Martes, Agosto 24, 2010

Si Rolando, Ang Pelikula Sa Tunay Na Buhay

una: ulo

sa ulo, sa utak mo
pumasok ang alimpuyo
ang ngitngit ng damdamin
na kinikimkim
isang laurelyadong
pulis, na tinugis at malaon
sa bisa ng dikta ng hustiya
na doble-kara ang tunay na mukha
magaganap ang ayaw mong maganap
na sa iyong pagtanda
"he was discharged in 2008 for his alleged involvement in drug-related crimes and extortion"
malalagas ang tinipong lakas
at pagsisikap sa pagpapalaganap
ng tiwasay na lipunan...
ngunit may tunggalian sa pagkilala
kung ano nga ba ang katotohanan
may tunggalian: pulis na kriminal
o biktima ng bulok na sistema?
"he is awarded, in the year 1986, as one of the ten most outstanding policeman"
at sa apoy na biglang lumagom
sa kumukulo mong isipan
rolando, armalayt ang tinuring mong
huling sandigan
ng iyong mga panawagan...
sa isang Hong Thai Travel bus
nakita mo ang liwanag ng bukas:
"big mistake to correct a big wrong decision"
"big deal will start after 3:00 p.m today"

agosto dalawampu't tatlo
dalawanglibo at sampu
araw ng pagpitik ng kamalayan mo
araw ng mga ipuipo
araw ng isang gabing may pistahan
ng mainit-init na balita, muli,
sa tahanan ng madlang
binobobo ng mga telenobela
rolando, binuhay mo ang kinatatakutang bangungot
ng tiwalii nating gobyerno
rolando, rolando, rolando
may panandaliang kasaysayan kang ini-uukit
sa maiitim na ulap ng langit

ikalawa: punglo

kilala mo ang bangis ng punglo
na kung hahalik sa himaymay ng kalamnan
ay kayang magpahiwalay ng kaluluwa sa katawan
kayang magpayuko ng sinumang mangahas na lumaban
samahan mo pa ng mga dilaw na bihag...
kilala mo ang sangkapulisan
na alam mo, alam mong kulang ang kakayahan
sapagka't batid mong ang magpabundat
ng tiyan, ang pangunahing libangan
ng dapat sana nating pinagkakatiwalaan
rolando, alam mo,
at alam mo na kamatayan
ang hantungan ng lahat, unang-una na
ang iyong sarili
alam mo na sa bawat tikatik ng segundo
umiikli ang pag-asa ng iyong panawagan
umiikli ang pisi ng sangkapulisan
umiikli ang pagitan ng buhay at kamatayan
kamatayan ang hantungan ng lahat...
rolando, isa ka lamang daw hiwalay na kaso
"it is an isolated case. please, do not incriminate other filipinos"
isang halimbawa ng kabaliwan...
nguni't sino nga ba ang nagtutulak sa tao upang mabaliw?
ano ang kabaliwan?
sino ang baliw?
ilagay mo sa kamay ang batas at hustisya
baliw kang tuturingan ng mga pinagpala

ikatlo: anino

at sino ang may kasalanan?
si rolando mendoza, isang pulis
isang pulis na maysala't biktima
sino ang may pananagutan?
silang mga pulis, ang media,
silang mga usyusero't usyusera
sino ang dapat patawan ng kaparusahan?
ang pamahalaan, ang bulok na sistema
ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan
ang mga tiwali sa gobyerno at senado
ang mga manhid na mamamayan
ang paghubog ng agnas nating lipunan...
at kayhirap nga'ng gagapin ng mga bagay-bagay
itong madramang tagpo sa grandstand ng quirino
aysampal, dagok, suntok sa bawat pilipino...
nguni't pansamantala lamang
sapagka't pakatandaan mo,
sa kamalayan ng sambayanan
walang ipinag-iba sa pelikula at telenobela
ang buhay at kasawian mo,
rolando mendoza

Linggo, Agosto 22, 2010

Ikaw Na Lumisan

may mga dikta ang panahon

ikaw na lumisan
at nagtakda ng kapalaran
ay babalik
upang muli, magpunla
ng panibagong alaala
na akala niya'y napitas na
at malaong nakatulong sa bituka
ng karimlan
ikaw na lumisan,
na dating nagtarak ng balaraw
sa dibdib ng pag-iisa.
ay babalik
at may lakas ng loob
na kumumpas ng himig
na alam mong sasayawan niya
at hihiluhin ang gunita
ng kaniyang kaluluwang nawawalay
na sa lumbay
ikaw na lumisan,
mayroon kang babalikan
isang tao
na alam mong hindi
nagbabago, magbabago
at alam mong hindi maghihintay

samantalang may hinihintay

nguni't di hahayaang muling hagkan
ang dating pinagsaluhan

sapagka't may dikta ang panahon
may dikta ang panahon
na nag-uulit ng pagkakataon
ikaw na lumisan
maari nga'ng may babalikan

nguni't saan nga ba ang patutunguhan?

kaya't marahil
ang babalikan mo'y lumisan na
kapiling na marahil
ng mga alaalang nawala

Sabado, Agosto 21, 2010

Sandali

Ngayong sandaling ito,
habang nag-aaway
ang araw at gabi,
umiikot
ang paningin, naglalakbay
ang ulirat sa guni-guni
ng iyong balintataw
ngumingiti ang buwan
at sumasayaw
ang mga kurtina.

