Martes, Mayo 1, 2012

Pasumala

pasasaan ba ang kahulugan
kung kinukumutan
ng malabnaw na reyalidad?
paano lumalabnaw ang reyalidad?
kung matatagpuan ang kahulugan,
anong garantiyang ito ang ito?

kaninong boses ang bumubulong
sa bubong ng iyong bungo--
hindi maaaring iyo, pagkat ikaw
na rin ang nagsabing mas matino
ka pa sa pilosopiya at tendensiya
ng kabaliwan.
kung kailan nababaliw ang tao
doon lumalantad ang kasagutan.
bakit hindi nakapagdadamit
ang baliw sa kanto ng Avenida at Recto?
naglalaba nang walang tubig
sa tapat ng Nova Royal Mall
ang babaing blangko ang balintataw.
kaninong boses ang dapat
pakinggan? halos isandaang taon
ang nakaraan bago nagsatao
ang sangkatauhan. pero ano
nga ba ang tao?

naglalaro ng kunsaan ang kahulugan--
maaaring naghihintay lamang ng tapik
sa balikat o matagal nang pinatulog
ng pagkabagot.
bago mo sabihin sa akin
ang iyong mga tuklas,
ituro mo muna, sana,
kung sino ang dapat kong paniwalaan.
ibulong mo lamang nang marahan.

Sa Unang Ulan Sa Unang Araw Ng Mayo

hindi nagtago ang mga ibon
sa butas ng malalaking sanga
nagalak ang mga bubong
sa haplos ng ragasang ulan
sa kanilang mga tadyang
mas masigabo ang sayawan
ng mga dahon
sumakay sa agos
sa kanal
ang mga langgam at ipis
naghubaran ng salawal
at sando
ang mga bata, nagtampisaw
sa malaking butas ng aspaltadong
daan
natigil ang huntahan ng nagkukutuhan;
naglabas ng mga timba't batsa,
nagtago ng mga sinampay
hindi bumuka ang mga payong
nagngitian ang mga labi
nalungkot ang pawis at nilalagnat
na hangin
musika ang tikatik ng ulan
sa unang araw ng Mayo
hindi bubog ang mga patak
kundi diyamanteng ihihiwa
sa umaasong katawan.

M.U. (2)

ipinagtataka ko talaga kung may "u"
ang salitang labor at parehas ba ang labor
day ng isang ina sa ospital ng Fabella
sa labor day ng mga manggagawa
sa buong mundo. May 1 kung konektado
talaga ang mga ito sa isa't isa at ano
nga bang etymology ng labor?

labor, labeur, laborem, laber,
laborare, laborer.
to plow, mag-araro; to endure pain,
indahin ang sakit. masakit ang puwertang
magluluwal ng sanggol; ang kalamnan
ng kargador, nanalaktak sa pawis
at umiinda ng kapagalan; inaararo
ang kabukiran para sa kanin sa kaldero.

unang Lunes ng Setyembre ang araw
ng mga manggagawa at paggawa sa
Estados Unidos. pa-unique lang ba o
ayaw makisabay sa Internasyonalismo,
sa kanila na ang dahilan ng kanilang
pananarili.

basta ngayong nilalagnat ang paligid
at nagtutuldukan ang mga pawis sa noo
ng Nanay kong nagluluto ng pananghalian,
ngayong nasa likod ng manibela at kambyo
ang Tatay kong operator sa pantalan,
ngayong batbat sa paperworks si utol,
ngayong nagkakandabuhul-buhol
ang mga kamao at bisig sa Mendiola,
ipinagpupugay ko ang lagpas isang siglong
pagpupunyagi ng mga manggagawa;
etemolohiyang naghahabi ng kasaysayan,
wala sa salita kundi sa gawa.

M.U.

at dahil lakas-paggawa
ang bumubuhay sa ating lahat
sa ating lahat na ngumangawa
kapag walang load ang cp
o walang pang-coffee
at dahil lakas-paggawa
ang bumubuhay sa ating lahat
manong hayaan silang
magmartsa at igiit ang kasaysayang
sila ang magtatakda.

