Martes, Agosto 28, 2012

Haruki Murakami On Life


Tula Sa Unang Taon Ng Ating Katiyakan














natatandaan mo ba,
ang araw na iyong
nangingimi pa akong hawakan
ang iyong kamay
habang masinsin ang patak ng ulan
sa inako nating liwasan
sa pusod ng nanunuot na lamig ng gabi;
nang ilangkap natin sa sandali
ang anumang maaring mangyari
sa puntong iyon ng ating pagbabakasali
na baka ikaw at ako
o baka hanggang doon lamang
ang tiyak sa ating umpisa
o baka iyon ay simula lamang
ng panunukat sa ating mga layunin?

natatandaan mo ba,
nang ipagbawal mo ang pag-usal
ng wikang hindi maikakarsel sa dibdib
at ako ang pangahas na lumabag
habang tumatawid tayo
sa lansangang kilala mo
at kilala ko na rin ngayon;
nang maaninag natin ang kislap
sa pagitan ng ating mga pagkakaiba,
nang ibigkis natin ang pagkakatulad
ng ating mga hangarin at panlasa?

natatandaan mo ba,
nang paglaruan natin ang katahimikan
at sakyan ang luho ng mga hiningang
umaawit sa dilim?
iyon ang unang pagkakataong sumapi
tayo sa walang ngalang pananalig
sa idinidikta ng mga pintig at bisig,
na ngayo'y paraiso ng ating mga ngiti
bawat pagtatangka at pagwawagi.

natatandaan mo ba,
ang maraming kunot-noo at daplis-daplisang
saksak ng mga alinlangan at kurot
ng mga luhang ibinadya ng takot at pangamba
nang ipinipilit ng paligid ang hindi
marapat para sa ating dalawa?
hindi tayo kailanman bumitiw.
hindi tayo bumitiw kailanman.
hindi tayo kailanman bibitiw.
hindi tayo bibitiw kailanman.

natatandaan mo ba,
tatlong daan at animnapu't limang umaga
at gabi mula noon, umaalab, mas masidhi
ang katiyakang laging may bukas
para sa ating dalawa
sa piling ng isa't isa.

Frank O' Hara On Love


Kulang-kulang

malamya ang lahat sa sandaling ito
walang ragasang hangin na nagpapasayaw
sa tuyot-na-dahon na tantiya ko'y malapit
nang humalik sa lupa; kalawanging dahon
na namaluktot sa pagkakatuyo.
kahulugan: pamamaalam.

patay ang paligid tulad ng pusang nasagasaan
sa kanto: matang pinitpit ng gulong, utak
na sumambulat, nabaling buto, lamog na laman
at atay na nagpapaalala sa mga saksi't
nakakasasaksi sa kanyang hantungan
ng kanila ring hantungan, di man sa ganoong paraan,
ay kamatayan at kamatayan lamang.

nakamata ang mga pader na mistulang diyos
ng paligid; sumisinghal ang mga bitak
singlalim ng unibersong pinanawan ng bituin
ang dilim na naglalagi rito.

anong dapat nating mabatid sa sandaling
itong malamya ang tibok ng mga hininga?

marahil, kailangan nating maglimi
pagkat kulang ang buhay sa paligid,
kulang na kulang.

Katapusan Ng Mahaba-haba Ring Paglalakbay Sa Kawalan

tatawagin kong katapusan ang gabing ito.
katapusang walang inaasahang bukas
o pag-asa man na lagi nang kadaupang-palad.

walang susunod na salita.
walang susunod na pangungusap.
walang susunod na talata.
walang nang susunod pa
maliban sa isang tuldok

na mag-isa kong ilalagak
sa sarili niyang espasyo
ng pagsasarili,
na malungkot kong iiiwan
ngayong gabi

itong gabing itinakda kong katapusan
ng lahat-lahat, ng lahat-lahat.

Sabay Tayong Managinip

sabay tayong managinip
sabay nating hawiin
ang mga alinlangan
sa ating paglalakbay
sabay tayong managinip
ng kawalang-hanggan

Literarure-inspired Posters Ni Evan Robertson




Meta

minsan, sinasaklob na lamang tayo
ng malamig na katahimikan
matapos pintahan ng halakhak
ang paligid

katahimikan itong nanunuot sa buto
at bumabasag ng liwanag
na nagmamanman sa atin,

pakikiramdaman natin ang isa't isa

aalamin ang dahilan sa likod ng piping
sandali
magugulat sa pakay nitong maghapag
ng testamento:

na kailangan natin ito, itong katahimikang
naglilingkis sa hindi natin mahawakan,
dahil nag-uusap

ang ating mga kaluluwa.

Kalihim

hindi mo hinihingi ang labingsiyam na putok ng baril
ngunit naglaan pa rin sila ng pulbura para ipabatid
ang pag-alaala sa iyong malagim na hantungan
(marahil ay tanda lamang ng kalabit ng konsensiya)
gayong ang kaganapan ng iyong panunungkula'y
nakasabit sa mabagal na usad ng hungkag na sistema
at naging abala sila sa pag-alaala sa iyong paglalakbay
bilang lingkod-bayan, bilang asawa, bilang ama
kinalampag ng iyong kamatayan ang hininga
ng mga eroplanong beterano sa himpapawid
mapait isiping ang ngalan ng karangalang iginawad
sa iyong balikat ay siya ring hudyat ng iyong pamamaalam

nasaan ang mga uwak nang baybayin mo ang langit?
ano ang kuwento sa likod ng mga hinala at guni-guni?
anong mga lihim ang itinatago ng sahig ng dagat, kalihim?


*elehiya para kay Sec. Jesse Robredo at sa dalawa
pang nasawing piloto

Obersis

taun-taon
libu-libong
bayani
ang lumilipad
palayo
sa anak
asawa
ina at ama
kapatid

taun-taon
daan-daang
bayani
ang umuuwing
nabaliw
nabalian
na-onse
nakakahon

paulit-ulit,
mga bayani
silang
suki ng
Maalaala Mo Kaya

Ernest Hemingway On Writing


Minsan Sa Monumento May Aleng Nagkuwento Ng Kaniyang Adbentyur

isang hapon, sa bituka ng Monumento,
habang sumasayaw ang ispageti
sa puting plato at nagbabanggaan
ang kuwadradong mga yelong
lumulutang sa maitim na sopdrinks at
naglalakbay ang pawis sa aking
noo patunton sa lamesang makutim,
habang nakalingkis sa ngiti
at nakatunghay pag-ibig ng katabing sinta
ang aking ulirat
anong gulat ang biglang-bungad
ng aleng hapit ang blusang kupasin,
anong gitla ang pagbubuklat niya
ng maselang himaymay
ng eskuwalado niyang buhay

kung anong nagtulak sa kanya
para ilagak sa amin ang tiwalang
ikuwento ang labu-labong kuwento
ng kaniyang buhay na natatabingan
ng kaniyang bunging-bungisngis
ay di ko na uungkatin.

ang kuwento:

siya'y kabit, querida, panggulo;
umangkas sa libog ng lalaking
sabi nga niya'y guwapo-may-itsura-
may-kalakihan-ang-katawan-at-medyo
maputi pero lagas na ang gulang,
lalaking trabahador sa pabrika;
isang muslim, islamikong paniniwala
isa dalawa tatlo etseterang asawa;
hindi na niya isinalaysay ang kuwento
ng kanilang pagkakakilala
pagkat namumutiktik na sa Putangina
at Pakyu at Imisu at Tangina ang palitan
nila ng text na ako ang encoder at sender
dili nga't ag matandang babae na
nagsisiwalat ng buhay ay matandang babaing
di marunong mag-text na nagtatrabaho
bilang helper sa isang kantina sa gawing BBB
at nasampolan din ng bangis ng habagat
noong nakaraang linggo kaya't heto
nakikisuyo;
gusto pala niyang hulihin ang lalaki,
na may asawa na'y may kabit pa at may kabit
pa--napanood mo na ba iyong Inception?--
gusto niyang itiyak ang kaniyang karapatan
bilang kabit at gusto niyang makatanggap
ng sapat na pera mula sa lalaking mahilig
dahil kailangan niya ng pandagdag sa limos
niyang kinikita; bagamat ang lalaki'y mabangis
at ika nga niya'y baka mamugot daw ng ulo
o baka bigla na lang siyang pagsasasaksakin
dahil nga't muslim daw ito at sabi kasi ng kapitbahay
niya, ganoon daw ang mga muslim;
at nang magreply ang lalaki: umuwi kn at miss n kta.
d2 na aq bhay at pr makaisa p taung round. lab yu.
pina-reply niya sa akin ang: gago kb? bkit anjan kn
alm m namn ang kitaan natin. ayos a?
at nagka-Putanginahan na at ninerbiyos na si
ale nang bantaang pupunitin ang mga damit niya
at iiwan ang bahay na nakabukas at baka wala na
siyang mabalikan at so on and so forth;
agad na siyang nagpulbo at nagpasalamat
at pinabaunan namin siya ng paalaalang mag-ingat;
at oo, may anak pala siya sa nueva ecija
wala siyang kontak dahil binura ng kinakasamang
lalaking mahilig sa dyombagan at kaplogan
ang numero nito sa kaniyang selpon

iniwan niya kaming nakanganga
sa magulong kuwento;
at ako
na nagtatanong sa aking sarili,
hinahanap ang aninong ninakaw ng dumidilim
na paligid,
hinahanap ko hanggang pag-uwi
ang kaniyang bungisngis
sa alikabok na binulahaw
ng rumatsadang dyip.

