Biyernes, Setyembre 13, 2013

Minsan May Wala

Minsan may tula pero hindi ikaw ang tula.
Maaring ikaw ang taga-ulat, o ikaw ang mulat,
pero hindi ikaw ang tula tulad ng iyong inaakala.
Maaaring bahagi ka lamang ng tula, o minsan
isa ka lamang bula, minsan ikaw ang maysala,
o minsan ikaw ang pinsala, pero hindi ikaw
at hinding hindi ikaw ang tula. Pansinin: may salita
at ang salita ay parang bloke ng birhen na bato
na inagaw sa balakang ng bundok, hindi ikaw ito.
At uulitin ko, hindi ikaw ang tula. Ang tula
ay hindi rin ang salita, minsan nag-aanyo itong
isda, pero ang tula ay higit pa sa isda, higit sa salita.
Kaya hindi rin ito ang tula. Kung may hapag na salat
sa ulam at kanin, uukitin mo ba ang bato
upang maging mesa, dudurugin mo ba ito at
itatabi sa kutsara? Ang isda, mahuhuli mo ba
gamit ang iyong dila? Anong silbi ng salita, at sino
ang tula? Minsan may tula na salat sa hinala,
pero ang tula talaga, sang-ayon sa kanila,
ay mumunting katotohanan sa pagitan ng mga hiwaga.
Sino ang sila at ano ang hiwaga? Ang tula ay alaala,
mga pag-alaala sa di mo makita, ng mga wala.

(pasintabi sa tulang "Minsan, May Tula" ni Marvin Lobos)

S To S

ipinagpipitagan natin ang salitang--pagmamahal
na minsan, pinagsasaluhan natin sa ilalim ng buwan
o sa sulok ng isang lugar na di matutunton ng mata
saan kita matatagpuan kapag hinanap ko ang iyong labi?
hindi naman maaaring ihalik ang alaala sa mga akala
ang labi sa labi, sa hungkag na lente na nagdurugtong
sa ating mga pangungulila ay hindi sapat upang lunasan
ang sarili sa nililikhang sugat ng mga bubog sa mata
kailangan nating kumapit sa isang gabi ng ating mga sarili,
magkalingkis ang ating mga bukas, at ipinagpipitagan
natin ang salitang pagmamahal na binabalangkas natin
sa ating mga balat at kaluluwa habang matalim ang sumbat
ng umiimpis na oras ng ating pagsasanib; ang kapalaran
ay hindi natin aasahan, tayo ang magtitiyak ng hantungan.

Traffic Lights

paalis na ako ng bahay
at iniisip kong baka, baka lang naman
ma-trapik ako

linsyak, paano kung ma-late ako?

hindi naman ako aasenso
kung atrasado ang dating ko
dahil sa lintik na siksikan sa trapiko

hindi ako uunlad,
hindi ito pag-unlad

at talagang kabobohan na senyales
daw
ito ng lumalagong ekonomiya

mas gusto kong maglakad
at kumaliwa

kapag pula na ang idinidikta
ng traffic lights

papunta sa daan na di nila
makikita.

Ipaliwanag Natin Sa Kanila Ang Salitang Soberanya

unang-una, hindi ito sobre, hindi ito sorbetes, hindi iyo o kanya
walang higit na salita na makahahawig dito maliban sa laya
parang ibon man, may layang lumipad, naghahangad
ng sariling pugad na hindi hinabi ng banyagang mga sagad
sa kapusukan at katakawan, na bumubuwelong iprito
sakaling malingat sa nararapat na pag-iingat
parang higad na inagawan ng sanga, wala nang ugat
ang mga uusbong na pakpak sa kanyang balikat
hindi na siya makalilipad at magiging marikit
at siya'y mapipiit sa tuka at kuko ng lintik na makulit
na agilang mahilig sa pagkalahig sa mga lupaing maliit
ikalawa, ang soberanya ay higit pa sa teritoryo
higit pa sa kawaling may adobong walang toyo
higit sa aabuting alingawngaw ng malungkot na simboryo
ang soberanya'y tagos sa salitang ikaw at ako: tayo
hindi sila ang magtatakda ng sukat at tugma ng lupa
hindi sila ang ube sa halo-halo o ang sabaw ng tinola
hindi sila ang tinapa, ang banig, ang protesta
kundi ikaw at tayo at ang siyamnapu't pitong milyong deboto
ng salitang Filipino na ang "F" ay "P" kapag lumabas sa labi
panghuli, ano pa ang aking masasabi kundi pagsasarili
huwag kang green, hindi iyon ang gusto kong sabihin
pagsasarili dahil alam naman natin kung paano maglakad
dahil may mga paa tayong ipinanganak ng kasaysayan
pagsasarili dahil may mga mata tayong nakatingin
sa bukas at inaral ang praktika sa pabrika ng katotohanan
pagsasarili dahil may mga kamao tayong nakasusuntok
nakakatangan ng baril, nakaaasinta, itinututok
sa mahihilig yumurak sa dangal at kasarinlan
at hindi alam ang soberanya, ang ating mga dahilan.

Pagkasadsad Ng U.S. Guardian Sa Tadyang Ng Tubbataha, Humawak Ng Granada Ang Mga Isda At Naghapag Ng Labanan Ang Bahura

magiging puntod ang iyong lapag
at sitsirya ng mga isda
ang mga katawan nilang gugutayin
ng mga alon at bahura

wala tayong pakinabang sa kanila
maliban sa wala naman talaga,
sila sa atin ay higit pa sa dangal
at soberanyang ginagahasa

kaya't huwag mangangamba,
Tubbataha, tahan na
sa pagtutuos ng mali sa tama
at maliit sa dambuhala

magiging puntod ang iyong lapag
at sitsirya ng mga isda
ang mga katawan nilang gugutayin
ng mga alon at bahura