Limang Taon Na, Jonas


limang taon na Jonas

at wala pa rin ni bakas
                    ng iyong yapak

kung kailan ka lalantad
         o illalantad

makapaghihintay kaming 
     naghahanap

kaming limang taon nang 
           may bakanteng plato
at baso, kutsara at tinidor
            puwang sa malungkot
na upuan
sa hapag ng katarungan

kung sakaling bukas
       ay magbalik at ibalik ka
buto man o payat na binaliw
magsasalo tayo, Jonas
        habang nililitis ang mga 
                   berdugo.

Kay Arnel

Arnel, ang huling pukpok ng maso
sa malungkot na pader ng talipapa
ng Silverio Compound,
ang huling tipak ng batong
sasapul sa truncheon ng powertrip
na mga pulis,
ang huling molotov na sasabog
sa bulto ng warheaded na SWAT ,
ang huling balang lilipad at tutunton
sa walang kinalaman,
ang huling piglas ng galit na kamaong
tumutuldok sa hangin,
ang huling suntok sa karapatan
mong garantiyahan ng katiyakan
sa kabuhayan at tirahan,
ang huling kadyot sa pambubusabos
sa tulad mong naghahanap ng puwang
sa tuwid na daan,
ang huling hampas ng yantok,
ang huling patak ng firehose, ang huling
tagas ng teargas, ang mga sapak at tadyak
ang yamot, ang inis, ang lahat-lahat
sa kahuli-hulihan ay umpisa
ng mas matindi pang laban.

Arnel, hindi sa gutter ng center island
nagtatapos ang lahat.
hindi sa balang nagmumula sa kanila,
kung hindi sa atin.

Nang Umakyat Ka Sa Sanga Ng Mabulas Na Punong Mangga

nang apakan mo ang sangang mas payat
pa sa braso ng payat na pulubing namamalimos
sa plaza ng Pozorubio
ng punong manggang sampung palapag
ang taas, parang dagang nagpupumiglas
ang kabog sa aking dibdib. paano
kung sa isang ihip ng hangin, pumitik
ang sanga at kisap-
mata, lalapitan kitang bali ang tadyang,
ang balakang, basag ang bungo, tumikwas
ang binti? mapait pa sa pawis na nananalaktak
sa mga gatla ng aking noo
ang damdaming gustong tumakas.
mas malakas pa yata ang loob mo
sa leon na nag-aabang ng masisila
sa harap ng mangangaso.
mas matapang ka pa marahil
sa pusang maglilipat bubong
upang manguha ng tinik.
wala kang takot sa mga tikbalang at tiktik
o sa makating mga hantik.
tila ka diwata sa pagitan ng mga dahon at bunga
nang apakan mo ang sanga
at umihip ang hangin.
gusto kong lumuhod
at dumalangin
na matatag nawa
ang sanga
tulad ng
pag-ibig
nating
dalawa.

Unan


Malungkot
Isiping nag-iisa ka
Sa mga gabing gusto mo
Ng kamay na nakapatong
Sa iyong dibdib

Bagamat
               Pinakamalungkot

Ang kamay na iyon
Na hinahanap ka, at di mapagkatulog
Pagkat walang silbi ang kanyang
Mga kamay
Na nakatanday lamang
Sa walang init na unan
Sa walang hiningang unan.

Ganyan Naman Ang Tula

Ganyan naman ang tula
Pinaaasa sa metapora,
Sa pagsasatao, paghahambing,
Sa lirika, sa sukat at tugma
Ang salita.

Ganyan naman ang tula
Nang minsang madulas ang pusa
Sinabing hindi ito mamamatay
Sa sagasa. Sa tinik ng isda,
Hindi natutulaan ang tinik
Ng isda
At ang nadulas na pusa
Sa gilid ng umaatras na L300.
May tula tungkol sa Siberian husky
Na mahal na mahal ng amo.
Wala sa pusang nag-landing
Sa kalawanging bubong.