Le Jardin

ipagdidiinan ko, hindi kayo
hindi kayo ang dapat makulong at
palawayan ng dagitab sa katawang
pinasisigla ng kabataang gulang

hindi kayo ang masasama;
ang dapat kalusin sa lipunang ito'y
matagal nang nagtatago sa likod
ng sutlaing barong at kuwartong

magiginaw sa bantay-saradong
subdibisyong ang mga pader ay
inuslian ng mga bubog ng mamahaling
boteng luntian-kalawangin-kristalyado

ihampas natin sa kanilang mga ulo
ang dapat nilang maunawa
na hindi kayo, hindi kayo at hindi kayo
ang masasamang dapat kalusin

at ikulong at pintahan ng kung anu-
anong kaso: direktang asunto at pagsuway,
paglaban sa otoridad, pagsira sa gamit
ng gobyerno at di pagtalima sa pag-aresto--

mga hulog ng mapagpalang panginoon
sa kaitaastasang luklukan ng mga dakilang
pinagpala ng kapital at pamumuhunan
kapitapitagang mamamaslang ng karapatan;

ipagdidiinan ko, sampu ng aking mga daliri
at tula at milyon pintig ng aking dibdib,
wala silang karapatang ipataw sa inyo
ang hindi karapat-dapat para sa inyo:

Joselito Lagon, Jr., Wyrlo Enero, Johny Boy
Urlina, John Michael Lim... kabataang
kawit-bisig laban sa karahasan ng estadong
mapaniil, ipagdiinan nating ang masasama'y

wala sa hanay ng nag-aalay ng tinapay
sa salat na hapag, ang masasama'y malamig
ang talampakang inaantok, masasamang
dapat kalusin sa lalo't madaling panahon



*PALAYAIN ANG LE JARDIN 4!
ISAKDAL ANG VILLA ABRILLES!

Charles Bukowski On Love


Rogelio Sicat On Love


Alex Remollino On Writing


Happiness Is A Warm Gun





















Tulad ng sabi ko sa tropa, madalas kung inuman: "Pare, kindness is my religion." Naniniwala akong mabait akong tao, pero di santo, malayo pa ako roon at ayaw kong maging rebulto paglaon. Okay na ako sa katotohanang wala naman akong sinasaktang tao, na sadya ko. O kung mayroon man, hindi ko intensyon. May masasaktan at masaktan tayo, gaano man tayo mag-ingat. So kung ganun, matuto tayong mag-sorry. Matuto tayong makiramdam. Ayaw kong manakit. Kasi nga, masakit 'yun. At sino ba naman ang may gusto ng nasasaktan?

Minsan--madalas nga, sa totoo lang--mas gusto kong ako yung nasasaktan. Sakit na kaya kong dalhin. Huwag lang yung mga taong nakapaligid sa akin. Yung mga taong mahal ko at mahal ako. Doon lang, masaya na ako.

Pramis, mababaw lang kaligayahan ko. At isa ka roon, mambabasa. :)

Sabado, Agosto 18, 2012

Ikit

kalakasan ng kalamnan
natutuhan kong ungkatin
ang tunggalian
sa paligid...

ninanakaw ng nasa tuktok
ang lakas ng kalakhan
at kailangan ipataw ang paraan
sa pag-angkin
sa nararapat

kahinaan ng kalamnan
nalaman kong unawain
ang t umbasan
sa paligid...

kinukupit ng namamahala
ang katiwasayan
at kailangan igitaw ang paruruonan
sa pagtatamasa
ng nararapat.

Matapat

ilaan mo ang tiwala sa aking balikat
at maasahan mong matapat

kong isusukli ang nararapat

sa iyo bumubukal ang simbuyo ng damdamin
at sa iyo naninikluhod ang bukas

libong dangkal mang sinusukat
ang ating pagitan

sa iyo pa rin naglalagak
ang lahat kong kagustuhan.

Sa Kaibigang Nasa Timog, Silangan At Hilaga Ng Kahungkagan

at nang gumiling sa ating sintido
ang talab ng pulang kabayo
iniwasan nating ungkatin ang politika

ngunit nanunuot sa ugat ang pinagmulan
politika ang nagluwal sa ating hininga

nang iusal mong kasalanan ng maralita
ang kalagayang sa kanila'y nagsadlak
hindi na ako umimik

oo, itinutulak ng mga pagbabago
at ng mga segundo, oras at pag-ibig
ang lahat nang iniigkas ng ating kamao
paurong mong nilango
ang sarili

inililikas ng pagkakatanto
ang sarili
inilulublob sa isinaing na kalagayan
ng sariling pang-unawa at sipat

kailangan nating bumatay sa tatsulok
ng tunggalian
batid mong umiiral ang bawat organo
sa tibok ng ulo
bago damdamin

diyalektika

ngunit nilamon mo
ang sariling
karimlan

at kinain ka ng kawalan

wala nang makapagliligtas
sa iyong panambitan

babagsak tayo sa ating
mga sarili
ngunit bumagsak ka sa kahungkagan

at lilinlangin ang pitlag ng loob

huwag na tayong magtalo

tumaob na ang bangkang dati mong kaulayaw

manalig ka na lamng sa iyong balintataw

sa diyus-diyosang mong kariktan

huwag mo lamang sumbatan
ang idinikdik ng kawalang-

pagpipilian

ang umiiral na reyalidad
ng tunggalian.


*kay J.D.P.

Ang Mga Tula

     ...Ang tula
     Ay ikaw
     At akong
     Lumaya na sa berso,

     Nagpakatao.

     Ang Tula, Pia Montalban


ang mga tula ay libong hibla ng buhok
itim at puti at dilaw at pula
na nalagas mulang anit at sumakay
sa mabigat na balikat nang mahampas
ng batuta ng maangas na pulis
ang mga tula ay noong ginuhitan
ng mga gatlang sumasalo ng pawis
bago maglandas sa talukap ng mata
at tungko ng ilong
habang nakatitig ang katanghaliang-araw
ang mga tula ay pisnging walang rosas
ang mga tula ay labing matatabil
at dilang matalas
ang mga tula ay taingang
sumasagap ng balita sa ilalim ng lupa
o sa kalamnan ng langit
ang mga tula ay brasong handang bumangga
sa truncheon
ang mga tula ay bisig na walang pangingilag
na kumakawit sa iba pang bisig
ang mga tula ay sikong handang masugatan
ang mga tula ay kamay na handang kumuyom
at magtuldok ng kamao sa nilalagnat na langit
ang mga tula ay daliring nangangating
humawak ng bandilang iwawagayway
ang mga tula ay dibdib na may pusong matibay
at hiningang matatag
ang mga tula ay tadyang na handang mabalian
ang mga tula ay sikmurang handang magutom
kung kinakailangan
ang mga tula ay baywang na gumigiling
sa awiting mapagpalaya
ang mga tula piraso ng lamang magbibinhi,
magpapabunga ng laksa pang mga tula
ang mga tula ay hitang handang malatayan
ng pasistang katunggali at handang bumawi
ang mga tula ay tuhod na handang magasgasan
ang mga tula ay binting hindi mapapagod sa lakbayan
ang mga tula ay alak-alakang sanay mapawisan
ang mga tula ay sakong na walang gumamela
ang mga tula ay daliri sa paang walang paki sa paltos
ang mga tula ay talampakang nangangating
maglagalag at handang bagtasin ang tagumpay
ang mga tula ay laman, at buto at isipang
inihulma sa tunggalian.

Sa Tondo, Bawal Ang Tahimik At Kapag Tahimik Ay Bawal Ang Maingay

minsan, namamanhid na lamang din ang kakayahan mong tumugon.
halimbawa, ngayong gabi.
ngayong gabi, maingay ang paligid.
at wala ka namang magagawa kundi namnamin ang ingay.

may programang nagaganap sa covered court, tatlong bubong
at isang kanto ang layo mula sa amin. full blast ang gigantic speaker.
teach me how to doggie tournament daw, sabi ng kapatid ko.
ilang libong ulit-paulit-ulit ng malanding ungol ng yeah! yeah! yeah!
teach
me how to doggie.

nagbaril ako sa ulo ng sarili kong musika: digital love ng daft punk.
pero walang talab.

sumuko ako. at alam ko, susuko naman talaga ako.

nang itaas ko nang kamay ko, nang iwawagayway ko na ang puting
bandilang tanda ng pagsuko, gumuhit sa sala-salabat na ingay
ang PUTANGINA! PUTANGINA MO! UMUWI KA!

binubugbog ng lalaki ang babae, sa tapat lang ng bahay namin.
sampal, sipa, batok. PUTANGINA MO! PUTANGINA! UMUWI KA!
hibik at hikbi, luha at muta. di ko na inalam ang dahilan ng eksena.

humina ang full blast speaker, namatay na ang asong-kantahin.

at gusto kong gumawa ng tula, pero di ko magawa.
mamaya, sasaklubin ng lamig at katahimikan ang paligid, mas hindi
ako makakatulog at susuko ako.

at walang tula

why don't you play the game? paulit-ulit ang daft punk sa aking utak.