Oo,
nakainom ako
nguni't hindi alak
ang lumasing sa akin
kun' 'di ang ngiti
mo
na hindi maglaho
sa dilim
ang mga tinig
mo
na kasalo
ng hangin
ang mga haplos
mo
na nakatanim sa banig.

Sana, sa sandaling ito'y
nasusuka ako
sapagka't nais kong isuka
ang mga alaala
mo.

Sana'y nasusuka ako.

Hapunan

naghahandang mananghalian
isang matandang taong-grasa,
(hindi siya baliw, hindi)
hukot, maluha-luwa
ang malungkuting mga mata,
humpak-marak
ang mga pisngi't
nangingitim-naninigas
ang abuhing buhok,
libagin-nagmamapa
ang katawang ulan
lamang ang bumabasa,
basahan-gulanit
ang sando't salawal
(masisipat mo ang kulubot
niyang titi
na kinukumutan
ng libong mga bulbol)
mabaho ang matanda.

sa gilid ng kalsadang abala
sa kabaliwan ng pag-unlad,
sa tapat ng isang restawran,
marahang lumalamon
--hindi kumakain
lumalamon!
ang matandang taong-grasa,
ng adobong buto
ng kinalkal-sa-basurahan na manok,
kalderetang diyaryo at papel,
sinangag na tutong,
mainit na sabaw ng nilagang
burak
na naghalu-halo, pinaghalu-halo
sa isang pang-isang kilong plastik
calypso
masarap
walang kasinsarap
walang hindi masarap
sa matanda,
masarap.

bumundat ang tiyan
ng matandang taong-grasa
nasusuka
isinuka ang masarap
na pananghalian, siyut
sa lumang lata ng gatas
alaska.

may hapunan siya mamaya.

Dibdib

pinakamamahal ko
ang dibdib mo
maumbok, mapintog
diyan ako nahihimbing
madalas nakatutulog
pinakaaasam ko
ang halikan, yakapin
yapusin muli
ang dibdib mo
na ngayo'y nilalamas
walang habas
nilalamukos parang papel
ng mga hangal na kamay
ng mga halimaw na kuko
sabik, baliw na ubusin
lamunin, kagatin
ang dibdib mo
na inalagaan, iningatan
dinadakila ko
ang mga utong ng 'yong
dibdib hindi na nagbibiyaya
ng masarap na katas
na nagbibigay lakas
sa aking pag-aaklas
at ang kapintugan
ay lumawlaw,
lumawlaw nang lumawlaw
naglaho na
kayumangging kulay
ng iyong dibdib
puno ng sugat
naliligo ng dugo
nagnanaknak
lumuluha ng dusa
lumuluha ng dusa
ang pinakamamahal
kong dibdib mo
h'wag mababahala
hindi lamang ako
ang mangangalaga
sa iyo, sa dibdib mo
marami ako, hindi lamang ako
hindi lamang kami mangangalaga
hindi kami magpapasasa
hindi kami manggagahasa
papatay kami, papatay ako
alay sa dibdib mo
bubutasin ang bungo
tatanggalan ng hininga
ang mga hangal
na yumurak, lumuray
gumahasa, nagpasasa
sa dibdib mo

Palad

mapalad ako ngayong gabi
dinig ko ang ritmo
ng karaging bentilador
waring plegarya
ang inaawit
ng magwawakas na dilim
ang malamyang pagsasayaw
ng mga agiw sa kisame'y tila
paggunita sa mabagal na takbo
ng buhay
sumisigaw ang mga numero
sa kalendaryong papel
humihiyaw ng maraming dahilan
upang gumising kinabukasan
bumubulong ang mga aklat
sa lamesitang sirain:
hubaran mo kami ng letra
at ipahawak mo sa amin
ang iyong diwa
nakangiti
nakaloloko ang mga lumang laruan
nagpapagunitang masaya ang buhay
nguni't masaya nga ba ang buhay?
nandudumilat
ang ilaw-dagitab
binabantayan
ang unti-unti kong pagkakaagnas
sa piling ng malambot na kutson
at unang mabango
hinihikayat ako ng laganap
na katahimikan;
pigain ang esensiya
ng mga bagay-bagay

at, oo, ngayong gabi
naglulunoy ako
nababaliw sa paggagap
ng hindi maarok na kaalaman
nahihibang sa pagpapalipad
ng isipang nagnanaknak
nagtatanong ng kabuluhan
pilit inuunawa ang buhay
buhay sa sanlibutan
nililigid bawat sulok ng utak
hinahanap ang kasagutan

samantalang nahihimbing
sa kunsaan
ilang milyong sanggol
nahihimbing sa siping
ng diyaryong-unan
at kartong-banig
habang umuulan
ng alinlangan sa puso ng ina
kung anong kinabukasan
ang lalandasin ng anak

at mapalad pa nga ba ako?