Ganyan naman ang tula
Dinadaan-daanan ang may marasmus,
Ang bulag na di marunong magmasahe
O maggitara,
O ang magkakaibigang sign language
Ang tawanan.
Hindi natutulaan ang kapansanan
Maliban kung malapit sa kamatayan
Na siyempre
Paboritong tulaan ng mga poet;
Ang eksistensya.

Ganyan naman ang tula
Malambing ang buwan, matapang
Ang araw. Ang bituin, hindi naman bubog
Kundi diyamante. Ang hangin, humahaplos
At di nananapak. Ang puno, ang dahon
Ang bulaklak
Pinakamasarap kung bumabalik sa nagdaan.
Hindi katula-tula ang basura,
Ang nakatambak na sirang sopa
Sa gutter. Ang plastik ng Mentos
Sa bunganga ng imburnal.
Walang tula sa basura.

Ganyan naman ang tula
Ang prosti, palabok sa obscenity.
Ang pulubi, para malasahan ang pakla
Ng siyudad. Ang tindero ng balut,
Insider. Ang holdaper, holdaper.
Ang gabi, madilim at ang umaga ay pag-asa.
Poverty porn star ang nagbabandila
Ng reyalidad. Propagandista at hindi makata
Ang nagtutula ng protesta. Awardee ang nagbabandera
Sa pormalidad, ng pormalidad at nagpapanata
Sa ruler
At protractor
Ng tradisyon at modernidad.

Mula’t mula nang sakalin
Sa pamantayan ng aklat at unibersidad,
Ganyan naman
Na
Ang tula
Ganyan naman ang tula,
Nila.
Ganyan sila sa tula.

Tahimik Ang Gabi At Walang Tula

Tahimik ang gabi at walang tulang
Gustong makipagtalik sa akin.

Ilang araw, mag-iisang linggo na marahil,
Nang huli akong dalawin ng libog, ng tula.

Pinagmamasdan ko ang dilaw na kurtina
Na ayaw yatang tabihan ng hangin.
Parang tuod na sinampay, hinayaang matuyo
Hanggang sa kalimutan
Maging ng araw, maging ng buwan.
Ayaw akong dalawin ng tula, marahil
Galit sa akin
Dahil ang huling dalaw niya’y kinutya ko
Ng kahindian.

Hindi ako makata,
At hindi kailanman magiging isa.

Magsisisi ba ako kung di
Na niya ako dalawin at iwan ang matatamis
Na alaala, tulad ng mga gabing
Tulad nito, tila sementeryo ang paligid
Sa lason ng katahimikan?

Siguro’y hindi.

Sa mga gabing tulad nito,
Siya ang kumakalabit sa akin
Kapag nagsawa na akong hintayin
Ang kanyang pagdating.

Hindi Ako Makata

hindi ako makata, huwag mong tingalain
ang hinabi kong mga salita. ako'y salamin
lamang, repleksyon ng hindi mo makita o
ayaw mong tanggapin, suriin at madama.

halimbawa, tinitigan mo na ba ang mukha
ng kambing? wala ka bang nakita sa balbas,
sa matindig na sungay, sa matang duling?
ang buwan, nakita mo ba sa pisngi
nito, ang mukha ni kristo? kailan naging
magkawangis ang mirasol at araw? kailan
ka nakita ng puting ng kalabaw?

halimbawa, naamoy mo na ba ang pawis
ng kargador? ng pulubi, ng estapador?
paano mo mapag-iiba ang amoy ng gumamela
sa amoy ng santan? alam mo bang maasim
ang samyo ng nabasag na kalawang?
nagbababala ang alimuom, mas mabagsik
ang naptalina. umaaso ang kape, anong
lasa ng timpla?

halimbawa, mapait ang pusong nabiyak at biniyak.
nalasahan mo na ang luha at pag-iyak? matamis
daw ang unang halik? natikman mo na ba
ang isang naghihilik? mapakla ang hilaw na ampalaya,
mapait ang hinog na patola. nakatikim ka na ba
ng kinse anyos? maasim ang bunga ng padalos-
dalos.

