Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Lungsod. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Lungsod. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Setyembre 13, 2013

Traffic Lights

paalis na ako ng bahay
at iniisip kong baka, baka lang naman
ma-trapik ako

linsyak, paano kung ma-late ako?

hindi naman ako aasenso
kung atrasado ang dating ko
dahil sa lintik na siksikan sa trapiko

hindi ako uunlad,
hindi ito pag-unlad

at talagang kabobohan na senyales
daw
ito ng lumalagong ekonomiya

mas gusto kong maglakad
at kumaliwa

kapag pula na ang idinidikta
ng traffic lights

papunta sa daan na di nila
makikita.

Martes, Oktubre 30, 2012

Tikatik

ganitong lumuluha
ang langit: isang
di mapigil na pangungulila
sa kinatititigan,

sugo nitong mabagsik
ang matimping sayaw
ng mga butil
sa papawirin,

pinahihintulutang makiraan
sa bawat nitong hantungan,

walang kapaguran.

Sabado, Setyembre 22, 2012

Cubao-Divisoria: Mga Guni-guni at Pagmumuni


umaangil ang bangibing palahaw ng mga ispiker
sa sagradong himpilan ng Kalayaan
sa kanto ng Anonas at Aurora Boulevard:
ika-apatnapung taon ng pag-aalaala sa paninikil
ng estadong dumildil ng dugo at pawis
sa mga sigwang nag-anyong liyab sa higit-
dekadang paninikil sa tinapay ng salita at pakikibaka:
sa basbas ng garalgal at talakay: nakamasid
ang reyalidad sa lansangan ng katuturan

...

paano gumuguhit ang gintong alak
                                                        sa matapat
na lalamunan ng mga kriminal
ng talinhaga?

halimbawa: ipinatong sa ibabaw? ng at nang?
karapatan... kasapatan? KATAGA?

...

pasumala ang mga salitang pumapailanlang:
hindi kahulugan ng kawalan--
may katuturan ang bawat hiningang tumutunghay
sa landas ng kasaysayan: masdan
ang obrerong himbing sa piling ng asawang tuliro
sa paghahanap ng kanin at ulam;
talakayin ang sikmura
ng nababagot sa botcha at pagpag; suriin
ang hiyaw ng sanidad
sa mga nangangalahig ng pag-asa
sa pusod ng Payatas; 
iguhit sa langit ang kapalaran ng magsasakang
paltos ang paa at inaasam; sumpain ang habilin
ng kalangitan sa hinahamog na balakang
ng matandang hukluban 
sa bansot na kariton--
sampal sa burgis na humpay
ang pag-iral
sa loob ng Kalayaan

...

Ilang talang luma buhat sa talaarawan ng isang may nunal sa talampakan
Manila, My Manila
Mga Kuwento ng Supot sa Panahon ng Kalibugan
Gerilya
Patikim, Emotero
Mondo Marcos
Makata 4 ni Jose Corazon de Jesus
Tinig.com
Alexander Martin Remollino
Pia Montalban
Jack Dison Pablo
Macky Serrano Salvador
Rogelio Ordonez
TAPPM
BLKD
Escopa
Bayan-NCR
Dula
Tula
Arlam Camba
PUP
UP
FEU
Laguna
NCR
Koyang Jess
Escopa
Mcdo
MP
Kamanyang
Yosi
Yelo
Baso

NEVER AGAIN!
NEVER AND NEVER AGAIN!

...

sabi ni Nanik,
                     hindi naman           talaga
masarap         ang alak
kundi               ang kuwentuhan--
ang pagkakataon                      at panahong
nagkasama at          nagkasalo kayo
sa ligid ng                   alak at baso

...

bago humakbang ang mga talampakan sa unang baitang
ng oberpas
sa Cubao, 
animo'y humalik sa lupa
si A,
mistulang paninikluhod sa kairalan ng mga hita at mga labi
ng mga dalaga/dinalaga at nagdalaga
sa malamig na bakal ng oberpas

at isinusumpa ni E ang pagpikit,
na tiyak
ay hudyat ng dire-diretsong
himlayan sa banig at panginip

ako:
humahabi ng hikbi
sa kabibi ng gabi

...

nasaan ang kalayaan sa kasalukuyan?

...

walang                               tula
                   sa dulo
 ng aking                            ng aking
                   daliri

...

tuwid ang daan
ng Aurora Blvd, at malinis ang mukha
ng lansangan na inaawitan
at tinititigan ng dilaw na liwanag 
ng mga poste

matang nakatitig:
pula
luntian
at kahel
na mga talukap
ng traffic lights

humuhugong ang paghihintay ng makina
sa lansangang ikinunukubli sa katwiran

silinyador ng pagbabakasakali
preno ng pagpupunyagi

ilan ang hiningang nagpapahiwatig sa dilim?

          ma
          bi
          lis
          ang
          mga
          pa
          nga
          rap
          at
          a
          li
          tun
          tu
          nin

sa kanto ng J. Figueras at Legarda,
nakatanod ang mga aso sa gitna
ng kalsada,
kinakalinga ng/ang gabi--mga kahol-
sumamo
sa naghihikab,
nahihimbing na Kamaynilaan

nakabantay ang mga barbedwire 
sa kanto ng Mendiola at Recto

sa tapat ng UE,
babaing dumudumi, swak, sa isang asul na lata,
marahil ng gatas

at puwit na singkintab ng panalangin
at pananalig sa lantay
na deklarasyon ng karapatan
at tiwala
sa sanlibutan

mga pulis na nagmamanman sa magagatasan

Aranque'ng sandaling namaalam sa kahayupan

Divisoriang nilukob ng putik
at plastik
na mistulang pananim
sa parang
ng Recto
sa bahagi ng Tutuban patugpa
sa Ilaya at Pier Dos

...

mahabaging diyos
patawarin mo yaring manunula

...

anong saysay ng mga nabanggit?