Tatlong Guro

"...damang-dama ko ang dalamhati
ng mga taong nakakakilala
kina Josephine Estacio,
Mark Francisco, at Edgar Fernandez.
Tatlo silang mga guro,
lahat miyembro
ng Alliance of Concerned Teachers
o ACT Teachers Partylist,
at ika-tatlo, apat,
at limang mga aktibista
na pinaslang
sa ilalim ng bagong gobyerno."

-- Pinoy Weekly Online,
Guro ni Anton Dulce
July 14, 2010



hindi nagtatapos.
sa loob ng paaralan.
ang mga tinig at aral.
na ipinunla sa dibdib.
ng mga mag-aaral.
hindi nagtatapos.
sa hiningang pinutol.
ng mga putang'na.
ang pagmamartsa.
ng mga paa.
sa mga mendiola at edsa.
hindi nagtatapos.
sa katauhan ninyo.
ang kalbaryong bitbit.
ng bawat guro.
hindi nagtatapos.
ang pakikibaka.
ng mga natututo.

hindi magtatapos.
ang pag-usbong.
ng mga tulad ninyo.
hindi magtatapos .
ang mga pagdakila.
hindi magtatapos.
ang mga pakikibaka.
upang ipamana.
ang tunay na pagkatuto.
hindi magtatapos.
ang lahat.
simula ang bawat tuldok...

Tuso

sa bisa ng halik
ng mga patak
ng ulan
nakikipagbuno
ang kalamnan
maghihintay
na mapawi
ang tumutusok
na sakit
sa lalamunan
at payapang
mamahinga
ipahinga
ang binting
bibigay
at isip
na pipitik
anumang oras

bukas
kakalawit
ang kirot
kaya mo kaya?

Pagtatayo ng Barung-barong

hindi mo kailangan ng arkitekto
o inhinyero para magtayo
magtindig ng barung-barong
hindi kailangang magsukat ng lupa
o maghukay ng buhangin
gumamit ng blueprint
o mag-ruler at t-square

hindi mo kailangan ng paglalakad
ng permiso na magtayo
ng iyong barung-barong
ng mga papeles at dokumento
binobobo ka lang nito
walang titulo ang barung-barong

hindi kailangan ng linya ng tubig
o linya ng kuryente
malaya na magsabit-sabit sa mga poste
mag-ingat lang sa mga live wire na kable
hindi kailangan ng telepono
may mga tingi naman sa tabi-tabi

hindi mo kailangan ng mga hollow blocks
bakal, tubo, semento, karpintero
trabahador, hindi mo sila kailangan
dahil sa mga bisig mo pa lang ay ayos na
ang pagtatagpi, pagtatali, pagdidikit

wala kang kailangang gamit
sa loob ng iyong barung-barong
sapat na ang gasera at maliit na karton
lagakan ng mga basahang damit
ng maliit na papag, na kaya mong mamaluktot
ng isang baso, pinggan at pitsel
sapat-sapat na iyan
hindi mo kailangan ng luho sa barung-barong

hindi mo kailngan ang mga magagara
dahil wala kang pera, walang iyayabang
ang kailangan mo ay lumang playwud
karton na matibay, pwedeng lawanit
ilang pirasong dos-por-dos, tarpolina
o trapal at gulong at ilang pako at turnilyo
kailangan mo ang mga ito
nang maitindig mo agad
ang barung-barong na matagal mo nang
pangarap

nga pala,
magandang puwesto ang mga
bangketa o ilalim ng tulay
o sa gilid ng riles
subok na at matatag
ang mga barung-barong doon
magtindig ka kapag gabi!

kailangan mo rin pala
ng isang maliit na lanseta
pananggol sa sarili
kung may demolisyon

Exodus

Namasdan ko
Isang malamig na umaga
Sa putikang bangketa
Sa ‘di natutulog na Divisoria
Ginigising ng isang guwardiya
Mga batang pulubing naghambalang
Nahihimbing
Sa tapat ng isang establisimyento
Kasiping ng mga pulubi
Ang lamig ng semento kaniig
Ang manhid na karton

Gising, gising!
Sambit ng guwardiyang nakangisi
Gulantang
Walang-angal na nagsibangon
Mga pulubing namumula pa
Ang mga matang minuta
Dahil sa biglaang paggambala
Ng nakangising guwardiya
Kumikislap pa ang tutulong laway
Sa gilid ng labing tuyo
Ng tatlong taong gulang
Na batang pulubi

At aywan
Nakaramdam ng panlulumo
Sa eksenang iyon
Tumibo sa puso

Saan ang tungo ng mga pulubing ninakawan ng himbing?