Ang Henyo Sa Umpukan

may sapat na pagtataksil, galit karahasan kabalintunaan sa karaniwang
tao na makapagtutustos sa anumang takdang hukbo sa anumang takdang araw

at ang pinakamahusay sa pagpatay ay yaong nangangaral laban dito
at ang pinakamahusay sa galit ay yaong nangangaral ng pagmamahal
at ang pinakamahusay sa digmaan sa huli’y yaong nangangaral ng kapayapaan

yaong mga nangangaral ng diyos, kailangan ng diyos
yaong mga nangangaral ng kapayapaan ay walang kapayapaan
yaong mga nangangaral ng kapayapaan ay walang pagmamahal

mag-ingat sa mga mangangaral
mag-ingat sa mga umaalam
mag-ingat sa mga lagi nang nagbabasa ng aklat
mag-ingat sa sinumang nasusuklam sa kahirapan
o sinumang ipinagmamalaki ito
mag-ingat sa mabibilis magpapuri
pagkat humihingi rin sila ng kapalit na papuri
mag-ingat sa mabibilis magbawal
takot sila sa mga di nila nalalaman
mag-ingat sa lagi nang naghahanap ng kasama
wala silang silbi kung mag-isa
mag-ingat sa karaniwang lalaki sa karaniwang babae
mag-ingat sa kanilang pagmamahal, ang pagmamahal nila’y karaniwan
naghahanap ng karaniwan

ngunit may kadalubhasaan sa kanilang galit
may sapat na kadalubhasaan sa kanilang galit para patayin ka
upang patayin ang kahit sino
ang ayaw ng kapanglawan
ay di makauunawa ng kapanglawan
susubukan nilang sirain ang anumang
di sasang-ayon sa kanila
ang hindi makalikha ng sining
ay di makauunawa ng sining
kikilalanin nilang manlilikha ang kanilang kabiguan
bilang kabiguan ng daigdig
hindi makapagmahal nang lubos
maniniwala silang ang pagmamahal mo’y kulang
at magagalit sila sa iyo
at ang kanilang galit ay magiging pagkamuhi

tulad ng makinang na diyamante
tulad ng kutsilyo
tulad ng bundok
tulad ng tigre
tulad ng lason

ang dakila nilang sining


* halaw sa The Genius of the Crowd ni Charles Bukowski

Blas Dows Hawses

     MANILA, Philippines - The government will forcibly relocate some 195,000 families - "blast" their homes if needed - from waterways in Metro Manila and around Laguna de Bay, for their own protection as well as to help mitigate against floods in and around the metropolis.
     "They have to be removed," Public Works Secretary Rogelio Singson said on Monday after presenting a P352-billion flood control and mitigation masterplan to President Benigno Aquino III.
     Later, he said: "I just received instructions from the President that if push comes to shove, we will have to blast these houses."
     Singson said there are some 125,000 families currently living along Metro Manila waterways, and at least 70,000 more living in flood-prone areas around Laguna de Bay.
     "Obviously, (relocation) needs very strong political will," Singson said. "Local government units should not allow families from taking residence in (or along) waterways within their jurisdiction."

PNoy to DPWH: Relocate 195,000 families from waterways - 'blast' their homes if necessary
Interaksyon.com


madaling ituro, na kasalanan ng maralita
kung bakit umaalingasaw ang lungsod
at masakit sa mata ang diyan at dito nilang
mga sampaying tila mga banderitas
kahit walang pista at holiday.

kapag dumarating ang sakuna, madaling
isisi na matigas ang kanilang ulo at wala
silang modo at bastos at walang galang
sa pamahalaang gusto lamang ay tulungan
silang ilagak sa one-of-a-kind na pabahay.

kaya't nang magtae ang langit--malakas at
mahinang ulan, taas-babang baha-- naghugas
lamang ng kamay ang gobyerno (political will)
hindi nila sisisihin ang kanilang uri, malinis
ang kanilang dakilang budhi.

kahit pinayagan nilang kamkamin ng mga
kapitalista ang malalawak na lupa sa kanayunan
kaya't sa kalunsuran bumabagsak ang mga paa;
kahit pinahintulutan nilang ipakalbo sa mga ito
ang kagubatan at kabundukan;

kahit bukas-palad nilang ibinigay ang mga kuweba
at ilog sa mga kumpanya ng pagmimina; kahit
pabaya nilang pinahintulutang magtindig
ng mga gusali, nang basta-basta, kahit walang
matinong plano, ang DMCI at SMDC;

kahit huli sa kanilang listahan ang disater prepared-
ness; kahit paulit-ulit ang sakuna at paulit-ulit
din ang relief operation at rescue operation;
kahit na ganito, kahit na ganyan, hinding-hindi
nila sisisihin ang kanilang sarili

at malakas pa ang loob nilang kumaway sa ibabaw
ng trak at mamigay ng mumong bigas at isang takal
ng limos sa mga maralitang bastos at walang modo
at pasaway kaya't naghihirap ang bayan, kaya't
kailangang pasabugin ang kanilang bahay

silang maralitang inagawan ng pagpipilian, silang
lagi nang may kasalanan.

Huwag Mong Ipamamaraling Makata Ka

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang hinahabi mong mga salita’y panay Putangina!
Kung ang konsepto mo ng pagtutulad ay panlalait
At ang ideya ng metapora’y walang saysay na galit.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang nabuong mga linya’y yabang lang na talinghaga
Kung naniniwala kang tula na ang tugma’t sukat
At kapag nabasa namin ay—Aba! Syet!—golpe-de-gulat.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung ang layon mo ay kasikatan at kumita ng pera
Kung makilala lang at makapagpablis ng aklat
Na mamahalin ang papel at may poetic na pabalat.

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka
Kung nakilala mo lang si Balagtas sa Florante’t Laura
Kung di pa nababasa si Amado V. Hernandez
At kay Andrew E. ka lang naaakit, Ayayay! Putrages!

Huwag na huwag mong ipamamaraling makata ka.
Kung hanggang papel lang ang de-kalibre mong mga salita
Kung tingin mo sa makata’y endorser ng brief’t panty
At ang tula ang siyang key; Lintik! mas bagay ka sa PBB.

Tungkulin

Nakatatawa. Sinabi mo: Pag-ibig ay pag-ibig.
Wala akong tutol, ano pang masasabi ko?
Umiibig din ako katulad ng alikabok na ayaw
Lumisan sa bentilador. Katulad mong umiibig
Sa Pag-ibig. Katulad ng apoy sa tubig,
Ng mata sa mundo.

Ngunit ano ang pag-ibig? Itinanong ko sa iyo.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.
Ano ang pag ibig? Itinanong kong muli.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.

Nakatatawa. Wala akong maitutol.
Gusto mong tanggapin ko; paumanhin.
Hindi ako tumutol; hindi rin ako umayon.
Mailap ang kahulugan
Ng Pag-ibig mong pag-ibig.

Pag ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig,
Dahil sumasapi ako sa hangin, nagiging isang ibon.
Lumilipad, nababalian ng pakpak. Umaawit, tinitirador.
Namatay samantalang hinaplos ang langit.

Pag-ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig.
Nawawalan ng kahulugan ang ngiti. Pag ibig ng pag-ibig
Ang pag-ibig. May kumukumpol na ulap sa lalamunan,
May ulan sa pilik-ng-mata.

Pag-ibig? Pakisampal ako, pag ibig.

Marahil, pinalalalim ko lamang ang mababaw, ang Pag-ibig.
O mali ako, baka mali ako. Siguro, mababaw ma’y malalim.
Tinig ng tining. Labusaw sa lusak.
Puso sa bungo. Pag-ibig ay pag-ibig, Aywan.
Kailangan kong tumutol. Tungkulin kong umibig, tumutol.

Dapithapon

Tahimik ang anino mo.
Sa malayo, ikinukumot ng kahel na araw
Ang takipsilim.
Takipsilim ang anino mong nakarugtong
Sa iyong
Talampakan:
Mahaba, tatlong ulit ng iyong taas—singtaas
Ng isang palapag na kawalan,
Nakahiga sa malamig na semento
Sa eskinitang nakagawian mong lambungan
Ng kalungkutan.

Tatlong ulit ng iyong taas—
At di mo pa rin maabot ang iyong hinihiling.

