Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pag-ibig. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pag-ibig. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Setyembre 13, 2013

S To S

ipinagpipitagan natin ang salitang--pagmamahal
na minsan, pinagsasaluhan natin sa ilalim ng buwan
o sa sulok ng isang lugar na di matutunton ng mata
saan kita matatagpuan kapag hinanap ko ang iyong labi?
hindi naman maaaring ihalik ang alaala sa mga akala
ang labi sa labi, sa hungkag na lente na nagdurugtong
sa ating mga pangungulila ay hindi sapat upang lunasan
ang sarili sa nililikhang sugat ng mga bubog sa mata
kailangan nating kumapit sa isang gabi ng ating mga sarili,
magkalingkis ang ating mga bukas, at ipinagpipitagan
natin ang salitang pagmamahal na binabalangkas natin
sa ating mga balat at kaluluwa habang matalim ang sumbat
ng umiimpis na oras ng ating pagsasanib; ang kapalaran
ay hindi natin aasahan, tayo ang magtitiyak ng hantungan.

Martes, Enero 1, 2013

Sandali

hanggang ngayon, hindi pa rin kita masabayan
sa tuwinang ibinubulong mo sa hangin ang himig
ng mga awiting hilig mo o iyong nagpapakilig
sa iyong katawan, sa balakang at balikat--mga tinig
na mabubulaklak at masimbuyong nilalagom ang iyong sarili.
ang mga Les Miserables at Phantom of the Opera,
iyong Miss Saigon at Sound of Silence o iyong iba pa
na inaabot ang mga ulap sa tinis at kinis ng mga nota,
mga melodiya at eskalang umiindayog sa tainga:
mga operatikong salaysay ng mga damdaming
masidhi pa sa pagsabog ng mga baog na bulkan
o mga musikang humihimlay sa balangkas ng mga ugat.
hanggang ngayon, di pa rin kita masabayan at
hindi nga ba dahil sa ang tulad ko'y nahumaling
sa garalgaling ispiker, sa malilikot na mga daliring
tumitipa sa liig ng mga baho at gitara
o sa mga wirdong awiting
bibihirang masagi ng iyong mga taingang kinalinga
ni Barry, Robin at Maurice Gibb.
saang sangandaan
ng sanga-sangang kasaysayan
ng musika at lirika tayo nagtagpo?
maari ko bang ipanukala ang salitang pinagtagpo? o mali
ang ariin kong nakalapat ang iyong tainga para sa pintig
ng aking puso?
hanggang ngayon, hindi pa rin kita masabayan
sa Do You Hear The People Sing o Castle on a Cloud,
o sa Don't Cry for Me, Argentina, Think of Me at
Music of the Midnight: nananatili lamang akong nakatitig
sa iyong mga labing parang matimping alon ng dagat
ang indayog o minsa'y naliliyo na lamang sa iyong tinig,
na ipinakukulong man ng iba sa loob ng palikuran,
ay ninanais ko pa ring isilid sa silid ng aking alaala at tainga.
magkagayunman, kung ako'y di man makasabay
o napatutulala na lamang, inaaral ko pa rin ang iyong mga awitin;
hinihimay ang mga layunin at hinahangad na maisalin
sa baul ng aking gustuhin, hindi ba't ang musika'y musika
anuman ang sinusuot nitong damit at ugali? nasa iisang
mundo pa rin tayo, nakatapak sa magkasugpong na lupa
at inihihinga ang magkayakap na hangin.
kaya nga't noong isang araw, tanda mo ba?
habang nakatitig tayo sa buwan na nakalublob sa mga ulap,
habang nakatitig sa atin ang nilalamig na puno ng niyog,
habang nakahiga tayo sa kimumutan nating damuhan,
habang naka-ekis ang aking mga braso sa iyong katawan,
habang sa atin umiikot ang mundo, at habang ipinagtatanggol
tayo ni Diego Silang sa mga nagdaraan, natatandaan
mo bang sabay nating inaawit ang I Will ng The Beatles?
walang pagitan ng uri at pakiwari, ang musika'y pinili
ng ating sandali, ng ating mahabang sandali
ng pagsasarili.

