di ko inakalang maaari pala akong makalikha ng patalim
iyong hahasain ko paunti-unti
dahan-dahan,
wala akong tutunawing bakal
walang hahasaang bato
walang masong magtatakda ng lapad
ng haba
ng tibay at humindig
makalilikha pala ako ng patalim
na singtalim ng araw
maaring makapagniningas ng apoy
patalim na singtibay ng diyamanteng
kikinang sa paghalik ng liwanag
patalim na bukal ng milyong rosas na uusbong sa mga parang
makalilikha pala ako ng patalim
hindi ko ito inaakala
may himaymay pala ng bakal ang aking kaluluwa
may gaspang ng bato ang pag-unawa
may kalinga ng maso ang pagsipat ng mata
may patalim pala sa aking katauhan
makapaglulunsad ako ng digmaan
makapagtatakda ng katapusan
makalilikom ng sangkatauhan
makahihikayat ng karunungan
makabubuo ng pananaw
makapagpapahaba ng araw
makapipigil ng represyon
makakikitil ng disilusyon
makapagsisimula ng rebolusyon
may patalim pala sa aking katauhan:
mga
salita
na aking binitawan.