Huwebes, Disyembre 23, 2010

Sa Gabing Di Mapagkatulog

Sa mga gabing 'di mapagkatulog, iniisip ko
kung paano kang magbalibalikwas sa iyong higaan.
Ang matimping pagbuka ng iyong kampanteng hita
na nakahalik sa maliliit na unan.


Iniiisip ko kung paano kang huminga. Ang uwang sa iyong tahimik na labi.
Ang pagtaas-baba ng iyong tiyan, na tinutuldukan ng maliit mong pusod,
parang pintig ng pulso, marahan at payapa.


Iniiisip ko ang paggalaw ng iyong mga balintataw
na nakahulma sa natiim mong mga talukap.
Sino nga kayang mapalad ang kaniig mo sa panaginip at pangarap?


Iniisip ko ang balangkas ng iyong kabuuuan. Sa puting kumot na nakalambong,
gumagapos sa iyong katawan. At kung paano sumilip patakas
ang iyong mamulang sakong at talampakan at ang malarosas mong mga kuko
sa manyikang mga paa.


Iniisip ko rin kung paano hinahaplos ng malambot mong buhok,
ang unan at banig na sumasanib sa iyong pagkakakapit sa sapot ng panaginip.


Iniisip ko,
iniisip ko na panatag kang nahihimbing kasiping ng mapagheleng hangin,
payapang iniuugoy ng mapanglaw na mukha ng langit, dinadampian ng liwanag ng buwan.


Habang ako, sa gabing ito na sumisigid ang lamig,
ang kaluluwang pinapagod ng mga minuto segundo oras at taon
ang kaluluwang inilalaan sa panatang ang tinta'y dugo ng rebolusyon
ang kaluluwang inaawitan ng hugong, bulong, tinig ng sibilisasyon
ang kaluluwang iniaalay sa puso't hininga ng masang ibinabaon.
Habang ako, ang kaluluwang 'di mapagkatulog,
hindi dalawin ng hikab at antok
ay pinapatay ng nakaukit mong mga alaala
at ng mapait na dikta ng naglalahong gunita.

Martes, Disyembre 21, 2010

Bur-swa-si*

Binabaliw ang kaluluwa sa kasiyahang pansarili.
Sumasayaw sa saliw ng musikang agunyas ng sanlibutan.
Nilalango ang mga mata sa dikta ng libog at nasa.
Sinasaksak sa utak  ang dikta ng pagkamanhid, pagkaganid
at droga ng pagka-ako.
Sumasampalataya sa homiliya't aral ng kawalang katuturan
na nagpapaikot
sa mundong hindi mundo
kundi pusalian ng kaniyang kauri.

Iyan ang kaburgisan.
Ang impiyerno sa ibabaw ng kalupaan.


*bourgeoisie, burgis, kapitalista.

Anyaya

hinihila ng lupa ang talukap ng aking mata
niyayaya ng banig, kami'y marapat nang magniig
inaanyayahan ng haplos ng hanging malamig
ako nga'y kailangan nang magpadaig.

binubulungan ako ng mga hilik
na nakalambong sa kuwartong pinagsisiksik
ang lima, anim na kataong ginagambala ang tahimik
na gabing sinaklot ng mga kulisap at kuliglig.

ang kanilang mga orasyon, ng sumamo at panaghoy
ay buong galak kong tatanggapi't hindi itataboy
'pagka't batid kong sa kanilang bulong, akag at anyaya
makakasama kita sa panaginip, at tayo muli'y magiging isa.

Puksa*

Minumulto tayo ng mga pagpuksa.
Bangungot sa mahihimbing na tulog,
alulong ng mga punglo ang bumubulabog.

Hahandusay sa talahiban ang nawawala,
kaytagal nang hinahanap na kasama.
Putok na mga labi, luwa na mga mata.
Lapnos na utong, wakwak na hita.
Binunot na mga kuko, dibdib na gasgas-maga-sugatan.
Lagas na mga buhok, mukhang tinakasan ng pagkakakilanlan.

Ganyan magmulto ang pagpuksa.
Umuukit sa gunita.
Sumusurot sa bawat himaymay ng laman.
Kumukurot sa pinanday na kamalayan.