At tumutusok, dumidikdik
Sa utak ko, ngayon
Ang ingit ng kurtinang-tarangkahan
Ng malaking establisimyentong
Nilisan ng mga pulubi
Establisimyentong nagtitinda
Nag-aalok, nag-papahulugan
Ng malalambot, mababangong
Unan, kutson, kumot at kama

Nais kong matulog sa bangketa sa piling
Ng mga pulubi’t taong grasa mam’yang gabi

Saan ko sila makikita?

Kaarawan

ang buwan ng agosto,
tulad ng iba pang mga buwan;
mula nang mangyari
ang hindi inaasahang daluyong
sa pintig ng dibdib,
nagdadala ng patalim
na bumabagsak mula sa langit
bumubulusok patungo
sa sugat na hindi maghilom
walang iba pang buwan
ang babasag sa payapa
na sanang isipan
at kung ang hatid ng agosto'y
pagluluoy ng mga bulaklak
marahil, sa yugtong ito
pipigilan ang bawat sandali
at hahayaang matapos
ang hapding hatid ng paglimot
mo

Lunes, Agosto 16, 2010

Dalaginding

Labindalawang taong gulang ka
lamang, nguni't bihasa na sa pagbukaka
ang iyong mga hita.
Magluluwal ka ng sanggol
na 'di alam kung paano palalakihin, bubuhayin.
Gayong maging ikaw ay 'di pa
makayang ipagtanggol
ang sarili sa mga nanunukso sa 'yo.
"Neneng bukaka, me uhog pa buntis na."
Naiiyak ka, miminsang nagpapantig
ang mga tainga.
Ayaw mo sa buhay ina, putangina!
Bakit ka nga ba napadpad diyan?
Dapat ay naglalaro ka,
sinusuklay ang mga buhok
ng mga manikang nagbubukbok
sa kalumaan.
Dapat ay nag-aaral ka sa
elementerya. Nagbibilang.
Nagbabasa. Masaya
Dapat ay natutulog ka
sa tanghali 'gang hapon
at magmemeryanda ng turon.
Dapat ay namamasyal ka
kasama ang mga kapwa mo bata
sa mga labasan at nagtitinda
ng sampagita plaza.
Pero nas'an ka ngayon?
Malungkot na nakatanaw,
mula sa maliit na bintana
ng inyong barung-barong,
sa mga kababatang nagpapatintero
at kalaro mo sana, kalaro mo sana.
Himas mo ang malaki na ring tiyan.
May pumipintig na laman.
Natatakot ka: kailan nga ba ang laban?
Puputok ang panubigan?
Wala kang muwang sa mga ganyang bagay.
Ni napkin nga'y 'di mo pa kabisadong
itapal sa iyong puerta
maglagay pa kaya ng lampin
sa umiiyak na anak?
Bakit ka nga ba napadpad diyan?
Si maria ka bang biglang lumobo ang tiyan
o talagang malandi ka lang at mahilig sa halikan?
Hindi. Hindi? Hindi!
Wala kang dapat pagsabihan.
Walang dapat makaalam,
kayo lamang ng iyong nanay.

At nasaan nga ba ang iyong tatay?
Lasing na naman?

Martes, Agosto 10, 2010

Kung Bakit Pula at Hindi Bughaw Ang Dugo

dati
akala ko
ang kulay ng dugo
ay bughaw
napapanuod ko
kasi noon sila cedie
at sarah
mga dugo nila
bughaw
dugong-bughaw
ang gagara ng mga damit
mapuputi, maririkit ang mga mata
alun-alon ang nagdidilawang buhok
sa palasyo sila nakatira
luntian ang mga hardin
singlawak ng luneta
laging maaraw
wala akong maalalang umulan
napakaganda
napakaaya
kaya't akala ko
bughaw talaga ang dugo

napapanuod ko na rin
naman noon
'yung itim na magkakapatid
sila nikita
at si romeo
mga manggagawang bata
maitim yung mga mukha nila
marurumi
at laging maulan
at lagi silang umiiyak
naalala ko pa nga
nang magkasakit si nikita
sumuka siya ng dugo
akala ko asul
pula pala
pero nagtatrabaho pa rin siya
kahit may sakit siya at bata
at iyon nga
nakita ko
pula pala ang dugo ng mga marumi
pula pala
kaya pala maraming marumi tsaka mahirap
kasi pula ang dugo nila
at pula rin 'yung araw sa hapon

pero nung medyo nag-kaisip ako
at 'di na gaanong nanunuod ng t.v
at wala na rin sila cedie at sarah
nawala na rin ang paniniwala ko
na bughaw ang dugo
kasi si nanay
marumi ang kamay at makalyo kakalaba
si tatay marumi rin ang kamay at paa
at sapatos at damit at mukha
kasi manggagawa sa pier
'yung mga kapatid ko marungis
kakalaro sa labas
at maulan at laging basa
sa looban
at matulo
ang bubong namin
at ako sa maruming paaralan nag-aral
mula elementarya hanggang kolehiyo
marumi lahat at basa at maulan at mabaho pa
kahit saan ka tumingin may marumi