Ang anino mo;
Natutulog na ang araw nang sumanib sa iyo.


kay Yaye

Biyernes, Agosto 17, 2012

Ang Lalaking Janitor Na Nanguha Ng Package Galing Japan Sa Tanggapan Ng Philpost

ay ang lalaking hindi na natagpuan matapos ang mahabang orkestra ng ulan.
siya ang lalaking nasagasaan ng 10 wheeler truck habang tumatawid sa kahabaan
ng road 10 at tumalsik-lumapag-lagapak sa gilid ng bangketang katabi ng Escano Liner.
siya rin ang lalaking nag-uunahan ang mga paa at tangan-tangan ang sako ng paninda
habang tinatakasan ang panghuhuli ng mga basalyos ng MMDA empire. siya ang lalaking
nangangalkal ng basura sa gilid ng McDonalds, sa kanto ng Juan Luna at Recto,
sa ilalim ng KP Tower, at hinampas ng security guard sa batok dahil nakareserba na
ang basura sa iba. siya rin ang lalaking pawisan na naghuhukay-hanap ng mga bangkay
na tinabunan ng landslide sa Commonwealth, Quezon City. siya ang lalaking namatayan
ng siyam na kapamilyang nilamon ng lupa: asawa, mga anak at mga apo. siya ang lalaking
nagbebenta ng Goodmorning towel sa mga motorista sa kahabaan ng Aurora Blvd.
sa Cubao at siya rin ang lalaking nagtitinda ng nagyeyelong bottled mineral water sa tapat
ng Arellano University pagkababa ng tulay ng Nagtahan patugpa sa University Belt. siya rin
ang lalaking drayber ng R & E taxi na dilaw at green ang mode ng pintura na nagpapatong
ng bente sa pasahe ng mga isinasakay. siya ang lalaking nakanganga sa tapat ng nagla-live
show na babaing-makinis, sa isang tagong beerhouse sa pusod ng Avenida, Rizal. siya rin
ang lalaking nanghuli ng sawa sa Pateros. at siya rin ang lalaking naliligaw at hindi naibaliktad
ang damit. siya ang lalaking nalaslasan ng bulsa dahil sa kalasingan at walang pamasahe pauwi.
siya rin ang lalaking nakaluhod at nagdarasal sa pinakaunang hilera ng upuan sa simbahan
ng Quiapo. siya si Julio Madiaga, siya rin si Islaw Palitaw, si Popoy Dakuykoy, si Damian Rosa,
Tata Selo, si Simoun, si Basilio, si Elias. at siya rin ang lalaking hindi matagpuan ang sarili
dahil sa pataw ng lipunang nagputong sa kanyang ulo ng laksang-tonelada ng responsibilidad

Nang Sumilip Ang Araw

pansinin: nakasilip ang araw, nakangiti
nangungutya, nanunudyo
sa mga puyong nangagyuko

habang nililimas ang putik
sa mga pader at haligi,
hinahaplos ng mga martilyo

ang naulilang bubong.
malansa ang samyo ng hangin,
sumanib ang luha at dugo.

isang matigas na bangkay, nakangiwing
labi, balot ng putik ang katawan--
tumigil na ang ulan at

sumilay ang kawalang-katiyakan.

Miyerkules, Agosto 15, 2012

Lagi Na At Malungkot Sa Aming Bayan

          May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
          may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
          ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo
          samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
          sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
          at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punlo!

                         Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan,
                         Amado V. Hernandez

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Nakayuko ang mga talahib na waring mga musmos
Na nakaluhod sa altar ng milagro;
Sumasamo ng tining sa nagburak na pangarap,
Humihiling ng habag sa libaging hininga.
Kumakaway ang mga kawayan, di naghahantad
Ng tapang sa unos.
Bagkus, nakatundos itong nakamata sa langit—
Naghihintay ng kamatayang nakaabang, ilalatay sa katawan.
Mga uhay ng palay na nilipasan ng gintong-balat,
Nakahiga sa tigang na tadyang ng nilalagnat na parang.
Nakapamaywang ang mga gusali, nitsong malalamig,
Nakatitig-hamak
Sa butas na bubong ng mga dampa’t barungbarong
Sa nagtuklap na tarpolinang tabike;
Putikang sahig na nakahalik sa kawalan,
Mga haliging singtibay ng nauupos na pag-asa
At kisameng naglundo sa rupok—
Sinigid-lunod ng luhang rumaragasa
Sa estero’t ilog ng dustang buhay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
May mga palad na nagbitak,
Naghahanap ng sariling pilapil.
Sila na tumitingkal ng lupang nakakuyom
Sa pangil ng mga halimaw.
Mga halimaw itong sumasakmal sa mga naisin
At hangaring ang mga silahis sa umaga’y haplos
Ng pag-ibig na maglalatag ng banig
Sa namutlang takipsilim.
May mga tuhod na nakalublob sa putik;
Inaararo ang sariling luhang sumapi sa patubig.
Mga pawis na kinatas ng pagod
At di mailigtas ng sambalilo sa ngitngit ng araw.
Mga tansuing bisig na naghuhumiyaw ang kalamnan,
Sa lakas na sinipsip ng umimpis na katiyakan—
Sa isang bukas na tangan ng anak ang mga aklat
At patugpa sa landas ng karunungan,
Nag-iisang pamana ng tulad niyang nagbibilang ng gatla
Sa mga panahon;
Sa isang bukas na umaawit ang mga pipit sa pawid na bubong,
At ang maybahay na maghahatid ng pananghalian
Ay inukitan ng dalisay na ngiti.
Api siyang nagbibilang ng gatlang nakabalangkas
Sa siwang ng lupang humihiyaw ng kalinga
Na iginagawad niyang nagsaluya ang mga daliri sa paa.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Umaandar, yumuyugyog ang mga makina
Sa malalangis na pabrika.
Nagbubuga ng kabuteng-usok sa abuhing langit.
At ang pumipintig na ugat—nagbibigay-hininga
Sa mga makinang lumilikha ng tubo’t puhunan
Ay dayukdok na nangingitim ang mga damit,
Tulad ng pangarap na tinakasan ng kaganapan;
Grasang singdilim ng langit na walang bituin.
Nangasuksok ang mga dumi sa pudpod nang mga kuko,
Waring dulo ng kamay-orasang naliligaw sa bulong ng segundo.
Silang nililimusan ng barya-baryang kalansing, pang-agdong
Sa buhay na binabastos ng alingasaw at alimuom,
Ng alikabok at kalawang.
Hugong ng mga turnilyo’t bakal,
Palahaw ng mga martilyong ipinupukpok sa dibdib
Na hinulma nang maging manhid sa daing
Ng bunsong umoonse ang sipon, nanlilimahid
Sa dungis at malnutrisyon;
Ng asawang binugbog ng dalitang kalagayan
Sa bituka ng malupit na kalunsuran.
Brasong binulok ng kapagalan.
Binting isinangla sa walong-oras-higit na paggawa.
Naghihintay sa katapusang
Dumadaan nang walang pangungumusta
Sa sadlak na kapalaran.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Ang mga tabing-dagat ay kinukumutan ng pangamba.
May bula ang dila ng mga alon,
Nakangangang kalderong walang laman ang laot.
Sisid-ahon ang maaalat-nangaliskis na balat,
Inihihigpit ang mga bisig sa paghampas ng daluyong.
Sa mga panahong nawawala ang estrelyang gumagabay
Sa landas ng bangka—ninakaw ng mabangis na ulap—
Malamig ang haplos ng baliw na habagat.
Bitbit ang lamparang-de-gaas,
Mga santelmong apoy silang nilalamon ng dilim,
Ng guhit-tagpuan,
Ng halik ng tubig.
At kaparis ng tahimik na paglangoy ng mga galunggong,
Ng pagsayaw ng mga halamang dagat,
Ng paglalamat ng mga koral—sinasakmal sila ng kawalan.
Silang naglalapag ng pritong matang-baka,
Silang naglalapag ng sinigang na salmon at inihaw na tuna,
Silang naglalapag ng sarsiadong labahita,
Silang naglalapag ng ginataang sapsap,
Sa mga adornadong dulang
Ay nag-uulam ng de-latang sardinas;
Humihigop ng sabaw—isang dahop na bukas.

Lagi na at malungkot sa aming bayan
Basa ang mga aklat sa tag-ulan
At punit sa katag-arawan.
Sumisigaw ang napunit na bubong
At pumapalatak ang bitak ng mga pader.
Umaalog na mga haliging nakatindig
Sa duwag na lupang walang katiyakan ang pundasyon.
Nagbabalseng mga upuang isa sa tatlo,
Silid-aralang mainit,
Silid-aralang pinasikip ng naglalampungang balikat.
Maramot ang aral at karunungan sa butas na bulsa,
Bukas-tarangkahan sa mga paang nakadadampi sa alpombra.
Sa pag-usad ng mga panahong dapat ihimpil sa silid-aralan,
Mabibilang sa mga daliring nagkalyo,
Sa mga nalagas-sunog na kilay
Ang makatatangan ng isang pirasong papel
Na magtatakda ng uri sa lipunang marahas:
Ang magiging nars ay magiging kerteyker na magpupunas
Ng mapuputing puwit ng mga ulyaning matatanda sa Europa.
Ang magiging doktor ay magiging nars na mag-aabot ng hiringggilya
Sa banyagang superyor na bughaw ang balintataw.
Ang magiging inhenyero’y magsusukat ng lupa at maghahalo ng semento
Sa umaasong buhangin ng Gitnang Silangan.
Ang magiging arkitekto’y guguhit-balangkas ng mansiyon
Ng mga diyus-diyosang pinagpala ng pagsasamantala.
Ang mga guro’y puputulan ng ulo o dili kaya’y magtuturo
Sa mga banyagang pilipit ang dila sa ingles.
Silang magiging alipin ng visa at dolyar, ng disyerto at niyebe
Sa kabilang pampang ng kabihasnan.
Mapipilitang sumakay sa eroplanong-papel nilang pangarap:
Magsubo ng buhay sa naghihingalong pamilya.
At ang mga sinawing-palad
Na di makatatawid sa ilog ng pagkatuto’y ibabartolina
Sa maruming kuko ng kapagalan, dito man o sa mga lupaing nagpapalastas
Ng pulu’t pukyutang pag-unlad—karpintero, latero,
Paspudkru, kargador at iba pang ibibilang sa hanay
Ng mga utus-utusang pagdadamutan ng kanin at tinapay.

