I.
Ikuwento ko lang, ha.
May matalik na kaibigan ang lumapit sa akin. Isang kaibigang naghahanap ng makakausap sa kaniyang pinagdadaanan sa kasalukuyan. At ano pa bang aasahan nating problema n'ya?
Pera? Hindi, stable ang tao at hindi rin maluho, hindi gipit at sa usaping tropa, maayos magluwal sa alak: saktuhan lang, kaya hindi nasisimutan.
Family problem? Hindi rin. Tanggap na niya ang itinakbo ng mahusay nilang pamilya. Isa na lang ang nag-aaral sa kanilang apat na magkakapatid. Pangatlo siya, bunso nila ang kasalukuyang nagsusunog ng kilay. Lahat silang magkakapatid, may matitinong trabaho. Bagama't sa lahat ng kaayusang ito, hiwalay na ang Nanay nila't Tatay. Pero okay na rin, malalaki na sila nang mangyari ang hiwalayan.
God? Hindi. Dating naglilingkod sa simbahan ang kaibigan kong ito. Palasimba rin, hindi tulad kong once a year lang yata kung makakita ng hostiya, sapilitan pa.
So, hindi pera, hindi pamilya, hindi relihiyon. E ano? Pag-ibig? Babae? Pag-ibig at babae?
Tama!
Pag-ibig. No more, no less.
At babae, siyempre kasama 'yon. Hindi naman kasi kabilang sa pederasyon ang "nang-iipit" kong tropa.
II.
Ang eksena, ganito:
Galing siya, ang aking kaibigan, sa isang relasyong pinalabo ng pagkakataon. Sa mabilisang pagtataya, ilang buwan na rin siyang hiwalay sa kanyang Sintang Marilag na nahumaling sa ibang lalaki, na katrabaho nito. Iyak-tawa ang aking tropa. Magtatatlong taon silang nagsumpaan ng pagmamahal. Na walang sasabit sa puso ng ibang tao. Nagplano ng pamilya. Nangarap nang mataas. Pero, katulad ng lahat ng maliligayang sandali, Pak!, naglaho sa hangin ang tamis at kislap ng pagsuyo.
Babae ang may kasalanan, sabi ng tropa ko sa akin. Babae ang nakipaghiwalay. Searching for greener pastures. It's not you, it's me, 'ika nga. Destiny prevails. “Putanginang destiny 'yan!”, komentaryo ng isa pa naming kaibigan na marahil naka-relate sa sitwasyon.
So, the usual process, in denial muna sa umpisa. Hanggang maging anger. Hatred. Suicidal? Hindi naman. At sa lahat ng prosesong 'yan, alak, kuwentuhan at iyak ang naging panlaban niya.
Flashforward.
Naging okay siya eventually. Pero siyempre, dala pa rin niya ang gunita at kirot sa nagdaang delubyo, kaya naging biruan na namin na abangan ang kaniyang madramang paglalahad ng kanilang masasayang sandali sa tuwinang magkaharap-harap kami't sinasapian ng alak. Ilalabas niya ang kaniyang pinakatatagong paraphernalias-nang-naglahong-pangarap: ang mga love letters ni Sintang Marilag sa kanya, ilang regalo nito sa kanya at kung anu-ano pa.
Sa bawat ganitong eksena, makikinig kami. Kaming tatlo niyang tropa: si Loyalfaithful, si Robin at ako. May isa pa kaming tropa, na bihira naming nakakasama dahil abala ito sa kaniyang negosyong pagtitiktik-kalawang at pagsasaydlayn bilang barker.
Makikinig lamang kami. Seryosong pakikinig. At kapag tapos na siya, saka kami babanat nang matindi. Iyong tipong uuwi kang pinatay ng kabag kakatawa. At malilimutan ng kaibigan kong ito, pansamantala, na wala na pala siyang Sintang Marilag. Isa sa naging kabag-making event namin ang pagpi-fliptop ng freeverse, with participation ng kalapati at hamsters.
Flashforward.