at oo
hindi nga bughaw ang dugo
pula ang dugong lumabas
sa ilong ni tatay
nang masampal siya ng kapatas nila
dahil nagtanong siya tungkol sa sahod
at si nanay nang madulas
habang naglalaba sa kapitbahay
nagdugo ang ulo niya, pula
at nang madengge si omeng
'yung kapatid ko
sinalinan siya ng pulang dugo
dahil kung hindi
baka patay na siya

at totoo
pula nga talaga ang dugo
hindi bughaw, hindi langit
hindi dagat
pula, singpula ng araw sa hapon
tulad ng mga dugong isinuka
ni nikita
at kailan kaya magiging pula
ang dugo nila cedie at sarah?
kailangan pa kayang mabahiran
ng dugo nila nikita, ni romeo
ni omeng, ni tatay, ni nanay
ng mga marurumi
ang luntian nilang hardin
na singlawak ng luneta
o kailangan pang sunugin
ang palasyo nila't abuhin?

Karit

I.

hinahasa kita
karit
nang sa gayo'y mahusay
mong magampanan
ang pagtabas ng palay
na habambuhay mo
nang dinidilaan
hinahalikan ang kabuuan
at siya namang aking hininga
pag-asa ng anak ko't asawa

hinahasa kita
umaga at gabi
hanggang sa makita ko
sa makinang mong katawan
karit
ang pagbangon ng nakasisilaw
na araw
at pagtitig ng buwan
sa hindi matapos na karimlan
hinahasa kita
upang ang hugis-ngiti mong katawan
ay magalang
na babati kaninuman
magpapaalaalang ika'y ginawa
karit
upang maging katuwang
ng katulad kong sabi nila'y mangmang

hinahasa kita
nang hindi ka pumurol
pupunasan ng langis
pupunasan ng bangis
pupunasan ng tangis
pupunasan ng tiis
nang layuan ka ng kalawang
kalawang na tila buwitreng gutom
na nag-aabang
sa iyo
karit
at babalutan kita
ng katsa
at itatabi, itatago
sa kasuluksulukan ng aking kubo
inilalayo kita sa kalawang

hinahasa kita
karit
umaga at gabi
lagi't lagi
sapagka't ikaw
ay kaluluwa ko
ikaw, ang mga palay
at ako, tayo'y buklod
ng sikap at pawis
ng tibay at kinang
ng pagmamahal


II.

(ang lupain, ang palayan
kinamkam, inagaw, ninakaw
kamakailan
ng asenderong walang pakialam
at hindi talaga magkakaroon
kailanman
ng pakialam
sa atin
sa mga tulad natin
huwag kang mababahala
kung iniisip mong mawawala
ang saysay mo
hindi kita hahayaang lamunin
ng mga kalawang)

hinahasa kita
karit
hahasain pa rin kita
sapagka't mula ngayo'y hindi na damo
hindi na ang palay na nawalay
ang didilaan at hahalikan mo
maghanda ka, alam kong handa ka
sapagka't mula ngayo'y
mga leeg na nasasabitan
ng mga gintong kuwintas
mga braso at pulsong naboborloloyan
ng mamahaling relo't pulseras
mga balikat na nalalapatan ng mamahaling polo
mga hita at binting yakap ng mamahaling pantalon
mga taingang kinakapitan ng kumikinang na hikaw
mga daliring nakabilanggo sa pilaking mga singsing
mga ulong kinalalagyan ng utak na ganid at mukhang
nakasusuklam
ng mga asendero't panginoon
ang didilaan, hahalikan mo
silang kinakalawang ang bukas natin
ang bago nating simulain

gahasain mo sila

Martilyo

ipinupukpok ang martilyo
sa pakong nakausli
pinagdurugtong
ang nagkakagalit na tabla
ng kamagong man o narra
palotsina o lawanit
mainam ding pangpitpit ng lata
o aserong wala sa hugis at porma
kapares ng sinsil at paet
na kaibigang matalik ng isang iskultor

minsan
(o madalas nga marahil)
ipinampupukpok
sa mga galit na daliri
ng isang aktibista
ipinandudurog
sa matitigas na bungo
ng mga mulat na magsasaka
ipinanghahalik
sa nanggigitatang tuhod
ng isang poldet
ipinasisiping
sa maprinsipyong bibig
ng mga lider-manggagawa
malupit ang martilyo
marahas
kung pasista at ganid at utak-pulbura
ang magtatangan

ngunit mapagpalaya
mapagmahal
mapagkalinga
mapagkumbaba
kung mga kamaong sanay
sa init ng katanghaliang araw
o manhid sa lamig ng magdamag
o sa hambalos ng alon
o sa kapagalan ng katawan
ang tatangan
at mabagsik din kung kinakailangan
pinakamalupit ang asahan
higanti
mapula ang ulo ng martilyo
ng isang kamaong
pinagsasamantalahan