Lagi na at malungkot sa aming bayan.
Sinisiil ng tagtuyot ang mga sikmurang naghumpak
At babad sa ulan ang mga matang tinutudla
Ng hapis at dusa.
Ipinapako sa krus ng kahirapan, pinagdadamutan
Ng dangal at ligaya.
Kaya’t humihiyaw ang mga hibik,
Naninindak ang mga tangis.
Sa mga kalyehon at eskinita.
Sa mga estero at tulay.
Sa mga parang at talampas.
Sa mga pampang at laot.
Waring isang awiting sumusuot
Sa himaymay ng utak,
Nagbabanyuhay bilang isang babala.
Mag-aanyong kamao ang mga luha
Talampakan ang mga dusa,
Bibig ang mga pangamba.
Itutuldok sa hangin,
Imamartsa sa abenida’t kaparangan.
Isisigaw ang dapat nang mabatid,
Itatakda ang kaligtasan at katubusan
Dahil lagi na at malungkot itong aming bayan.

Miyerkules, Agosto 8, 2012

Evacuation Center

ang sangmangkok ng lugaw
ay mananatiling lugaw
ang mainit-init na sopas
ay mananatiling sopas
ang sangdakmang bahaw
ay mananatiling bahaw
ang maputlang kape
ay mananatiling kape

ang nangangatog na bata'y mabubuhay sa lugaw
isang araw, ngunit hindi sa kinabukasan
dahil ang higit niyang kailanga'y matibay na bubong
at yakap ng kumot sa gabing kumakalampag ang ulan

ang mainit na sopas ay may talab sa dilang maikli
ng matandang pinapayat ng ubo, bagamat
pansamantala lamang dahil lumilipas ang sopas
at higit na may talab ang angkas ng gamot sa sikmura

ang daliri ng mamang kinapitan ng mga mumong malungkot
ng bahaw na nakasimangot, ay daliring pumapalahaw
ng sumamo, ng kaunting kabuhayang magsusugpong
ng buhay sa pamilyang itinirik sa bunganga ng creek

ang kulot na aso ng maputlang kape'y papanaw
tulad ng usok ng sigarilyong pinatay ng patak-ulan,
at maglalahong parang usok silang naggawad ng kalinga
sa yugtong paslangin ng media ang apoy ng dumaang trahedya

dahil ang sangmangkok ng lugaw
ay kaluluwang ligaw
ang mainit-init na sopas
ay bubong na may butas
ang sangdakmang bahaw
ay katinuang bumitaw
at ang maputlang kape
ay labing walang ngiti.

Dagat-dagatan

lumipat ang dagat
at sinakop
ang lupa;
nawalan ng puwang
ang sibilisasyon.

nagmistulang dikya
ang mga basura,
tumakas ang silbi ng bota,
tumigil sa pamumulaklak
ang araw,
nagalak ang unos
at ulap

naging lapu-lapu ang kalalakihan
at namumulang maya-maya
ang kababaihan;
ang mga bata'y dilis
na sumayaw-talilis
sa pusod
ng tatlo-lima-apat
na talampakang dagat
na lumipat
sa lungsod.
nalugod-lumuhod
ang mga banal-banalang
dagom-dagom.
nag-anyong koral
ang mga tulay,
at nagbulay-bulay
ang mga pawikan: matatanda.

nag-anyong mangingisda
ang mga nakabarong:
sa tsokolateng laot
nagsapot
ng lambat
sa nagpipitlagang

mga laman-dagat,

Nang Lumamig Ang Hangin

nang lumamig ang hangin
at sumayaw ang mga butil
ng ulan sa papawirin

nagmistulang hardin
ang abalang kalunsuran:
nagsisibol ang mga payong,

namulaklak.

Bugso

mga munti silang luhang laksang nagpahiwatig
ng pangamba sa mga bubungan--kumakatok.
pabugso-bugsong hiningang pumupunit ng yero
at nagpapayuko-lumalagas sa labay ng mga puno.

sa panahong ayaw na nating lumuha ng dugo
at lumikha ng mga larawang naghahantad ng lungkot--
mga kasawiang namamalagi sa ugat ng bayan,
patuloy ang daluyong ng kalikasang ating dinalirot

at umasta tayong hari at mga reyna, mga diyos
na walang kamatayang mag-uutos, mag-aatas,
magpapataw ng takda sa mga luntiang pupunitin
ng ating pagkabagot, at paghahanap ng ligayang

hindi ubos-masapatan: eternal na katotohanang
maghahatid sa atin sa malalamig na nitsong lumulutang
sa ibabaw ng laksang luhang nag-anyong ulan-- na
nagdeklara ng rebolusyon sa ating layaw at kapabayaan.

Sagrada Familia

Mister

Weekends lagi'y sa beerhouse,
si misis wala ni blouse.
Tiyan na mala-Santa Klaws.
Bigote ay Marcel Proust.

Misis

Bahay-bata'y nilaspag,
asawa'y walang habag;
libangang de-balibag
sa masurot na papag.

Binatilyo

Sa barkada palagi--
alak, sugal at yosi.
Nang lumaon--drugs't ragbi,
nakaabang na'ng Munti.

Dalagita

Mini skirts, ispageti,
gabi na kung umuwi.
Nabuntis nang madali,
anak n'ya'y walang daddy.

Bunso

Umoonse ang sipon,
sa lansangan maghapon.
Ang tsismisan sa nayon,
siya'y 'bebenta sa Hapon.

Sa Iyong Kaarawan 080612

sa natatangi mong araw
aalayan kita ng isang rosas

huwag kang matakot, may dunong
ang iniwan mong mga taon
hindi ka matitinik sa aking handog

at huwag mong pipigilin
ang iyong pagkamangha
pagkat tumatanda nga tayo
ngunit nananatiling bata
ang ating mga puso

sa natatangi mong araw
aalayan kita ng isang rosas

mamulaklak sana tulad nito
ang mga ngiti
sa iyong labi

rosas itong puso kong sa iyo'y
tumatangi.


Telepono

nang minsang mong ilambitin, nang ukilkilin
sa aking labi, kung ano pa ang mga gusto
kong sabihin bago natin parehong ibaba
ang telepono at gawin ang mga dapat
na gawin: ipinaubaya ko sa hangin ang sagot

at narinig ko ang sayaw ng hangin sa iyong bibig
nagmamadaling sinakop ang pangambang nakatago
sa aking dibdib--

umukit ng katahimikan

sa malawak nating pagitan.

Melonkoli En Da Inpinit Sadness Ni Glori

melonkolyang pagsisisi;
kumain ng melon, kung bakit pa kasi.
'yan tuloy, naunsyami
party-party with family.

melondramang higanti;
nanggalaiting melon, siya nang bumawi.
'yan ang justice-poetry
deux ex machina, yipee!

R.A. Syndrome O Sa Makatang Dating Crimson Red Na Naging Yellow Submarine Ngayon

dating simbigat ng dakilang kabundukan,
ng Sierra Madre, ang mga salitang
umaalpas mula sa dila at isip
patungtong sa tadyang
ng papel,
ang makatang umindayog kasama
ng mga punglong nagdadaplisan
at mga matang nanlilisik
na lumulusaw sa tapang at tindig

ay nag-alsabalutan
at inabutan
ng paghinog ng metapisikang-tulang-
out-of-the-blue-na-nangangaral-na-walang-
tulang-makapagliligtas-ng-daigdig-kaya-nga't-
wala-dapat-politika-bagkus-ay-pure-philosophy-
mingling-with-Kepler22b-and-vastness-of-the-
universe
--na lumulon sa kanyang dating tikas,
as well as
ng dignidad at prinsipyo

kasalukuyan siyang naninilaw
at kumakain ng sariling muta,
very cool na mga salita.