Linggo, Marso 10, 2013

Sa Ilalim Ng Langit

Sabi ng isang makata: Walang sinuman ang ligtas sa ilalim ng langit.*
Siguro nga. Pansinin kung paano kumakalas sa katawan ang mga hininga
Sa iglap na sandali ng pagkakalingat, o kawalang ingat, o kahit
Ng mga pag-iingat na sinusuklian ng panunumbat—sinisibat, gumugulantang
Kahit sa pinakamaiingay na pagtitipon ang isang batang sinalo ng semento
Sa gitna ng mga naghuhuramentadong tradisyon ng salubong at protesta
Sa malas na hula, parang naudlot na pagkukulay nang mabakli ang krayola.
At namalas, sa kamalas-malasan, ng laksa-laksang inakit
Ng pailaw at sayawan ang dugo sa kanilang mga kamay.
Sino nga ba ang ligtas sa ilalim ng langit?
Ang mga bato, tinatapyasan ng ulan sa mahabang pagdantay.
Ang mga dahon, kinakatasan ng pagpapala ng kunot-noong araw.
Ang mga puno, kinakalbo ng hangin-hininga ng nababasag na ulap.
Ang mga lupa, sumasalo ng bigat ng mga damdamin at paghahanap.
Sino kung gayon ang ligtas sa ilalim ng langit? Marahil, wala nga, wala marahil.
Maaaring ikaw ang sumalo ng tingga na nagtago sa usok
At bumulusok, nakatutok sa tuktok ng iyong ulo o sa batok
Na pinasasakit ng kolesterol sa balat ng lechon at manok, ikaw ang biktima.
Maaring siya naman ang salarin, na inaaliw ang sarili sa pag-usal ng dasal:
Nawa’y itakwil ng bigas at baryang isinaboy, ng mga bilog na prutas at belekoy
Ang malas sa paligid at suluk-sulok ng tahanang nagsusumamo sa pag-unlad.
O maaaring ako, ang salarin at biktima, at wala kang tulang mababasa
Mula sa akin, at wala ka naman talagang binabasa sa kasalukuyan
Kundi bula at hinala at mga alaalang kalilimutan ng panahon.
Dahil hindi ka ligtas sa ilalim ng langit—ano ang bago sa bagong taon?
Katulad ba ni Stephanie, tinamaan ka ng ligaw na balang hindi nagbaligtad ng damit
Kaya nga’t naligaw at napiit sa mumunting katawan; katulad ni Stephanie,
Ikinahon ka ba sa lumalangitngit na kuwadrong daigdig ng walang saysay na ngitngit?
Katulad mo ba silang tinatakasan ng bait? Oo, wala nga’ng ligtas sa ilalim ng langit—
Kahit mga damdaming umaasam, pinupunit; maski kamusmusa’y ipinagkakait.


(*pasintabi sa linyang “No one is safe under heaven.” ni Mark Angeles
at sa kanyang tulang Full Metal Jacket.)

Si Johnny, Iyong Aktibista, Iyong Hinuli Isang Gabi

Mabait pong bata ‘yang si Johnny, mahusay raw sa eskuwela, sabi-sabi.
Lalo na sa Math saka History. Lagi rin pong kasama sa top ng klase.
Ewan kung bakit nga ba hinuli ng mga mamang diretso ang likod, isang gabi.
Wala naman pong bisyo ‘yan maliban sa kompyuter. Dito kasi
Sa amin, uso ang Piso Net; maghuhulog ng piso, makakalarga na sa FB
O sa mga Dota-dota at iba pa. Pero ‘yan pong si Johnny, iba po ang hilig.
1st college pa lang po iyan, kumukuha ng Sociology, ang mga binabasa, di ko makalahig.
May nakita po ako, isang araw, Pinoy Weekly ang nakalagay. Tapos isa pa, PADEPA.
Meron ding, PKP ba ‘yun? Saka mga website na panay kamao saka puro pula.
Madalas po, pag nakikita ko s’ya, may picture na iniiba, Photoshop tawag doon, di ba?
Di ‘yan masalita si Johnny. Wala nga’ng kaibigan na malapit, kaya sa sulok ‘yan palagi.
Dito ‘yan palagi sa shop, kaya madalas kong nakakausap. Wala kasi silang kompyuter sa bahay.
Uuwi lang kapag tinawag na ni Aling Goria, ‘yung manikurista niyang nanay.
Iyong tatay raw ni Johnny, si Mang Andeng, dinukot daw isa gabi, lider daw kasi ‘yun sa mga rali.
Tapos, banggit n’ya minsan, baka mahinto na s’ya next sem. ‘Yan e nung magpa-print s’ya
Ng mga parang diyaryo ang itsura, tapos ang nakalagay: JUNK CYBERCRIME LAW!
Akibista raw ‘yan, kaya ganyan, sabi ni Mang Samuel. Pero iniisip ko, di naman s’ya nanggugulo,
Siya nga lang pinakamatino dito sa shop. Lahat ng ‘andito, puro Putangina
At Bwakanangina ang nasa bunganga, lalo na kapag naglalaro ng Dota. Opo, bantay lang po
Ako rito, galing akong probinsya. Pag gagamit, sa akin po sila nagpapapalit ng barya.
Namimiss ko na nga po si Johnny, wala na kasing matino dito sa shop. Walang makausap.
Puro mga nakikipag-chat lang. ‘Yung may kausap na porener, tapos nag-iipit ng suso
‘Yung ‘andito, minsan bakla pero madalas ‘yung Ale d’yan sa kanto na ang tawag e Sekretarya:
Sekretarya daw ng United Nations. Ay, basta! Basta miss ko na si Johnny, saka yung mga post
Niya sa FB . Andami ko kasing natututunan sa kanya, 1st year hayskul lang ako, di ako nakatapos.
Kumusta na kaya s’ya? Teka, kaninang umaga ho, may nakitang bangkay dun sa estero.
Di na makilala, puro paso, tapos hubad-baro. Parang si Johnny nga e, parang si Johnny,
‘Yung kumukuha ng Sociology, ‘yung aktibista, ‘yung hinuli isang gabi, nung isang gabi.

Linggo, Pebrero 10, 2013

Ikaw At Ikaw

nag-away tayo, nito lang, mga mag-iisang oras pa lang ang nakalipas.

pero mali, hindi pala iyon away. kasalanan ko lang talaga, hindi ako nakasunod sa itinakda.

kaya hindi iyon away. nainis ka lang siguro sa akin, nabuwisit ka lang sa akin, nabuwisit at nainis ka sa akin. kung gaano katindi: lumabas na naman sa bibig mo, sa mga dulo ng iyong daliri ang bagay na ayaw kong mangyari. kaya nga buong loob akong sumasalo ng mag dapat saluhin. 

kasalanan ko. at lagi ko namang kasalanan. alam ko iyon.

iniisip ko, hindi pa naman tayo nag-aaway. hindi ba't ang away ay pinagigitnaan ng galit, o bugso ng inis at pagkaburyo sa isa't isa, kaya nakapagbibitaw sa isa't isa ng di magagandang salita o nagkakasakitan; balanse: yung galit ka at galit ako, ganoon ang away, di ba?

pero hindi. wala at hindi tayo umaabot sa ganito. at alam kong di tayo aabot dito.

alam mo naman at ipinaliwanag ko sa iyo na kaya kong saluhin ang lahat, kaya kong buhatin kaya kong lunukin ang lahat, ang lahat-lahat -lahat basta makarating tayo doon sa destinasyon natin. at kahit doon, ito at ganito ako. hindi ba?

laging ikaw ang inis at galit sa akin, at kasalanan ko lang din naman. 

humihingi ako ng tawad, tulad ng lagi kong ginagawa. tanggapin mo sana. ang layo ng mga pagitan sa pagitan natin. malawak na patlang na maaring maging pader na itatakwil tayo sa isa't isa.

matagal ko nang kinain ang pride chicken ko, para sa iyo.

natatakot ako. manatili ka.

naghihintay ako.

mababasa mo kaya ito? ikaw at ikaw.

_________________

“We fall in love because we long to escape from ourselves with someone as beautiful, intelligent, and witty as we are ugly, stupid, and dull. But what if such a perfect being should one day turn around and decide they will love us back? We can only be somewhat shocked-how can they be as wonderful as we had hoped when they have the bad taste to approve of someone like us?” 
― Alain de Botton, On Love

Miyerkules, Enero 2, 2013

Amanat

Hinuhulma sa libog, sinusukat sa alindog.
Ang mga tulad mo'y ikinakahon, binabaog
nitong lipunang itinubog sa titi at karog.




