Iyan ang multo ng pagpuksa.

Kung gayong 'di tayo patulugin ng pagpuksa.
Kung gayong pinapatay tayo sa ukilkil ng gunita,
'di ba't kainamang paigtingin natin ang paglikha:
ng mga hanay at bulto ng lakas; hindi mga multong tusong kinatas
sa kaluluwa ng mga martir at dinahas.
Lumikha tayo ng puso ng mga kamao ng nanlilisik na mga mata ng damdaming wagas
ng hanay ng bulto ng lakas,
na papatay sa kanila: silang pumupuksa sa karapatan at laya.
Huwag tayong papanawan ng higanti.
Hindi tayo madadaig ng mga multo ng pagpuksa.
Hindi tayo madadaig.
Patuloy lamang ang pintig.


*pasintabi kay Teo Antonio at sa kaniyang tulang "Minumulto Tayo ng mga Pagpuksa"

Linggo, Disyembre 19, 2010

Hindi

hindi ko sasabihing napigtal na ang bigkis
na dating nagdurugtong sa tibok
ng ating mga puso at hingal ng ating hininga
hindi ko sasabihing naglaho na ang tamis
na pinagsaluhan natin
sa angaw na mga sandaling
maaaring tayong dalawa lamang o kapiling
ang libo't isang bulaklak
hindi ko sasabihing nagpaalam na ang pagsuyo
na itinanim natin sa mga puno ng Luneta
o saan mang panig ng sarili nating daigdig
hindi ko sasabihing namatay na ang pananalig
na itinindig ko sa ating mga kaluluwa at pangako
na ang lahat ng mga bagay at panahon ukol sa atin
ay magkatuwang nating dadamahin, lilikhain, pangangarapin
hindi ko sasabihing nagwakas na ang lahat
hindi ko sasabihin
'pagkat wala na akong tinig...


at ang lahat nang iyan ay tapos ko nang gawin
hindi ko sasabihin

Huwebes, Disyembre 16, 2010

Bulusok

Masasabi bang lumalangoy tayo sa biyaya ng husay
kung ang palakpalakan ng pagdakila
ay lagi't laging dinig at kaharap?
Bagama't 'di naman lubos na gagap
na ang nadirinig pala't kaharap
ay pawang bulong ng walang hinagap.
Kung tayo'y walang ni isang pag-sang-ayon
na ang panulat ay may bigkis ng laurel at malaon
tatalunton sa landas ng mga dakila?
Masasabi ba nating makalulusong tayo't makalalangoy
sa biyaya ng pagpapanday?

Walang makapagsasabi.

Hindi natin tiyak ang landas.
Malay nating hawak ng iyong mga daliri
ang pangahas na pluma
na makalilikha ng mga letra't salita,
makapaglalahad
ng karanasan
ng isang sumasalunga sa bangis ng sanlibutan.

May kislap tayo ng kadakilaan, mga tining tayo sa lusak.

Marami na rin akong nabasang talambuhay ng ilang kilalang manunulat; na sa kabila ng kanilang kahusayan, ay nawawalan ng gana at miminsang pang isinusuko ang kanilang kakayahan bilang manunulat. Aywan ko nga ba. Dumarating muna nga ba sa punto ng deterioration ang isang manunulat na maghahakot ng bituin sa langit sa hinaharap? Aywan ko. Aywan ko. Walang may alam.

Heto ang isa.

Pare, sulat lang tayo nang sulat. Tandaan mo yan! May kislap tayo ng kadakilaan, mga tining tayo sa lusak.

Roque Dalton

May lungkot sa iyong paglisan.
Na nag-iiwan ng tanong:
Saan ba tayo patutungo?
kung sa bawat galaw natin
maski ang kahingahan ng sariling hangin
ay may pagtatangkang lagutin
ang ating hininga.
Tulad ni Bonifacio, tulad ng maraming Bonifacio.

Ngunit hindi kinakailangang humantong sa paninisi.
Hindi kailangang sundan ang pagkakamali.

Sapagka't kinakatam natin ang kahoy ng Tagumpay,
at ang nakatam na salubsob ng kahoy ay sinusunog natin,
ipinambabaga sa mga sulo ng maayang bukas.

