)
Aba Ginoong Maria Ni Juan
ni Mang Karyo
Aba Ginoong Maria
punungpuno siya ng grasya
sa hacienda luisita
mga magsasaka
pinatay
pinapatay
nangamamatay
nang hindi pa nabubungkal
sariling lupa.
Bukod kang pinagpala
pati ang ‘yong masibang angkan-
malawak na tubuhan,
naggagandahang mansiyon,
naglalakihang korporasyon
at nagmamahalang alahas at tsekot
samantalang maraming Pilipino
nangamamatay nang dilat ang mata sa gutom,
itinataboy
mga naninirahan sa mga barungbarong
sa mga relocation site
na masahol pa sa impiyerno.
Santa Maria, Ina ng Diyos
naglalagablab na po ‘di mapigilan
daluyong ng sambayanan.
Sa kanya pong ika-isandaang araw sa trono
kami po’y may regalo-
dumadagundong na mga putok
at mga pagsabog ng molotov.
Ngayon at kung kami’y mamamatay
masaya’t maluwalhati kaming
magbubuwis ng buhay.
Amen.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)