Simbang Tabi

Samahan mo siya sa kanyang panata: siyam na madaling-araw ng nagmamadaling
Mga araw, tumatakbo patungo sa sabsaban ng pagkasilang ng banal na sanggol
Sa ilalim ng tala, sa lupain ng Betlehem. Tabihan mo siya sa mahabang upuan na
Inukitan ng kurus, alalayan ang kanyang hiwaga: matang nakapikit at sumasamo
Ng hiling at pagkiling sa kanyang mga naisin. Lumuhod sa tabla ng pagninilay,
Yumukod kasabay ng mga naghahanap ng pagpapala sa loob ng simbahan.
May labing bumuka, bumilog at sumagap ng hangin: may humikab, may humilab
Na antok na ipinapahid ng malamig na simoy ng Amihan. May mga kamay
Na nakalingkis sa balakang, may mga anas ng pagkainip at pananaginip.
Samahan mo siya sa kanyang panata, isang beses sa isang taon, bumabalik siya
Sa tubig na inihilamos sa kanyang bumbunan—katulad mo. Nakikita mo ba
Ang ipinakong mga kamay, ang tadyang na tinatagasan ng dugo, mga paang
Malungkot, ang koronang tinik: nakita mo ba o abala ka sa ilusyon ng madaling-
Araw? Sinamahan mo siya sa kanyang panata at iniwan mo ang sarili sa piling ng kama.

Pagsuyo

sa atin, kahit ang pinakapayak na balak
ay nagmimistulang isang bundok ng galak
na dumadagan sa ating dibdib; di tayo
makahinga sa masusuyong halakhak
na naliklikha ng ating masusuyong damdamin.

aanhin natin ang anumang inihahain ng paligid,
gaano man ito kaganda o katingkad, maging
ginto man ito o brilyanteng mapaglahad
kung tayo at ang ating mundo ay sapat
nang paraiso?

Sa Dyip At May Babaing Takot Sa Malambing Na Kamay

habang sinasarili natin ang daigdig
ng init at inip
sa loob ng mala-pugon na dyip
at ginagaygay ng aking mga kamay
ang iyong buhok na pinasasayaw
ng rumaragasang hangin
habang ang mga daliri ko'y kumakapit
sa iyong tumataba na yatang balakang
at iginuguhit ko roon ang mga pagnanasa
habang nagpipiyesta ang pawis sa aking
noo at pagkatao
bigla, ay may kung anong sampal
ng pagkakabigla ang kumabig sa naliliyo
na nating daigdig ng lambing, sa kalansing
ng mga ngiti sa ating labi
at pinalitan ng pagtataka ang mga tawa

isang babaing nagpuputukan ang bilbil
at singkit ang mga matang nagpapakilala
ng kanyang sarili
ang salarin sa sampal na gumulantang
sa aking malambing na kamay
ayaw niya sa kamay kong malambing
na aksidenteng nabangga ang buhok
niyang wala akong interes at hindi
ko binalak

mauunawaan ko't mauunawa
ang kalagayan niyang salungat
sa katanggap-tanggap

sa mundong itong isinilang sa pag-ibig
at paglalambing, marahas ang mga kamay
kong kilala ang kinis ng mga pisnging
iniirog at ang gaspang ng mga kalyo
sa palad ng sinisinta,

hindi ako nagalit, bagamat nabigla
isa pa'y katabi ko ang dahilan ng aking

Isla

Sakaling malimutan
mong bumalik
sa pampang
ng ating pagliyag;
kung sakaling
nahumaling
ka't inakit
at inukit
mo sa langit
at itinatak
sa tubig
ang itinindig
natin (sabi mo
nga'y di imalulupig);
kung sakaling
nagsahangin
ang lahat
ang lapat
ang dapat,
may babalikan
ka kung mabangga
ng pamamalikmata
ang iyong pagdako,
may babalikan
ka sa pampang,
may kalansay
doong nakadantay
sa pangako mong pagbabalik.

