Martes, Enero 11, 2011

Pala-palagay*

Hinuha ko, sa harap ng mapintog na long table
sa lamig ng kanilang palasyong airconditioned
sa bisa ng isang mamahaling glass of wine
suot ang kaniyang long gown, pinya-made saya
kasama ang mga naka-coat and tie na kapwa crocodile
habang naghuhuntahan about their trip abroad
the latest tungkol sa latest luxury cars
while discussing ang another ghost projects
at watching ng american T.V. series
sa kanilang flatscreen, cabled home theather--
saka nila naalaala na maliit na pala ang
Munisipyo,
na hindi na magkasya ang nadaragdagang employees
at newly elected mini-crocodiles
kaya kailangan na nila ng state-of-the-art 
City Hall.

So, nag-minimaynimow sila habang hawak graciously
ang kanilang champaigne flute at cocktail glass--
at ang Barangay Jose Corazon De Jesus;
ang mga barumbarong there and the rest of the I.S.
ang malu-lost sa mapa ng San Juan
though marami pa namang other choice
kung saan ipu-put ang new
Munisipyo
at 'wag nang agawan ng tahanan at ihagis sa outer space
ang mga maralitang sa kanila ay naghalal.

Hindi ko pa nabanggit na baka kasama nila
there sa palasyong well-guarded at fully airconditioned
ang kani-kanilang kerida and a little-bad-boy para kay Mama:
ang mga napilitang magpa-upa ng kaluluwa
'cause they have no choice at biktima ng lipunang impe-kapitalista
marahil ang kanilang legal spouses ay nasa Hong Kong
nagsha-shopping galore,
at ang kanilang sons and daughters ay nagba-bar hopping
there, somewhere in Libis or Metrowalk.

Siguro, ganyan nila na-finalized ang demolition project
at ang plano to build a new state-of-the-art
Munisipyo
not knowing and ignoring na daan-daang pamilyang
kanilang pinagpa-fuck up kaya super-hirap
ang magkakaisang lakas at loob para pigilin
ang kanilang crushing and bombing and burning team
even if in the end, na
"Magkamatayan man! Karapatan naming lumaban
para sa kabuhayan at disenteng tirahan!"
ang iganti sa kanila ng united and fierce na mamamayan.

Hinuha ko lang naman.
And naniniwala ako, it's true!



*Anumang araw mula ngayon, maaaring sumugod, sumulpot ang mga mangwawasak sa Brgy. Jose Corazon De Jesus sa San Juan. Ito'y upang pasinayaan ang isang bagong munisipyo, at ang napagdiskitahan nilang burahin sa mapa ng lunsod ay ang nagsisikap na mamamayan ng nasabing barangay. Huwag nating hayaang magpatuloy ang pangwawasak ng mga ganid at linta.

Dito Sa Corazon*

dito sa corazon
nakaamba, gabi-gabi
ang patalim
nakaamba ang maraming patalim
binabantaan tayong supilin
taniman ng dilim
agawan ng hininga

maraming patalim
ang mga mangwawasak
patalim ang traktora
patalim ang pison
patalim ang crow bar
ang jack hammer
ang lagari
patalim ang malalaking martilyo
iyan ang mga patalim na itatarak
nilang mga mangwawasak
dito sa dibdib 
ng corazon

dito
sa bituka ng corazon
sa salimuot ng sikut-sikot
sa makisig, matapang na tindig
ng mga barumbarong
sa buhol-buhol na guhit
ng linyang koryente't tubig
nakaamba ang mga patalim
gabi-gabi
umaga at gabi

nguni't dito sa corazon
hindi lagim
ang mga nakaambang patalim
may nagbuklod tayong lakas
ang kawit-bisig nating likas
mga tapang nating pinatalas
ng kanilang dahas
mga tirador ng ating bunso
mga bubuuing molotov ng mga binatilyo
awitan ng mariringal nating dalaga
ang subok nang kalamnan ng bawat ama
di magwakas na kalinga ng bawat ina
at ang barikada ng bawat kaluluwa

ang hindi namamatay nating pagkakaisa...

ay higit pang matalim
sa mga patalim
ng mga mangwawasak

dito sa corazon
walang ubra ang patalim

mas matalim ang kamao nating nakatiim



*Anumang araw mula ngayon, maaaring sumugod, sumulpot ang mga mangwawasak sa Brgy. Jose Corazon De Jesus sa San Juan. Ito'y upang pasinayaan ang isang bagong munisipyo, at ang napagdiskitahan nilang burahin sa mapa ng lunsod ay ang nagsisikap na mamamayan ng nasabing barangay. Huwag nating hayaang magpatuloy ang pangwawasak ng mga ganid at linta.

