Sa lagusan ng aking sidhi
sumulak
iyong uha.
At matitiyak ng aking palad at ugat,
sa pusok ng puson
naglandas
iyong inunan.
Sa salimuot ng aking bulbol
sumibol
bumbunan mong hinihintay ng dunong
at 'di ko itatakwil,
na mula bayag ko naglayag
patungong estasyong-hima
ng iyong Ina,
bata-batalyon, hukbong may iisang layon.
Habang tinititigan mo
putlain, lipas ko nang anyo, walang damdamin, walang lukso--
pinagigitnaan tayo ng pagkakamali't pagkukulang--
huwag mo sanang igiit na ako'y hindi mo Tatang,
na ang kasalukuyan mo'y walang kahapon.
Hanggang paruruonan
ititiyak kong ikaw ang aking kaganapan.
Nahimlay ako.
Ngunit 'di ako namatay.