Naging okay na siya sa lost love niya kahit papaano. Nasa proseso na siya ng moving-on. Unti-unti, nakasusulong siya. Taas-noo at nang may ngiti sa labi. Nahahawi na niya ang mga multo ng alaalang hirap niyang hawiin, bagama't minsan, parang regla ng babae, dinadalaw siya ng multo na 'yon. Natatakot siya. Iiiyak. O kung minsan, gagawa ng kung anu-ano na makapagpapa-alis sa multo. Halimbawa ang pagha-hire ng Shaman: ako o ang tropa. O minsan, tatambay sa mall at tatambay sa mall o sa mall tatambay.
Nasa ganitong yugto na siya nang humirit ang pagkakataon. Isang dating kaklase ang muling nagbalik. Isang pagkakataong once in a crescent blue moon kung mangyari. Nag-metamorphosis itong dati naming kaklase, naghibernate rin. From a usual girl to very sensual-unsual-nakabubuwal na girl. Nagkakonekta silang muli gamit ang isang Social Networking site na papangalanan nating Fatebook.
At muling nag-spark ang mata ng kaibigan kong ito.
Sa pagtakbo ng kuwento, nauwi sa isang get-together ng mga dating magkaka-klasmeyt at nagkalayong magkakaibigan ang eksena. Naroon si Unusual Girl, ang aming tropa at iba pang supporting casts. Dito mag-uumpisa ang Unusual na problema ng kaibigan kong heart-broken.
Sa get-together na iyon, siyempre may kuwentuhan, inuman, kainan at kung anu-ano pang tipikal na ginagawa sa isang tawagin na nating maliit na reunion. Dito na dumiskarte ang tropa ko. Asikaso ang Unusual Girl na, kalaunan, naging prospect niya. Na kalaunan ay nakapalagayan niya ng loob. Na kalaunan ay kahuhulugan niya ng loob. Na kalaunan ay "babasagan niya ng pangnguya".
Si Unusual Girl nga pala ay isang mabait at magandang babae. Matimyas ang boses na parang anghel. Nangungusap ang mga mata. Matamis ang ngiti. Kaklase namin siya noong hayskul, at marami rin ang talagang nanligaw sa kanya. Pero ngayon, iba ang dating niya at talagang di ka mangingiming magdilat ng mata at mapatitig kapag nakikita mo siya. Kaya nga't nahulog ang kaibigan ko sa bangin ng babaing ito. Na hindi niya alam ay magbibigay sa kaniya ng sakit ng ulo at damdamin.
Lumabas silang dalawa kinabukasan matapos ang maliit na gathering. Nanood ng sine. Kumain. Sa pagkakataong ito, nakalimutan na ng kaibigan ko ang kaniyang Sintang Marilag, at nahulog na nga kay UG. At sa mapaglarong sandali ng kanilang iglap na pagsasama, akalain mong may naging malinaw silang usapan na magtulungan sa proseso ng pagbabalik-puso o ang Oplan-Return.
Ganito ang magiging takbo: Si UG ay tutulungan ang kaibigan ko na pabalikin ang kaniyang Sintang Marilag. Magiging magkarelasyon sila. Hindi alam ng ibang tao. Silang dalawa lamang. Magpapanggap na magkasintahan. Hihintayin ang response ni Sintang Marilag. Sa ganitong paraan daw, sang-ayon kay Unusual Girl, babalik ang Sintang Marilag ng aking kaibigan.
Nguni't sa naging takbo ng kuwento, nakakalimutan na ng kaibigan ko si SM at kay UG na siya nahuhulog. Ito na ang kaniyang delubyo.
Magulo palang kausap itong si UG. Biglang back-out sa Oplan-Return na pinagplanuhan nila. Na kesyo gagamitin lang daw niya ang kaibigan ko. Na baka masaktan lang ang kaibigan ko sa huli. Na huwag mahuhulog ang kaibigan ko sa kaniya. Na hindi siya ang nararapat sa kaibigan ko at maghanap na lang siya ng iba. Na magiging panakip butas lamang daw siya. Na they are made to be BFF. Na...
Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude!