Kay Mary Jean Suela*

Hinihintay namin ang hatinggabi.
Pagmamantikain ang aming mga labi,
may galak kaming makikisalo sa hamog ng Disyembre.

Nguni't anong katotohanan
ang sumurot ka sa bawat sandaling
lalantakan namin ang letsiyon, kaldereta,
ispageti, minatamis, leche, sorbetes,
keso de bola at hamon?

Umuukit sa gunita ang mga sisiw na nagtutuka-tuka
sa ibabaw ng mumurahin mong kabaong.

Umaalulong sa kalangitan
ang pangangaral ng pari sa 'di kalayuang simbahan.
Misa de Gallo ang kaabalahan ng lahat.

Kasabay nito ang pagsasaboy ng Amihan
ng malansang halik: ang iyong dugong nagsambulat sa lansangan.
Ang bungong dinurog ng malaking tubo
na sinlamig't simbigat ng iyong kamatayan
at ng iyong miserableng daigdig
sa ilalim ng isang tulay.

Habang inaatupag namin
ang pagwawaksi ng mga lukot
sa mga bagong damit na susuotin kinabukasan
upang ipampasyal, pang-aginaldo,
ipangalandakang bago,

Nalulunod naman sa luha ang pisngi
ng iyong ina,
samantalang yakap nang mahigpit
ang inulila mong tsinelas
at matamang nakatanaw sa lilaing bestida
na siyang pamasko mo sana
nguni't ngayo'y kasiping ng nilamog mong
bangkay.

    At tulad ng inabot mong kapalaran,
    masinsing pumapatak mula sa kalangitan
    ang maliliit na bubog, mistulang luha ng iyong lungkot.

Tahimik na nakatanghod sa iyong maliit na kabaong
ang paslit mong kapatid
na wala nang makasasama sa mga susunod pang pangangaroling,
bukas at sa mga susunod pang bukas.

Ngayon, hinihintay namin ang pagpupunit
ng mga balot ng regalo.
Ang masayang pagbati ng "Maligayang Pasko!"

At ikinakahon naman, ikinukulong, sinasaklot kami
ng iyong mapait na kapalaran.
Ang katotohanan, ipinapaalaala
na magdiriwang kaming mantikain ang mga labi't
'di panawan ng ngiti,
samantalang ikaw, 
basag ang bungo, 
inulila ang kapatid na bunso,
pinagtangis ang nagmamahal na ina,
pinagtiim bagang ang galit na ama

sa isang simpleng katangahan
at kawalang-ingat ng pamahalaan
na umagaw sa masaya mo sanang Pasko.
Ikaw na pauwi lamang mula sa pangangaroling
nang agawan ng hininga.

Manhid ang mundo namin, 
para sa mga tulad mong maliit, Mary Jean.



*Alay kay Mary Jean, 11 taon gulang. Na inagawan ng hininga ng malaking tubo na bumagsak sa kanya, sa ulo, pauwi mula sa pangangaroling noong Disyembre 22, 2010. Isang inosenteng biktima ng katangahan/kawalang-ingat ng MWSS.

Lubid*

mangangahas
patay-buhay kang
mag-aapuhap, magpipilit
abutin, hawakan, kapitan
ang lubid 
na nagdurugtong 
sa iyong pananalig
at sa itim na mukhang nahahapis.

kakapit ka nang mahigpit
kahit ipit
ang baga at ipinagdadamot ang hangin
at agawan ang hininga.

iyon ang iyong panata.
isinasabuhay. mitsa ng pag-asa.
taun-taon.

sinasabing kumakapit tayo sa patalim
sa mga panahon, sa mga pagkakataong nagigipit.

kakapit ka sa patalim.
iisa ang kinis at gaspang
ng patalim at lubid
na nagdurugtong
sa iyong pananalig
at sa itim na mukhang nahahapis.

kumakapit ka sa patalim
dahil hindi ka lubayan ng hagupit ng gipit.
naglalaro
sa buhay at kamatayan ang iyong pananalig.