...

sabi nila:
ang                    tula
ay mga mumunting katotohanan             ukol
sa mga bagay-
                       bagay         sa daigdig

...

saysay at wika?

...

ipikit ang kaluluwa at 
magbubunyi ang mga suwail at halimaw
kaya't huwag,
huwag ipikit, ipiit ang kaluluwa
sa ganito at ganyan
doon at dito
dapat at dapat--
umiilanlang ang hiyaw ng sarili

...

ano ang tula?

Alas-onse Ng Gabi Habang Naghihintay Ng Dyipni Sa Kahabaan Ng McArthur Hiway, Malinta

humalik ang mga palad sa tainga
nang gumuhit ang ugat ng kidlat
sa kalangitan,
sumunod ang lagunlong ng kulog:
mga paang napatalon at nagtampo
ang tubig sa dinidilaang semento
--kumislot, nanginig, kumandirit...

nakatitig ang posteng-ilaw sa butil
ng ulan: milyong mga tuldok sa
dilim ng gabi,
walang anino ng ulap ang karimlan
ng langit, maliban sa galit na ihip
ng hangin sa bawat nitong sumpungan...

kinakain ng rayuma ang tuhod
ng matandang walang payong bagkus
ay kartong nilulusaw ng ulan,
maliliit na hakbang patungo sa kawalan,
kamatayan ang himbing niyang pahinga
sa tapat ng silong
ng abadonadong kalungkutan, pag-iisa.

Tulalang Tula O Ang Kamusmusang Tagtag Sa Alinlangang Maaaring Ilang Buwan Lamang Ang Itatagal Ng Kaniyang Pag-iral


nakatatakot:                             paano kung  
                      biglang
maputol ang ulo ng sanggol         na katabi          ko
ngayon          sa maalinsangang       kahon
            ng dyip?

itong sanggol           na     matangos ang ilong
                     singkit ang matang         kinukumutan
ng         kamusmusan,                labing singnipis
ng alinlangan              sa          kinabukasang
walang          kasiguruhan--

paano kung walang anu-ano'y         gumulong
ang mumunti nitong ulo
                                     sa pagitan ng mga       paang
nagsisiksikan, 
mga paang putikan, mga paang walang patutunguhan
at walang uuwian
sa loob ng lumang dyip: kakarag-karag
na bulto          ng kalawanging bakal
na biyaheng           Herbosa-Divisoria?               

ganitong             ang kalsada'y                     inagawan
ng kapatagan
                       at            mga multong nagkakalat
ang      bako      at butas,        kanal     na masangsang,
humps             at       mga batang         nagsusulputan
sa       kunsaang sulok ng lansangang           tiwalag
sa pag-unlad?

paano ko              ihihimpil ang bagabag sa pagtitiwalang
              walang anumang mangyayari 
sa sanggol na itong karga 

ng inang maugat ang           maliit na kamay?

sabihin mo sa akin
saan ko hahanapin ang kasagutan
                                                       sa walang-katiyakang
buhay       ng mga ordinaryong hiningang
            nakasasalamuha        ng              mapagmasid kong
mata? kailan
                   lilisan              sa aking     paningin
ang             lumot ng pangamba
      sa kanilang                           tiwakal     na pag-iral?

paano,          aking tula
           kung                 ika'y           salita

la
   mang?

Kasi Nga'y Kaparis Ng Apoy Ang Paniniwala Kong Matutupok Ang Lahat Nang Di Inaasahan

ang tansong monumento ni Bonifacio sa bungad
ng Tutuban Center                              Mall
ay ang tiyak din na lugar
            kung saan dating nakatirik
ang kanilang bahay
bago ito                    sakupin ng Ferrocaril
at lapatan ng sala-salabat
na riles na bumutas
                      sa mga lansangan ng Maynila
at kalakhan ng          Luzon.