Lutang

sinusubok mong manahimik
kung tahimik ang paligid
kasi nga'y tahimik at ang tahimik
na paligid ay matiwasay

tulad ng dagat na payapang nananalamin
sa langit--at isang sisneng malanding
nakayuko sa ibabaw tubig

pakasuriin mo, may digmaan
sa iyong harapan
ang guhit-tagpuan, ang abot-tanaw--
titigan mo ang nakahantad na kariktan

kinakain ng malalaking isda ang maliliit
sinisikap ng mga koral na buuin muli ang sarili
may pawikang nangangamba sa isisilang
at ang sisneng nagpangiti sa iyong labi'y

naghahamok ang mga paa upang lumutang


Ang Mga Bata'y Nagmimistulang Manyikang Pinuputlan Ng Ulo

sa mga yugtong ang laranga'y mistulang
gabing walang aninong maisaboy ang buwan
o umagang dahop sa dila ng araw
at nangangamoy pulbura ang paligid—nanunuot
sa tadyang ng mga talahib—at nakatikom
ang mga kuliglig

tinatangka ng mga batang maglaro
tinatangka nilang kupitin ang kamusmusang ipinagkakait
ng kalam na tiyan at maiiksing kumot
ng mga botang yumayanig sa mga pilapil
ng mga malilisik na matang gumugulantang
sa katahimikan

tinititigan nila ang langit, humahanap
ng mga bituing makapagsasabi ng kanilang
kapalaran; nagkukuwentuhan ukol sa mga tikbalang
kapre o duwendeng itinatago
ng mga bungang-kahoy at punso;
tinutugis nila ang mga palakang iniligaw ng maragasang ilog;
sinisipat ang mga tutubing tatanggalan ng pakpak;

ihihiga sa mahamog na lupa
mga munti nilang katawang nangangatas
sa pawis; isang masiglang habulan,
tumatakas ang pag-asa sa pumpon ng mga inosenteng
hagak—marahan
ang pagkalusaw
ng kanilang kamusmusan

sa mga yugtong naninigid maging sa panaginip
ang mga bota at pulbura, at makitid ang tulay
patawid sa mundo ng pagtanda,
mga mumunti
silang mananalukbong ng pangamba—mga manyika,

mga manyikang silang mapuputlan ng ulo,
ng mga kamay, mga paa
at pagkabata.

Pinipigil Natin Ang Nagbabagang Alipato

Pinipigil natin ang nagbabagang alipato
Sa loob ng ating mga puson
Habang nakalusong tayo sa katahimikan
Ng katanghaliang tumatawid pa-dapithapon,
Inuusig natin ang bulong ng mundo
Pagkat hindi marapat magliyab ang mga alipato

Kaya nga’t ipagkakait ko muna ang aking halik

Batid mo bang nagmamanman ang mga diyos?
Batid nilang may titis ng apoy na maaring
Magpingkian, sa silid na itong kanilang itinindig

Kaya nga’t ipagkakait ko muna ang aking pag-ibig

At ipagkait mo rin, panandali, ang iyo
May tagpo ang mga alipato, ngunit hindi rito—

Itong silid na walang pinto.

Antipas

Sapagkat pakay nati’y kaligayahan,
Kaya’t hinahanapan natin ng halakhak
Ang mga bagay.

Kung may namumukadkad na rosas
Sa likod ng luha, maari nating ikubli
Ang mga bubog

Na nakabaon sa dibdib. Kung may samyo
Ng tagsibol ang hagupit ng mga tagtuyot,
Natututo tayong manalangin.

Sapagkat pakay nati’y kaligayahan
Kaya’t hinahanapan natin ng mga ngiti
Kahit ang kalungkutan.

Kabalyero

Laging namumutawi sa kaniyang mga salita
Ang salitang—
Magandang bukas.

Nang dumating ang kabalyerong may tangan nito,
Walang anu-ano niyang iniwan
Ang kasalukuyan.

Ang kasalukuyan niya’y isang lalaking walang
Garantiya ng—
Magandang bukas.

Isang lalaking matapat lamang na naghahapag
Ng pag-ibig kahit kapos
Sa inaasam at gustuhin.

Isang payak na pagmamahal na ang adorno’y
Di pilak kundi pagsusumikap
At di magmaliw na pananalig.

Inako nila, siya at ng kabalyerong may tangan ng
Magandang bukas
Ang bukas—mga bahaw na ngiting walang kahulugan

Ang naukit sa kanilang mga labi.
At ang lalaking iniwa’y naging isang punong
Kabalyero—malabay at pipis

Hamog

malabo ang mga sasakyang lumilipad
sa lansangan
pinalalabo ng ulan at ng salaming ginugulungan
ng butil-ulan
kumakatas ang lamig, nanunuot sa mata

tumatakas ang mga nararapat

kung paanong hinihiwa ng mga gulong
ang isang talampakang baha,
nagmimistulang awit ng alon

at ninanakaw ako ng awitin

kasama ng iyong kamay na nakalingkis
sa aking katawan

gustong maligo sa ulan
kasama ka.

Tag


alam mo po,             gusto la'ng
                  naman po kasi     kitang              i-
              tag

gusto ko po kasing mabasa      mo
    ang bago kong gawa/likha/lalang/hinarayang

                tula       

gusto kong malaman mo po               ang laman ng isip ko at kung
paano kong gustong iparating          sa iyo/sa inyo/at sa kanila
ang gusto kong iparating                  wala po akong workshop

                      wala po ako sa creative writing program
                  gusto ko la'ng po talagang
                      tumula

mahilig po kasi akong tumula
                        at mahirap kasing maglathala ng aklat
kapag wala kang pera di ba? di ba? di ba po? kung hindi bahaw na kuwela  
o nanggigitata sa pag-ibig o tungkol sa white lady/tikbalang/tiyanak/duwende atbp.
o 1001 Ways to be This-and-that atbp.

             wala ka
            o kung wala kang spark o kung anumang tinatawag nilang dahilan

               hindi ka papansinin
ng Anvil/Visprint/Girraffe/Milflores/UP.ADMU.DLSU.UST Press atbp.

     pwede kang ilathala ng Psicom/PHR         pero     hindi ka babasahin
hindi ka seseryosohin ng mga      nabanggit   di ba po?
                                    ng akademya      

hay naku! ang akademya po,                naku po, ang akademya!

          pero        po

       di naman lingid sa iyo di ba? di ba? di ba po?

na naninilaw na ang mga filipiniana sa NBS 
                       maalikabok pa nga
    maliban sa salansan nina Bob Ong at Eros Atalia

            nakita mo po?               wala pa ring bumibili ng aklat
                              ni Ildefonso Santos (Sa Tabi ng Dagat at iba pang tula)

pati iyong Ibong Mandaragit ni Ka Amado po
              iyon ding Ginto ang Kayumangging Lupa ni Doming Mirasol
at isama mo na po iyong kay Rogelio Sikat,          Dugo sa Bukang Liwayway
           at ang maramingmaramingmaramingmaramingmaramingmaraming
marami pang filipiniana
                na kahit sale na,         wala pa ring gustong bumili?    bakit?

kaya nga ita-tag na la'ng                       po    kita
            at dito na la'ng                            po  ako                       sa Facebook
                                               (dito may pisoNet sa'min)
                                      tutula

pakibasa naman po,              o kahit hapyawan mo na       la'ng        (please?)

kunwari ila-
                            like mo like mo like mo like mo like mo like mo     po
                                         pampataas ng kompidens ko  
      (baka po may comments ka, meron po ba?)

basta, ang like po ha?

iyong madami ha?

                            share mo na rin                                   gusto ko kasing mabasa

idol kasi kita. :)

Bahala Na Si Batman O Hindi Na Misteryo Ang Pamamaril Ni James Holmes Sa Isang Sinehan Sa Colorado

hindi na bago/kataka-taka/misteryo
kung bakit nagawang kumitil/pumaslang/pumatay
nang/ng higit sa sampu ng isang James Holmes

balikan ang kasaysayan, maaaring mahukay
mo ang isang Baruch Goldstein na kumitil
ng dalawampu't siyam na Palestinong Muslim
gamit ang isang Galil Asault Rifle;
sa tulak ng paghihiganti
para sa isang kaibigang Rabbi na pinaslang
ng mga Arab extremist.