Stranded

kung malakas ang hangin at waring laksang
mga kamay itong nagtatampisaw sa iyong buhok,
ipinagtatanggol kita: maano ba namang iharang ko
ang aking dibdib o ang aking batok upang salungatin
ang hangin, suwerte pang magkaharapan, naghahalikan
ang tungko ng saratin nating ilong. at makikita kitang
waring pinagpasa-pasahan ng mga pusakal matapos
ang unos: buhok na nagsala-salabat, sali-salimuot
sa iyong mukha. kalunos-lunos.
ngunit nakangiti ka pang yayakap sa akin na animo'y
tila laro ang mga nangyari, parang harutan ng mga aso
sa damuhan, parang bulaklak na sumasayaw sa lambing
ng ulan. at wala na akong magagawa kundi suklian ka
nang higit pang bungkos ng pagtatangi: aayusin ko
ang nagahasa mong buhok, at ikukulong ko sa aking dibdib
ang hangin na sa iyo'y sumalanta, gagawin kong bulong
na kikiliti sa iyong tainga.

Bitin

ginagayuma ng dapithapon ang gabi:

naghalikan ang langit--agaw-dilim.

at nang subukan kitang haplusin,

sinuklian mo ako ng bituin.

Magkatabi

nakita niya ako sa pinakamailap kong yugto;
yaong mga panahong iniiwasan kong humalik
sa mga balintataw ng kung sino at anong
kabiha-bighani.

ukol sa kung anong dapat bumukol, nasapol
ng mapurol kong kukote ang kabuluhan
ng bawat kaululan ng aking mga planuhin,
lintik sa pinakalintik!

dinagit niya ang aking kairalan, hindi ako
tumutol, hindi ako tututol at ayaw ko nang
maputol ang pising nagdurugtong sa aming
mga ngiti.

Ganap

isang platitong buwan sa aking ulo
nakatitig na tila mata ng pusa sa dilim
mga ulap na unti-unting naglalaho
nalulusaw na waring mga guni-guni
hanging sing-ulila ng kalungkutan
di matutunang magtimpi sa pag-ihip
tulad kong tinakasan ng pagkainip
at halukipkip ang pananalig
na tayo'y ganap at di lamang panaginip

Martes, Oktubre 30, 2012

Sa Isa't Isa

inaya kita, titigan natin ang pagbukadkad
ng bulaklak tulad ng sisiw na kumatok
sa naglalamat na balat ng kaniyang suklob:

humindi ka, hindi mo hilig at wala kang hilig
sa pagtunghay sa himala ng buhay:
pagkalagas ng dahon, paghupa ng alon

paghabi ng gagamba sa kaniyang sapot,
pagtuklap ng pintura sa lumang pader,
paglamon ng guhit-tagpuan sa balintataw

ng araw. buong buhay, itong pintig ng daigdig
ang naging tuon ng aking titig at pag-ibig,
kaya't hindi katapusan ang pagsandig

ko sa iyong paligid. at natuto akong manalig
sa espayong ibinibigay ng rason kaysa emosyon,
ng bukas sa kahapon, ng ngayon sa panahon:

mahiwaga ang pagkakabigkis ng ating mga naisin,
hindi na kita aakagin sa kunsaan humihinga
ang mga alitaptap, at sa kunsaan nakatuldok

ang mga bituin sa katanghalian. sabay na lamang
tayong tumimbang sa hain ng mga sandali,
sabay tayong tumawid sa kabilang pampang.

Paraan

namimintas ang gabi,
kasama sana kita ngayon
at magkapulupot
ang ating hangarin
at damdamin

pero anong mapapala ng pag-aasam?
ang mga pagkukusa'y nagkukusang
sumalungat

kailangang gumawa ng hakbang:

hahablutin kita
sa gitna ng panaginip
at iguguhit ko
sa nilalagnat mong balat,
sa lumuluha mong ugat

ang salitang,
pag-ibig.

Umaga

kurtinang kinumpol at inipit sa kikikili ng pinto
pinatuloy ang sumasabog na liwanag ng umaga

humalik sa makintab na baldosang rosas
nasilaw ang matang pinasingkit ng pangingilag

sa liwanag na naglalatag ng pangamba: anong
anino ang sumilip sa tiwasay na sandali?

iniisip kong tumakas ang aking kaluluwa
at ako ang aninong lumiligid sa paligid

nahihimbing kang payapang nakatitiyak
na ako'y nasa tabi mo at nangungusap,

tumakas man--hindi ako nawala,
hindi ako mawawala.