(para sa dalagang ginahasa sa loob ng bus 
ng 6 na kalalakihan sa Delhi, India 
noong Disyembre 16, 2012)




Martes, Enero 1, 2013

Sandali

hanggang ngayon, hindi pa rin kita masabayan
sa tuwinang ibinubulong mo sa hangin ang himig
ng mga awiting hilig mo o iyong nagpapakilig
sa iyong katawan, sa balakang at balikat--mga tinig
na mabubulaklak at masimbuyong nilalagom ang iyong sarili.
ang mga Les Miserables at Phantom of the Opera,
iyong Miss Saigon at Sound of Silence o iyong iba pa
na inaabot ang mga ulap sa tinis at kinis ng mga nota,
mga melodiya at eskalang umiindayog sa tainga:
mga operatikong salaysay ng mga damdaming
masidhi pa sa pagsabog ng mga baog na bulkan
o mga musikang humihimlay sa balangkas ng mga ugat.
hanggang ngayon, di pa rin kita masabayan at
hindi nga ba dahil sa ang tulad ko'y nahumaling
sa garalgaling ispiker, sa malilikot na mga daliring
tumitipa sa liig ng mga baho at gitara
o sa mga wirdong awiting
bibihirang masagi ng iyong mga taingang kinalinga
ni Barry, Robin at Maurice Gibb.
saang sangandaan
ng sanga-sangang kasaysayan
ng musika at lirika tayo nagtagpo?
maari ko bang ipanukala ang salitang pinagtagpo? o mali
ang ariin kong nakalapat ang iyong tainga para sa pintig
ng aking puso?
hanggang ngayon, hindi pa rin kita masabayan
sa Do You Hear The People Sing o Castle on a Cloud,
o sa Don't Cry for Me, Argentina, Think of Me at
Music of the Midnight: nananatili lamang akong nakatitig
sa iyong mga labing parang matimping alon ng dagat
ang indayog o minsa'y naliliyo na lamang sa iyong tinig,
na ipinakukulong man ng iba sa loob ng palikuran,
ay ninanais ko pa ring isilid sa silid ng aking alaala at tainga.
magkagayunman, kung ako'y di man makasabay
o napatutulala na lamang, inaaral ko pa rin ang iyong mga awitin;
hinihimay ang mga layunin at hinahangad na maisalin
sa baul ng aking gustuhin, hindi ba't ang musika'y musika
anuman ang sinusuot nitong damit at ugali? nasa iisang
mundo pa rin tayo, nakatapak sa magkasugpong na lupa
at inihihinga ang magkayakap na hangin.
kaya nga't noong isang araw, tanda mo ba?
habang nakatitig tayo sa buwan na nakalublob sa mga ulap,
habang nakatitig sa atin ang nilalamig na puno ng niyog,
habang nakahiga tayo sa kimumutan nating damuhan,
habang naka-ekis ang aking mga braso sa iyong katawan,
habang sa atin umiikot ang mundo, at habang ipinagtatanggol
tayo ni Diego Silang sa mga nagdaraan, natatandaan
mo bang sabay nating inaawit ang I Will ng The Beatles?
walang pagitan ng uri at pakiwari, ang musika'y pinili
ng ating sandali, ng ating mahabang sandali
ng pagsasarili.

Larawan

parang makikinang na mga perlas at diyamante at mga kuwintas
na ginto sa baul ang hilatsa ng nakalantad na larawan sa kuwadro
ng aking bintana. masinop ang galaw ng mga dahon ng halaman
na di ko alam ang ngalan. ang hangin, may halong kilig kapag
dumadantay sa aking balikat kasabay ang nangangalmot na alinsangan
na aywan kung paano ko ilalarawan. saglit na umawit ang pusang
di ko nakikita, marahil ay nangungusap ng tinik o malansang bituka:
tanghalian na kasi at tiyak na kumakalam na rin ang pusa niyang
sikmura. sa malayo, umuungol-gumagaralgal ang tambutso ng alin-
langang sulong, alinlangang urong ng motorsiklo, saan dadalhin ng gulong
ang tangan nitong nilalang? may balita sa langit: namatay ang isang
lalaki habang madulas ang daan sa highway. sakay ng motorsiklo.
biglang-preno, lumipad sa pagitan ng lupa at papawirin, sapul ang ulo
sa semento, parang kalyong bumuka ang kanyang bungo, sambulat ang dugo.
bagong panganak ang kinakasama, di na inabot ang pasko, wala
nang puwang para sa bagong taon ang kanyang hinabing lungkot.
may balita sa lupa: isang babae sa India ang ginahasa sa bus ng kalalakihang
sabik sa laman sa pagitan ng hita at dignidad. nasaan ang tiwala at pag-asa,
sa pinunit na katawang umiimpis sa paglipas ng mga minuto at oras?
ganito nga ba kabilis ang buhay? ang nakikita kong yaman sa kuwadro
ng aking bintana, sabihin mo sa akin, ay isa lamang bang guniguni?

122112

Mali man, o isang kahibangan, umasa ako sa paglalamat
Ng lupa at semento. Ang pagyanig ng mga pangamba, nag-iiwan
Sa akin ngiti. Dahil hinulma tayo sa takot, sa mga di natin makita,
Sa hindi natin maipaliwanag—ang mga pagtatakda, gaano man
Kahungkag at wala sa hulog, kahit kaunti, kahit munti
Ay lumilikha ng dasal at pagninilay. Kahit pagpisyetahan ito
Ng mga diyaryo at telebisyon, kahit pagputahan ng mga tupa
Ang polemikong tugon sa pagkagunaw, maglalamat at maglalamat
Ang lupa. Salatin ang sariling palad, may kalyong nagbabakbak:
Tanda ng katapusan ng malalambot na haplos sa minamahal.
Mali man, at oo, totoong mali ang umasa sa katapusan
Tulad ng mali rin ang umasa sa himala at tiwala, pakay ko
Pa ring maniwala; matagal nang natapos ang lahat, may lamat ang alamat:
Pagkagunaw ang pag-uulit, katapusan ang pagtiwalag sa bulong ng kasaysayan.

Simbang Tabi

Samahan mo siya sa kanyang panata: siyam na madaling-araw ng nagmamadaling
Mga araw, tumatakbo patungo sa sabsaban ng pagkasilang ng banal na sanggol
Sa ilalim ng tala, sa lupain ng Betlehem. Tabihan mo siya sa mahabang upuan na
Inukitan ng kurus, alalayan ang kanyang hiwaga: matang nakapikit at sumasamo
Ng hiling at pagkiling sa kanyang mga naisin. Lumuhod sa tabla ng pagninilay,
Yumukod kasabay ng mga naghahanap ng pagpapala sa loob ng simbahan.
May labing bumuka, bumilog at sumagap ng hangin: may humikab, may humilab
Na antok na ipinapahid ng malamig na simoy ng Amihan. May mga kamay
Na nakalingkis sa balakang, may mga anas ng pagkainip at pananaginip.
Samahan mo siya sa kanyang panata, isang beses sa isang taon, bumabalik siya
Sa tubig na inihilamos sa kanyang bumbunan—katulad mo. Nakikita mo ba
Ang ipinakong mga kamay, ang tadyang na tinatagasan ng dugo, mga paang
Malungkot, ang koronang tinik: nakita mo ba o abala ka sa ilusyon ng madaling-
Araw? Sinamahan mo siya sa kanyang panata at iniwan mo ang sarili sa piling ng kama.