o ang isang Toi Mutsuo na pumatay ng tatlumpung
kanayon gamit ang isang shotgun at palakol--
nang may sulo sa ulo; ginutay na parang karne
ang sariling lola at mga kababaryo,
nagbaril sa sarili sa pag-asang mapapalis
ang tuberculosis
at pagtatakwil ng mga kakilala

maari mo ring mahukay ang isang Campo Elias Delgado,
isang guro at beterano ng Vietnam War
na pumaslang tatlumpung hininga;
lango sa lagim ng digmaan at kalungkutang
pinasidhi ng galit sa sariling ina,
walang patumanggang nagpalamon ng saksak
at bala sa bawat taong makita

o ang isang Ahmed Ibragimov na kumitil
ng tatlumpu't apat na Ruso; sa hindi malamang
kadahilanan, nakalista ang lahat niyang papatayin--
kakatok sa pinto at sasalubungin
ng rifle sa ulo; napatay siya ng taumbayan
matapos ang dalawang araw ng pagtatago

maari ring mahukay ang isang Martin Bryant
na pinanawan ng reyalidad; maaksyong barilan
at habulan, nakatala sa kasaysayan ang kaniyang apelyido
bilang pinakamatinding pamamaslang ng isang Australyano;
nanunog, nang-hostage, nakipagbuno
isanlibong taong pagkakakulong para sa tatlumpu't
limang kaluluwa ng mga inosenteng biktima

o ang isang Woo Bum-Kon na nagtala sa kasaysayan
ng Timog Korea ng "Deadliest Shooting Spree";
isang pulis sa probinsya ng Gyeongsangnam-do,
pag-aamok ang nasuring puno't dulo
nang maalimpungatan dahil ginising ng kasintahan
kasama na rin ang matinding depresyon at pagsasariling-mundo;
walong oras ng barilang umaatikabo, pumatay ng limampu at pito,
natapos sa granadang nagpasabog sa sariling bungo

mahuhukay, mahuhukay at mahuhukay mo rin
ang isang Anders Behring Brievik ng Norway, nagtala
nang pinakamatinding pamamaslang, pinakamaraming bilang
ng mga inosenteng biktima; sa pamamaril sa isla ng Utoya
at pambobomba sa lungsod ng Oslo; hindi nakitaan
ng saltik sa ulo, matagal na niyang naplano ang delubyo;
karamihan ay mga kabataan edad labingapat at labingsiyam
pitumpu't pito ang kinuha ng kaniyang malagim na punglo

at huwag na nating uriratin ang kabi-kabilang mga digmaan
sa buong planeta--mulang umpisang mag-isip ang tao
hanggang magka-utak ang mga makina--
sa pangalan man ng tubo o kita hanggang sa sariling paniniwala

marami nang naitala at nasabi, mga napaslang at nagdalamhati
marami nang naburyo, nainip, natakot at nanggalaiti
marahil nga'y nakadantay na sa ugat ng sibilisasyon
ang lagim at uhaw ng tao sa dugo

kaya't hindi na bago/kataka-taka
kung bakit nagawang kumitil/pumaslang/pumatay
nang/ng higit sa sampu ng isang James Holmes

dahil nagtatago ang mga halimaw, ang mga tigre at tikbalang
sa himaymay ng ating isip at bulalo ng buto,

hindi na ito misteryo.

Tula Ka Ng Aking Daigdig

hindi lamang tulang naisasatitik
ang tulang aking nalilik-
ha para sa iyo.
tula ang pag-aayos ko ng iyong
buhok na sinagasaan ng walang modong
hangin tula ang mga titig ko sa iyong
nagpapaunawa ng aking mga naisin
at hangarin
tula ang paglalakad natin
sa ilalim
ng marahang patak ng ulan
tula ang kamay
kong maririin
ang dantay
sa iyong balakang
tula ang palad kong nakaniig
sa iyong palad
tula ang mga paghihintay at mumunting
handog
tula ang namimintog
na ngiti sa aking labi
tula ang mga pagbabakasakali
na sarilinin natin ang daigdig
tula ang bawat kong pananalig
tula ang lahat kong pag-ibig

tula ka ng aking daigdig.

Hindi Mo Na Ako Tinutulaan

"Hindi mo na ako tinutulaan."

sinabi mo iyan nang walang pagkautal,
na tila katulad lamang ng Hi!, ng Hello!,
isang awtomatikong tugon, isang natural
na pag-iral. maaring ito'y isang sampal
o tapik sa balikat o siguro'y isang kalabit
sa kaluluwa kong inaakala mong nahihimbing
sa pag-alaala sa ating mga yugto o
pagdakila sa iyo bilang aking pinipintuho
huwag mo sanang ipagkamali na wala
nang tulang mailalang, na wala nang tulang
maisibol ang aking mga daliri. huwag na huwag,
aking tinatangi. pagkat kung mayroon mang tula,
sa aking mga kamay na aking iniaalay
sa malawak na bilang ng mga walang makain
silang walang kumot at masaing, silang
napagkakaitan ng pagkakataon at pag-ibig,
pakatandaan mo sanang kabilang ka
sa aking pinag-aalayan, pagkat ang tagumpay
na mayroon sa dulo ng mga pakikitalad
at kontradiksyon sa paligid
ay hindi lamang para sa kanila, o para sa masa,
ito'y para rin sa ating dalawa, oo,
isang maayang bukas para sa ating dalawa.

Panawagan

minsan pa, sabay-sabay tayong makinig
sa isang rosas na humihingi ng puwang
sa kuweba ng ating mga tainga--nais niyang
limiin natin ang pamumukadkad ng kaniyang
petalya.

minsan pa, tulutan natin ng ngiti ang pulubing
ninanakawan natin ng habag at awa
inaalayan ng duda at dismaya--nais niya'y
unawa o isang piraso ng paraiso sa malungkutin
niyang lata.

minsan pa, tulutan natin ng kalinga ang batang
nakakuyom sa kuwintas ng mga sampagita na
naluluoy sa usok at ingay ng lungsod--nais niya'y
isang balot ng pansit o kahit isang pinaglumaang
damit.

minsan pa, sabay-sabay tayong makinig
sa mga tinig na iginigitaw ng marahas na paligid,
bigyang puwang ang mga nililimot--nais nila'y
mga katawan na maglalaan-buhay sa kanilang
panawagan.

Sapilitang Pagkawala

ganito namin ipinagdiriwang ang iyong kaarawan:

nauupo kami nang walang kibo sa paligid ng mesa
at mag-uusap ang aming mga mata, walang mga salita
ang mamumukadkad sa aming mga labi, wala kahit
isang ngiti, kundi, mga garalgal na hikbi lamang at
tagong pangungulila. sa hapag, makulay ang sinangag,
nagsalit-salit ang ginisang bawang at sibuyas, humihimlay
sa hangin ang samyo ng itlog-maalat at patis, kamatis
at aso ng kapeng walang krema. isang bakanteng silya
ang nakalaan para iyo.

ganito namin ipinagdiriwang ang iyong kaarawan, oo,
almusal ang pinili naming yugto ng pagsasalo.
dahil gusto naming alalahanin ang mga kuwento
na ninakaw ka ng maiitim na anino, isang umagang
tila nitsong malamig ang simoy ng hangin.

Panganib

Ilang patak ng butil ulan
Sa landas ng pisnging nag-asin
Sa pagdaluyong ng luha
Pumupunit ang mga pahiwatig ng pamamaalam
Ilang milyang kutob ng pangamba’t paninimdim
Ang sakop ng bulkang dibdib
Lagablab ng damdaming kinukurot
Ng kung anong di mabatid na pangungulila
Sa di mabatid na dahilan ng hidwa

Mapanganib ang takda ng pag-ibig
Sugat na nagnanaknak
Gayong wala ni galos na gumuhit
Nag-aabang ang isang igkas ng kamao
O ng titig o ng takwil at pananahimik

Walang kibo ang daigdig sa yugtong
Yaon ng kawalan
Walang bisa ang tapik sa balikat
Tanging sariling bulong
Dalawang piraso
Ng lamang naglalagi
Sa baga at bungo

Ang kaligtasan
Sa panganib.

Payak

Patawad kung hindi ako ang tipong hanap mo
Walang luhong mabakas sa aking mga buto
Wala ring paghahangad nang higit sa sapat
Ang tulad ko’y payak lamang ang hinahanap.

Di kilalang etikata ang nasa polo ko’t pantalon
Magaspang ang kinang ng Marikina kong katad
Sa kadalasan, sa liwasan ko naipapadpad
Ang mga paa nating may magkaibang indak.

Patawad sa di maipaliwanag kong pagkagitla
Sa tuwinang maghaharap tayo sa pilaking hapag
Maniwala kang lahat ng aking saloobi’y magalak
Magkagayong di nasanay ang dila ko sa ginto.

Binibining laman ng puso ko’t mga panaginip
Batid kong nauunawa mo ang aking sentimiyento
Bagama’t alam kong higit ang iyong mga gustuhin
Huwag ka sanang mananawa sa payak kong mga hangarin.

Masoch

Alam na alam mo kung paano itarak
Ang punyal sa aking dibdib
Nang walang alinlangan
Parang isang nakagawiang ritwal
Tiyak ang lahat ng mga hakbangin
Mulang simula at wakas
Alam na alam mo kung paano lumikha
Ng apoy sa iyong palad
Na mala-bola mong ipapasa
Sa inosente kong mga kamay
Naglalagablab! Nagngangalit!
Ay! Laman ng aking mga salita
Ikaw na katiyakan ng aking kawalan
Kawalan kong walang katiyakan
Na nilalaro ng iyong panagimpan
Kung alam mo na ang dulo
Ng mga landas
Maari bang sabay tayong magtungo
Maligaw may sabay tayong maghanap
Ng mga landas
Pauwi sa ating mga sarili
Ulit –ulitin mong itarak ang punyal
Pagkat manhid akong sumasampalataya
Sa mapanganib mong kariktan

Matapos Ang Gabing Nagdududa Ang Bukas

Ngayon, makatutulog na ako
Nang may himbing
Kapiling ang tiwalang
Naririyan ka
Nag-aabang sa aking panaginip

Tawid

isandaan at dalawampung mga palakpakan
nagsasalitan
sa walanglibong mga salitang namumutawi
sa amarilyong labi
ng pinunong nagbubuladas
ng mga hungkag na numerong
ibinubudbod
sa malaking bulwagang
pinagsiksikan ng mga barong at sayang
hinabi sa pawis at dugo
ng nakangangang madla

sa labas ng bulwagan
nagkalat ang mga palamuning batalyon
mga batuta at truncheon
bughaw na unipormeng hindi tinugunan
ng kulay-abo
nakikibakang langit
hinihiwa ng higanteng tutubi
ang mga ulap
paligid-ligid
nagmamanman sa bulto
ng mga kamaong nagtutuldukan
sa hangin

kasabay ng mga palakpakan
ay mga palo at hampas
ng mga batutang pangahas
mga talipandas na haharangin
ang hanay ng mga mariringal
silang marubdob ang hangarin
makatawid
sa huwad na daan.