1891 nang pasimulan ang biyaheng Manila-Dagupan,
na lalong nagpasibong sa                          kasaysayan
ng Divisoria,
ng                Binondo,
ng                                Tondo.


mahaba ang kasaysayang sinasakop ng lugar na ito,
ang Tu             tuba                            n,
na hinango                    sa salitang
                        Tuba.

mga ilang metro                   matutunton
mo ang             tiyak ding lunan
            kung saan itinatag           ang Kataas-taasang
                                                           Kagalang-galangang
                                                           Katipunan
ng mga                                               Anak ng Bayan,

ang bahay sa 72 Calle Azcarraga.


kasalukuyang nagbubunyi ang apoy sa gusaling Cluster,
at ako, bilang saksi lamang sa pagkakatupok ng bubong
at pangingitim                                         ng pinturadong
mga pader at haligi,
                      ay saksi at saksi lamang. 

higit isang araw ng pagbubunyi,  
                                                    saan nga ba nagsimula
ang titis? sino  
                       at paano?


may mga sabi-sabing sinadya ito.


kumpetensiya ng nagyayabangang mga gusali
                   ng kalakal
na nagsulputan sa tadyang ng          Divisoria,
                                            ng          Binondo:
168
at 999,
Meisic Mall
at Lucky Chinatown,

mga higanteng kapital na kumitil
                     sa hininga
ng maliliit na puhunan ng maliliit
na paninda ng maliliit na tao
    sa mga bangketa ng Recto             at Ilaya,
ng Padre Rada
                        at San Nicolas,

taktikang kapitalista na           ipinakilala
ng SM
at Robinson,
at Trinoma,
at Gateway,
na taktikang kapitalistang       ipinakilala
ng kanluraning salaula sa dignidad ng tao
at paligid,

dalawang higanteng kumpanyang
pumatay
sa Abenida Rizal
at Escolta,

sa Dewey Boulevard
at Luneta.


bumaha ang mga miron,
nagsiritan ang mga tubig,
umalagwa sa himapapwid ang sirena
ng nagmamadaling firetruck,
sumayaw ang apoy sa bawat palapag,
nagsulputan ang mga alipato sa tuktok
ng naghihingalong bubong,
sing-itim ng burak
ang nag-uling na kisame,
nakababahala ang pagkabasag ng mga
jalousie na animo’y pagguhit ng kulog
sa langit na nabaog sa ulan,
impyerno
sa aking mga mata
ang pagdila ng apoy
sa lahat-lahat nitong maabot.


naikuwento ni Nanay:
dati na rin kaming nasunugan
noong sa Parola compound
pa sila naninirahan ni Tatay:
bagong mag-asawa
na agad sinampolan ng bangis
ng mapanlansi, higanteng apoy.

nasa sinapupunan ako ni nanay
nang mangyari iyon, sabi niya.

naalaala niyang hawak niya ang pakwan
niyang tiyan, na ako ang laman,
at naiwanan niya ang kaniyang sinelas
sa pagmamadaling iligtas
ang sarili

at ang ilang gamit:

isang nakatatakot na simula
para sa nagsisimulang pamilya.


sa apoy              sumibol
            ang utak               ng tao.


kung may utak lamang
ang apoy,
marinig niya                                  nawa
ang lungkot     sa aking dibdib--
ang naglalahong kasaysayang  
                                                lumulukot
sa aking pananalig,

sa aking kabataan

sa paligid ng Tutuban.

Itinuturo Ng Apoy Na Lumalamon Sa Gusaling Cluster Ang Paghihimagsik

Tutuban ng aking kabataan, anong lagim,
anong punyal na nakatarak sa aking isipan

ang larawan mong nilalamon ng maitim na ulap
ng usok at ng malilikot na dila ng kahel na apoy.

Ngayong isa kang pangitain ng kawalang-sagot
sa mga bakit at paano, kailan at saan;

ipinanunumbalik ng iyong kasalukyang kalagayan
ang naglahong gunita ng aking kabataan:

noong bawat sulok mo'y kilala ng aking mga paa,
ang mga palaruan, ang mga basag na baldosa,

ang mga hagdan, ang makikislap mong ilaw at
ang tansuing tindig ni Bonifacio--ang puso ng iyong
          pagkakakilanlan.

Nagbabanyuhay pa man din ang iyong kaanyuan,
ano't sumpa ang mga pagbabago sa iyong tadyang?

Tutuban ng aking kabataan, ikaw na laging kaulayaw
ng aking mga paa sa mga sandali ng paghahanap

ng sarili at materyal na hiling, igawad mo sa apoy
ang iyong kasaysayan--kasaysayang pinagsaluhan

ng libong mga paa, ng maputik na lupa, ng kultura
ng kapital at tubo, ng mga tela, ng mga suluk-sulok

na lihim ng kahirapan sa iyong paligid--igawad mo sa apoy
ang dapat nitong maunawa: sa iyo sumaysay ang gulok

ng Rebolusyon, ang gulok ni Bonifacio.

Tulang Alay Sa Nakalambiting Kawad Ng Koryente

anong saklap na masdan kang animo'y kalungkutang sinala
ng panahon.
bumitaw sa bigkis ng mga katuad,
paano ko iaalay ang aking mga kamay
upang isapi ka
muli
sa iniwang buklod ng mga ugat
kung ibinabadya mo ang dilang magsusunog
sa aking balat?

tingin ko'y pakay mong halikan ang lupa, hindi man,
nais mo marahil ay magnila'y malayo sa katulad
mong ugat ng dagitab; manatiling
nakaugnay sa posteng matalisik.

hiling ko lamang, huwag mo sanang padaluyan
ng bangis, ng dila mong malupit,
ng dagitab mong ngalit,
ang paslit
na pakay kang
kalakalin.

