Lunes, Pebrero 7, 2011

Ngayong Gabi

tatangkain kong lumalang
ng tulang makikipagsabayan sa panahon
tulad baga ng "o, captain! my captain!"
o dili kaya'y "the woods are lovely and deep
but i have promises to keep,"
nguni't
hindi payapang karagatan
misteryosong kagubatan
ang ating lipunan
halata nang ako'y nagpipilit
at tiyak, marami ang magagalit
pupunahin ang gamit ng porma
ng gramatika't salita
ano nga bang teorya ang isinangkap?
saang samahan ka lumalanghap
ng hangin ng pagiging malikhain?

paano kung ako lamang ang ako?
ang tulang hindi sumisingit nang pilit
sa bungkos ng nagyayabangang tugma
teorya, talinghaga, sukat at barkadahan
ng sirkulong inaangkin ang kadakilaan?

paano kung ako
ang makatang sumasagot 
sa tanong
na "para kanino"?

tablado't garantisado
hindi ito kabilang sa gradwado,
mga tulang lawrelyado

sambayanan ang kumikilatis
aling sining ang malilitis,
anong sining ang mapapanis?

bagama't tiyak na kasaysayan
ang pipitas at magpuputong
ng koronang rosas
sa mga estropang nilingkis
ng dugo at hinagpis
iyong tulad baga ng "he has merged with the trees"
at "By cokkis lilly woundis"...

Piyok

ginugunita kita sa mga titik
ng mga awiting tumatapik
sa matamlay na paghimlay
sa nauulilang gabi

sinubok kong abutin ang himig
ng melodramatikong linya
ng awiting nakalilibog
sa alaala

nang pumiyok ang nagtangkang tinig
at natulilig
ang kapitbahayan kong nilalagom
ng gumigiling na aliw
ng malamig
na gabi

hindi nga pala
nahihilig
ang aming komunidad sa awit ng pag-ibig
mandin sa himig
ng kani-kanilang konsiyerto
ng bituka, likod at balat
sa entablado ng sardinas, kulambo
at banig
ang gusto't hilig
nilang laway, pawis at dugo
ang idinidilig
sa nagputik na looban...

walang dapat ikagalit
ang awiting may kilig

tulog na bumibirit ang haplit
ng kanilang galit at pasakit
sa sari-sariling galising binti't bisig
hindi nga pala
nahihilig
ang aming komunidad sa awit ng pag-ibig

walang dapat ikagalit
ang awiting may kilig

maliwanag na kung bakit
pumiyok ang makasarili,
nagtangka kong tinig.

Sa Panaginip

napanaginipan kita
nagwawalis sa isang bakuran
hindi pa ganap na bukas
ang mata ng araw no'n
pinagmamasdan kita
nakasilip lang ako sa isang maliit
na bintana
ikaw pa rin iyon
ang marahan mong pagwawalis
na hindi baga makalikha ng ingay
nakadaster kang tila nagluwal na
ng apat, anim na supling
napakaganda mo
walang kaparis ang payak mong anyo
pinusod na mga buhok
mumurahing gomang sinelas
kaunting pulbo sa pisngi
napakaganda mo sa panaginip na iyon

habang inihahanda mo nang sigaan
ang nawalis na mga tuyong dahon
biglang may kung anong anino 
ang lumapit sa iyo
pinilit kong sumigaw, gumalaw
nguni't manunood lamang ako
sa sarili kong panaginip
nag-aabang lamang ng eksena:
ang anino'y niyakap ka nang mahigpit
mula sa likod mo
hinalikhalikan ka, sa leeg, sa pisngi
wala kang tutol
malambing na tapik lamang
ang iginanti mo sa anino
sa lalaking anino
na nagapagtanto kong hindi ako...

iyon ang huli kong panaginip sa iyo

sabi nila'y lahat ng panaginip
ay kabaligtaran ng mangyayari
sa hinaharap

sana nga
'pagka't umaasa ako
sa sinabi mong pag-asa

Pagtatangka

tinangka ko rin
ilang libong beses na pagtatangka
na sunugin
ang larawan
natin
na niluma ng nagkulob 
na pitaka

ilang libong beses na pagtatangka
na nauuwi
sa pamamangka
sa ilog
ng alaala at himala.

Nagmamahal

Dear Citizens,

          Pasens'ya na kayo't 'di ko naman ito ginusto... Aywan ko ba sa burukrasya n'yo at kung anu-anong pahirap ang iniaatang sa inyo. Kung ako lang, mas mainam na ilibre kayo, serbisyong publiko. Pero hindi e, sugapa kasi, madamot ang sarili n'yong estado.
          'Wag kayong mag-alala, maari n'yo naman akong bagtasin kung kakailanganin. O sakyan kaya kung tutungo ng Mendiola. Kahit minsang pinasasabugan ako, matiyaga ko kayong ihahatid sa harap ng Batasan at Senado.


Nagmamahal,
SLEX, Pasahe: Bus, Dyip at Taxi


P.S.
Hahabol nga pala ng sulat si Bigas, Tubig, Koryente at ilan pang Pangunahing Bilihin. Magtiyaga lang kayo. Malapit na tayong humawig sa Cairo.