*Sa Linggo, Enero a-Nueve, Pista ng Nazareno. Isa sa ipinagmamalaking, ipinagyayabang na tradisyon ng mga Pilipino. Na sabi nga ni Ser Stum: taon taon, halos tatlong milyon ang dumadagsang deboto ng Nazareno. sapat na sanang bilang para magtiyak ng mas maayos na Pilipinas. Sapat na sana. Sapat na sana.

Bago(ng) Tao(n)

labindalawang uri ng bilog na prutas
hanapin at ihain sa hapag
polka dots na daster, tisert o kamiseta
ilapat sa balat bago maglipat taon
pupuwedeng pulang damit kung walang polka
good karma raw ang hatid
mag-ingay: torotot, kawali, tambol
tanggal malas, demonyo'y malilipol
pinakamasaya ang magpaputok
super lolo, plapla, paybistar, pikolo
bawang, sinturon ni hudas, watusi
sawa, wiselbam, fountain, kuwitis
at isang goodbye Philippines
sa usok at dagundong at alulong
na magmimistulang frontline ang paligid
at aakalain mong ika'y nasa ulap na't langit
maging si beelzeebub at behemoth at lucifer
ay di mangangahas na lumipat-taon
magsuot din ng mga lucky gems
mulang kalusugan hanggang libog ng katawan
siguradong nasa ayos ang lagay
sa basbas ng batong mahiwaga't singmahal
ng kotse at mamahaling damit pangkasal
huwag kalilimutang tumalon nang mataas
iyong tipong limang minuto bago ka lumapag
tatangkad ka't tatatag
maghagis din ng barya't ipaagaw
nang ang darating na suwerte sa iyo'y nag-uumapaw
magsabit ng bigas at bulak sa pinto
solb ang pagkain sa buong taon...

iyan ang iyong mga gagawin bago maglipat-taon...

tradisyong walang liban sa bansang dayukdok
at patuloy na ginagatasan, nabubulok...

Ceasefired*

Minsan, tinutuso din ako ng sariling mga paa
gayong inililigaw ako sa Maynilang akin namang kinalakhan
bakit tagaktak pawis pa rin akong napadpad 
sa Kalye Art Gallery, sa kalye Estrada, Malate?
Baha ng pawis ang mukha, binati ako
ng umaalulong na feedback ng videoke. Sabi nga ni Stum,
parang Smashing Pumpkins ang videoke:
si James Iha ang pumapasakalye.

Kumakanta sila Maureen, Amihan at Michelle ng cheesy songs.
Nakita kong lumalagablab sa lamig ang dalawang plastik ng yelo,
naghihintay na maihain sa plastik ding baso
na kaniniigan ng The Bar: pumili ka kung orange o lemon.
Kahahalik lamang ng aking puwitan sa umiingit na upuan
nang dumating sina Ate Mari at Sir Noni at ang anak niya
na straight from New York. May lalaban na raw 
sa kantahan kay Ginoong, Kataas-taasang Axel Pinpin.

Bumilang ang mga minuto, sumabak na rin sa kainan
ang busog ko pang tiyan; bagama't sabik na itong malamanan
pagka't tinunaw na ng mahabang lakaran
ang cornedbeef at kanin na nilantakan sa bahay.
Kaunting pansit malabon at dalawang hiwa ng letsiyong manok
ang agad na naubos. Salamat sa Potluck ng mga kasama,
mapintog, mayaman sa pagkain, kahit ngayong gabi lamang,
ang hapag ng KM64 Post Xmas Season Ceasefire.

Sandaling pahinga, mayamaya'y sumabak na rin ako
sa tumbahan ng bote't baso. The Bar ang nakanguso
kaya't iyon ang napiling languyan ng labi.
Yelo, baso, coke. Solb ang konting hilo.
At umikit sa iba't-ibang palad ang Songlist.
Ganado na sa biritan ang mga makatang nilimot muna,
panandali, ang tumula at manalinghaga
at nagpatianod sa ritmo at haraya ng mga awitin.
Kumanta si Stum ng Balisong ng Rivermaya.
May bumanat ng Jovit Baldivino, Buttercup at Francis Magalona.
Si Madonna naman ang diniskartehan ni Ate Mari
at nag-Now and Forever si Sir Noni.
Siya naman akong tirada ng Landslide ng Smashing Pumpkins,
na pinilahan ng Boys Don't Cry at Friday I'm In Love ng The Cure.
May sumingit pang Order Taker ng PnE at ilang Tom Jones at Nobody.