Sabado, Setyembre 22, 2012

Tulang Walang Pamagat Kung Hindi Para Sa Iyo

hindi naman ganoon katagal nang huling
tulaan kita, nang tulaan ko ang awitin
nating dalawa o nang minsan kong lapatan
ng mga salita ang bawat nating paghinga;
hindi naman singtagal ng pagtibok
ng kamao sa aking dibdib, o bibilangin pa
ang piraso ng hibla ng iyong pagkalambot-
lambot na buhok na hilig kong haplusin
sa tuwinang ika'y nahihimbing. ilang araw
na nga ba nang huli kong bigkasin
ang mga talinghaga, nang huli kong sigawan
ang isang blangkong pahina at pintahan
ng isa, dalawa, tatlo o milyong mga salitang
umiilanlang sa aking pagtitiwala
at pananalig sa magkatali nating mga daliri?
ilang araw na nga nang huli kitang ipinta
sa tula?
hindi naman ganoon katagal; hindi
kailanman makalilimutan ng aking mata
ang iyong mukha, at ang iyong ngiti
na literal na umaagaw ng atensyon at
literal na nagpapabukad ng mga bulaklak,
ng iba pang labi, tulad ng di ko malilimot
ang tula at mga tula para sa iyo; kung iisipin
nilang isa kang ngiti na hinulmahan ng pagkatao
at sinseridad, maniniwala ako. ilan na nga ba?
kung ikaw ang tatanungin ko, sakaling maisumbat
mo na libong mga araw na ang huli kong tula
para sa iyo, at ikalulungkot at ikaiinis mo.
marahil ay iniisip mo ang libong araw ng isanlibong
lambing na lagi namang para sa iyo,
hindi iyon tula o pwede mo na ring isipin
na iyon ay mga salita ng tula ko sa iyo. ilan na nga ba?
isang araw lamang ang natatandaan
kong sandali nang di kita matulaan. at
nakalimutan ko na iyon, tanda mo?
dahil ang araw na iyon ay ang bawat nakaraan
na walang tula, naroroon ang kawalan sa nakaraan.
at ang ngayon, mayroon ako. itinitiyak kong araw-araw
ay may tula sa aking daliri, para sa iyo. hindi man
mga salitang pinamulaklakan ng talinghaga
alam kong tula ang bawat kong paghinga, para sa iyo.

Ang Pulitika Ng Pag-ibig Sang-ayon Sa Pagmamasid Sa Kalye Camba


kapayapaan               ang alak sa kanyang ugat
na di maiwaksi ng iyong pag-aalaala,
at pagmamasid      habang        nagkakalansingan
ang mga basong         pawisan
                          at nilalanguyan
ng pumapanaw                 na          yelo
sa kahubdan                 ng gintong        alak
sa tiyan nito.                 anumang mga sabi-sabi
sa kanya'y tinatabunan mo ng pag-asa,
               ng pananalig           at tiwala.

ganito at ganyan.

lalagi't lalaging ganito at ganyan
ang paggiling ng                         bawat tagpong
itinutumba ang mga boteng        inigpawan
ng kaluluwa:                       ang kanyang kapayapaan,
ang deklaradong        manipesto ng kaniyang
                          sarili.

ganyan at ganito.

mananatili
                ang pagsamba sa nagbuklod ninyong
hininga:         ang nagtaling katiyakang idinikta
ng        inyong mga kawalan,
                                kahinaan
                                 at kalakasan,
anuman ang ihain
ng                  paligid.

lalagi't laging                       isinasandig ang bawat          
                  ninyong daigdig
sa                 didbdib ng isa't isa: ano't anuman--

dakila ang tapat mong pag-unawa
sa piyudal niyang                     gawi at salita.
dakila ang kaniyang           pagtataguyod
sa                             payak ninyong         silong.

anong bulong          ng kalungkutan
ang dapat pang pakinggan?

wala na marahil,                  maliban sa uha
                         ng mumunting labi
sa           malalalim ninyong gabi,
    na nagmistulang pangarap
ng kasalukuyan.

ano't anuman,

ito ang pulitika ng inyong pag-ibig. 
ang pulitika ng inyong pag-ibig.


sa mga Bebemon

Silip

sa ulan ko hinahanap
ang nagbigkis nating hininga.

sumilip ka sa labas ng iyong bintana,
may hangin na sa iyo'y babati.

ako iyon,
aking tinatangi.