May aral sa bawat kasaysayan, humuhulma tayo ng
isang mundong ganap na malaya't matiwasay.

Sinabi mong "Ang Tula, tulad ng tinapay, ay para sa lahat."
Naniniwala ako. Naniniwala ako.
Ngunit, ibabalik ko, "Ang Buhay, tulad ng tula, ay para sa lahat."

Tulad Mo.

Serbidora*



Samantalang tumitikatik
ang pitlag ng aming mga atay,
nilalasing mo naman ang iyong sarili
sa antok at pagod.
Nakatingala sa mga agiw
na nakakumot sa mga lumang kagamitang
palamuti sa iyong munting kulungan.
Araw-tanghali-gabi,
ang mga bitukang kumakalam
mga pusong nasakal nasasakal sinakal
mga tagumpay ng sandali
mga libog na nanggagalaiti,
ang hiwaga sa iyong bilugang mga mata.
Nilalango mo ang iyong sarili
sa mga usok at upos
ng nilalagot na sigarilyo
sa mga musikang naglilipat dibdib
sa mga tadhanang
ang mga lilisan sa iyong kulungan
ay maaaring manakawan
mapatay
mapagnasaan
masagasaan
mabendisyunan ng dasal
kinabukasan.


Ikaw, ang anghel sa mga sandali
ng paglimot at tagumpay.
Ikaw, na nag-aabot ng malanding
kurba ng ginintuang pait.
Ikaw, ang gabay sa umiikot
nanlalabong mga sandali.


Salamat sa iyong ngiti.
Ang iyong alaala
ang magpapatunay
na may gabay na hatid
ang bawat karaniwang hininga
sa buhay ng bawat isa.




*kay Ate Serbidora, na abalang nagsilbi sa amin, duon sa Fifties
sa PUP Sta. Mesa.

Lunes, Disyembre 6, 2010

Tandaan Nating Hindi Tayo Nanlilimos*

gayong walang anu-ano nilang inagaw
ang nagdurugtong sa ating mga naghihingalong hininga
mga stetoscope, hiringgilya't gamot panlunas
sa karamdamang minsang masayaran ng galing
at kadalasang halikan ng lagim
mga kamay na walang alinlangang kumalinga
sa tulad nating pinagdadamutan ng buhay
gayong walang anu-anong inagaw
nilang mga unipormadong halimaw
silang panatiko ng panggigipit at pagpaslang
ang apatnapu't tatlong nagdurugtong
ng ating naghihingalong hininga
gayong inagaw nang walang anu-ano
nilang pinagagana ng pulbura ang ulo
anong hakbang mayroon tayo?

heto, tandaaan natin:
ang hustisya'y hindi nakakamit sa panlilimos
sa bisa ng sama-samang pagkilos
at pagbibigkis lakas, tayo ang tutubos!
tandaan nating hindi tayo nanlilimos.


*Alay sa MORONG 43 at lahat ng bilanggong pulitikal
dito sa dayukdok nating sistema.

Linggo, Disyembre 5, 2010

Ang Tula Sa "Talahib"



Talahib

Talahib tayong nakahalik sa mga lupa.
Humihiwa sa mga kaluluwa
At balat ng naghuhumindig na gusali
Ng kawalan at kawalang katuturan.
Nakapupuwing tayo’t ipinagkakanulo.
Binubunot kung sakaling sagwil na’t sagabal
Sa nananatiling sistemang karnabal.
Ngunit nag-iiwan tayo ng sugat
Sa minanhid-ganid nilang balat.
Binubuwal tayo nguni’t hindi nadadaig.
Talahib tayong walang biyaya ng dilig
Kundi hamog ng mapagkalingang
Liwayway.
Talahib tayong nakahalik sa mga lupa.
Nag-uusbungan, nakakalat, nagmamasid.
Malaya tayong nakadungaw
Malaya tayong gumagalaw
Sa mga ligalig at pag-ibig ng paligid.
Talahib tayong hindi napapatay
Ng apoy ng tugatog at bigwas ng matatayog.
Talahib tayong hindi maglalaho
Uusbong tayo at lalago
Hadlangan man ng lagablab ng impiyerno.

Talahib tayong magpapatuloy.


--M.J. Rafal