Sining Din Ang Pagbubunot

Ikaskas nang may tamang diin ang bunot
sa nakasimangot na sahig: pulang semento
man o tablang kahoy. Kailangan ng kadensa
ng nangagalikabok, tadtad-yapak na sahig;
parang mga daliring nakadiin-sulat sa papel,
kailangan mong panatilihin ang aliw-iw.

Kaliwa man o kanan, ang paang wala sa bunot
ay kailangang sapinan ng basahan
nang di mamakat-sugat sa sahig ang dibuho
ng talampakang namamawis; tulad ng tulang
malalim pa sa Mariana o mas abstrakto pa
sa kanbas ni Picasso, alisin sa tula ang kunot
sa noo ng mambabasa, sapagkat ang tula'y
marapat magpakintab ng sandaigdigan.

At sa huling hakbang, kung makintab na't
maari nang manalamin, huwag ipagkait
sa mga paa ang isang malinis na sahig.
Hayaang muli itong dampian ng nakangiting
talampakan; tulad ng tinapay, huwag ipagkakait
ang tula sa madla.

Hindi Nagtatayugang Gusali

tinatangka nilang dungisan ang iyong dangal, Rizal
silang mga hunyango sa katwiran at pagdakila sa iyo
mga sakim silang gustong agawin maging ang larawan
mo kapiling ang malawak na latag ng kalangitan
mga alipin ng tubo na dudungisan ang mga damo
at bulaklak, mga puno't halaman sa iyong liwasan

Rizal, alam mong kasaysayan kang dapat galangin
at bayani kang dapat patawan ng respeto at ringal

sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan
sapagkat hindi nagtatayugang mga gusali ang batayan

alam mo iyan, Rizal




Isang Panaginip

tambak ang mga imahe ng bahaghari sa panaginip ni Nena
kulapol ng mga kaharian mga reyna't hari't kabalyero't prinsesa
mga larawan ng alitaptap na kanyang nakakausap umaawit
na tipaklong at mga paru parong nagiging engkantada
nagkalat ang mga mirasol rosas at sampagita kumukudlit
na mga gintong nagsasalit salit sa mga mukha ng bato
mga ulap na umiihip-marahan ng hanging bumubulong
ng dasal araw na nakangiti sa likod ng luntiang bundok
mga punong naghuhuntahan-siklab ng tayog at bunga
ilog na makinang sa tama ng katanghaliang silahis
kayganda ng paligid isang pangarap isang panaginip

nang magising siya'y nawala ang lahat ng rikit at masisiglang ngiti
nagising si Nena sa bulyaw ng inang nagpapasuso ng kapatid
"Tanghali na, punyeta ka, Nena! Marami nang lalaki sa Avenida!"

Kailangan Nating Ipabatid Ang Kailangan Nilang Mabatid

Sinasabi nilang tayo ang problema
at wala raw tayong naitutulong
sa bansang itong unti-unti raw
pumapaimbulog--ang pambansang
kalagayan; heto pa nga't nagmimistulang
Red Cross na mamimigay ng libreng
pakete ng dugo sa naghihingalong
mga estado ng Europa.

Kailangan nating magsalita,
kahit marami na tayong nasabi at marami
pang sasabihin, kailangan nating magsalita.
Kailangan nating isiwalat ang kalawang
ng estadong ito na nagpapanggap na
aluminyong bakal.

Kailangan natin ngayong magpabatid
ng kailangan nilang mabatid,
na ang ngayon ay yugto ng pagbabangon
at kagyat ang marapat na mga tugon
sa mga mahika at ilusyon
nilang mga payasong nagdamit ng barong
at amerkana.

Pagkat di tayo palalong nagpapataasan
ng ihi, kailangan nating lunukin
ang kanilang paratang
na tayo'y problema,

problema nila, silang ibinabayubay
ang hungkag na kaunlaran at binabaluktot
ang katotohanan.

Problema nila tayong hinding-hindi
masosolusyunan.

Hindi problema ang karugtong ng kasaysayan.

Demokrasya

Hindi ngayong araw kakatok
ang demokrasya,
o ngayong taon
o kahit makipagkasundo't
matakot.

Mayroon akong kaban
ng karapatan tulad ng iba,
tumayo sa sariling mga paa
at umari ng sariling lupa.

Naririndi na ako sa mga taong
nagsasabing
Hamo't ganyan talaga ang buhay.
o Bahala na bukas! Bahala na si Batman!
Hindi ko na kailangan ng kalayaan kung ako'y patay.
Hindi ako mabubuhay kung bukas pa aalsa ang pandesal.

Kung kagipitan
ang kalayaan
ay binhing
maitatanim.

Nabubuhay ako rito,
sa Pilipinas,
kailangan ko ng kalayaan.


halaw sa Democracy ni Langston Hughes

Lubak

dumadaan naman talaga tayo sa lubak
wala naman kasing landasing wala
kahit ang hi-way, mayroon
at siyempre, marami sa mga lugar
na napagkaitan ng progreso

oo, progreso

minsan, ganyan ang puso
ko, kinukulang kadalasan
napupuno, kung minsan
progresong pataas at
progresong pababa

pero hindi na mahalaga
hindi ba?
marami naman talagang lubak
sa mga landasin
kung gayong habol natin
ay bilis ng biyahe
baka malimutan natin ang rikit
ng mga bundok at parang
sa hilaga, sa timog, silangan
kanluran

at kailangan talaga nating magdahan-dahan
kailangan nating malagpasan
ang lubak na daraanan

Willem Geertman

naniniwala akong pagnanakaw
oo, pagnanakaw ang motibo
ang dahilan ang rason ang katotohanan
sa mga punglong naitanim
sa iyong katawan, Willem Geertman.

at huwag nang ipagpilitang
kagagawan ito ng mabuting estado
ang kasalukuyang mga pinagpala,
hindi naman natin mahihingi sa kanilang
mantikaing mga labi
ang katotohanan sa kasinungalingang
alam nilang kasinungalingan.
ang mapapasaati'y mga tainga
ng nawalan, laksang mga bibig
laksang mga palad laksang mga sikmurang
inagawan, ninakawan
nilang naliligo sa kasakiman

pagnanakaw ang rason motibo dahilan
kung bakit ka pinatay, Willem Geertman,
pagnanakaw sa taumbayan
ng kanilang tinig, ng kanilang puwang,
ng kanilang karapatan
na alam at alam rin nilang pagnanakaw lamang
ng isang pirasong binhi
sa laksang tipon ng mga binhing
naitanim na't naglalaguan.

Maita Gomez

Mabuti ang kaliwa, Ka Dolor.
Dahil kaya nilang magpasilab
ng libong mga sulo;
na di kakayanin ng mga balatkayo
mga nagmamabuting kanan,
silang ang tama'y minomonopolyo.

Mabuti ang kaliwa, Maita,
pagkat nakapagsusubo sila
ng kanin ng hustisya at
pinapawi ang uhaw sa
kaluluwa ng naghumpak-impis
na tiyan ng sambayanan.

Mabuti ang kaliwa, Maita.
Tulad mo, ang ganda'y
itinatangi nilang panlabas
lamang at nakatuturol na
sa kamao naglalagi ang esensya
ng kariktan; mabuti ang kaliwa.

Mabuti ang kaliwa, Ka Dolor,
pagkat sabihin na nating silang
kanan ay kanan, ngunit hindi
sila naging right, kailanman.

Gayong Minsa'y Kailangang Humalakhak

Hari ka ngang walang trono o putong ng koronang
itinakda ng linya ng ugat o ng matandang ama
na namemeligro sa sakit, sa ma-adornong kutson
sa isang grandiyosong silid ng engrandeng kaharian.
Hindi ka hari sa palalo o bohemyo nitong kahulugan.
Pagkat itinakda ka ng mga nasasalat at nasisilat
sa ulam at kumot, yaong mga sinisinat
ng kawalan.

Hari ka ngang walang dapat ipangalandakan
at hindi mo na kakailanganin sa iyong paglisan
ang pagkilala ng mga naghahari-harian sa lipunang
dinayukdok nilang sinasakop-lamunin
mga laman, utak at buto ng mga nasasalat
at nasisilat; maging ang lupa, karagatan at bulaklak
nitong paraisong hindi kanila.

Hari kang itatakda ng kababaang-loob at halakhak.


kay Dolphy