Martes, Disyembre 21, 2010

Bur-swa-si*

Binabaliw ang kaluluwa sa kasiyahang pansarili.
Sumasayaw sa saliw ng musikang agunyas ng sanlibutan.
Nilalango ang mga mata sa dikta ng libog at nasa.
Sinasaksak sa utak  ang dikta ng pagkamanhid, pagkaganid
at droga ng pagka-ako.
Sumasampalataya sa homiliya't aral ng kawalang katuturan
na nagpapaikot
sa mundong hindi mundo
kundi pusalian ng kaniyang kauri.

Iyan ang kaburgisan.
Ang impiyerno sa ibabaw ng kalupaan.


*bourgeoisie, burgis, kapitalista.

Anyaya

hinihila ng lupa ang talukap ng aking mata
niyayaya ng banig, kami'y marapat nang magniig
inaanyayahan ng haplos ng hanging malamig
ako nga'y kailangan nang magpadaig.

binubulungan ako ng mga hilik
na nakalambong sa kuwartong pinagsisiksik
ang lima, anim na kataong ginagambala ang tahimik
na gabing sinaklot ng mga kulisap at kuliglig.

ang kanilang mga orasyon, ng sumamo at panaghoy
ay buong galak kong tatanggapi't hindi itataboy
'pagka't batid kong sa kanilang bulong, akag at anyaya
makakasama kita sa panaginip, at tayo muli'y magiging isa.

Puksa*

Minumulto tayo ng mga pagpuksa.
Bangungot sa mahihimbing na tulog,
alulong ng mga punglo ang bumubulabog.

Hahandusay sa talahiban ang nawawala,
kaytagal nang hinahanap na kasama.
Putok na mga labi, luwa na mga mata.
Lapnos na utong, wakwak na hita.
Binunot na mga kuko, dibdib na gasgas-maga-sugatan.
Lagas na mga buhok, mukhang tinakasan ng pagkakakilanlan.

Ganyan magmulto ang pagpuksa.
Umuukit sa gunita.
Sumusurot sa bawat himaymay ng laman.
Kumukurot sa pinanday na kamalayan.

Iyan ang multo ng pagpuksa.

Kung gayong 'di tayo patulugin ng pagpuksa.
Kung gayong pinapatay tayo sa ukilkil ng gunita,
'di ba't kainamang paigtingin natin ang paglikha:
ng mga hanay at bulto ng lakas; hindi mga multong tusong kinatas
sa kaluluwa ng mga martir at dinahas.
Lumikha tayo ng puso ng mga kamao ng nanlilisik na mga mata ng damdaming wagas
ng hanay ng bulto ng lakas,
na papatay sa kanila: silang pumupuksa sa karapatan at laya.
Huwag tayong papanawan ng higanti.
Hindi tayo madadaig ng mga multo ng pagpuksa.
Hindi tayo madadaig.
Patuloy lamang ang pintig.


*pasintabi kay Teo Antonio at sa kaniyang tulang "Minumulto Tayo ng mga Pagpuksa"