Martes, Agosto 28, 2012

Minsan Sa Monumento May Aleng Nagkuwento Ng Kaniyang Adbentyur

isang hapon, sa bituka ng Monumento,
habang sumasayaw ang ispageti
sa puting plato at nagbabanggaan
ang kuwadradong mga yelong
lumulutang sa maitim na sopdrinks at
naglalakbay ang pawis sa aking
noo patunton sa lamesang makutim,
habang nakalingkis sa ngiti
at nakatunghay pag-ibig ng katabing sinta
ang aking ulirat
anong gulat ang biglang-bungad
ng aleng hapit ang blusang kupasin,
anong gitla ang pagbubuklat niya
ng maselang himaymay
ng eskuwalado niyang buhay

kung anong nagtulak sa kanya
para ilagak sa amin ang tiwalang
ikuwento ang labu-labong kuwento
ng kaniyang buhay na natatabingan
ng kaniyang bunging-bungisngis
ay di ko na uungkatin.

ang kuwento:

siya'y kabit, querida, panggulo;
umangkas sa libog ng lalaking
sabi nga niya'y guwapo-may-itsura-
may-kalakihan-ang-katawan-at-medyo
maputi pero lagas na ang gulang,
lalaking trabahador sa pabrika;
isang muslim, islamikong paniniwala
isa dalawa tatlo etseterang asawa;
hindi na niya isinalaysay ang kuwento
ng kanilang pagkakakilala
pagkat namumutiktik na sa Putangina
at Pakyu at Imisu at Tangina ang palitan
nila ng text na ako ang encoder at sender
dili nga't ag matandang babae na
nagsisiwalat ng buhay ay matandang babaing
di marunong mag-text na nagtatrabaho
bilang helper sa isang kantina sa gawing BBB
at nasampolan din ng bangis ng habagat
noong nakaraang linggo kaya't heto
nakikisuyo;
gusto pala niyang hulihin ang lalaki,
na may asawa na'y may kabit pa at may kabit
pa--napanood mo na ba iyong Inception?--
gusto niyang itiyak ang kaniyang karapatan
bilang kabit at gusto niyang makatanggap
ng sapat na pera mula sa lalaking mahilig
dahil kailangan niya ng pandagdag sa limos
niyang kinikita; bagamat ang lalaki'y mabangis
at ika nga niya'y baka mamugot daw ng ulo
o baka bigla na lang siyang pagsasasaksakin
dahil nga't muslim daw ito at sabi kasi ng kapitbahay
niya, ganoon daw ang mga muslim;
at nang magreply ang lalaki: umuwi kn at miss n kta.
d2 na aq bhay at pr makaisa p taung round. lab yu.
pina-reply niya sa akin ang: gago kb? bkit anjan kn
alm m namn ang kitaan natin. ayos a?
at nagka-Putanginahan na at ninerbiyos na si
ale nang bantaang pupunitin ang mga damit niya
at iiwan ang bahay na nakabukas at baka wala na
siyang mabalikan at so on and so forth;
agad na siyang nagpulbo at nagpasalamat
at pinabaunan namin siya ng paalaalang mag-ingat;
at oo, may anak pala siya sa nueva ecija
wala siyang kontak dahil binura ng kinakasamang
lalaking mahilig sa dyombagan at kaplogan
ang numero nito sa kaniyang selpon

iniwan niya kaming nakanganga
sa magulong kuwento;
at ako
na nagtatanong sa aking sarili,
hinahanap ang aninong ninakaw ng dumidilim
na paligid,
hinahanap ko hanggang pag-uwi
ang kaniyang bungisngis
sa alikabok na binulahaw
ng rumatsadang dyip.

Sabado, Agosto 18, 2012

Sa Tondo, Bawal Ang Tahimik At Kapag Tahimik Ay Bawal Ang Maingay

minsan, namamanhid na lamang din ang kakayahan mong tumugon.
halimbawa, ngayong gabi.
ngayong gabi, maingay ang paligid.
at wala ka namang magagawa kundi namnamin ang ingay.

may programang nagaganap sa covered court, tatlong bubong
at isang kanto ang layo mula sa amin. full blast ang gigantic speaker.
teach me how to doggie tournament daw, sabi ng kapatid ko.
ilang libong ulit-paulit-ulit ng malanding ungol ng yeah! yeah! yeah!
teach
me how to doggie.

nagbaril ako sa ulo ng sarili kong musika: digital love ng daft punk.
pero walang talab.

sumuko ako. at alam ko, susuko naman talaga ako.

nang itaas ko nang kamay ko, nang iwawagayway ko na ang puting
bandilang tanda ng pagsuko, gumuhit sa sala-salabat na ingay
ang PUTANGINA! PUTANGINA MO! UMUWI KA!

binubugbog ng lalaki ang babae, sa tapat lang ng bahay namin.
sampal, sipa, batok. PUTANGINA MO! PUTANGINA! UMUWI KA!
hibik at hikbi, luha at muta. di ko na inalam ang dahilan ng eksena.

humina ang full blast speaker, namatay na ang asong-kantahin.

at gusto kong gumawa ng tula, pero di ko magawa.
mamaya, sasaklubin ng lamig at katahimikan ang paligid, mas hindi
ako makakatulog at susuko ako.

at walang tula

why don't you play the game? paulit-ulit ang daft punk sa aking utak.