Kapaskuhan

Mga bestidang nilukot ng likot sa pag-indak
At mga halakhak na animo’y sumasaliw sa awiting
Paulit-ulit na kumukudlit sa tainga kong humihiling, kahit
Kaunti, ng pansamantalang katahimikan. Hayaan akong regaluhan
Ng matiwasay na sandali kapiling ang butas na bulsa. Habang
Nahihibang akong nagtatago sa hindi nila makikita,
Nililibang ko ang sarili sa pangangantiyaw at pagpapaunawa:
Ang mga ngiti nila’y katumbas ng kanilang pagkatao, malaon.
Kaya’t pagbigyan ang kanilang layaw sa aginaldong limos
At limos na regalo—ang kabataan nila’y mauuwi sa kapagalan,
Mauuwi sa paghahanap ng puwang sa materyalisadong lipunan
Ng akala at hinala. Hindi ba’t ibinulong mo kagabi, sa pritong
Manok at ispageti: mamasko tayo sa kawalan habang kumakalam
Ang mga bituka ng sanlaksa. Huwag agawin ang ngiti. Huwag sa mga bata.

Pagsuyo

sa atin, kahit ang pinakapayak na balak
ay nagmimistulang isang bundok ng galak
na dumadagan sa ating dibdib; di tayo
makahinga sa masusuyong halakhak
na naliklikha ng ating masusuyong damdamin.

aanhin natin ang anumang inihahain ng paligid,
gaano man ito kaganda o katingkad, maging
ginto man ito o brilyanteng mapaglahad
kung tayo at ang ating mundo ay sapat
nang paraiso?

May Mga Mata Tayo Sa Likod

may mga mata tayo sa likod
kaya nga't di tayo nadadapa
na batok ang nangungudngod
may mga mata tayo sa likod
hindi ba ang puyo'y parang mata
ng bagyo, kaya may ilang nalulugod
kapag higit sa isa ang umiikit
sa ibabaw ng ulo ng batang makulit
may mga mata tayo sa likod
pansinin ang mga kutob:
bumabalik tayo sa pinagmulan
nasa likod natin ang mga hinala
at akala sa mga sandaling tulala
may mga mata tayo sa likod
nang higit pa sa harap, nahahagip
natin ang bukas o hinaharap
sa isang iglap ng paglingon
sa likod ng mga nalagas nang panahon
may mga mata tayo sa likod
kaya nga't naroroon ang gulugod
parang isang nakatayong tungkod
na di maaaring mamaluktot, lumuhod
kundi manatiling nakasunod
sa hikayat ng sibilisadong lungsod
kaya nga't may mata tayo sa likod
na higit pa sa mga matang inibabawan
ng noo, dahil oo, ang katiyakan
panginoon natin ang nakaraan:
ang mata natin sa likuran
na di masasaktan ninuman.


(pasintabi kay Macky Serrano Salvador at sa tula niyang "Wala Tayong Mata Sa Likod")

Tula Sa Yelong Lumipad At Humantong Sa Noo, Sa Mga Basurang Ikinulong Sa Sako At Sa Mga Tulad Naming Dispalinghado

sinasapian din magkaminsan ng kung anu-anong
kabaliwan ang mga naiinip sa buhay at paghihintay
kaya nga, nang maisipan nating maligo sa alak
at isampay sa hangin ang ginintuang halakhak
hindi natin inihingi ng paumanhin ang gustong
likhain ng ating mga naisin at panalangin
ano nga ba ang awiting umiilanlang habang baliw
tayong nagtatampisaw sa kaligayahan?
hindi natin alam. at sino nga bang makaaalam
kung maging ang lamesitang himlayan ng ating
mga daliri at nakaugnay sa ating bituka at paninimdim
ay basang-basa at basang-basa ang ating kaululan?
ha! ha! ha! ang mga tipaklong sa kalunsunran,
muli na namang nakipagtugmaan sa kawalan
at katuturan. ang experia at nokia, ang lumpia
at sitsirya, ang mga kuwelang pakuwela at sablay
na agenda, ang mga bulong at pagkaburyong, ang yelong
humantong sa noo ng matanglawin! ay! paumanhin!
hindi layunin ang bukol at bituin tulad ng hindi nga natin
kailanman hinihiling ang katiyakan at pag-unlad
sa kasalukuyang pagkakapulong, tayo'y ligaw na baliw
at naghahanap ng iglap na aliw sa punit-punit nating buhay;
gayong payapa tayo nahihimbing sa mga payak na galak
ng mga hininga nating inilingkis sa lansangan
ng sapalaran, ng kapanglawan, hindi tayo mapipigil
sa kabaliwan, kaululan: ang mga mumunting ligaya
ng mga tulad nating nag-uumpukan sa kapayapaan.

Kilanlanin

kilalanin mo ang iyong damdamin
tulad ng pagkakakilala mo sa punit
ng iyong damit o ng pilat sa iyong tuhod
kilalanin mo ang iyong damdamin
tulad ng nililigawang dilag na naglalagi
sa likod ng mga anino o ng mga awitan
sa loob ng iyong mga tainga sa tuwinang
may rubdob sa gitna ng iyong paghinga
kilalanin mo ang iyong damdamin
tulad ng musmos na alam ang kahulugan
ng katanghalian o tulad ng matandang
tiyak ang ritmo ng kaskas ng walis-
tingting sa mga umagang isinisilang
kilalanin mo ang iyong damdamin
ang mga kalungkuta'y kumot na nakasakal
sa iyong leeg, na sumasagka sa gusto
mong ihantad na ngiti at ang galak
na halakhak ay minsang nagsasabwatang
pingkiang magtitirik ng apoy sa iyong
mga ulilang gabi ng guni-guni
kilalanin mo ang iyong sarili
kilala ka ng iyong sarili

Wheelchair

mahigpit
ang pagkakakapit niya
sa maligamgam na bakal,
ang kanyang kakulangan:
mga paang pinanawan
ng pandama,
balakang na alipin
ng pagkakagupo
sa kutson
na walang anino

plastado
sa karsel
ng de-gulong niyang daigdig,
hindi matugunan
ng langit
ang kanyang hiling:
na ang paghihirap
nawa'y suklian na lamang
ng iglap na hinga
ng pamamayapa

bagkus,
sumpang ibinayubay
sa kanyang balikat
ang pagkalugmok
sa de-gulong niyang daigdig
pagkakakulong
sa de-tulak niyang pananalig

inip,
habang waring mabukadkad
na mirasol
ang mga labing sumasagi
sa kanyang balintataw
mga punyal itong
sumasakmal sa
sa pait ng kalagayan:
mga naising nalusaw,
mga guhong layunin,
at pangarap na nahimpil,
natigil

magkagayunman,
ayaw niyang alayan
ng luha
ang kanyang trahedya,
ang kanyang sarili...

sinalo ng maligasgas
na semento
ang ihi niyang naglandas
sa kutson,
sa bakal,
sa gulong
ng plastado niyang
daigdig.