Piko

ang piko
'di lamang pambungkal
ng nanigas nang lupa
o pangtibag
sa mga sementado, aspaltado
kungkretong daan o pader
'di inihugis arko
upang ihampas palagian
sa walang muwang na semento
'di tinulis ang mga dulo
nang sa gayo'y halikan
maya't maya
ang mapuputlang pader
na naghambalang
hindi lamang iyan
ang gamit ng piko

kung ikaw, obrero
ay nagngangalit
at ang dugo mo'y maalab
na nag-aapoy
sa dahilang obrero kang ninanakawan
ng dangal
at turing-baboy, alipin, makina
at himala para sa iyo
ang magsubo ng kanin
sa mga anak mong bundatin
at tibo sa puso mo
ang asawang madalas ubuhin
isipin mo, isipin mo
ang iyong piko
kabisaduhin ang tamang pagbayo
ang tamang paghawak
ang tamang pag-asinta
sa malambot na bumbunan
o matang nandudumilat
at isipin mo, isipin mo
ang iyong amo
ang malaki't bumibilog nitong tiyan
ang luwa nitong mga mata
ang mga ngiping ginto
ang mamahaling polo't sapatos
ang almusal, tanghalian, hapunan
nitong kaysasarap
at chedeng nitong makinang

isipin mo, isipin mo
na ang piko'y pangtibag
ng manhid na semento
pambungkal ng naninigas na lupa
at manhid nga, oo
manhid nga ang iyong amo
at matigas ang puso sa tulad mo


umpisahan ang pagbayo

Ang Tula Tulad ng Tulay

ang tula
tulad
ng tulay
ay nagdurugtong
ng dito at doon

dito: ako, maraming ako
mga salita ng pag-aalay
at pagdakila, pagpupugay
at paghihimagsik, pagtutol
at pagmamahal

doon: ikaw, oo, ikaw
iyo itong tula
lahat ng ito'y mga salitang
hinugot, sa karanasan
at pananampalataya
sa lakas at galing mo
ikaw itong aking, aming tula
ikaw, masa at bansa

ang tula
tulad
ng tulay
ay nagdurugtong
mula ako patungong tayo

Ebolusyon

Bata sa Kanto:
bangbangbang
tinamaan ng air gun
ang galising aso
sarap ng tawa
ng batang uhugin

Binata sa Labasan:
bangbangbang
nadaplisan sa tiyan
si mang karyo
nang paputukin ang paltik
may riot ang magkagalit
na grupo, wala raw sinisino

Batsilyer sa Beerhouse:
bangbangbang
luwa ang bituka
ng guwardiyang umawat
sa lasing na nagmimilitar
sukbit ay kuwarenta'y singko
mayabang raw ang loko
ninong ay sarhento

Sundalo sa Kabundukan:
bangbangbang
sabog ang ulo
warak ang dibdib
ng dalagang pinagkamalang
kabilang sa mga neps
at napag-alaman pa
sa morge'y natuklasan
bote ng hinebra'y nakapasak
sa puki ng dalaga

Linggo, Agosto 8, 2010

PLuma

palasong tumarak saking utak
binigyang saysay
mga kamay
na nagbibitak

sa kalyo

taglay mo ang naninigid
na init ng disyerto
hampas ng hanging habagat
halimuyak
ng mamasa masang ulop ng Sierra Madre

ikaw ngayoy aking tangan
sa bawat paghakbang sa mapuputik na landas
isinisigaw nang iyong laway
ang apoy sa Bukang Liwayway

ipinipinta natin ang kinabukasan
karamay ang sumamot panaghoy
ng mga nalalagi sa ibaba at sulok
habang gamit ang iyong talim
sasaksakin natin
ang mga nabubulok na kaluluwa sa tuktok
ng mga toreng garing

tayoy magluluwal
ng mga Dakilang Obra

kukumpas tayo sa mga dahon at talahib
sa mga pilapil
sa sakot gutay na papel
sa wasak na kubo
sa mabubulas na puno
sa dibdib na nagsabato

iisa tayo Pluma
at ang buhay natiy nagmumula
sa mga dugong idinidilig
sa semento sa lupa

Nawawala

Lagas na pahinasa mga librong
pinapapak ng alikabok
ang mga gunita
nilang naglaho sa panahon ng Sigwa.

Putok na nguso. Basag na bungo.
Putol na mga kamay at paa. Mga paso ng sigarilyo.
Gasgas sa likod. Saksak sa tagiliran.
Semilya sa ari.

Walang saplot. Basang tisert.
Duguang pantalon.

Nakasusuklam na pambungad. Malagim na bati,

ng mga pinalad. Natagpuan.

