(Kay Alexander Martin Remollino, Makata ng Bayan)
kung isa ka nang hangin ngayon
ihip kang nagpapaalab ng mga sulo
ng pakikibaka't pakikitalad
ihip kang nagpapaindak sa mga palay at tubo
ihip kang tumutuyo sa pawis
ng mga manggagawa't magsasaka
kung isa ka nang hamog ngayon
nakayakap ka sa mga talahib at dahon
duon sa kabundukan at nagmamasid
sa mga kasamang namamahinga't kasiping
ng gabi
butil ka ng hamog na kumikislap sa pagtama
ng liwanag ng buwan sa munti mong katawan
kung isa ka nang ulan ngayon
hinahaplos ng mga masisinsin mong patak
ang mga buhok at pisngi ng iniwang mga kasama't kaibigan
nagpapaunawa na ika'y hindi nawawala
at nananatili sa puso at dugo ng masa
na iyong pinag-alayan ng buhay at musa
kung isa ka nang apoy ngayon
tinutupok mo ang mga tanikala
ng pananamantala't inaabo ang inhustiya
sinusunog mo ang mga barong at saya
ng mga hunyango't elitista
at lalagi kang tanglaw sa mga tahanang kaniig
ang isang pirasong kandila
at kung isa ka nang lupa ngayon
hayaan mong tumindig kami sa dibdib mo
at bigyan mo kami ng tuntungan
na 'di matitibag ng mga medalya't trono
hayaan mong magtanim kami sa dibdib mo
ng mga binhi ng ganap na paglaya
na aanihin namin, natin sa nalalapit na panahon