De-kahon

sagka kapagdaka ang akala
sa mga hinala at himala
kapag umulan ng palaka
at ang apoy ay dilang tulala;
walang pagpapala
kundi tula: mga salitang
hubad sa gawa, mga mumunting
tugon sa daigdig ng pugon
at puson, disilusyon, de-kahon.

Kadena

kaninang pananghalian, naalaala kita, Angelo Malbas

paanong hindi? gayong ang mga tutong sa bahaw
kong kanin ay nag-anyong mga paa mong nagsa-uling
sa tadyang ng poste habang nakalingkis ang kadenang
nagsilbing rehas mo't bartolina.
ano ang pakiramdam ng nakikipagbuno sa mga dila ng apoy,
Angelo? ito ba'y katulad lamang ng kagat sa batok
ng tirik na araw sa katanghalian? ito ba'y katulad lamang
ng kalmot sa dila sa masungit na kape? o ito ba'y katulad
din ng dilim na binadyaang sakupin ng liwanag ng kandila?
ito ba, Angelo, ay higit pa sa aking mga akala?

kaninang hapunan, naisip kita, Angelo Malbas

paanong hindi? gayong ang sabaw sa tinolang manok
ay umalon at animo'y gustong kumawala sa mangkok,
tulad ng maliligalig na tubig na nagpasasa sa pagkitil
ng mga dilang sa iyo'y nagpiyesta. humalakhak ka ba,
Angelo, nang marinig mo ang awit ng mga sirena? gaano
mo natiyak ang kaligtasan sa wisik ng bendita?
nabatid mo ba ang katapusan sa pilas ng posteng
nagsilbi mong sandigan? o hiniling mong malusaw
ang kadena sa iyong paa kalakip ng tiwalang hindi
karamay ang iyong laman at buto? ano ang amoy
ng natutupok na pag-asang iyong nakaulayaw, Angelo?

bukas, kinaumagahan, makikilala kita, Angelo Malbas

at bakit hindi? gayong ang pagkakabasag ng tumpok
ng sinangag sa naglamat kong plato'y magpapagunita
ng marurupok na pundasyon ng pag-unawa
sa mga tulad mong walang batid sa normal na daigdig.
katulad mo'y hindi kami humahalakhak nang walang
dahilan at hindi lumuluha nang walang kaalaman,
dahil tiyak sa amin ang lahat, tiyak ang mga damdamin
at tiyak ang pagkilala sa mali at malisya, sa mga tama
at patama. ngunit, Angelo,
wala kaming ibang alam gawin kundi pagdudahan
ang mga dalisay sa mundo, ang tulad mo, ang inosente
mong kawalan, ang lihis mong pagdantay sa reyalidad
na sa amin ay isang kabaliwan

na dapat matupok.

Tatlong Taon At Mailap

may kaibhan ang manatiling dilat sa panahong naninigid
sa paligid ang lansa ng mga hininga at hugong ng traktora
at manatiling mulat sa mga yugtong lumisan na ang lagim
at nananatiling maitim ang lupang dapat ay kayumanggi

dilat ang mga matang nahabag't naluha sa mga eksenang
hinuhukay mula sa balakang ng bundok ang mga lasog
na katawang nagpulbo ng alikabok at mga matang tinakasan
ng takot at sumamo: pumailanlang sa mga basag na ulap

mulat ang mga matang hindi lamang mata kundi maging
mga kamay at paa, pawis at tinig ang inilalaan sa pagsungkit
sa katarungang ibinitin sa tuktok ng kawalang-katiyakan
at mga katiyakang nawawala: mga tala sa napipilas na sandali

---

tatlong taon mula noon
maririnig mo ang garalgal ng backhoe
habang inimumuwestra ang pagiging tila
isa nitong higanteng pala
na maglilibing sa mga naghahanap ng makakain
at maghahanap sa mga inilibing ng mga nagnanakaw
ng kanin
sa hapag ng kasalatan

---

kumusta ang lupa kunsaaan sila huling nadatnan?

umuusbong kaya ang mga sibol ng rosas?
kahit talahib ba'y nawalan ng katuturan?

o tigmak pa rin sa kawalan
tulad ng mga tisert at pantalong
napunit sa kalmot ng punglo?

---

limampu at walo
isa at isa ay tatlo

pilosopo!

isa sa limampu ay katwiran
at ang katwiran ay daigdig
na may danas at lunas

ningas!

---

tatlong taon mula ngayon
ay anim na taong paggunita
sa malagim na trahedyang
ang nagtampok sa atin
sa History Channel
nagtampok sa atin ng mga kaluskos
sa senado at kongreso
ukol sa pagbura at pagtutol
sa mga dinastiyang politikal
at mga pribadong hukbong
kontrolado't ipinisi
ng mga sabik sa kapangyarihan
at uhaw sa dugo at laman
nagtampok sa ating mga sarili
ng kilabot at takot
at bangungot at simangot
at gusot at lambot--

walang nangyari

---

walang nangyayari
at mangyayari kung mananatiling
tula at habag
ang mga pagbabakasali
at paghahanap

---

kaganapan ang sumapi
sa mga talampakan at kamaong
sunog sa lansangan
ng tunggalian

---

mga biktima:

Genalyn Tiamson - asawa ni Esmael Mangudadatu.
Eden Mangudadatu - kapatid ni Esmael Mangudadatu.
Rowena Mangudadatu - pinsan ni Esmael Mangudadatu.
Manguba Mangudadatu - tiyahin ni Esmael Mangudadatu.
Faridah Sabdulah - abugado
Farida Mangudadatu - bunsong kapatid ni Esmael Mangudadatu.
Farina Mangudadatu - kapatid ni Esmael Mangudadatu.
Concepcion “Connie” Brizuela - abugado.
Cynthia Oquendo - abugado.
Catalino Oquendo - ama ni Cynthia Oquendo.
Rasul Daud - driver.
Alejandro "Bong" Reblando - Manila Bulletin.
Henry Araneta - DZRH.
Napoleon “Nap” Salaysay - DZRO.
Bartolome “Bart” Maravilla - Bombo Radyo.
Jhoy Dojay - Goldstar Daily.
Andy Teodoro - Mindanao Examiner & Central Mindanao Inquirer.
Ian Subang - Mindanao Focus.
Leah Dalmacio - Mindanao Focus.
Gina Dela Cruz - Mindanao Focus.
Maritess Cablitas Mindanao Focus.
Neneng Montano - Saksi.
Victor Nuñez - UNTV.
McDelbert "Macmac" Arriola - UNTV cameraman.
Jolito Evardo - UNTV editor.
Daniel Tiamson - UNTV driver Reynaldo.
Reynaldo Momay - Koronadal-based journalist.
Rey Merisco - Koronadal-based journalist.
Ronnie Perante - Koronadal-based journalist.
Jun Legarta - Koronadal-based journalist.
Val Cachuela - Koronadal-based journalist.
Santos "Jun" Gatchalian - Davao-based journalist.
Joel Parcon - Freelance journalist.
Noel Decena - Freelance journalist.
John Caniba - Freelance journalist.
Art Betia - Freelance journalist.
Ranie Razon - Freelance journalist.
Archie Ace David - Freelance journalist.
Fernanado "Ferdz" Mendoza - Freelance driver.
Eduardo Lechonsito - Tacurong City, Sultan Kudarat government employee.
Cecille Lechonsito - asawa ni Eduardo Lechonsito.
Mercy Palabrica - katrabaho ni Eduardo Lechonsito.
Daryll delos Reyes - katrabaho ni Eduardo Lechonsito.
Wilhelm Palabrica - driver.