Blas Dows Hawses

     MANILA, Philippines - The government will forcibly relocate some 195,000 families - "blast" their homes if needed - from waterways in Metro Manila and around Laguna de Bay, for their own protection as well as to help mitigate against floods in and around the metropolis.
     "They have to be removed," Public Works Secretary Rogelio Singson said on Monday after presenting a P352-billion flood control and mitigation masterplan to President Benigno Aquino III.
     Later, he said: "I just received instructions from the President that if push comes to shove, we will have to blast these houses."
     Singson said there are some 125,000 families currently living along Metro Manila waterways, and at least 70,000 more living in flood-prone areas around Laguna de Bay.
     "Obviously, (relocation) needs very strong political will," Singson said. "Local government units should not allow families from taking residence in (or along) waterways within their jurisdiction."

PNoy to DPWH: Relocate 195,000 families from waterways - 'blast' their homes if necessary
Interaksyon.com


madaling ituro, na kasalanan ng maralita
kung bakit umaalingasaw ang lungsod
at masakit sa mata ang diyan at dito nilang
mga sampaying tila mga banderitas
kahit walang pista at holiday.

kapag dumarating ang sakuna, madaling
isisi na matigas ang kanilang ulo at wala
silang modo at bastos at walang galang
sa pamahalaang gusto lamang ay tulungan
silang ilagak sa one-of-a-kind na pabahay.

kaya't nang magtae ang langit--malakas at
mahinang ulan, taas-babang baha-- naghugas
lamang ng kamay ang gobyerno (political will)
hindi nila sisisihin ang kanilang uri, malinis
ang kanilang dakilang budhi.

kahit pinayagan nilang kamkamin ng mga
kapitalista ang malalawak na lupa sa kanayunan
kaya't sa kalunsuran bumabagsak ang mga paa;
kahit pinahintulutan nilang ipakalbo sa mga ito
ang kagubatan at kabundukan;

kahit bukas-palad nilang ibinigay ang mga kuweba
at ilog sa mga kumpanya ng pagmimina; kahit
pabaya nilang pinahintulutang magtindig
ng mga gusali, nang basta-basta, kahit walang
matinong plano, ang DMCI at SMDC;

kahit huli sa kanilang listahan ang disater prepared-
ness; kahit paulit-ulit ang sakuna at paulit-ulit
din ang relief operation at rescue operation;
kahit na ganito, kahit na ganyan, hinding-hindi
nila sisisihin ang kanilang sarili

at malakas pa ang loob nilang kumaway sa ibabaw
ng trak at mamigay ng mumong bigas at isang takal
ng limos sa mga maralitang bastos at walang modo
at pasaway kaya't naghihirap ang bayan, kaya't
kailangang pasabugin ang kanilang bahay

silang maralitang inagawan ng pagpipilian, silang
lagi nang may kasalanan.

Biyernes, Agosto 17, 2012

Ang Lalaking Janitor Na Nanguha Ng Package Galing Japan Sa Tanggapan Ng Philpost

ay ang lalaking hindi na natagpuan matapos ang mahabang orkestra ng ulan.
siya ang lalaking nasagasaan ng 10 wheeler truck habang tumatawid sa kahabaan
ng road 10 at tumalsik-lumapag-lagapak sa gilid ng bangketang katabi ng Escano Liner.
siya rin ang lalaking nag-uunahan ang mga paa at tangan-tangan ang sako ng paninda
habang tinatakasan ang panghuhuli ng mga basalyos ng MMDA empire. siya ang lalaking
nangangalkal ng basura sa gilid ng McDonalds, sa kanto ng Juan Luna at Recto,
sa ilalim ng KP Tower, at hinampas ng security guard sa batok dahil nakareserba na
ang basura sa iba. siya rin ang lalaking pawisan na naghuhukay-hanap ng mga bangkay
na tinabunan ng landslide sa Commonwealth, Quezon City. siya ang lalaking namatayan
ng siyam na kapamilyang nilamon ng lupa: asawa, mga anak at mga apo. siya ang lalaking
nagbebenta ng Goodmorning towel sa mga motorista sa kahabaan ng Aurora Blvd.
sa Cubao at siya rin ang lalaking nagtitinda ng nagyeyelong bottled mineral water sa tapat
ng Arellano University pagkababa ng tulay ng Nagtahan patugpa sa University Belt. siya rin
ang lalaking drayber ng R & E taxi na dilaw at green ang mode ng pintura na nagpapatong
ng bente sa pasahe ng mga isinasakay. siya ang lalaking nakanganga sa tapat ng nagla-live
show na babaing-makinis, sa isang tagong beerhouse sa pusod ng Avenida, Rizal. siya rin
ang lalaking nanghuli ng sawa sa Pateros. at siya rin ang lalaking naliligaw at hindi naibaliktad
ang damit. siya ang lalaking nalaslasan ng bulsa dahil sa kalasingan at walang pamasahe pauwi.
siya rin ang lalaking nakaluhod at nagdarasal sa pinakaunang hilera ng upuan sa simbahan
ng Quiapo. siya si Julio Madiaga, siya rin si Islaw Palitaw, si Popoy Dakuykoy, si Damian Rosa,
Tata Selo, si Simoun, si Basilio, si Elias. at siya rin ang lalaking hindi matagpuan ang sarili
dahil sa pataw ng lipunang nagputong sa kanyang ulo ng laksang-tonelada ng responsibilidad