halimbawa, musika ang is-is ng ahas, sayaw
ng kawayan, pagbagsak ng bunga ng mangga
at papaya, ang tikatik ng malambing na ulan. narinig
mo na ba ang awit ng katahimikan? ang kapayapaan
sa gitna ng kaguluhan? may sukat at ritmo ang tibok
ng iyong puso, umiiba ng tono depende
sa puyo.

halimbawa, ikaw ang langgam na tatapaktapakan,
ikaw ang punong kikitlan ng kakisigan, ang rosas
na aalisan ng tinik, nililigawang pagdadamutan ng
kilig. anong pakiramdam kung maligaw sa sukal
at ni anino ng ulap ay walang hatid na lingap?
naramdaman mo na ba ang galak at takot, lungkot
at ligalig sa talim ng gulok?

hindi ako makata, at hindi ako tula. hindi makata-
rungang tawaging isa. hindi ako makata, ikaw
ang humahabi, nagpapasya ng binalangkas kong salita.

hindi ako makata, at huwag kang mag-alala,
sa pagitan natin, walang pagitan kundi alaala.

Fine Trees

ganito ka nila nilansi:
habang taimtim mong
inaantabayanan kung
tatama nga ba sa bansa
ang rocket launching
ng Hilagang Korea,
nakalapag na ang bota
ng bagong tropa ng Amerika.
habang nagninilay ka pa't
may hangover ng Kuwaresma,
habang nagbababaan
ang nilimliman mo't nagpanata,
habang wala kang muwang,
habang meron pang puwang--
ibinalangkas na ang balak,
matatalas na mga tabak--
kagabi
isa-isa kayong nilagari.

Paano Kakakusapin Ang Talampakan?

paano kakausapin ang talampakan
kung hapit sa lakad at ayaw panawan
ng atubili?

wala itong pakialam sa lawit na dila,
sa tagaktak ng pawis na kumislap-mawala
sa dugyot na hapit ng nangutim na kamiseta
sa laglag ng balikat, sa tirik na mata
tugunan lamang ang kati't pagnanasa
na tuntunin ang bakas

ng iyong hininga.

nariyan ka ba sa bitak ng pader
o sa gilid ng bangketa, sa daster
ng aleng tila wala yatang mukha?
nariyan ka ba sa butil ng asukal
ng bananakyu o sa mata ng bangaw
na tinampal ng dalaga? naririyan
ka ba, naririyan ka ba?

paano kakausapin ang talampakan
at sasabihing milya-milya ang pagitan
ng ating panambitan?

Kakistokrasya

dito sa perlas ng silangan, makinang ang pakinabang
ng mga opisyal na inihalal

--di matapos ang paperworks
ng pangulong thumbs up sa VFA pero no comment sa OPH.
retorikang umaatikabo ng matatalinong? senador sa isyu
condo-freak, nasasakdal na huwes. tagapayong kargado
ng mga advice na straight from/for the west--turn na
ng gabineteng committed sa family interest, mga kinatawang
sabi nga ni Dong "mas maraming absent kesa sa present, "
embahador na well-traveled around the world gamit
ang ating buwis, heneral na bihasa sa psy-war, torture
at conspiracies, pulis na drug-dealer, underground
economy protector at suki ng burlesk, government employee
na undertime kung umuwi, maasikaso-kung-may-money
na government agency--

dito sa perlas ng silangan, makinang
ang kakistokrasya, naihahalal, tina'tanga'ng'kilik ang
pinakamasasama.