---

KATARUNGAN!

Udlot

sumuot ang surot
sa gusot ng kumot

naudlot ang pagbunot
naudlot ang paglusot

nalukot ang pagsundot
naudlot ang pag-abot

simangot at kurot
kunot at baluktot

ay ambot!
magkakamot

Sa Dyip At May Babaing Takot Sa Malambing Na Kamay

habang sinasarili natin ang daigdig
ng init at inip
sa loob ng mala-pugon na dyip
at ginagaygay ng aking mga kamay
ang iyong buhok na pinasasayaw
ng rumaragasang hangin
habang ang mga daliri ko'y kumakapit
sa iyong tumataba na yatang balakang
at iginuguhit ko roon ang mga pagnanasa
habang nagpipiyesta ang pawis sa aking
noo at pagkatao
bigla, ay may kung anong sampal
ng pagkakabigla ang kumabig sa naliliyo
na nating daigdig ng lambing, sa kalansing
ng mga ngiti sa ating labi
at pinalitan ng pagtataka ang mga tawa

isang babaing nagpuputukan ang bilbil
at singkit ang mga matang nagpapakilala
ng kanyang sarili
ang salarin sa sampal na gumulantang
sa aking malambing na kamay
ayaw niya sa kamay kong malambing
na aksidenteng nabangga ang buhok
niyang wala akong interes at hindi
ko binalak

mauunawaan ko't mauunawa
ang kalagayan niyang salungat
sa katanggap-tanggap

sa mundong itong isinilang sa pag-ibig
at paglalambing, marahas ang mga kamay
kong kilala ang kinis ng mga pisnging
iniirog at ang gaspang ng mga kalyo
sa palad ng sinisinta,

hindi ako nagalit, bagamat nabigla
isa pa'y katabi ko ang dahilan ng aking

Isla

Sakaling malimutan
mong bumalik
sa pampang
ng ating pagliyag;
kung sakaling
nahumaling
ka't inakit
at inukit
mo sa langit
at itinatak
sa tubig
ang itinindig
natin (sabi mo
nga'y di imalulupig);
kung sakaling
nagsahangin
ang lahat
ang lapat
ang dapat,
may babalikan
ka kung mabangga
ng pamamalikmata
ang iyong pagdako,
may babalikan
ka sa pampang,
may kalansay
doong nakadantay
sa pangako mong pagbabalik.

Gitna

gumagapang ang mga ulap sa langit
tulad ng sanggol sa papag,
saan mapapadpad ang mga ito
kundi sa kabilang dako ng langit
maaaring sa ibabaw ng inyong bubong
maaaring sa silong ng bundok
sa hilaga o timog
maaaring mananatiling nakahiga
sa latag ng kalawakan
sa tuldok nitong pinagpakuan

mababasag ang mga ulap, malaon
at tulad ng mailap na pagkakataon
katulad mong hahatiran
ko ng lumilipad na halik
sa siksikang paliparan ng matatayog
na pangarap
mababasag ang magkatalik
nating mga daliri
ang mangungulila nating sarili

Gitna

magtiwala ka, kung sasabihin kong pinakamapalad
ka sa lahat maliban sa hangin at tubig
kanan kang may masasandalan
sa alanganing sandali ng pagkakangalay
at kaliwa kang may mapagpapatungan
ng mga brasong nasumpungan ang kapagalan
samantalang ako, nag-iisa sa sarili kong mundong paikot
sa sarili kong mundo ng atraksyon at atensyon
sa sarili kong mundo ng kalungkutan
sa sarili kong mundo ng pagkakapako
habang lumalayo, lumalaon, humihiwilay
ang nagmumula sa akin
naiiwan ako
kapiling ang aking sarili
kapiling ang espasyong di ko na maabot, maaabot.

Stranded

kung malakas ang hangin at waring laksang
mga kamay itong nagtatampisaw sa iyong buhok,
ipinagtatanggol kita: maano ba namang iharang ko
ang aking dibdib o ang aking batok upang salungatin
ang hangin, suwerte pang magkaharapan, naghahalikan
ang tungko ng saratin nating ilong. at makikita kitang
waring pinagpasa-pasahan ng mga pusakal matapos
ang unos: buhok na nagsala-salabat, sali-salimuot
sa iyong mukha. kalunos-lunos.
ngunit nakangiti ka pang yayakap sa akin na animo'y
tila laro ang mga nangyari, parang harutan ng mga aso
sa damuhan, parang bulaklak na sumasayaw sa lambing
ng ulan. at wala na akong magagawa kundi suklian ka
nang higit pang bungkos ng pagtatangi: aayusin ko
ang nagahasa mong buhok, at ikukulong ko sa aking dibdib
ang hangin na sa iyo'y sumalanta, gagawin kong bulong
na kikiliti sa iyong tainga.

HL

Lupa kong de asukal,
ikinulong sa bakal.
Nang subukang magbungkal,
punglo sa 'kin dumatal.

Bitin

ginagayuma ng dapithapon ang gabi:

naghalikan ang langit--agaw-dilim.

at nang subukan kitang haplusin,

sinuklian mo ako ng bituin.

Salarmin

Inaamin ko ang krimen
--ang kumatay, salarin
ay utak kong nagdilim.
Biktima ko'y salamin.

Ang Mga Hangal Ng Kapayapaan Sa Kalye Camba, Isang Gabi't Madaling Araw

kamangha-manghang kakayahan ang pagtalunton
sa bituka ng Maynila--ang mga sikot at ikot, baluktot
at simangot ng mga lansangan, eskinita't kalyehon--

at taglay nila ang mapa at inisasyon, ang katutubong
simbuyong hindi magpapabaligtad sa kanilang mga damit,
waring mga manlalayag sa gitna ng walang ngalang karagatan:
makauuwi sa paroroonan, makayayapak sa lupa
nang buo ang sarili at ganap ang mithing lakbayin
ang kapatagan.