Nang Sumilip Ang Araw

pansinin: nakasilip ang araw, nakangiti
nangungutya, nanunudyo
sa mga puyong nangagyuko

habang nililimas ang putik
sa mga pader at haligi,
hinahaplos ng mga martilyo

ang naulilang bubong.
malansa ang samyo ng hangin,
sumanib ang luha at dugo.

isang matigas na bangkay, nakangiwing
labi, balot ng putik ang katawan--
tumigil na ang ulan at

sumilay ang kawalang-katiyakan.

Miyerkules, Agosto 15, 2012

Lagi Na At Malungkot Sa Aming Bayan

          May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
          may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
          ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo
          samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
          sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
          at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punlo!

                         Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan,
                         Amado V. Hernandez

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Nakayuko ang mga talahib na waring mga musmos
Na nakaluhod sa altar ng milagro;
Sumasamo ng tining sa nagburak na pangarap,
Humihiling ng habag sa libaging hininga.
Kumakaway ang mga kawayan, di naghahantad
Ng tapang sa unos.
Bagkus, nakatundos itong nakamata sa langit—
Naghihintay ng kamatayang nakaabang, ilalatay sa katawan.
Mga uhay ng palay na nilipasan ng gintong-balat,
Nakahiga sa tigang na tadyang ng nilalagnat na parang.
Nakapamaywang ang mga gusali, nitsong malalamig,
Nakatitig-hamak
Sa butas na bubong ng mga dampa’t barungbarong
Sa nagtuklap na tarpolinang tabike;
Putikang sahig na nakahalik sa kawalan,
Mga haliging singtibay ng nauupos na pag-asa
At kisameng naglundo sa rupok—
Sinigid-lunod ng luhang rumaragasa
Sa estero’t ilog ng dustang buhay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
May mga palad na nagbitak,
Naghahanap ng sariling pilapil.
Sila na tumitingkal ng lupang nakakuyom
Sa pangil ng mga halimaw.
Mga halimaw itong sumasakmal sa mga naisin
At hangaring ang mga silahis sa umaga’y haplos
Ng pag-ibig na maglalatag ng banig
Sa namutlang takipsilim.
May mga tuhod na nakalublob sa putik;
Inaararo ang sariling luhang sumapi sa patubig.
Mga pawis na kinatas ng pagod
At di mailigtas ng sambalilo sa ngitngit ng araw.
Mga tansuing bisig na naghuhumiyaw ang kalamnan,
Sa lakas na sinipsip ng umimpis na katiyakan—
Sa isang bukas na tangan ng anak ang mga aklat
At patugpa sa landas ng karunungan,
Nag-iisang pamana ng tulad niyang nagbibilang ng gatla
Sa mga panahon;
Sa isang bukas na umaawit ang mga pipit sa pawid na bubong,
At ang maybahay na maghahatid ng pananghalian
Ay inukitan ng dalisay na ngiti.
Api siyang nagbibilang ng gatlang nakabalangkas
Sa siwang ng lupang humihiyaw ng kalinga
Na iginagawad niyang nagsaluya ang mga daliri sa paa.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Umaandar, yumuyugyog ang mga makina
Sa malalangis na pabrika.
Nagbubuga ng kabuteng-usok sa abuhing langit.
At ang pumipintig na ugat—nagbibigay-hininga
Sa mga makinang lumilikha ng tubo’t puhunan
Ay dayukdok na nangingitim ang mga damit,
Tulad ng pangarap na tinakasan ng kaganapan;
Grasang singdilim ng langit na walang bituin.
Nangasuksok ang mga dumi sa pudpod nang mga kuko,
Waring dulo ng kamay-orasang naliligaw sa bulong ng segundo.
Silang nililimusan ng barya-baryang kalansing, pang-agdong
Sa buhay na binabastos ng alingasaw at alimuom,
Ng alikabok at kalawang.
Hugong ng mga turnilyo’t bakal,
Palahaw ng mga martilyong ipinupukpok sa dibdib
Na hinulma nang maging manhid sa daing
Ng bunsong umoonse ang sipon, nanlilimahid
Sa dungis at malnutrisyon;
Ng asawang binugbog ng dalitang kalagayan
Sa bituka ng malupit na kalunsuran.
Brasong binulok ng kapagalan.
Binting isinangla sa walong-oras-higit na paggawa.
Naghihintay sa katapusang
Dumadaan nang walang pangungumusta
Sa sadlak na kapalaran.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Ang mga tabing-dagat ay kinukumutan ng pangamba.
May bula ang dila ng mga alon,
Nakangangang kalderong walang laman ang laot.
Sisid-ahon ang maaalat-nangaliskis na balat,
Inihihigpit ang mga bisig sa paghampas ng daluyong.
Sa mga panahong nawawala ang estrelyang gumagabay
Sa landas ng bangka—ninakaw ng mabangis na ulap—
Malamig ang haplos ng baliw na habagat.
Bitbit ang lamparang-de-gaas,
Mga santelmong apoy silang nilalamon ng dilim,
Ng guhit-tagpuan,
Ng halik ng tubig.
At kaparis ng tahimik na paglangoy ng mga galunggong,
Ng pagsayaw ng mga halamang dagat,
Ng paglalamat ng mga koral—sinasakmal sila ng kawalan.
Silang naglalapag ng pritong matang-baka,
Silang naglalapag ng sinigang na salmon at inihaw na tuna,
Silang naglalapag ng sarsiadong labahita,
Silang naglalapag ng ginataang sapsap,
Sa mga adornadong dulang
Ay nag-uulam ng de-latang sardinas;
Humihigop ng sabaw—isang dahop na bukas.