Aytinkayshalnebersi

they took all the trees, and put 'em in a tree museum
and they charged the people a dollar and a half to see 'em..
--Joni Mitchel, Big Yellow Taxi

sinabi ni Joyce Kilmer, hangal ang gumagawa ng tula
at ang puno'y gawa ng Lumikha. pero walang paki
ang Lumikha sa prinsipyo ng profit; kamay ng bilyonaryo
ang hahatol sa mabulas na puno--dumarami
ang mga sasakyan at walang mapaglagyan;
laos na ang Luneta at Burnham Park, trending
ang SM nationwide. anong silbi ng punong kailangan
pang i-groom? shade? oxygen? kumpleto n'yan sa mall.

sa panahon ng global warming, wala nang pakinabang
ang puno. sementado na ang lupa kaya't di
na magiging pataba ang nalantang mga dahon.
ang troso'y ipanghahaligi, baston ng mga donya't don
ang mga sanga; mamalimos na lang ang pilay sa
bangketa. at sa malao't madali, naka-museo nang
mga tree, gustong mag-ukit ng puso? i-post mo na lang
sa FB.

Salimbayan

hindi ko na mapag-iba ang init at lamig
pareho na silang sumisigid sa aking buto
tulad nang di ko na mapag-iba, pananabik
at pangungulila, araw at gabi, sa iyo.

Elehiya Sa Kalawang Ng Tabak


Panginoon, nangangalawang na ang tabak;
            ilang dekada ko na ring di naipadidila
talim nitong dapat sana'y sa dibdib ng tubo
             nananagana.
Nangangalawang na, Panginoon ko, pagkat
               ayaw mo                    akong tulutang
                    bungkalin, tamnan, linangin
ang lupang namumuhaghag na sa kawalan 
ng kalinga.

                   Panginoon, iya'y lupa ng aking ugat;
lupa ng aking buhay, lupa ng aking kamatayan.
      Hayaan mo akong yakapin ang aking tabak,
Panginoon ko; ikaw na nasa dibdib ng mga ulap,
                      di ko man lang makita ang iyong
palad--tingnan mo ang akin, Panginoon,
    tingnan mo kung paano naglalapat 
        ang palad            ko           at              tabak.

Panginoon, sa balat ko pahahalikin, ang purol
          nitong malungkutin kong tabak; hindi
sa         iyo, aking Panginoon. Pagkat 
wala namang       pagkakataon        na magkakaharap
tayo.        Panginoon, sa aking balat, sa aking ugat
           at    kalamnan, mabubuhay itong malungkutin
kong tabak--

     ang balat ko't laman na isasampay ko
sa iyong ginintuang tarangkahan--makarating nawa
            sa tungko ng iyong ilong
                       ang alingasaw ng nabubulok kong
laman            at           nahubad na kalawang        
ng nabuhayan kong tabak.

Pag-ibig

ang pag-ibig ay:
halik sa noo ni Inang tuwing aalis ng bahay,
tapik sa balikat ng Amang naggagayat ng gulay,
pagligo sa ulan matapos ang mahabang tag-araw,
sumasayaw na aso sa ibabaw ng sangmangkok na lugaw,
hamog sa palay na sumagi sa binti ng nagsasaka,
pawis sa noo ng nagsisikap na sakada,
piso sa gilid ng daan na napulot ng paslit,
lambing ng pusang walang makaing tinik,
banggaan ng mga ulap para pasilipin ang silahis,
ngiti ng kasintahan nang maglaho ang inis,
iyak ng sanggol sa pagbuka ng hatinggabi,
hele ng Inang natutuyo ang labi,
tampo ng kabiyak isang gabing umuwing lasing,
mainit na kape at pandesal sa hapag pagkagising,
payo ng kaibigang iniwan ng kasintahan,
titig ng minamahal sa madilim na sinehan,
magkasiping na kamay sa ilalim ng payong,
alalay sa matandang lalaking humihingi ng tulong,
ulam sa mesa pagkatapos mag-saing,
malamig na tubig pagkapatos tumambling-tambling,
bahaghari sa mga sandaling wala nang mapala,
halakhak ng barkada sa laos na patawa,
basang-medyas na sa wakas ay naihubad,
hugas-ng-pinggan ng kapatid na tatamad-tamad,
kaway ng pulubing nakatingin sa langit,
tiwala sa sangkatauhan na di mo ipagkakait.


(inspirado sa aklat na Love is Walking Hand in Hand ni Charles M. Schulz)