---

ang kasaysayan ng Tundo ay nasasalamin sa mga plastik
na nagliliparan sa tuwinang naglalaro ang hangin.
ang kasaysayan nito'y nakabalangkas sa mga berdeng
larawan at letra sa mga hantad na katawan ng mga lalaking
alipin ng kanto at eskinita, ng mga sipol at inuman, ng mga
away at hulagway ng pekpek shorts at pulang lipistik.
ang kasaysayan ng Tundo ay kasaysayan sa baluktot
nitong kahulugan sa mga pahina ng diyaryo at telebisyon.
ang kasaysayan ay monopolyong inaari ng mga guni-guni
at pagmumuni ng mga makasusugpong ng siglo at milenyo
sa kanilang buong ganid na angkan. pagkat ang kasaysayan
ay kait at said sa ulirat ng nagtakda nitong maliliit:
silang bahagi sa digmaan at pagkawasak,
silang bahagi ng tiwasay
at pagbubuo.

---

sa kanto ng Coral at Quezon St., nag-abang si M upang
aking sunduin (bakit nga ba kung gabi'y kailangan pang
gumayak at magganyak ng alitaptap?)
sa kaunting lakad, makikilala ng iyong talampakan
ang init ng semento
at ang busina ng dyip ay hudyat
ng pagdating. inabangan namin si E sa kanto
ng Pacheco, sa tapat ng Generics Pharmacy.
lantad ang Lantad na paglalantad ng hindi mahubad
na sining sa luntian nitong damit--nagbabadya
ang nag-aabang na samyo ng kapayapaan
sa Kalye Camba, naiinip, naiinip!

---

sino ang dapat sisihin sa kalagayang nagsasadlak sa atin
sa maling panahon, sa maling pagkakataon?

---

ginisang repolyo
talong at bagoong
longganisa
kaning hindi na umaaso
mga plato
kutsara at tinidor
at sikmurang kailangang lamanan

upang ang sabak sa talim
ng alak ay hindi mag-iiwan
ng bangibing larawan sa tabi-tabi:

ang ginisang repolyo
talong at bagoong
longganisa
kaning hindi umaaso
at mga pulutaning
magsasamyo ng pandidiri
sa mga magdaraan.

---

tinotoldahan ang mga bisita sa Tundo:

ang balak na status ni E sa Facebook.

---

ang kapayapaan ay sumakanya,
kay J,
tugon:
at sumainyo rin.
itaas natin ang pamantayan
sa pagkaliyo,
tugon:
itinaas
na namin sa pagbabakasali.

---

walang mukha ang kalungkutan kahit sa rurok nitong anyo,
tulad ng,
walang tinig ang ligayang nakakulong sa sarili.

---

saan umuuwi ang tula
matapos nitong maglakbay?

---

maraming talakay ang inihain at nakain sa ibabaw
ng kuwadradong dilaw na lamesita:

si Charles Bukowski at kung paanong ang henyo
ay hindi henyo at ang henyo'y mananatiling henyo;
ang alak at ang masasamang balak ng kawalan
sa bulsang pinanawan ng laman; si e.e. cummings
at ang kanyang "r-p-o-p-h-e-s-s-a-g-r"; si Sylvia Plath
at ang kanyang maalindog na Confessional style
in the mood of suicidal tendencies; kung paanong
si Ricky ang pinakamahusay na manunulat sa buong
sanlibutan; at ang Agos sa Disyerto'y aagos
at aagos sa kunsaan man nitong mararating kahit
pa sabihin kailangan nang ibaon at hayaan
ang kanilang kamandag sa pahina ng kasaysayan;
ang teorya ay teorya at ang praktika ay teoryang
may patutuguhan; at ang UP ay toreng garing
ng mga mapagpanggap; ang akademya sa sarili
nitong anyo ay bulok na tinapay sa microwave oven;
ang didactic ay di deductive; magica objectiva;
Ars Poetica shitty shit shit sa ipat ni J;
organikong talino ang karanasan; EMR at ang husay;
ang dekada 30 at ang pagsusunog ng mga lumang aklat
Plaza Moriones upang patuluyin ang modernismo;
ang buhay bilang buhay na hulagway ng mga humihingang
mga bagay at ang interkoneksyon ng mga ito sa isa't isa;
self-identifier! self-identify! self! identity!; si M at
ang kanyang pusong ayaw ipanakaw; si E at
ang di matapus-tapos na pagkakalkula ng grado
ng mga mag-aaral; at ako, ang walang kamatayang ako
sa aking daigdig ng tula.

---

inihahatid sa hantungan ang bawat paglalakbay.

---

ang bituka'y may sadyang balangkas upang pakibagayan
ng mga ilalaman at ang mga manunulat at ang kanilang
mga talampaka'y una nang
nakatiyak ng paraan: maglakad pabalik sa umpisa.

---

at naroroon pa rin ang mga kaluluwang hindi pinatutulog ng basura,
tulad ng mga kaluluwang di pagpahingahin ng mga gulong at pedal,
tulad ng mga gulay na nabubulok sa gilid ng bangketa, tulad ng Cluster
Bldg. na mistulang higanteng uling sa pusod ng Divisoria, tulad
ng mga humuhukay ng kayamanan sa burol ng plastik, papel at putik,
tulad ng mga paa kong unti-unti nang sumasakit, tulad ng antok
sa mga mata ni M, tulad ng mga asong tila monghe sa kagubatan
ng lungsod, tulad ng mga nagsisimulang magsimula ng umaga, tulad
mo at tulad nilang nahihimbing pa sa lilim ng liwayway

---

pamamaalam at pagtitiyak ng kaligtasan
ang isa sa dila ng apoy na nagngangalang, pagkakaibigan.

---

pauwi, mag-isa kong tinunton ang kilala ko nang bitukang-lansangan,
bulok at hindi, nitong lupain nina Sakay at Bonifacio, Lualhati at Amado.
at hinding-hindi ako matatakot sa dilim at patalim; ilusyon at haka-haka
ang nakatanim sa iyong realidad.

---

hinihintay ako ng unan, hinihintay ako ng himlayan

at habang nag-iinat na ang umaga,
nagsisimula pa lamang ang aking pahinga.

---

tula ang bula ng malamig na serbesa.

Bentilador

may puyo kang kaya kong titigan nang higit
pa sa lalakbayin ng kasaysayang di pa
nabubuo, parang mirasol na nakamanman
sa araw; ang mga dila mo lamang
ang ayaw kong ipanamnam sa aking mga mata,
pagkat naliliyo ako, ibinabalik sa mga alaalang
binura, nabura at mabubura;
ang garalgal ng iyong pag-iral bilang
tagapagsaboy ng kontroladong hangin
ay higit pa sa musikang nananalaytay
sa madaling-araw, higit pa sa mga Mahler at Bach,
higit sa awitin ng ulilang ibon sa ulilang parang
sa ulilang nayon;

at kailangan kong umahon sa iyong ilusyon,

lamunin mo man ang nananalaktak kong pawis,
makina ka pa ring hindi pagbibigyan ng panahon,

kaya't kailangan kong dumalangin sa naiinip na hangin:
ang organikong hiningang kailangan kong hawiin.

Bubog-pawis, Tipak Ng Lumad, Karit At Sambalilo

ang bubog-pawis sa kaniyang noo'y kanin sa iyong hapag
ang tipak ng lumad sa talampaka't palad--tinapay, tinapay

ang karit sa kaniyang balakang, seguridad ng iyong sikmura
ang sambalilong sira'y plato mong hindi hubad sa gutom

kung bakit kailangan nilang pagdusahan ang kanilang katuturan
na damitan ang iyong hapag-kainan, at handog mo'y bala't limusan.