Lagi na at malungkot sa aming bayan
Basa ang mga aklat sa tag-ulan
At punit sa katag-arawan.
Sumisigaw ang napunit na bubong
At pumapalatak ang bitak ng mga pader.
Umaalog na mga haliging nakatindig
Sa duwag na lupang walang katiyakan ang pundasyon.
Nagbabalseng mga upuang isa sa tatlo,
Silid-aralang mainit,
Silid-aralang pinasikip ng naglalampungang balikat.
Maramot ang aral at karunungan sa butas na bulsa,
Bukas-tarangkahan sa mga paang nakadadampi sa alpombra.
Sa pag-usad ng mga panahong dapat ihimpil sa silid-aralan,
Mabibilang sa mga daliring nagkalyo,
Sa mga nalagas-sunog na kilay
Ang makatatangan ng isang pirasong papel
Na magtatakda ng uri sa lipunang marahas:
Ang magiging nars ay magiging kerteyker na magpupunas
Ng mapuputing puwit ng mga ulyaning matatanda sa Europa.
Ang magiging doktor ay magiging nars na mag-aabot ng hiringggilya
Sa banyagang superyor na bughaw ang balintataw.
Ang magiging inhenyero’y magsusukat ng lupa at maghahalo ng semento
Sa umaasong buhangin ng Gitnang Silangan.
Ang magiging arkitekto’y guguhit-balangkas ng mansiyon
Ng mga diyus-diyosang pinagpala ng pagsasamantala.
Ang mga guro’y puputulan ng ulo o dili kaya’y magtuturo
Sa mga banyagang pilipit ang dila sa ingles.
Silang magiging alipin ng visa at dolyar, ng disyerto at niyebe
Sa kabilang pampang ng kabihasnan.
Mapipilitang sumakay sa eroplanong-papel nilang pangarap:
Magsubo ng buhay sa naghihingalong pamilya.
At ang mga sinawing-palad
Na di makatatawid sa ilog ng pagkatuto’y ibabartolina
Sa maruming kuko ng kapagalan, dito man o sa mga lupaing nagpapalastas
Ng pulu’t pukyutang pag-unlad—karpintero, latero,
Paspudkru, kargador at iba pang ibibilang sa hanay
Ng mga utus-utusang pagdadamutan ng kanin at tinapay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Ipinapako sa krus ng kahirapan, pinagdadamutan
Ng dangal at ligaya.
Kaya’t humihiyaw ang mga hibik,
Naninindak ang mga tangis.
Sa mga kalyehon at eskinita.
Sa mga estero at tulay.
Sa mga parang at talampas.
Sa mga pampang at laot.
Waring isang awiting sumusuot
Sa himaymay ng utak,
Nagbabanyuhay bilang isang babala.
Mag-aanyong kamao ang mga luha
Talampakan ang mga dusa,
Bibig ang mga pangamba.
Itutuldok sa hangin,
Imamartsa sa abenida’t kaparangan.
Isisigaw ang dapat nang mabatid,
Itatakda ang kaligtasan at katubusan
Dahil lagi na at malungkot itong aming bayan.

Miyerkules, Agosto 8, 2012

Evacuation Center

ang sangmangkok ng lugaw
ay mananatiling lugaw
ang mainit-init na sopas
ay mananatiling sopas
ang sangdakmang bahaw
ay mananatiling bahaw
ang maputlang kape
ay mananatiling kape

ang nangangatog na bata'y mabubuhay sa lugaw
isang araw, ngunit hindi sa kinabukasan
dahil ang higit niyang kailanga'y matibay na bubong
at yakap ng kumot sa gabing kumakalampag ang ulan

ang mainit na sopas ay may talab sa dilang maikli
ng matandang pinapayat ng ubo, bagamat
pansamantala lamang dahil lumilipas ang sopas
at higit na may talab ang angkas ng gamot sa sikmura

ang daliri ng mamang kinapitan ng mga mumong malungkot
ng bahaw na nakasimangot, ay daliring pumapalahaw
ng sumamo, ng kaunting kabuhayang magsusugpong
ng buhay sa pamilyang itinirik sa bunganga ng creek

ang kulot na aso ng maputlang kape'y papanaw
tulad ng usok ng sigarilyong pinatay ng patak-ulan,
at maglalahong parang usok silang naggawad ng kalinga
sa yugtong paslangin ng media ang apoy ng dumaang trahedya

dahil ang sangmangkok ng lugaw
ay kaluluwang ligaw
ang mainit-init na sopas
ay bubong na may butas
ang sangdakmang bahaw
ay katinuang bumitaw
at ang maputlang kape
ay labing walang ngiti.