Masaya ang lahat.
Masaya bagama't may lamat ng iilang sandali ng pag-alaala
kay Ginoo, Kataas-taasang Alexander Martin Remollino,
lalo pa't may magtatangkang mag-Ely Buendia't kantahin
ang Para sa Masa, na ipinagsumamong kantahin sana ni Bong
ng Artist Arrest. 
At syempre, sino ba ang main event ng pagtitipon? 'Ika nga ni Ate Mari,
kakasuhan niya si Stum, ng False Advertising, kung 'di maririnig
ang pinakahihintay na pag-awit ni Ginoo, Kataas-taasang Axel Pinpin,
na tulad ni Bong ay mahiyain din (sa mic) nguni't ramdam namang naroon
ang nasang bumirit at magpadyak-paa.
Sa pangunguna, pangungulit na rin ni Ate Mari't mga kasama,
isinalang ang isang Come Together ng The Beatles.
ayan na't nag-umpisa ang pangunahing pagtatanghal.
At Rock and Rolling mood na ang sumaklot sa kapaligiran.
Jim Morisson singing Lennon-McCartney song ang pangunahing eksena.
"I know you, you know me...
One thing I can tell you is you got to be free!...
Come together right now over me," ani Axel.
Nagsulputan ang mga kamera, may pumitsyur, nagbidyo.
Abangan nga raw ang pag-tag nito sa Facebook,
isa sa miminsang milagrong nagaganap sa bakuran
ng KM64.

Minsan munang lumiban sa usapin ng pagsalunga
ang nagtipun-tipong mga makata; sandaling ninanamnam
ang Diwa ng Pasko at paglilipat sa Taon ng Kuneho.
Nguni't, ramdam kong hindi maihihiwalay sa kanilang nagsisiyang kaluluwa
ang paglilingkod, pag-oorganisa, pakikitalad;
kahit pa sabihing iyon ay gabing bawal ang tula't pagtula, ang propaganda
ang aktibista. Ramdam kong hindi iyon ang sandali nilang
iniwan, wala silang iniwan; ang sa kanila'y pagdaragdag ng karanasan.
Ng panibagong yugto. Ang muling pakikihamok at pakikibaka.

Paisa-isang lumilisan ang kani-kaninang nagsasaya, masasayang mukha.
May trabaho pa kinabukasan, maaga ang ang biyahe papunta
sa kunsaan kaya't kailangang umuwi nang maaga-aga; may ilang
may pupuntahan pang iba at may ilan ding natira
na siyang nagpakasawa sa biyaya
ng 800 pesos videoke na 71 ang pinakagalanteng
amazing score. At isa pa'y darating, hahabol si Roma
na nang lumaon ay nakipag-duetan na rin kay Stum.
Iyon ang puntong nilagom ng pagmamahalan ang madilim na langit.
Sabay silang umawit
ng Your Universe ni Rico Blanco.
At nai-LSS pa nga ako sa linyang:
"You can thank your stars all you want but
I'll always be the lucky one"

Nagbilang ng ilan pang mga sandali, umukilkil na
ang lalim ng gabi. At oo, kailangan na nga'ng umuwi.
Bilang pagtatapos (sana'y nasulit ang upa sa videoke)
at due to insisted public demand
sama-samang isinara, sa saliw ng awiting Closing Time
ng Semisonic, at sa pangunguna ni Ginoo, Katas-taasang Axel Pinpin,
ang palatuntunan. Masaya kaming nagligpit ng iilang kalat na ikinalat
at pinaghainan si Muning ng kaniyang uumagahan.
Kami'y isa-isa nang tumugpa sa mga paroroonan.

Iyon ay isang gabing puno ng ngiti, na bagama't may lamat ng pangungulila
ay pinunan ng masayang pagsasama-sama't pagtitipon ng mga makata.

Bukas, gigising kaming patuloy at ganap na isinasabuhay
ang kredo:
Ang tulang Pilipino’y nararapat na ilaan, una sa lahat, sa sambayanang Pilipino. Hindi biro ang magiging kapakinabangan nito sa ating pagtitindig ng kasarinlan, kalayaan, katarungan, mabuting pamamahala, at tunay na demokrasya sa ating bansa.
Hindi ito kinalilimutan ng KM64, kailanman
anuman, or wherever they will go.




*nalikha ilang minuto matapos ang KM64 Post Xmas Season Ceasefire, Disyembre 28, 2010, sa Kalye Art Gallery sa Estrada, Paco, Maynila.