Mapalad. Sila’y mapalad.

Ngunit, sa mga nilamon, naglaho sa dilim?
Tuluyang inagnas ng alaala?

Walang bakas. Ni isang batong nakasaksi.
Ni ibong makahuhuni.
O punong nakikidalamhati.

Wala?

Wala! Wala! Wala!

A, kayo, kayong maysala.
Demonyong Kaharian. Ginintuang Trono.
Bakit sadyang nakangingiti pa?

Humahalakhak ang mga tarantado.

A, kayo, kayo’y duwag!
Umaasa sa dilim. Madilim na kinabukasan?
Hindi! Hindi kailanman!

Huwag pakasisiguro,
sa mga lagas na pahina. Nilagas kusa.
Magpapatuloy. Ipagpapatuloy,
ang Dakilang Epiko ng Masa.

Sa Kalaliman ng Gabi (o Kung Paano Ko Paniniwalaan ang mga Ayaw Kong Paniwalaan) Isang Tuluyang Tula


Hindi kailan man tayo nagsabay. Kumain man lamang o tumambay. Ngunit, itong mga huling semestre, magkasabay tayo sa tulungan ng klase. Naalaala ko pa ang iyong disposisyon. Iyon ang huling pagkikita natin. Walang pinagkaiba, tulad ka pa rin ng mga nagdaang araw, masayahin. Tila walang nagbabadyang trahedya.

“Pare, salamat do’n sa tsokolate”. ‘Di ko batid na iyon na pala ang huling palitan natin ng mga salita. Natatandaan mo? Nagkabiruan pa nga ang tropa. “Bertdey mo na. Painom ka naman! Pakambing ka naman!” Nangiti ka lamang, dahil ika’y hindi nainom.

Dumating ang kaarawan mo. Tulad ng iba pang mga araw, walang pinag-iba sa karaniwan. Ngunit, isang mainit na text ang bumungad. “Wala na si Kuya Jeff!” sabi ni Tin. Kalokohan! Bertdey, may ganyan? Inisip naming nasa Lab high na isang malaking biro. Nagitla ako doon, Pare.
“Totoo ba? Ano ba talaga?” Nagkayayaan. Alamin ang katotohanan. May mga nauna sa inyo. Inaalam din. Ngunit wala ka. Umaasa kaming biro nga. Hapon na nang dumating ka. Totoo. Nagsimulang ayusin ang sala ninyo. Doon kasi ilalagay ang kahon mo. Puti. Malapad. Mahaba-haba. Totoo nga. Walang duda. Walang biro.
Matagal tumimo sa akin na totoo ang lahat. “Hindi na siya nagising.” Kitang-kita ang makapal na kolorete sa iyong panatag na mukha. Salamin ang pumapagitan sa atin. Tulog ka lang sabi namin. Yari ka! Iyon ang hinihintay ng lahat. Pero wala. Kahit kaluskos o bakas-hininga.

Nagpabalik-balik kami sa pakain mo. Iyon na ba ang pabertdey mo? Nag-inuman din kami. Natikman din namin ang kambing na tinda n’yo Ang sarap magluto ng Nanay mo. Nag-iisip pa rin ako. Wala pa rin. Hindi totoo. Ayokong maniwala.

Dumating ang araw na hinihintay. Kailangan ka nang isama sa kapalaran ng iba. Maangas ang Tatay mo, Pare. Hindi ko man lamang nakitang umiyak . Ang mga Ama nga naman. Naalaala ko rin pala, iyong nagdugtong sa ating maliit na pagkakaibigan. Led Zeppelin. Pinag-isa tayo ng Stairway to Heaven, Kashmir , Goodtimes Badtimes o Communication Breakdown kaya. At sa huling hantungan mo. Sa karo mo, Pare. HardRock ang sumasalubong sa tainga ng mga tao. Napangiti ako. Tulay patungong langit?

Sa misang gawad sa iyo, binanggit ng Pari na isa kang mabuting tao base na rin sa nakita niyang nakikidalamhati sa iyo. “Pinuno niya ang kapilyang ito, na bihirang napupuno sa ordinaryong araw”. Napangiti muli ako.

Sa Norte, nahanay ka roon malapit sa mga kilalang nauna. Thomasites. Pancho Villa atbp. May palipad-lobo pa’t hagis-bulaklak. Panatag pa rin ang iyong mukha. Isinilid ka sa isa pang kahon. Parang posporo. Iyon ang huling kita ko sa iyo.

Pare, ngayon lang ako tumula ukol sa mga nangyari. Ewan lang kung hindi kaya o wala talaga. Pero, ngayong gabing ito, naisip kita. Hindi tayo dikit sa mga bagay-bagay. Kailan lang din nagkalapit ang mga pananaw natin. Ngunit, naitanim sa isip ko ang maliliit na kabutihang ginagawa mo at ilan pang kabutihang ikinuwento ni Nanay at Tatay mo. Nagagalak ako, Pare. Na sa huling mga sandali mo’y natulungan mo kami sa thesis kahit may sarili kayong thesis na sinasaliksik. Malaking bagay na iyon. At ang tsokolate. Natatandaan mo?