Ang Kawalan

nakangangang mangkok ang buwan
at mga bubog ng basag na baso
ang mga bituin
sa langit,

mas madilim ang kalyeng kilala
ng aking talampakan kaysa noon,
parang balahibo ng dagang nginangatngat
ang kawalan, matalim na nakamasid
sa mga kaluluwang alipin ng gabi,

tulad ko

--talagang mas madilim
ang gabi tuwing Nobyembre,
kung bakit nga ba sila nangatitirik
ng kandila, kung bakit ang mga santo
at kaluluwa'y kumakaway sa pahina
ng Nobyembre

pilipit na sikmura at balisang guniguni,
gusto kong itaob ang mangkok na buwan

--marahil ay may kung anong mangunguya
ang aking panagimpan,

o kainin ang bubog na mga bituin,
tulad ng lalaking gumagawa nito
at itinatago ang sakit
sa harap ng madla,
kasabay ng masigabong tuwa.

Bulong

karugtong ng bawat niyang bulong
ang hiling na marinig ito, kahit
sa pinakamahina nitong usal.

mahilig siyang bumulong. bulong
sa bumbong ng kawayan. bulong
sa gulong. bulong sa puto bumbong.
bulong sa lumang barong. bulong
sa tulirong kanlong ni Aling Chayong.
bulong sa sumpong at galunggong.
bulong sa utong. bulong sa urong.
bulong sa sulong.

bumubulong siya dahil di niya kayang
sumigaw. dahil ang sigaw sa kaniya'y
napakababaw. parang lugaw na walang
sabaw. uhaw na balaraw. bugaw
at ampaw. ligaw na pagka-uhaw. parang
Cubao na walang taong-ligaw. kalabaw
na nakapingkaw. haw haw de kurimao.
bow wow wow. daw at raw.

ang bulong niyang takot sa sigaw,
ay alulong na sumasayaw
sa papawirin, papawi
ng dilim.

Isang Araw Mula Ngayon

tahimik pa rin sa iyong kuwarto.

kung paano mo ito iniwan
noong huli mong pagbisita,
walang nabago, kundi ang pagdami
ng alikabok sa kisame at ang paglagom
dito ng dilim kahit katanghalian.
naroroon pa rin ang mga aklat,
ang salansan na ikaw lamang ang nakaaalam.
ang gusot ng kumot at lungkot ng unan,
walang ipinag-iba sa kurtinang wala
nang alon. ang tsinelas mong magkatabi,
katulad pa rin ng dati, naghihintay
ng mga talampakang mahilig sa lakbayin.

tahimik pa rin sa iyong kuwarto.

bagamat kuyom na kuyom ang kamaong
nakalarawan sa nagtuklap na poster
sa binabalakubak mong dingding;
bagamat ang tatlong boteng nakatumba
sa paanan ng iyong papag ay pinamahayan
na ng ipis at gagamba. bagamat naglalamat
na ang ulirat ng mga tisert at pantalon
mong kinalinga ng plantsa. bagamat
sumisinghal ang alaala sa bawat sulok
at rurok ng iyong pahingahan,

umaasa pa rin kami, na isang araw,
isang araw mula ngayon, maririnig namin
ang mga yabag mo sa gitna ng hatinggabi,
kakatok sa pinto, hahalik sa pisngi, ngingiti,
katulad ng palagi mong ginagawa
noong hindi pa nakatala ang iyong ngalan
sa aming mga pangamba.

Magkatabi

nakita niya ako sa pinakamailap kong yugto;
yaong mga panahong iniiwasan kong humalik
sa mga balintataw ng kung sino at anong
kabiha-bighani.

ukol sa kung anong dapat bumukol, nasapol
ng mapurol kong kukote ang kabuluhan
ng bawat kaululan ng aking mga planuhin,
lintik sa pinakalintik!

dinagit niya ang aking kairalan, hindi ako
tumutol, hindi ako tututol at ayaw ko nang
maputol ang pising nagdurugtong sa aming
mga ngiti.

Uroborus

Parang tuliro,
inaabot ng aso
ang kaniyang buntot.
Paikut-ikot,
sinakmal niyang waring kaaway
ang kakawag-kawag
na karugtong.
Isang ulol na alulong,
naglaho ang aso--nagsahangin,
nagmilagro.

Esperma

iniiwan mo kami sa harap ng pinto,
minsang may kasama, minsang nag-iisa

kani-kaniyang diskarte kung paano
sumayaw: magpandanggo sa hangin

isang digmaang kailangan naming harapin
habang binibilang ang bawat hininga

habang namumugto ang aming pustura,
kaming itinundos sa ngalan ng namayapa

kailangang kumapit sa mitsa, kailangang
sinupin ang maalab na luha, pagkat

paparating na ang nagbabadyang ihip
ng mga batang naghihintay sa aming pagkainip.

Sobra-sobrang Kakulangan Sa Nag-uumapaw Na Pagkukulang

Tatlong bote raw ng Pulang Kabayo ang naiinip
sa ulilang sulok ng bahay nina Jude, intrega
niyang waring nag-uutos na diyos sa kaniyang
tagasunod. Isang matalim na ngiti sa aking labi,
nilusaw ko ang mga sandali sa pagmumuni:
hayok kami sa ligalig na inihahain ng kaluluwang
nagtatago sa ilalim ng tansan, mga halakhakang
nagitiyak ng kaligtasan sa mundong batbat
ng mga hungkag na danas at malas na sumbat,
itong mundong umiinog sa malisya't kamuwangan:
'Di bale nang sobra, huwag lamang kukulangin',
gintong aral sa bawat naming paghaharap sa ikit
ng basong hinahalikan ng pagod at ngiti.
Si Jack, nakatatagpo ng kapayapaan sa bagal
ng usad ng mga dapat niyang tahakin, alamin.
Si Edem, nahahanap ang sariling kamalian
at sampal ng sumpa sa samyo ng pagkaliyo.
Si Jude, tinatakasan ng kapagalan at inuusbungan
ng pagnanasang tumakas sa kasalukuyan.
Ako, inimumuwestra ang melodiya ng galak,
naglalaan ng sariling kahihiyan, binubuksan
ang mga paraan, nag-aanyong bungisngis
gayong may kaliskis ng pait at hinagpis ang sarili
upang kahit papaano'y ang sandaling magpapatag
sa pagkakaibigan, ay magbibigkis ng tiwala,
kahit sa kailaliman ng aking kaluluwa'y nagbabadya
ang katiyakang maaaring mawala

Ganap

isang platitong buwan sa aking ulo
nakatitig na tila mata ng pusa sa dilim
mga ulap na unti-unting naglalaho
nalulusaw na waring mga guni-guni
hanging sing-ulila ng kalungkutan
di matutunang magtimpi sa pag-ihip
tulad kong tinakasan ng pagkainip
at halukipkip ang pananalig
na tayo'y ganap at di lamang panaginip