Martes, Agosto 28, 2012

Tula Sa Unang Taon Ng Ating Katiyakan














natatandaan mo ba,
ang araw na iyong
nangingimi pa akong hawakan
ang iyong kamay
habang masinsin ang patak ng ulan
sa inako nating liwasan
sa pusod ng nanunuot na lamig ng gabi;
nang ilangkap natin sa sandali
ang anumang maaring mangyari
sa puntong iyon ng ating pagbabakasali
na baka ikaw at ako
o baka hanggang doon lamang
ang tiyak sa ating umpisa
o baka iyon ay simula lamang
ng panunukat sa ating mga layunin?

natatandaan mo ba,
nang ipagbawal mo ang pag-usal
ng wikang hindi maikakarsel sa dibdib
at ako ang pangahas na lumabag
habang tumatawid tayo
sa lansangang kilala mo
at kilala ko na rin ngayon;
nang maaninag natin ang kislap
sa pagitan ng ating mga pagkakaiba,
nang ibigkis natin ang pagkakatulad
ng ating mga hangarin at panlasa?

natatandaan mo ba,
nang paglaruan natin ang katahimikan
at sakyan ang luho ng mga hiningang
umaawit sa dilim?
iyon ang unang pagkakataong sumapi
tayo sa walang ngalang pananalig
sa idinidikta ng mga pintig at bisig,
na ngayo'y paraiso ng ating mga ngiti
bawat pagtatangka at pagwawagi.

natatandaan mo ba,
ang maraming kunot-noo at daplis-daplisang
saksak ng mga alinlangan at kurot
ng mga luhang ibinadya ng takot at pangamba
nang ipinipilit ng paligid ang hindi
marapat para sa ating dalawa?
hindi tayo kailanman bumitiw.
hindi tayo bumitiw kailanman.
hindi tayo kailanman bibitiw.
hindi tayo bibitiw kailanman.

natatandaan mo ba,
tatlong daan at animnapu't limang umaga
at gabi mula noon, umaalab, mas masidhi
ang katiyakang laging may bukas
para sa ating dalawa
sa piling ng isa't isa.

Sabay Tayong Managinip

sabay tayong managinip
sabay nating hawiin
ang mga alinlangan
sa ating paglalakbay
sabay tayong managinip
ng kawalang-hanggan

Sabado, Agosto 18, 2012

Matapat

ilaan mo ang tiwala sa aking balikat
at maasahan mong matapat

kong isusukli ang nararapat

sa iyo bumubukal ang simbuyo ng damdamin
at sa iyo naninikluhod ang bukas

libong dangkal mang sinusukat
ang ating pagitan

sa iyo pa rin naglalagak
ang lahat kong kagustuhan.

Tungkulin

Nakatatawa. Sinabi mo: Pag-ibig ay pag-ibig.
Wala akong tutol, ano pang masasabi ko?
Umiibig din ako katulad ng alikabok na ayaw
Lumisan sa bentilador. Katulad mong umiibig
Sa Pag-ibig. Katulad ng apoy sa tubig,
Ng mata sa mundo.

Ngunit ano ang pag-ibig? Itinanong ko sa iyo.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.
Ano ang pag ibig? Itinanong kong muli.
Pag-ibig ay pag-ibig, tugon mo.

Nakatatawa. Wala akong maitutol.
Gusto mong tanggapin ko; paumanhin.
Hindi ako tumutol; hindi rin ako umayon.
Mailap ang kahulugan
Ng Pag-ibig mong pag-ibig.

Pag ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig,
Dahil sumasapi ako sa hangin, nagiging isang ibon.
Lumilipad, nababalian ng pakpak. Umaawit, tinitirador.
Namatay samantalang hinaplos ang langit.

Pag-ibig ko nang umibig, hindi na ako umiibig.
Nawawalan ng kahulugan ang ngiti. Pag ibig ng pag-ibig
Ang pag-ibig. May kumukumpol na ulap sa lalamunan,
May ulan sa pilik-ng-mata.

Pag-ibig? Pakisampal ako, pag ibig.

Marahil, pinalalalim ko lamang ang mababaw, ang Pag-ibig.
O mali ako, baka mali ako. Siguro, mababaw ma’y malalim.
Tinig ng tining. Labusaw sa lusak.
Puso sa bungo. Pag-ibig ay pag-ibig, Aywan.
Kailangan kong tumutol. Tungkulin kong umibig, tumutol.