Nagtataka lang ako sa mga pangyayari. Bakit ganoon? Bakit sa kaarawan mo pa nangyari? Bakit “Friday the 13th” pa, Pare? Bakit may pa chain letter pa? Bakit ngayong gagradweyt na tayo? Totoo bang malapit sa sakuna ang may kaarawan? Malas ba talaga ang Trece Viernes? Kailangan ko na bang matakot sa chain letter? Kailangan ba talagang mag-ingat ang mga gagradweyt?
Coincidence?
Maniniwala ba ako? Kailangan ko na ba’ng maniwala?
O panaginip lamang ang lahat?
Pero, Pare, mag-iingat ka na lang kung nasaan ka ngayon. Salamat sa sandaling pagkakaibigan, na ating napagsamahan. Salamat!



--alay kay Jeff, isang kaibigan

Basurahan


We do not have to visit a madhouse to find disordered minds; our planet is the mental institution of the universe.----- Johann Wolfgang von Goethe quote

salisaliwang paniniwalang kaguluhang hunghang
basagbasag na salamin sa dagidig
a! sa rehas na itoy maglalaro ako
ng patintero sa ulan
bahaybahayan ni Aling Maring
bubuhatin ko ang Library of Congress
at lalamunin ko ng buongbuo
sabay inom ng litrolitrong Pasipiko
a! tatadyakan ko ang Sierra Madre
tulad ba ng latang nakakalat sa SM
lalamasin ko din ang poster ni Angel sa EDSA
didilaan ang matamis na tinapay sa disyerto
"baliw ka gago"
baliw? sinong baliw?
pare nakita ko na si Hesus
katabi ko sa kama
hindi pala kulot buhok niya
kalbo siya pare at pula ang mata
katabi ko pare
kahapon naggala ako sa Baywalk
ang daming bulaklak sa dagat
ang sarap nila
lumangoy ang gulay sa Baguio
namatay ang aso ni Mang Tasyo
nasunog ko nga pala ang palaisdaan
kaya wala ka nang mana
si Moses kumakain pala ng ahas
at si Piolo lalaki pare
kamukha na siya ni BB
ang lamig ng rehas na ito
parang bolang kristal sa makiling
bakit ganitong suot ko?
ang sakit na ng kamay ko

pare, ikaw ang baliw!
kasi hindi mo alam ang alam ko.
wala tayo dito
andoon tayo sa wala pare.

Makapal na ang Kalyo sa Talampakan

kung may pagkakataon
hinahayaan ang paa na tumahak sa mga baha
o di kayay sa mainit na singaw ng semento
pilit na pinipilit ang mga paa na makipaglaro
sa mga usok at nagmamapang putik
minsay Miyerkules o kayay Sabado
kung lumarga ang nangangating talampakan
hindi na nga napansing bumalik ang makating alipunga
pero sige lang
mayroon kasing binabalak
arawaraw pinuputakti ng mga letra
binaliw pa nga ng malambing nilang taludturan
marami sila at hinihintay lamang duon sa sulok
sumisigaw sila ngunit walang tunog
ikaw lamang ang nakakarinig
at ang talampakan mong untiunti nang nanganganak
ng kalyo
pinaikot mo si Inay o si Itay o si Amor
mapagbigyan lamang ang hilig
marami na sila sa sarili mong sulok
kinakain ng alikabok at daga at anay
pero sige lang walang makapipigil sa iyo
dahil may tinatahak ka
abutin mo silang nakatingala
gamit ang talampakan mong nagkakalyo
nang malambing mo rin ang letrat salita

Protesta Sa Alaala

kung molotov ang mahahapding sandali
ihahagis ko, araw-araw, sa kuta
ng mga tarantadong militar
ang bawat sandali

kung teargas ang ngiti mong 'di maglaho
ibabato ko, sa bawat aklasan, doon
sa panig ng mga balahura
ang bawat ngiti

kung bandera ang mga alaala mo
iwawagayway ko, sa nilalagnat na langit
at hangin, ang bandera
hanggang sa tuluyang mag-alab
ang damdamin ng masa

kung bato ang bawat pagkakataon
ng muling pagkikita, ipupukol ko
sapul doon sa tarangkahan
ng embahada ng amerika
ang bato, ipupukol ng buong lakas
hanggang sa madurog, bungo
ng imperyalismo

at kung armalayt ang mga bangungot
mo sa bawat pagpikit, ipuputok
ko, paaawitin ang mga punglo,
paaalingawngawin sa malawak na kabundukan
patutunguhin sa dibdib ng mga mapagsamantala
hanggang sa tuluyang lumaya
ang isipan ko sa tanikala
ng mga alaala
ng dati nating pakikibaka