Sagrada Familia

Mister

Weekends lagi'y sa beerhouse,
si misis wala ni blouse.
Tiyan na mala-Santa Klaws.
Bigote ay Marcel Proust.

Misis

Bahay-bata'y nilaspag,
asawa'y walang habag;
libangang de-balibag
sa masurot na papag.

Binatilyo

Sa barkada palagi--
alak, sugal at yosi.
Nang lumaon--drugs't ragbi,
nakaabang na'ng Munti.

Dalagita

Mini skirts, ispageti,
gabi na kung umuwi.
Nabuntis nang madali,
anak n'ya'y walang daddy.

Bunso

Umoonse ang sipon,
sa lansangan maghapon.
Ang tsismisan sa nayon,
siya'y 'bebenta sa Hapon.

Ang Mga Bata'y Nagmimistulang Manyikang Pinuputlan Ng Ulo

sa mga yugtong ang laranga'y mistulang
gabing walang aninong maisaboy ang buwan
o umagang dahop sa dila ng araw
at nangangamoy pulbura ang paligid—nanunuot
sa tadyang ng mga talahib—at nakatikom
ang mga kuliglig

tinatangka ng mga batang maglaro
tinatangka nilang kupitin ang kamusmusang ipinagkakait
ng kalam na tiyan at maiiksing kumot
ng mga botang yumayanig sa mga pilapil
ng mga malilisik na matang gumugulantang
sa katahimikan

tinititigan nila ang langit, humahanap
ng mga bituing makapagsasabi ng kanilang
kapalaran; nagkukuwentuhan ukol sa mga tikbalang
kapre o duwendeng itinatago
ng mga bungang-kahoy at punso;
tinutugis nila ang mga palakang iniligaw ng maragasang ilog;
sinisipat ang mga tutubing tatanggalan ng pakpak;

ihihiga sa mahamog na lupa
mga munti nilang katawang nangangatas
sa pawis; isang masiglang habulan,
tumatakas ang pag-asa sa pumpon ng mga inosenteng
hagak—marahan
ang pagkalusaw
ng kanilang kamusmusan

sa mga yugtong naninigid maging sa panaginip
ang mga bota at pulbura, at makitid ang tulay
patawid sa mundo ng pagtanda,
mga mumunti
silang mananalukbong ng pangamba—mga manyika,

mga manyikang silang mapuputlan ng ulo,
ng mga kamay, mga paa
at pagkabata.

Panawagan

minsan pa, sabay-sabay tayong makinig
sa isang rosas na humihingi ng puwang
sa kuweba ng ating mga tainga--nais niyang
limiin natin ang pamumukadkad ng kaniyang
petalya.

minsan pa, tulutan natin ng ngiti ang pulubing
ninanakawan natin ng habag at awa
inaalayan ng duda at dismaya--nais niya'y
unawa o isang piraso ng paraiso sa malungkutin
niyang lata.

minsan pa, tulutan natin ng kalinga ang batang
nakakuyom sa kuwintas ng mga sampagita na
naluluoy sa usok at ingay ng lungsod--nais niya'y
isang balot ng pansit o kahit isang pinaglumaang
damit.

minsan pa, sabay-sabay tayong makinig
sa mga tinig na iginigitaw ng marahas na paligid,
bigyang puwang ang mga nililimot--nais nila'y
mga katawan na maglalaan-buhay sa kanilang
panawagan.

Hindi Nagtatayugang Gusali

tinatangka nilang dungisan ang iyong dangal, Rizal
silang mga hunyango sa katwiran at pagdakila sa iyo
mga sakim silang gustong agawin maging ang larawan
mo kapiling ang malawak na latag ng kalangitan
mga alipin ng tubo na dudungisan ang mga damo
at bulaklak, mga puno't halaman sa iyong liwasan

Rizal, alam mong kasaysayan kang dapat galangin
at bayani kang dapat patawan ng respeto at ringal

sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan
sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan

alam mo iyan, Rizal




Isang Panaginip

tambak ang mga imahe ng bahaghari sa panaginip ni Nena
kulapol ng mga kaharian mga reyna't hari't kabalyero't prinsesa
mga larawan ng alitaptap na kanyang nakakausap umaawit
na tipaklong at mga paru parong nagiging engkantada
nagkalat ang mga mirasol rosas at sampagita kumukudlit
na mga gintong nagsasalit salit sa mga mukha ng bato
mga ulap na umiihip-marahan ng hanging bumubulong
ng dasal araw na nakangiti sa likod ng luntiang bundok
mga punong naghuhuntahan-siklab ng tayog at bunga
ilog na makinang sa tama ng katanghaliang silahis
kayganda ng paligid isang pangarap isang panaginip

nang magising siya'y nawala ang lahat ng rikit at masisiglang ngiti
nagising si Nena sa bulyaw ng inang nagpapasuso ng kapatid
"Tanghali na, punyeta ka, Nena! Marami nang lalaki sa Avenida!"