E itong kaibigan ko'y kinubabawan yata ng Deux Ex Machina, na mahulog ka'y Unusual Girl. Na si Sintang Marilag ay hahayaan na niya. Na handa na siya sa panibagong hamon. Na bukas na ang kanyang puso sa muling pagtibok. Na si UG ay kanya nang kinahuhulugan at kababagsakan. Na handa na siyang magluwal ng panahon upang mahalin nito. Na kesyo umpisa na ito ng bagong buhay, 'ika niya. Na wala nang urungan. Na si Sintang Marilag ay di na babalik. Na...
Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude!
“Ang gulo!” sabi nga ni Robin. At sabi naman ni Loyalfaithful, sulutero daw ang kaibigan kong ito na namumoroblema dahil nga raw e "crush" ko rin si Unusual Girl, na dapat ay ako nga raw ang marapat dumiskarte sa kaniya kasi nga’t parehas kami ng tinungong propesyon: ang propesyon ng pagiging guro. Iba rin talaga mag-isip ang mga kaibigan. “Imba!” ‘ika nga si Loyalfaithful. Si Robin naman, forecaster. Isang pambihirang forecaster. Na-forecast niya ang mga eksenang ito, isang Nostradamus ng ating henerasyon! Na...
Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude!
III.
Oo, sige "crush" ko nga si UG, pero 'yun lang 'yon. At sa naging takbo ng kuwento, ayaw ko nang gumalaw mula doon. Ayaw ko na silang guluhin. Bahala na si kaibigan kong problemado. Basta kami: si Loyalfaithful, ako at si Robin ay suportado siya. Tutulungan. Aalalayan. Hindi iiwanan. Dahil makikinabang din kami: halimbawang magkatuluyan sa isang wagas na relasyon si Unusual Girl at ang kaibigan kong problemado, aba, engrandeng inuman ‘yan at kung tumimbuwang ang kanilang on-going process at bumagsak sa kawalan, aba, engrandeng inuman din 'yan. O di ba?
Pero, wagas talaga kaming magkakasundo na suportahan ang laban ng aming kaibigang problemado. Promise. (Promises are made to be broken.)
IV.
Napakagulo ng pag-ibig. Hindi siya basta-basta. Nakamamatay. Nakababaliw. Kaya nga't di totoo ang komersyal ng Nestle sa pagdiriwang nila ng kanilang ika-sandaang anibersaryo bilang taga-bandera ng Good Food, Good Life slogan. Walang ganoon. Isang perfect love? Buwisit na Nestle 'yan, pinaglololoko ang mamamayan.
Anyway, ang kaibigan ko palang problemado ay hindi mapagkatulog. Naguguluhan. Naguguluhan nang napakagulo. Pag-ibig? Sweet and bitter put them together and that's what you call, Pag-ibig.
V.
At isa pa pala, sinabi ni Unusual Girl na ang kaibigan kong problemado ang kaniyang "ideal guy".
Ideyal. Parang Utopia. Parang Nirvana. Parang Fountain of Youth.
Napakaraming eksena ang dumaan, gumulong at umusad. Pero sa huli, walang tinungo ang mga eksena. “Cut!” sabi ng direktor, ng Supreme Being beyond there. Madugong naglunsad ng digmaan ang aking problemadong kaibigan matapos makapaglimi.
Flirt si Unusual Girl. Kumakarengkeng kung ilalapat sa balbal na usapan. Hindi ako makapaniwala na sa maamo niyang mukha ay nagtatago ang malupit na katotohanang naglalaro tayo sa salimuot ng mundo. Gusto kong batukan ang tropa ko. Gusto kong sabihing, “Gago ka, makikipagiyera ka e sugatan ka pa nga sa katatapos mong digma. Asshole ka, Brad!”
VI.
“Only time will tell, if wishing wells can bring us anything.” sabi ng Gin Blossoms.
Naniniwala ako. May hilom sa oras, sa panahon. Ura-urada kasi itong hinayupak kong tropa. Malandi din kasi.
Matutong maghintay. Masalimuot talaga ang Pag-ibig.
Alam mo ba ang huling eksena? Naglalandi na rin sa iba ang tropa kong magulo at problemado at si UG ay ganoon din sa kabilang dako.
Hindi sila nagtagpo.
Magulo di ba?
Ikuwento ko na lang, ha.